Pinakamataas na pagpupugay sa sampung dakilang martir ng Pantabangan! Tunay na hukbo ng mahihirap, bayani ng sambayanan!

Pinakamataas na Pulang pagpupugay ang iginagawad ng New People’s Army-Josepino Corpuz Command sa sampung dakilang martir ng Pantabang, mga tunay na hukbo ng mahihirap, bayani ng sambayanang inaapi! Labis ang aming pagdadalamhati sa pagkabuwal ng mga mahuhusay at magigiting na kadre ng Partido at Hukbong Bayan. Ipinapaabot namin ang mahigpit na yakap at pakikiramay sa mga kapamilya, kaibigan, kasama, at mga masang tunay silang minahal. Walang pagsidlan ang aming hinagpis, poot, at galit sa mga berdugong militar dahil sa kanilang ginawang overkill.

Matapang na hinarap ang mga kaaway at buo ang paninindigang tanganan ang armas sa isang depensibang labanan noong June 26, hanggang huling hininga. Habang buhay na nakatatak sa kasaysayan ng digmang bayan sina Hilario “Ka Berting/Tonyo” Guiuo, Harold “Ka Luzon” Menosa, Marian “Ka Lunti” Castro, Archie “Ka Soral/Teo” Arceta, Asaze “Ka Shyla/Cha” Galang, Pepito “Ka Dylan” Bautista, Noel “Ka Eric/Tagumpay” Bedonia, Noel “Ka Angel” Bedonia, Jr., Reynan “Ka Mel” Mendoza, at Angelika “Ka Molly” Villalon sa walang pag-iimbot nilang pagsasakripisyo at pag-aalay ng buhay upang itaguyod ang demokratikong rebolusyong bayan sa Gitnang Luson.

Saksi ang malawak na kabundukan ng Sierra Madre sa kanilang mabubuting puso na handang pag-alayan ng lakas, talino, at buhay ang mga katutubong Dumagat, Igorot, Aeta, at masang magsasaka na patuloy na sinasadlak ng tatlong ugat ng kahirapan sa ating bansa. Simbigat ng Sierra Madre ang kabuluhan ng kanilang buhay, singlawak ng kapatagan ng Gitnang Luson ang kanilang ambag sa pagtatagumay ng digmang bayan, singtayog at singyabong ng mga puno sa kagubatan ang pagkilala ng sambayanan sa kanilang dakilang kabayanihan. Gaano man kasama isalarawan ng mga berdugong kaaway ang pagiging hukbo at komunista nila, hindi mabubura ang kanilang ginintuang karanasan sa pagsusulong ng interes at kagalingan ng mamamayan.

Ang sampung martir ng Pantabangan ay mga mabubuting anak ng bayan. Nagmula sila sa iba’t ibang henerasyon at uri, sa hanay ng mga magsasaka, mala-manggagawa, tsuper, taong-simbahan, at kabataang-estudyante. Lahat sila ay hinubog ng kanya-kanya nilang karanasan sa pakikibaka dahilan upang makita at maunawaan nila ang kawastuhan ng pagsusulong ng armadong rebolusyon. Mulat nilang binata ang mga kahirapan at sakripisyo ng pagiging tunay na hukbo, matapat silang nagpanibagong hubog upang pandayin ang sarili para maging mahuhusay na politiko-militar at kadre ng Partido. Walang tunay na sasaligan ang masang magsasaka kundi ang NPA lamang. Kaya’t sa kabila ng hirap, gutom, pagod, at pananabik sa kanilang mga mahal sa buhay, patuloy silang buong-panahong kumilos, masigasig na nagsisilbi, at buo ang determinasyong ipatupad ang mga rebolusyonaryong tungkulin upang itayo ang gobyerno ng mahihirap sa kanayunan.

Malaon nang naging handa ang bawat kasama sa kaakibat na mabibigat na sakripisyo ng kanilang dakilang propesyong pinili. Matapang nilang binubuo ang paninindigang sumulong sa araw-araw. Kaya’t sa kanilang pagkabuwal, tayo’y magdalamhati, at higit sa lahat, pagpugayan natin ang kanilang buhay. Gawing inspirasyon ang kanilang katapangan at paninindigan. Tayo’y sama-samang magpanday ng katatagan at pangibabawan ang anumang takot. Ito ang pinakamabisa nating sandata upang labanan ang iba’t ibang anyo ng terorismo ng estado.

Araw-araw nating dakilain ang ating mga bayani. Nabuwal man ang sampung magigiting na hukbo ng NPA-Gitnang Luson, hindi nito mapipigilan ang pag-igting ng digmang bayan sa Pilipinas sapagkat ang mga dahilan para magrebolusyon ay nananatili, humihinog ang sitwasyon upang patuloy na lumaban ang mamamayang api at pinagsasamantalahan. Magdalamhati, ngunit patuloy na makibaka!

Hustisya para sa Pantabangan 10!
Mabuhay ang sampung martir ng Pantabangan!
Mabuhay ang tunay na hukbo ng mahihirap, bayani ng sambayanan!
Mamamayan, lumahok at ipagtagumpay ang digmang bayan!

Pinakamataas na pagpupugay sa sampung dakilang martir ng Pantabangan! Tunay na hukbo ng mahihirap, bayani ng sambayanan!