[Aklat] Mga Mensahe sa Mayo Uno
Inililimbag ng Kawanihan sa Impormasyon ang maliit na librong ito ng “Mga Mensahe sa Mayo Uno” na naglalaman ng koleksyon ng mga pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa uring manggagawa sa Mayo 1 sa mga taong 2017 hanggang 2022.
Mga Mensahe
sa Mayo UnoMakabuluhan ang paglalabas ng koleksyong ito sa harap ng matinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Isinasadlak nito ang masang anakpawis sa hirap at pagdurusa. Tumitindi ang pampulitikang paniniil sa desperasyon ng naghaharing uri na ipagtanggol ang naghaharing bulok na sistema.
Lahat nang ito’y nagtutulak sa mga manggagawang Pilipino na isulong ang mga pakikibakang masa para ipaglaban ang kanilang kagalingan at mga karapatan. Para tuluy-tuloy na palakasin ang hanay ng mga manggagawa, importante na mapalalim ang pag-unawa ng mga manggagawa sa kanilang kinakaharap na problema, kung papaano ito naka-ugnay sa pang-aapi ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at paano mawawakasan sa pamamagitan lamang ng isang panlipunang rebolusyon.
Ang krisis ng naghaharing sistema ay nagluluwal na napakainam ng kundisyon para itaas ang maka-uring kamulatan ng mga manggagawang Pilipino at ikintal sa kanilang kamalayan ang susing papel nila sa pamumuno sa buong sambayanan sa pakikibaka para baguhin ang buong sistema sa Pilipinas at kamtin ang inaadhikang pambansa at panlipunang paglaya.
Layunin ng koleksyon na ito na makatulong sa pagpapanday ng proletaryong kamulatan ng mga manggagawang Pilipino. Nilalaman nito ang anim na pahayag ng PKP na katugma sa panahong ang bansa ay napailalim sa anti-manggagawa at pasistang rehimeng US-Duterte.
Ang una sa mga pahayag na ito ay inilabas pagkatapos ng Ika-2 Kongreso ng PKP. Komprehensibong nitong inilahad ang mga tungkulin ng Partido sa pagpapalakas ng kilusang manggagawa. Ang mga pahayag sa mga sumunod na taon ay naglahad ng pagsusuri sa mga tampok na usapin na kinakaharap ng uring manggagawang Pilipino sa ilalim ng pasistang rehimeng Duterte, naglaman ng mga panawagan at naglahad ng mga tungkulin sa paglaban. Ang huling pahayag ay mensahe sa uring manggagawa sa buong mundo at nagbigay ng malawakang perspektiba sa kasalukuyang pagsisikap na palakasin at pamunuan ng proletaryo ang mga rebolusyonaryong pakikibaka sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang maliit na librong ito ay maaaring paramihin sa pamamagitan ng paglilimbag upang magamit ng mga kadre at organisador ng Partido, higit lalo ang mga kumikilos sa hanay ng masang manggagawa at anakpawis, bilang sanggunian o materyal para sa talakayan sa hanay ng mga manggagawa para sa pagpapanday ng mga bagong proletaryong rebolusyonaryo na magdadala ng makasaysayang tungkulin ng uring manggagagawa sa hinaharap.
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Mayo 1, 2023