Marine Battalion, salot sa Cagayan
Kamailan ay tumawag ng atensyon at naalarma ang AFP sa namataang “paggala” diumano ng dalawang Chinese vessels sa bahagi ng Philippine Rise (250-kilometro mula sa Dinapigue, Isabela). Agad namang nagpadala ng mga pwersa ng Philippine Coast Guard nang makalabas sa EEZ ang dalawang barko. Dahil sa insidente, napilitan ang AFP na amining wala talaga silang pwersang nakadeploy doon dahil “mas malayo at liblib” ito kumpara sa West Philippine Sea.
Ngunit maaalalang anim na taon na mula noong nagpadala ang Philippine Marines ng mga tropa sa Cagayan Valley para umano “tiyakin ang seguridad” sa noo’y Benham Rise. Pagmamayabang ng AFP, “kailangan ng bagong tropa upang ipagtanggol at panatalihin ng bansa ang soberanya nito sa Philippine Rise alinsunod na rin sa mandato ng dating rehimeng US-Duterte.” Binansagan pa nga itong “pinakamalaking mobilisasyon ng tauhan at kagamitan ng AFP sa hilaga.”
Sa isang banda, inamin din ng Nolcom noong Pebrero 2018 na mula Jolo, Sulu at Tawi-Tawi sa Mindanao ay kailangang ilipat sa rehiyon ang Marine Battalion Landing Team (MBLT)-8 upang tumulong sa JTF-Tala ng 5th ID laban sa BHB, liban pa sa tungkulin daw nitong depensahan ang teritoryo ng bansa mula sa China (maritime interest) at magsagawa ng humanitarian assistance and disaster relief. Ngunit sa aktwal, tanging paghahasik ng kontra-rebolusyonaryong dahas lang ang inatupag nito na ipinagpatuloy ng MBLT-10 mula nang mailipat sa northwest Cagayan at Ilocos ang MBLT-8.
Nabulabog ang katahimikan at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda ng East Cagayan mula nang nagtayo sila ng mga kampo at naglagi sa mga sibilyang komunidad sa ilalim ng RCSP. Noong nasa Awallan, Baggao pa ang kanilang 30th MC, pinasahol nila ang pangingikil sa mga usurero-komersyante gamit ang pangalan ng BHB na ipinagpatuloy naman ng mga sumunod na yunit. Nirereklamo din sila ng mga residente ng Mission, Sta. Teresita kung nasaan ng kanilang isang kampo noon dahil sa pagpaparada at paglalagay ng kanyon at iba pang mabibigat na armas malapit sa kabahayan. Takot at pangamba rin ang idinulot ng kanilang madalas na paglalasing na dala-dala ang kanilang mga baril.
Binalot ng ligalig ang mga baryong ipinasailalim nila sa RCSP kung saan madalas silang magpanggap na hukbo upang linlangin ang masa at dungisan ang prestihiyo ng BHB, gayundin ang arbitraryong paghahalughog sa mga kubo ng magsasaka sa malalim na oras ng gabi. Kabilang sa mga bigong tangkang ito ang paglusob nila sa bahay nila Bing Vasquez, myembro ng Anakpawis-Gonzaga, noong Marso 2021 upang taniman ng baril bilang gawa-gawang ebidensya. Paulit-ulit na “pinapasuko” si Vazquez at ang kanyang asawa at nakaranas ng surbeylans. Disyembre ng taong iyon ay pinaslang ang kanyang asawa ng mga nakabonet na kalalakihan na pinaghihinalaang pwersa-militar sa harap mismo ng kanilang bahay.
