Paglaban ang tanging landas sa ilalim ng rehimeng US-Marcos

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinapagdusa ang sambayanang Pilipino ng papatinding pang-aapi at pagsasamantala sa harap ng paglala ng mga saligang problema ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Batay sa kasalukuyang takbo, aasahan sa susunod na limang taon ang walang kapantay na korapsyon, terorismo ng estado, pangangayupapa sa mga dayuhan at mga patakarang kontra-mamamayan. Walang ibang mapagpipilian ang malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka at lahat ng nagbabanat ng buto kundi ang militanteng lumaban upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at isulong ang kanilang hangarin para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Korapsyon

Naluklok si Marcos Jr sa poder sa pamamagitan ng maliwanag na automated na pandaraya noong halalang 2022 na may ebidensyang isinawalat ng mga ekspertong teknikal na nagpakita ng kwestyunableng pinanggalingan at transmisyon ng mga boto noong bilangan. Kaya sa mata ng malawak na saray ng sambayanang Pilipino, ilehitimo ang pagiging pangulo ni Marcos, na nagatungan pa dahil sa hilig sa mamahaling pamamasyal sa ibang bansa, ang walang tigil na pambabaluktot sa kasaysayan para pagandahin ang imahe ng diktador niyang ama, at pagmamadaling ilagay sa marurumi niyang kamay ang daan-daang bilyong pisong pondong pampubliko.

Mula sa tuktok ng bulok na reaksyunaryong sistemang pampulitika, abala ngayon si Marcos sa pagbawi at pagseguro sa nakaw na yaman ng kanyang pamilya na kinamkam noong 14-taong batas militar ng diktadura ng kanyang ama. Si Marcos, ang mga kroni niya at kanilang tagapagmana—mula kay Juan Ponce Enrile hanggang sa mga Benedicto at Floirendo—ay kinakamkam muli ang kanilang yaman, ginagamit ang burukratikong pribilehiyo at pinalalawak ang kanilang dinastiya sa pulitika.

Para makuha ang katapatan ng militar at pulis, patuloy na binibigyang-layaw ni Marcos ang mga tauhan nito ng matataas na sweldo, bonus at iba pang bentahe. Ipinanlalangis sa aktibo at retiradong mga upisyal militar ang napakalaking pondo para sa “modernisasyon” at kontra-insurhensya.

Gamit ni Marcos ang kanyang kapangyarihan upang bigyang-proteksyon ang lokal na malalaking burgesyang komprador na imbwelto sa ismagling, na marami’y bumubuo rin ng mga kartel na kumokontrol sa lokal na suplay at presyo. Bilyun-bilyon ang binubulsa nila sa halos iligal na operasyon, habang nagdurusa ang sambayanang Pilipino sa sumisirit na presyo.

Kasabwat sa pulitika ni Marcos ang kasimbulok na mga Duterte at Arroyo. Utang ni Marcos kay Duterte ang gawa ng kompyuter na “landslide” sa eleksyong 2022. Kapalit nito, patuloy niyang binubuhusan ng bilyun-bilyong pisong pondo ang mga proyektong pang-imprastruktura sa Davao at Mindanao, at binigyan si Vice President Sara ng susing pusisyon sa gubyerno, dagdag na pondo, at espesyal na papel sa sektor sa depensa. Bilang ganti naman sa pagbibigay ng suportang pampulitika kay Marcos, si Gloria Arroyo ay nabigyan ng espesyal na lugar sa mga biyahe ni Marcos para makakuha ng mga areglo pangnegosyo at maseguro ang bilyun-bilyon niyang nakalagak sa mga dayong bangko.

Ang Marcos-Arroyo-Duterte na alyansa sa korapsyon at tiraniya ay di monolitiko. Lumitaw na rin ang mga lamat nito dahil sa maagang paghahanda para sa 2028. Ang tangkang baguhin ang konstitusyong 1987 para alisin ang mga term limit ay nabigong ipasa sa kongreso.

Plano ni Marcos na pirmahan ang Maharlika Investment Fund, malamang bago ang kanyang state of the nation address sa katapusan ng buwan, upang masimulan nang gamitin ang P500-bilyong pondo nito para paburan ang kanyang mga kroni at mapalawak pa ang kanyang impluwensyang pampulitika. Ang MIF ay nakatakdang magsilbing inang pondo ng korapsyon ng rehimeng Marcos.

