Pahayag

Mga Atake ng AFP at PNP, Binigo ng BHB-Gitnang Luzon! Matatagumpay na Taktikal na Opensiba, Inilunsad!


Hindi natitinag bagkus ay matatag na nilalabanan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at rebolusyonaryong mamamayan ang tuloy-tuloy na atake ng pasistang tropa ng rehimeng US-Duterte sa Gitnang Luzon. Noong 2018, nagtala ng hindi bababa sa 20 kaswalti ang kaaway sa mga magkakasunod na armadong labanan at aksyong militar ng BHB sa Nueva Ecija at Aurora. Labing-lima ang kumpirmadong patay at apat ang sugatan sa hanay ng mga pulis at militar. Naglunsad din ng matagumpay na pamamarusa ang BHB sa Tarlac-Zambales at Pampanga. Sa pagbubukas ng 2019, matagumpay namang nireyd ng BHB ang isang security agency sa Bulacan kung saan matagumpay na nasamsam ang 14 na armas.

Aurora. Matagumpay ang inilunsad na kontra-atake ng BHB-Aurora sa tropa ng 91st IB noong Setyembre 2 sa Brgy Villa at noong Nobyembre 14 sa Brgy Decoliat, kapwa sa bayan ng Maria. Tatlo ang kumpirmadong patay na kaaway sa laban sa Brgy Villa. Iniulat pa ng masa na maraming bangkay ng sundalo ang iniuwi sa kampo ng kaaway matapos ang labanan bagamat pinagtatakpan ito ng mga opisyal militar. Isa naman ang kumpirmadong patay sa kaaway sa labanan sa Brgy Decoliat. Sa hanay ng mga pulang mandirigma ay binigyan ng pinakamataas na parangal ng BHB-Gitnang Luzon sina Gerald “Ka Mat” Salonga at Noli Boy “Ka Nomer” Ronquillo na magiting na nag-alay ng buhay sa laban noong Setyembre 2.

Naglunsad naman ng atritibong aksyong militar ang BHB-Aurora sa gitna ng matinding operasyon ng kaaway noong Oktubre 16 at Nobyembre 12. Noong Oktubre 16 ay inambus ng isang yunit ng BHB ang back-to-back na sasakyan ng pulis na bumabaybay sa tulay ng Dimani, bayan ng Maria. Pinaputukan ito ng mga pulang mandirigma. Hindi bababa sa tatlo ang kumpirmadong patay sa kaaway. Noong Nobyembre 12 naman ay pinaputukan ng isang yunit ng mga pulang mandirigma ang detatsment ng mga militar at pulis sa boundary ng Bongabon, Nueva Ecija at Maria, Aurora. Isang militar at isang pulis ang kumpirmadong patay habang tatlo pang kaaway ang malubhang nasugatan. Walang kaswalti at ligtas na nakapagmaniobra ang mga pulang mandirigma.

Nueva Ecija. Matagumpay rin ang inilunsad na kontra-atake ng BHB-Nueva Ecija sa tropa ng 84th IB at PNP sa magkasunod na labanan noong Nobyembre 1 sa Malbang at Nobyembre 8 sa Masiway, kapwa sa bayan ng Pantabangan. Kasabay ng nag-ooperasyong tropa ng kaaway ay ang pagpapalipad nila ng drones sa lugar. Mapagpasiyang hinarap ng mga pulang mandirigma ang mga kaaway at nagdulot ito ng hindi bababa sa limang kumpirmadong patay na kaaway. Iniuulat din ng masa na nasa walong bangkay ang lihim na ibinaba ng mga nag-ooperasyong pulis para pagtakpan ang kanilang kaswalti. Ligtas namang nakapagmaniobra ang mga pulang mandirigma.

Bago pa ang mga nasabing labanan, noong Setyembre 17 ay naglunsad ng atritibong aksyong militar ang BHB-Nueva Ecija sa sityo Baong, Brgy Labi, bayan ng Bongabon. Pinaputukan ng isang yunit ng mga pulang mandirigma ang detatsment ng militar at CAFGU sa sityo Baong. Nagdulot into ng isang sugatan sa kaaway. Ligtas namang nakapagmaniobra ang mga pulang mandirigma. Ipinagbubunyi ng masa ang matatagumpay na aksyong militar laban sa mga kaaway na may mahaba ng listahan ng krimen at utang na dugo sa mamamayan ng Nueva Ecija at Aurora.

