Malawakang nakapokus na operasyon ng 203rd Brigade sa Timog Mindoro, binibigo!

,

Binigo ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA-Mindoro ang pag-atakeng inilunsad ng 203rd Brigade noong ika-11 ng Hulyo 2024 sa Sityo Lukban, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Aktibong pagdepensa ng Pulang Hukbo ang kinaharap ng umaatakeng pasistang tropa ng reaksyunyaryong gobyerno. Sa naganap na labanan bandang 6:05 ng umaga na tumagal ng 20 minuto, nagtamo ang pasistang tropa ng hindi bababa sa 3 patay, bukod pa ang mga sugatan. Nakaatras naman nang ligtas ang Pulang Hukbo na may isang sugatan na agad namang nilapatan ng lunas habang umaatras.

Ang aktibong pagdepensa ay ginawang patakaran ng NPA bilang tugon sa malawakang nakapokus na operasyon na inilunsad ng 203rd Bde sa timog Mindoro na may partikular na tutok sa Mansalay at Bulalacao. Naging hudyat ng malawakang nakapokus na operasyon ng mga pasista ang isang inembentong engkwentro sa diumano’y mga NPA sa Barangay Benli, Bulalacao, Oriental Mindoro noong ika-25 ng Hunyo na ini-upload pa nila sa social media. Ilang oras lamang matapos ang gawa-gawang insidente, huramentadong inalpasan nito ang ilang kolum ng tropa sa interyor ng Bulalacao at Mansalay. Sinaklaw ng maniobra ng mga tropang ito ang hangganan ng Mansalay at Roxas, ganundin sa bahaging San Jose at Magsaysay. Kaya nagmistulang nakagarison ang malawak na kabundukan at laylayan ng mga bayan ng Mansalay, Bulalacao, Roxas sa Oriental Mindoro at ang Magsaysay at San Jose sa Occidental Mindoro. Ang mga kampong militar na dati nang nakapwesto sa interyor at laylayan ng nasabing bayan ay nanatili at nagsilbing pangsuportang kolum sa arangkada ng mga nanghahalihaw na tropa. Sa kapatagan naman may katugon na mga tsekpoynt sa mayor na mga kalsada.

Matapos ang labanan sa Sityo Lukban, lalong suminsin ang operasyon sa anyo ng pursuit operation sa napalaban na yunit ng LDGC NPA Mindoro. Gumamit ng blackhawk helicopter at dalawa pang heligunship bilang suportang pamutok at pangmaniobra ng kanilang pwersang pambanat ang mga pasista. Upang gumanti at maghasik ng teror sa komunidad ng katutubo, iligal na inaresto, sinampahan ng gawa-gawqng kaso at ikinulong si G. Itaw Ramunyan, ang sityo lider ng Lukban. Ilang araw matapos nito, inaresto’t ikinulong din ang dalawa pang Mangyan-Hanunuo kasama ang dalawa nilang pasahero habang nasa byahe sa sityo Tambangan, San Roque, Bulalacao. Sa kabila ng mabalasik na postura ng mga nauulol na asong 203rd Bde, bigo ito at patuloy ng binibigo ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pasistang pagtugis.

Ang ikinasang nakapokus na operasyon ng AFP-PNP ay gumamit ng laking batalyong pwersa, nagdadala ng labis-labis na kalamangan sa sandata, kagamitang pandigma at rekurso. Daan-daang milyong pera ng bayan ang ibinubuhos ng pahirap, papet at pasistang rehimeng US-Marcos sa kanyang mersenaryong tropa. Imbing hangad ng 203rd Bde at ng rehimeng US-Marcos II na tapusin ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa Mindoro. Ang rebolusyonaryong kilusan na ito ay subok na sa pagsulong ng pakikibaka upang ipagtanggol ang karapatan at kagalingan ng mga katutubong Mangyan, mga magsasaka at iba pang demokratikong uri at sektor at lumalaban para sa pambansang kalayaan.

