Pagpatay sa mag-amang Abunin bahagi ng pasismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Duterte
Mariing kinukundena ng Norben Gruta Command (Bagong Hukbong Bayan-Camarines Sur) ang brutal na pamamaslang sa mag-amang Danilo Abunin Sr. at Danilo Jr. sa Brgy. Veneracion, bayan ng Pamplona, Camarines Sur. Petsa 26 ng Hulyo 2018, bandang alas 5:00 ng umaga biglang pinasok ng mga armadong nakabonet ang bahay ng pamilya Abunin at walang-awang binaril ang mag-ama.
Batay sa pagsusuri, ang nagsagawa ng krimen ay mga pwersa ng 22nd IB-CAFGU mula sa detatsment sa Brgy. Camange, Pasacao. Para hindi makilala ay nagsuot ng bonet ang mga salarin, tulad ng palaging ginagawa ng mga pwersang militar sa kanilang mga operasyong ekstrahudisyal na pamamaslang. Matapos ang pagpatay sa mag-ama, nakita ng ilang residente ang nasabing nakabonet na grupo sa di-kalayuang lugar na nagbihis ng kanilang unipormeng pang-militar.
Kung matatandaan, bago nangyari ang pagpatay sa mag-amang Abunin ay tinambangan ng isang tim ng NGC noong Hulyo 20 sa haywey ng Brgy. Veneracion si PFC Jhony Franco, myembro ng Military Intelligence Company (MICO) ng 9th ID. Napatay si Franco at nakumpiska ang kanyang cal. 45 service firearm at ilang mahahalagang datos na may kinalaman sa kanyang trabaho.
Dahil sa pagkapatay sa nasabing sundalo, ginantihan ang inosenteng mga sibilyan na walang kinalaman sa nangyari. Dagdag pa, ang pagpatay sa mag-amang Abunin ay nagdulot ng takot at dislokasyon ng ilang pamilya sa lugar. Ang MICO ang nasa likod ng palagiang presensya ng mga sundalo, CAFGU at grupo ng armadong nakabonet sa lugar na nagpapakalat ng impormasyong may isusunod pa silang papatayin.
Ang mga nangyaring ito ay patunay ng pasismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Duterte para isakatuparan ang Oplan Kapayapaan. Ang kanyang todo gera laban sa rebolusyonaryong kilusan ay laging bumibiktima sa mahihirap lalo na ang mga magsasaka sa kanayunan.
Biguin ang Oplan Kapayapaan at total war ng rehimeng US-Duterte!
Katarungan sa mga biktima ng pasismo ng estado!
Ibagsak ang Rehimeng US-Duterte!
Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!