Noong Marso 21, matagumpay ring isinagawa ng BHB-Nueva Ecija ang aksyong militar laban sa pinagsanib na tropa ng 84 IB, PNP Carranglan at NE PPSC. Pinagbabaril ng isnayper yunit ng BHB ang sasakyan ng PNP na lulan ang mga pulis at militar sa Brgy Piut, Carranglan sa kahabaan ng Cagayan Valley Road (CVR). Naisagawa ang matagumpay na aksyong militar sa gitna ng malaking operasyong kombat ng 84 IB sa bulubundukin ng Caraballo at sa kabila ng nakapakat na Peace and Development Teams (PDTs) ng kaaway sa lahat ng mga baryo ng Carranglan na nakabaybay sa CVR. Patay ang isang pulis habang sugatan ang iba pa. Ligtas namang nakapagmaniobra ang mga pulang mandirigma.

Mula pa noong Hunyo ay tuloy-tuloy nang inaatake ng laking-batalyong pwersa ng 91st IB ng 7th ID ang hangganan ng Bongabon, Nueva Ecija at Aurora. Tuloy-tuloy din ang atake ng buong 84th IB sa mga bayan ng Carranglan, Lupao, San Jose at Pantabangan, Nueva Ecija hanggang sa mga bayan ng Silangang Pangasinan mula pa noong Enero. Nagtayo rin sila ng mga PDTs sa bayan ng Bongabon at Carranglan. Ipinakat rin ang operasyong militar at PDTs ng 69th IB sa mga bayan sa kapatagan ng Nueva Ecija. Matapos ang magkakasunod na matatagumpay na aksyong militar ng BHB ay dinagdagan pa ang mga pwersa ng kaaway sa lugar. Idinagdag ang mga tropa ng 48th IB at 71st Division Reconnaissance Company (DRC) sa hangganan ng Nueva Ecija at Aurora.

Patuloy din ang panggigipit ng kaaway sa mga lider-magsasaka at masa sa lugar. Noong Oktubre 13 ay ilegal na inaresto ng 7th ID at PNP sa Natividad, Nueva Ecija sina Yolanda Ortiz ng Anakpawis, Eulalia Ledesma ng Gabriela, Rachel Galario at Edzel Emocling na estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP). Sila ay nasa lugar para tumulong sa mga magsasakang nasalanta ng bagyong Ompong. Hanggang ngayon ay nakakulong pa rin sina Ortiz at Ladesma sa Nueva Ecija Provincial Jail. Mula Oktubre 18 hanggang sa ngayon ay nawawala pa rin si Joey Torres Sr., rehiyonal na koordineytor ng Bayan Muna sa Nueva Ecija. Siya ay pinaghihinalaang dinukot ng mga elemento ng kaaway at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin inililitaw.

Tarlac at Zambales. Pinasuntok naman sa hangin ng mga yunit ng BHB-Tarlac at BHB-Zambales ang mga laking kumpanyang operasyon ng koordinadong tropa ng 24th IB, 3rd Mechanized Batallion, Special Operations Wing (SPOW) ng Air Force, Special Action Force (SAF) at lokal na PNP sa hangganan ng Tarlac at Zambales ngayong taon. Nagtayo rin ang mga kaaway ng PDT sa 6 na baryo sa nasabing lugar. Tuloy-tuloy rin na ipinapatawag at pinagbabantaan ng mga tropa ng kaaway ang mga lider-magsasaka sa lugar. Nagbanta rin ang kaaway na lahat ng Aeta na walang maipapakitang ID ay papatayin kaya naobliga ang mga masa na bumaba ng bundok at magp-ID sa bayan. Sa kabila ng militarisasyon sa lugar, noong Hunyo 23 ay matagumpay na nakapaglunsad ng aksyong militar ang BHB upang pinsalain ang kagamitan sa konstruksyon ng Capas-Botolan Road na nagbibigay daan sa malawakang pangangamkam sa lupa ng mga magsasaka sa lugar. Ganap na nasunog ang backhoe ng kumpanya habang ligtas na nakapag-maniobra ang mga pulang mandirigma.

