Red-tagging at tanim na ebidensya, mga malisyosong taktika ng 80th IBPA

Mariing kinukundena ng NPA-Bulacan ang isinagawang reyd ng 80th IB, 70th IB at PNP-Bulacan sa bahay ng sibilyang si Ronnie Manalo sa Purok 4, Barangay Paradise III, San Jose Del Monte noong Hunyo 18, 2024 at ang paghahanap sa lider magsasaka ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan na si Cecile Rapiz. Malisyoso pang binansagan ng pasistang tropa si Manalo bilang NPA sa baluktot na pagbibigay-katwiran sa kanilang reyd, kung saan ginawang “ebidensya” ang tuso nilang itinanim na ripleng M16 shotgun, mga computer at dokumento. Malala pa rito ang kaakibat na red-tagging sa organisasyong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na iniuugnay ngayon sa CPP-NPA-NDF.

Ang ginawang reyd ng tropa ni Lt. Col. Mark Anthony Ruby ay kaso ng violation of domicile o pwersahang pagpasok sa tahanan ng sibilyan, at illegal/arbitrary search and seizure ang ginawang panghahalughog. Wala si Manalo sa kanyang tahanan nang mangyari ito kung kaya’t wala ring pahintulot ang pagpasok sa kanyang tahanan, lalo ang ginawang panghahalughog. Para makalusot sila sa paglabag na ito, tiniyak nilang gumawa ng kontrobersya sa pamamagitan pagtatanim nila ng ebidensyang armas at pag-uugnay nito sa organisasyong KMP bilang bahagi ng kriminal na iskema ng NTF-ELCAC na red-tagging sa mga progresibong organisasyon ng mamamayan.

Malinaw na atake sa mga magsasaka ang ginawang reyd, ilang araw lamang matapos gunitain ang pagpapatupad ng huwad na reporma sa lupa na CARP. Hanggang ngayon, lalo sa San Jose Del Monte, danas ng mga magsasaka ang nananatiling monopolyo ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador sa lupa at kaakibat na pang-aapi sa mga magsasaka.

Ang red-tagging sa organisasyong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at sa mga katulad ni Manalo na kumikilos para sa kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan ng mamamayan ay isang pagtatangkang gawing ilehitimo ang kanilang ipinaglalaban sa kadahilanan lamang na ang mga ito ay “kulay pula”. Inililihis nito ang usapin mula sa kasalukuyang mga suliranin ng mamamayan sa lugar–ang patuloy na pangangamkam mga Araneta, Ayala, Lopez at Sy sa lupa para sa kanilang mga anti-mamamayang proyekto tulad ng Colinas Verdes subdivision, Altaraza Estate, IT park, at SM San Jose Del Monte, pati ng mga proyekto ng reaksyunaryong gubyerno tulad ng MRT-7 na sumasagasa sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa.

Tinatangka ring ipambala ang tatak na pula upang maghugas-kamay at bigyang-katwiran ang mga naging madugo at marahas na panunupil sa mga nakikibakang magsasaka ng San Jose Del Monte tulad ng nangyari noong Tungkong Mangga Masaker noong 1999 at ng pamamaril sa mga magsasaka noong Enero 28, 2022 matapos ang iligal na demolisyon na ginawa ng Araneta Properties, Inc. at Securicore Agency sa Barangay Tungkong Mangga. Sa pamamagitan ng red-tagging, ginagawang target ng panunupil ng pasistang estado ang mga sibilyang nagsusulong lamang ng kanilang karapatan. Winawasiwas ang Anti-Terrorism Law upang takutin at isapanganib ang buhay ng nakikibakang mamamayan.

Hindi lang ang CPP-NPA-NDF ang nagtataglay ng mithiin ng mga magsasaka at iba pang mamamayang Pilipino para sa tunay na reporma sa lupa, suporta sa lokal na produksyon, at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan. Hindi katumbas ng paghawak sa mga prinsipyong ito ang pagiging miyembro ng CPP-NPA. Ito ay mga lehitimong interes at malaon nang panawagan ng maraming magsasakang Pilipino kung saan bahagi lamang ang mga kasapi ng organisasyong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Ang mga interes na ito ay siya namang buong itinataguyod ng CPP-NPA-NDF sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan dahil nakikita nitong tunay na makakamit lamang ng mga magsasaka ang karapatang ito sa ilalim ng Demokratikong Gubyernong Bayan.

Dapat kundenahin ng mamamayan ng Bulacan ang isinagawang reyd ng 80th IBPA, 70th IBPA at PNP-Bulacan. Dapat manatiling nagkakaisa ang mamamayan na ilantad at labanan ang iba’t ibang anyo ng panunupil sa nakikibakang mamamayan sa lugar.

Hindi man NPA ang mamamayan ng San Jose Del Monte na nakikibaka para sa lupa, pinakikita lamang ng pasistang estado sa kanyang pandarahas ang nagpapatuloy na kawastuhan ng pagtangan ng mamamayan ng armas upang epektibong ipaglaban ang kanilang karapatan at buhay.###

Red-tagging at tanim na ebidensya, mga malisyosong taktika ng 80th IBPA