Hatid ng mapanalasang operasyon ng mga pasista, sibilyan laluna ang mga katutubo ang higit na pinahihirapan, ginigipit at nilalabag ang karapatan. Pinapataw ang batas militar sa mga pamayanang saklaw ng operasyon kung kaya kontrolado ang pagkilos ng mga mamamayan. Maging ang batayang pagtugon sa pangunguha ng pagkain, pangangalaga sa pananim at mga alagang hayop at kahit ang pagbili ng pangangailangan ay isinilalim sa mahigpit na kontrol.

Lalong nagagatungan ang galit ng mga Mindoreño sa mga pasistang sundalo dahil sa paulit ulit na panghahalihaw ng FMO at RCSP sa mga komunidad ng Mangyan at magsasaka. Sa katunayan dalawang yunit sa RCSP ng 203rd Bde ang nakakampo sa dalawang sityo malapit lamang sa pinaglabanan—ang nasa Sityo Dagum, Barangay Benli, Bulalacao at sa Sityo Yabat, Barangay Naibuan, San Jose. Kaakibat ng pagkampo ng mga ito sa loob ng mga pamayanan ang kaso ng paglabag sa batas ng digma na nagiging dagdag na pahirap at pang-aabuso sa mamamayan.

Ang pinaigting na kampanyang pagdurog sa mga rebolusyonaryong pwersa ng rehimeng Marcos II ay inudyukan ng US upang magamit nito ang AFP-PNP sa kanyang geo-political na ambisyong panatilihing nakapangibabaw sa Asya-Pasipiko sa harap ng umiinit na girian nito laban sa imperyalistang China. Ang ambisyong ito ng US ay tiyak na magsasadlak sa sambayanang Pilipino sa higit na kahirapan, pagkabusabos at pagkawasak ng buhay at kapaligiran. Nagiging instrumental ang papet na rehimeng Marcos II sa planong ito kasabay ng pangungunyapit sa kapangyarihan sa suporta ng US.

Patuloy na lalabanan at bibiguin ng mga rebolusyonaryong Mindoreño ang mga pag-atake ng 203rd Bde bilang ambag nito sa pagbigo sa kampanyang supresyon sa buong bansa. Buo ang kapasyahan at puno ng kagitingan, nagpupunyagi ito sa landas ng paglaban dahil sa malawak na suporta ng mamamayan.

Ang paghuhuramentado ng mga pasista ay patunay lamang sa bangkaroteng tugon ng gobyerno sa naghuhumiyaw na kahilingan ng sambayanan na lutasin ang kahirapan, kagutuman at kaapihan. Mas ginusto nitong tahakin ang solusyong militar at pasismo kaysa seryosong harapin ang mesa ng usapang pangkapayapaan upang lutasin ang digmang sibil na nasa pangunguna ng CPP-NPA-NDFP para sa komprehensibong solusyong sosyo-ekonomiko’t pulitikal. Paghamak, pagsupil at pagdurog ang solusyon na pinanghahawakan ng reaksyunaryong tehimen ayon sa dikta ng utak-pulburang US na hindi na natuto sa kabiguan ng imperyalistang agresyon nito sa Byetnam at sa iba pang panig ng mundo na tulad ng Pilipinas ay malakolonyal at malapyudal ang kalagayan.

Kaya wasto at nararapat lamang na tahakin ng mamamayan ang rebolusyonaryong solusyon at isulong ang digmang bayan sa balangkas ng pambansa demokrstikong programa. Ito lamang ang tanging solusyon sa kahirapan, kaapihan at dayuhang kontrol na dinaranas ng sambayanan.

Nanawagan kami sa mga Mindoreno na ibigay natin ang buong makakaya upang mag ambag sa pambansang kilusan sa pagtataggol ng kalayaan, karapatan at hustisyang panlipunan. Iambag ang pinakamahuhusay na anak ng bayan at sumapi sa rebolusyonaryong organisasyon at sumampa o magpasampa sa NPA. Ito ang hahawan ng landas para maitayo ang tunay na demokratikong gobyerno para sa malaya at progresibong Pilipinas.

Malawakang nakapokus na operasyon ng 203rd Brigade sa Timog Mindoro, binibigo!