Pangangayupapa sa dayuhan

Nangangayupapa ang rehimeng Marcos sa mga dayong kapangyarihan, pangunahin na sa pangmilitar, geopulitikal at pang-ekonomyang interes ng imperyalismong US, at ng mga ahenteng pampinansya nito sa World Bank at iba pang institusyon. Yumuyuko ito sa superpower na China kahit pa tahasan na ang pangmilitar at pang-ekonomyang panghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Habang naninibugho ang US at iba pang sentrong kapitalista na protektahan ang kanilang mga ekonomya, patuloy namang itinutulak ni Marcos ang mga patakarang neoliberal na nagwawasak sa mga lokal na produktibong pwersa, umaagaw ng mga kagamitan sa produksyon ng mamamayan at sumisira sa lokal na ekonomya.

Kabilang sa mga hakbanging ito ang ibayong liberalisasyon sa importasyon ng mga produktong pang-agrikultura sa kapinsalaan ng mga lokal na prodyuser at malawak na masa ng mamamayan. Bunga nito, ang lokal na suplay ng bigas, asukal, sibuyas, mga gulay at iba pang pagkain ay namemeligrong maging ganap na nakasalalay sa pag-aangkat. Natutulak sa pagkabangkarote ang mga lokal na prodyuser sa agrikultura, kabilang ang maliliit na nagbubungkal ng lupa.

Noong nakaraang taon, sumirit sa $11.8 bilyon ang depisito sa kalakalan sa agrikultura, pinakamataas mula 1979. Aabot sa walang kapantay ang inaangkat na bigas. Ang pagpapatibay ni Marcos kamakailan sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ay tiyak na magpapabaha ng mga dayong produktong pang-agrikultura na magreresulta sa malawak na dislokasyong pang-ekonomya. Halos nagiging ganap na ang kapangyarihan ng mga kartel ng mga burges komprador at kanilang dayong kasosyo, na kontrolin ang suplay at presyo ng pagkain sa bansa.

Sinusubasta ni Marcos ang bansa sa mga dayong malalaking kapitalista sa pag-akit niya sa mga dayuhang mamumuhunan, pinapangakuan ng operasyong libre sa buwis at murang lakas-paggawa. Gayunman, patuloy na humihina ang dayuhang pamumuhunan sa bansa habang lumalaki ang banta ng pandaigdigang pagbagal ng mga ekonomya.

Ginagamit ni Marcos ang pwesto niya bilang kalihim sa agrikultura para itulak ang mga programang dikta ng mga dayuhan. Ang biglang paglaki ng badyet ng Department of Agriculture ngayong 2023 ay ginamit ni Marcos para paramihin ang importasyon ng abono at mga makinarya para ibenta o ipautang sa mga lokal na magsasaka at maliliit na prodyuser. Tulad ng kanyang ama, nakikipagsabwatan ngayon si Marcos Jr sa malalaking mga korporasyong agribisnes upang itulak ang paggamit ng mga binhing may patent, mga abonong kemikal at iba pang input para diuamno itaas ang ani sa palayan, katulad ng ginawa noong Masagana 99 na naglubog sa masang magsasaka sa utang.

Ang pangangayupapa ni Marcos sa imperyalismong US ay matingkad na makikita sa pagpayag niya sa plano ng US na magtayo ng hindi bababa sa apat pang base militar, dagdag sa limang meron na, sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Dalawa sa mga base at pasilidad na ito’y itatayo sa prubinsya ng Cagayan, isa pa sa Isabela at isa sa Palawan. May iba pang pasilidad na patagong itinatayo, kabilang ang sa mga prubinsya ng Ilocos, gayundin sa Babuyan islands.

Ang pagtatayo ng mga pasilidad na ito ay bahagi ng plano at estratehiya ng US na pigilan ang paglakas ng China sa pamamagitan ng pagpalibot dito mula sa First-Island Chain at pagbanta sa soberanya ng China sa Taiwan. Dahil sa mahigpit na pakikipagsabwatan sa US ng rehimeng Marcos, laluna ng mga upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nahihila ang bansa sa sigalot ng US-China na maaaring humantong sa ganap na armadong komprontasyon at gera, na makasasama sa pambansang interes ng Pilipinas.