Pampanga. Noong Pebrero 12, 2018 ay pinarusahan ng BHB si Inggo Serrano, tubong Planas, Porac, Pampanga. Si Inggo ay lantad na asset ng Air Force at army na aktibong ahente ng pasistang estado. Gamit siya ng militar sa pananakot, pagbabanta sa mga masa na sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Aktibo rin siyang ahente ng Comprehensive Local Integration Program (CLIP) ng DILG na nag-uudyok sa mga kabataang nag-NPA man o hindi na sumurender sa Airforce. Si Inggo ay taksil sa interes ng masang Ayta. Sa halip na makiisa sa hanay ng masang magsasakang nagtatanggol sa lupang ninuno, ang kanyang tinataguyod ay ang interes ng mangangamkam na panginoong maylupa at mga dayuhang kapitalista. Ipinagbunyi ng mga masa ng Pampanga ang ginawad na parusa kay Inggo.

Bulacan. Matagumpay na nireyd ng BHB-Bulacan ang upisina at detatsment ng Seraph Security Agency (SSA) sa Barangay San Isidro, San Jose Del Monte City, Bulacan noong Pebrero 25, alas-7:14 hanggang alas-9 gabi. Nakumpiska ng BHB ang 12 mataas na kalibreng baril, dalawang pistola, mga bala at pitong Icom radio. Mayroong mahigit 40 armadong gwardya at maton ang SSA na nagsisilbing pwersang panseguridad ng Ayala Lands at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Inaagaw ng mga ito ang mahigit 700 ektaryang lupain ng mga magsasaka at katutubong Dumagat at Remontados. Ayon kay Ka Jose Del Pilar ng BHB-Bulacan, sa pamamagitan ng SSA, kundi tinatakot ay pwersahang binibili ng Ayala Lands at BSP sa napakamurang halaga ang mga sakahan at lupaing ninuno ng mga residente. Resulta nito, mahigit 200 pamilya na ang napalayas sa naturang barangay.

Ang pagpapatindi ng militarisasyon sa mga probinsiya ng Gitnang Luzon ay sistematikong ipinapatupad ng Rehimeng US – Duterte sa ilalim ng Oplan Kapayapaan upang isulong ang kaniyang pansariling interes at interes ng kaniyang mga alipores at among imperyalista. Malawakan ang pangangamkam ng lupa ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri sa rehiyon. Libu-libong ektaryang lupain sa kabundukan ang kinamkam upang gawing pribadong plantasyon sa ilalim ng bulok na proyektong National Greening Program (NGP). Libu-libo ring magsasaka ang nawawalan ng lupa dahil sa mga malalaking proyekto ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri tulad ng pagtatayo ng Aurora Pacific Economic Zone (APECO), Clark New City sa hangganan ng Pampanga at Tarlac, Balog-balog Dam at Aboitiz Geothermal Power Plant sa hangganan ng Tarlac at Zambales at iba’t ibang dayuhang pagmimina sa rehiyon. Kabi-kabila rin ang ginagawang kalsada sa ilalim ng “Build, build, build” ni Duterte tulad ng Dalton East Alignment Road (DEARP) at Central Luzon Express Way (CLEX) sa Nueva Ecija at ang Capas-Botolan Road sa hangganan ng Tarlac at Zambales.

Pinapalayas ng dayuhang imperyalista at uring mapagsamantala ang mga magsasaka sa kanilang lupa upang makapagtayo sila ng mga plantasyon ng hilaw na materyales habang hinuhuthot naman ang likas-yaman ng lupa at tubig. Ginugutay-gutay naman ng mga kalsada ang kalupaan ng rehiyon upang mapabilis ang paghahakot ng mga imperyalista at kapitalista ng mga hilaw na materyales at magamit sa kanilang produksyon habang pinapabaha naman nila sa kanayunan ang mga ibinebenta nilang yaring produkto. Mapapabilis din ng mga kalsada ang pagdagsa ng mga berdugong militar at pulis na pumupunta sa kanayunan upang protektahan ang interes ng kanilang mga among dayuhan at lokal na naghaharing uri. Malinaw na ang tumitinding atake ng AFP-PNP sa Gitnang Luzon ay ang pag-gamit ng dahas ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri para patindihin pa ang pagsamantalahan sa masa. Sa pagtindi ng pandarahas ng naghaharing uri ay higit ding iigting ang armadong pakikibaka na inilulunsad ng BHB at sambayanan upang durugin ang kaaway at ipagtagumpay ang Digmang Bayan! #

Mga Atake ng AFP at PNP, Binigo ng BHB-Gitnang Luzon! Matatagumpay na Taktikal na Opensiba, Inilunsad!