Parehong pandarahas ang sinapit ng mga magsasaka ng Sta Teresita na paulit-ulit na binalikan sa kanilang mga tahanan at iniimbitihan sa kampo para “sumuko.” Sa Sityo Paribalat, Dungeg, nagsilbi silang goons ng panginoong maylupa at dating militar na si Mayor Rodrigo de Gracia upang palayasin ang mga magsasaka sa kanilang mga lupang sinasaka kung saan deka-dekada na silang nakaposisyon. Batay na rin sa mga residente at nakasaksi, nagpakawala ng mga bala ng kanyon ang kampo ng MBLT sa Mission kasunod ng aerial bombing ng 501st IBDe sa Dungeg noong 2021, na tumarget sa kanilang mga sakahan sa Paribalat. Isinailalim din nila sa paulit-ulit na interogasyon at sikolohikal na presyur ang mga magsasakang nagbakwit. Sinundan pa ito noong Abril 2023 matapos ulit silang magpakawala ng kanyon sa mga kabundukan ng Aridowen. Kinasangkapan din sila ng Agriwaras Ventures Inc na pag-aari ng DDT Konstract Inc (DDTKI) ng burgesya-komprador na si Engr. Danilo Tamayo upang takutin at angkinin ang libong ektaryang lupa sa Sityo Tapuakan, Dagupan at Sityo Mammit, San Mariano sa bayan ng Lallo na sinasaka ng mga pambansang minoryang Kalinga.
Sila rin ang nagsilbing gwardiya sa operasyon ng magnetite offshore mining sa mga karagatan ng Gonzaga at Gonzaga, at ng black sand mining sa Cagayan River. Pinagbabawalan nila ang mga magsasaka na pumalaot lampas sa isang kilometro mula sa baybayin kahit na saklaw pa ito ng municipal waters. Nababagabag na rin ang mga residenteng nakatira sa tabing-dagat ng San Vicente, Sta. Ana kung nasaan ang Camp Camilo Osias Naval Base dahil sa madalas nilang pagpapaputok bilang bahagi ng mga pag-eensayo.
Pinakamatingkad ang naging papel ng MBLT kasama ang PNP sa marahas na demolisyon sa mga residente ng Sityo Racat, Rapuli, Sta Ana noong Abril 2019 laban sa land developer na CADILLAND Inc upang bigyang-daan ang itatayong resort ng CEZA. Nagpaulan ng bala at tear gas ang mga ahente ng estado at iligal na inaresto ang 16 magsasaka at mangingisda.
Dahil sa mga paglabag na ito sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, naglunsad ang BHB-East Cagayan ng mga aksyon militar katuwang ang mamamayan upang sila ay maparusahan at mapanagot. Taong 2019 nang pinasabugan ng isang tim ng BHB ang kanilang sasakyan sa Naddungan, Gattaran; isang marine din ang namatay kasama ang dalawa pang tropa ng CAFGU at RMFB sa isang isnayp sa Bigok, Alucao, Sta Teresita noong 2020 at ang pagparusa sa kanilang galamay at paniktik na si Angelo Asuncion noong 2021.
Napinsala rin ang kanilang hanay dahil sa mga misencounter sa pagitan ng ibang tropa ng AFP. Matatandang naging mapagpasya ang nangyaring sagupaan sa pagitan ng 17th IB at bagong-saltang MBLT-8 sa Rizal, Cagayan noong 2018 upang magkaroon ng depenidong AOR ang dalawang yunit. Subalit naulit muli ito noong Setyembre 28, 2021 matapos magkaroon ng labanan sa pagitan ng composite unit ng PA, RMFB, MBLT-10, at CAFGU sa Aridowen, Sta. Teresita na ikinasawi ng hindi bababa sa isang platun matapos ang limang oras na airstrike.
Ngayong lumalala ang tensyon sa mga karagatan ng bansa dahil na rin sa pagkontrol ng US sa AFP at sa pangangayupa ng rehimeng Marcos, puro pakitang-gilas lang MBLT-10 sa mandato nitong “karangalan, katungkulan at kabayanihan.” Dahil sa halip na tunay na “depensahan ang soberanya,” haligi naman sila ng dominasyon ng US sa Pilipinas na siyang pangunahing yumuyurak sa kasarinlan ng bansa. At ang mga kanyon, bomba, jet fighter atbp. kagamitang pandigma ay ginagamit, hindi sa “mananakop” kundi itinututok sa mga magsasaka at sa kanilang mga komunidad.