Ang pagkatig ni Marcos sa patakarang panlabas ng US ay lalo pang pinagtibay sa pagpirma kamakailan kasama ng US sa Bilateral Defense Guidelines, na nagpatibay sa Mutual Defense Treaty at iba pang mga kasunduang militar na nagbibigay sa US ng ekstrateritoryal na karapatan sa bansa.

Mga patakarang anti-mamamayan

Habang nagmamadaling isabatas ang MIF, binabalewala naman ni Marcos ang malawak na panawagan ng iba’t ibang sektor para sa agarang aksyon.

Hindi pinapansin ni Marcos ang malawak na sigaw para sa makabuluhang dagdag sahod para makaagapay ang mga manggagawa at ordinaryong kawani sa pagsirit ng mga presyo at para pigilan ang pagdausdos ng antas ng kanilang pamumuhay. Ang kautusan kamakailan na itaas ng P40 ang arawang minimum na sahod sa National Capital Regioin ay isang malaking insulto sa mga manggagawa. Wala pang 7% iyon ng agwat sa pagitan ng family living wage na P1,160 at ng kasalukuyang arawang minimum na sahod na P570.

Nagbubulag-bulagan si Marcos sa masidhing problema ng disempleyo. Pilit itinatago ng mga upisyal niya sa ekonomya at mga statistician ang tindi ng krisis sa trabaho sa pamamagitan ng pagkukubli ng datos sa walang trabaho sa pinalaking numero ng impormal, self-employed at part-time na manggagawa. Puspusang itinutulak ni Marcos ang labor export policy (pagluluwas ng lakas paggawa) bilang solusyon sa lokal na problema ng disempleyo, kung saan libu-libong Pilipino ang araw-araw na ipinadadala sa ibang bansa, habang kinakaltasan ang kanilang kita sa walang katapusang mga bayarin.

Nagbibingi-bingihan si Marcos sa panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at kagyat na ayudang pang-ekonomya sa gitna na malawakang krisis sa agrikultura. Sa halip, itinutulak nito ang bagong batas sa gamit sa lupa (National Land Use Act) para padaliin ang malawakang pagpapalit-gamit na nagpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang lupa. Ang pagmamadali na palawakin ang mga plantasyon at operasyon sa pagmimina, pagtatayo ng mga dam at iba pang imprastruktura, mga proyektong ekoturismo, pati na renewable energy, ay nagreresulta sa malawakang dislokasyon at disempleyo sa kanayunan.

Ang mga patakaran at programa ng rehimeng Marcos ay nagrereuslta rin sa pangangamkam at dislokasyong pang-ekonomya, pati na pagkawasak ng kapaligiran, kung saan ang iba’t ibang sektor ng masang anakpawis ay natataboy mula sa kanilang pinagkukunan ng kabuhayan. Kabilang dito ang diumano’y “transportation modernization program” na magkakait sa karapatan ng daan-daan libong drayber at opereytor ng dyip na mamasada. Libu-libong mahihirap na mangingisda naman ang pinagkakaitan ng kabuhayan sa pagtulak ni Marcos ng iba’t ibang proyektong reklamasyon ng lupa kasabwat ang mga dayuhang kapitalista at bangko. Pagkakait din ng kabuhayan ang dinaranas ng iba’t ibang may maliliit na kita dahil sa samu’t saring mga hakbanging kontra-mahirap at kontra-mamamayan.

Halos walang ginawa si Marcos para lutasin ang problema ng mataas na presyo ng pagkain at iba pang saligang pangangailangan. Ang kakarampot na tindahang Kadiwa ay mas para ibalik ang imahe ni Imelda at ng batas militar, kaysa tunay na bigyan ang sambayanan ng mabibilhan ng abot-kayang bigas, asukal at iba pang bilihin. Tinatalikuran ni Marcos ang panawagang bilhin ng estado ang mga suplay pang-agrikultura mula sa lokal na prodyuser upang tulungang itaas ang kita sa kanayunan at tiyakin ang sapat na suplay. Nakikipagsabwatan ito sa mga kartel upang manipulahin ang suplay ng bigas, sibuyas, gulay at iba pa upang bigyang-matwid ang pag-aangkat at para itaas ang presyo.

Prayoridad ng pambansang badyet ni Marcos ang pagbabayad-utang, pagpapalayaw sa bundat na militar at pulis, pondong lihim at pang-intelidyens, maanomalyang mga proyektong pang-imprastruktura at iba pang programang anti-mamamayan. Samantala, lubhang kulang ang pondo para sa serbisyong edukasyon at pangkalusugan. Sobra-sobra ang trabaho at kulang na kulang ang sweldo ng mga pampublikong titser at mga manggagawang pangkalusugan. Hindi bayad ang kanilang bonus. Kulang na kulang ang pondo para sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo, at para sa free tuition law, dahilan na puo-puong estudyante ang taun-taong napupwersang huminto sa pag-aaral.

Pasistang terorismo

Patuloy na pinakakawalan ng rehimeng US-Marcos ang brutal at laganap na terorismo ng estado. Kasabay nito, pahigpit nang pahigpit ang kontrol ng militar sa buong burukrasya sa pamaamgitan ng National Task Force (NTF)-Elcac, sa ngalan ng “whole-of-nation approach” kung saan ang AFP ang nagmamando sa mga sibilyang ahensya at mga trabaho nito.

Sa kanayunan, naglulunsad ng mga kampanya ng panunupil ang mga armadong tauhan ng reaksyunaryong estado laban sa mamamayan na gumagamit ng higit na nakamamatay na pwersa. Itinututok ng mga tauhang militar, pulis at paramilitar ang kanilang mga baril, howitzer, jet fighter laban sa buo-buong mga sibilyang komunidad. Naghahari ang de facto na martial law sa kanayunan. Garapalang isinasagawa ng AFP ang isang gera ng panlilinlang upang ikubli sa publiko ang mga krimen ng mga tauhan ng estado. Binabaha nito ang publiko ng disimpormasyon at pekeng balita, at binabantaan ang mga tao ng midya at alternatibong midya na hindi susunod sa kwento ng AFP. Inaalimura ang mga nagtatanggol sa karapatang-tao at tinatarget ng armadong panunupil.

Tinatarget ng militar at pulis laluna ang mga organisasyong aktibo sa pagsulong ng pakikibaka para sa reporma sa lupa at pagtatanggol ng mga lupang ninuno ng mga katutubong pamayanan, higit lalo laban sa pagpapalawak o pagpasok ng pagmimina, plantasyon, ekoturismo at proyektong pang-enerhiya. Patuloy na pinaiigting ang mga operasyong militar na kinatatangian ng malakihang pagpapakilos ng mga armadong tropa, paghahamlet sa mga komunidad, paniniktik sa himpapawid, at mga operasyong pangkombat, sa desperasyong habulin ang kanilang deklarasyon ng “pagdurog” sa armadong rebolusyon. Ginagamit ng AFP ang mabibigat na bomba sa pambobomba mula sa himpapawid at panganganyon na labag sa prinsipyo ng proporsyunalidad sa ilalim ng international humanitarian law.

Kabi-kabila ang mga paglabag sa karapatang-tao at international humanitarian law. Dumarami ang mga kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay at mga masaker na kagagawan ng mga pwersang militar at pulis laban sa mga sibilyan at hindi kombatant, na umaabot na sa hindi bababa sa 100 biktima sa nagdaang isang taon, kasama ang limang bata, o halos dalawang biktima kada linggo. Dumarami ang naiuulat na kaso ng lihim na pagdakip, iligal at lihim na pagkukulong, tortyur at walang tigil na panggigipit. Tuluy-tuloy ang kampanya ng militar at pulis para pwersahin ang mga tao na “sumurender” sa malabong akusasyon na “pagsuporta sa BHB” na hindi naman sila sinasampahan ng kaso o inihaharap sa korte, na paglabag sa kanilang saligang mga karapatang sibil at pampulitika.

Sa mga syudad, tinatarget ng mga operasyong militar at pulis ang mga lider at kasapi ng mga unyong manggagawa na ginigipit sa kanilang mga bahay. Kadalasang kasabwat ang mga maneydsment ng mga kumpanya, itinutulak ng mga pwersa ng estado na kumalas sila sa mga progresibo at militanteng sentro ng mga unyon. Ginigipit din ang mga organisasyon sa mga maralitang komunidad. May mga kaso rin na inaakit ng mga sundalo at pulis ang mga tao ng pangakong “ayuda,” tapos malalaman na lamang nilang kasama na sila sa listahan ng mga “surrenderee.” Sa mga high school, kolehiyo at unibersidad, maya’t maya ang isinasagawang mga “seminar” ng mga tuahan ng militar at pulis para bantaan ang mga estudyante laban sa pagsali sa mga pambansa-demokratiko at mga progresibong organisasyon at alyansa ng mga estudyante na tahasang labag sa kanilang saligang mga karapatan at kalayaan. Tuluy-tuloy rin ang pambabanta at pagtatatak ng NTF-Elcac at kasuklam-suklam nitong mga kinatawan sa social media, sa mga organisasyon ng mga guro at mga manggagawang pangkalusugan.

Mag-organisa at lumaban

Sa kasalukuyan, ang rehimeng US-Marcos ang pinakakonsentradong pagkakatawan ng bulok na naghaharing sistema. Kinakatawan nito ang interes ng imperyalismong US at ng mga naghaharing uring malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa. Ang isang taong paghahari nito’y kinatatampukan ng korapsyon, pangangayupapa sa mga dayuhan, at terorismo ng estado. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, papalalang kundisyong panlipunan at papasidhing pampulitikang panunupil ang pinagdudusahan ng sambayanang Pilipino.

Walang ibang masusulingan ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino kundi ang isulong ang lahat ng anyo ng paglaban upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at buhay laban sa pasista terorista at papet na rehimen. Dapat tuluy-tuloy na isulong ang isang kilusan para buklurin ang pagkakaisa ng iba’t ibang mga uri at sektor. Dapat itatag o palakasin ang iba’t ibang anyo at klase ng organisasyon upang humalaw ang taumbayan ng tapang mula sa kanilang laksang bilang, at epektibong isulong ang kanilang mga pakikibaka.

Dapat patuloy na palakasin ang mga unyon at asosasyong manggagawa at itayo ang mga bago upang masigasig na isulong ang pakikibaka para sa karagdagang sahod at ang sigaw nila para wakasan ang kontraktwalisasyon. Dapat magpunyagi ang masang magsasaka sa pagbubuo at pagpapalakas ng kanilang mga organisasyon at samahan sa kanilang mga komunidad, kahit sa harap ng tahasang panunupil ng militar sa kanilang mga karapatan, upang isulong nila ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at iba pang kagyat na kahingian. Dapat patuloy na itatag at palakasin ng mamamayan ang kanilang mga organisasyon sa mga paaralan, upisina, mga komunidad sa kalunsuran, mga pagawaan, simbahan at iba pang lugar na nagtitipon ang mga tao, upang isulong ang iba’t ibang mga demokratikong kahingian.

Dapat isulong ng mamamayan ang mga pakikibakang pang-ekonomya at pampulitika at isulong ang malawak na kilusang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista sa pamamagitan ng pagpapakilos sa pinakamalaking bilang ng mamamayan. Dapat itatag ang malalapad na anyo ng alyansa sa batayan ng komun na patriyotiko at demokratikong tindig sa mahahalagang isyu mula sa MIF hanggang sa mga base militar ng US. Dapat puspusan at malawakang isulong ang mga kampanyang pang-edukasyon at pampropaganda upang puspusang ilantad at ihiwalay ang rehimeng US-Marcos sa batayan ng mga patakarang kontra-mahirap at kontra-Pilipino, at para pagbayarin ito sa dumaraming krimen ng terorismo ng estado.

Dapat ipagpatuloy ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pagsusulong ng digmang bayan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ugnayan nito sa malawak na masang magsasaka, pagtulong sa kanila na itatag ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, pagtulong sa pagsulong ng kanilang mga pakikibakang antipyudal, at paglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya. Dapat patuloy na maglunsad ang mga yunit ng BHB, kabilang ang mga yunit ng milisyang bayan, ng mga taktikal na opensiba upang ipagtanggol ang mamamayan, parusahan ang mga pasista sa kanilang mga krimen, at kunin ang kanilang mga sandata upang armasan ang mas marapi pang Pulang mandirigma.

Sa pagpapailalim sa sambayanang Pilipino sa higit na malalalang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala, nililikha ng rehimeng US-Marcos ang kundisyon na nagtutulak sa sambayanang Pilipoino na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may higit na sigla at determinasyon. Taglay ang mga aral sa nakaraan at humahalaw ng inspirasyon sa lahat ng kanilang bayani, ang sambayanang Pilipino at ang kanilang mga rebolusyonaryong pwersa ay magpupunyagi sa mahirap na landas ng pakikibaka hanggang makamit ang tagumpay.

Paglaban ang tanging landas sa ilalim ng rehimeng US-Marcos