Pahayag

Saludo sa mamamayan ng Eastern Visayas sa pagbigo sa kontra-rebolusyunaryong gyera ng rehimeng US-Duterte! Ibayong magkaisa at isulong ang digmang bayan upang labanan ang rehimeng US-Marcos II!

Pinakamataas na saludo ang pinapaabot ng Bagong Hukbong Bayan sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa at malawak na mamamayan ng Eastern Visayas sa matagumpay nilang pagbigo sa anim na taong todo gyera ng pasista-teroristang rehimeng US-Duterte.

Bigo ang ibayong pinatinding pasistang terorismo ng papet na estado sa pamumuno ni Duterte at ng Armed Forces of the Philippines na kontrol ng imperyalismong US, sa sirang plakang dedlayn nito na “durugin” ang rebolusyonaryong kilusan sa Eastern Visayas. Pawang bigo rin ang lahat ng pabagu-bagong target nitong durugin ang BHB sa 2019, 2021, at 2022, at kahit ang lubhang pinababang dedlayn na “limitahin” na lang o “bawasan” ang lakas ng hukbong bayan sa 2022. Nananatiling magiting na nakatindig ang lahat ng yunit ng BHB sa lahat ng prubinsya sa rehiyon, mula Northern Samar hanggang Southern Leyte. Hungkag ang lahat ng deklarasyong “nabuwag” ang kahit isang prente gerilya ng BHB.

Bagsak sa kanilang palad ang mga ulo ng kumander ng 8th Infantry Division na si Major General Edgardo de Leon at ng ibang matataas na upisyal ng dibisyon na napahiya sa kanilang bigong mga dedlayn. Upang malibre sa kahihiyan, sa mga araw bago ang Hunyo 30 ay kung anu-ano ang binubuladas nilang “nakamit” ng kanilang brutal na gyera laban sa bayan. Kabilang dito ang bilang ng mga “napasuko” na ang totoo karamihan ay mga sibilyan, mga baryong “nalinis” na raw sa impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan na karamihan ay napilitan lang, at mga pinatayong kalsada at programang “pagpasurender” na sinaid naman nila sa kikbak at korapsyon. Sa desperasyon, lantaran silang pumupulot ng mga numero sa hangin, gaya ng ilang daang-libong pisong halaga ng bigas at salapi na nakukuha raw ng BHB mula sa mga baryo sa Northern Samar batay sa kanilang gawa-gawang “intelligence report.”

Binigo ng mamamayan ng Eastern Visayas ang marahas na todo-gerra ng rehimeng Duterte sa kabila ng ₱5 bilyong pera ng bayan na winawaldas nito bawat taon upang maghasik ng takot at supilin ang digmang bayan at ang makatarungang paglaban ng mamamayan. Pinaulanan nila ng bala at bomba ang kanayunan, ang malawak na mga sakahan, ilog, at gubat na pinagkukunan ng hanapbuhay ng masang magsasaka. Ginamit nila ang mga dayuhang armas gaya ng drone, helikopter, mga riple, bomba at kanyon upang magtanim ng takot sa puso ng masa at hukbo. Pinatay, dinakip, tinortyur, inaresto, at inabuso nila ang napakaraming Pulang kawal na aktibo sa serbisyo, mga kadre ng Partido at susing masa sa lokalidad, mga retiradong kadre at mandirigma, mga aktibista sa kalunsuran, mga ordinaryong magsasaka, kababaihan, batang musmos, estudyante, katutubo at kahit mga may kapansanan.

Sa kanayunan, walang tigil ang pasistang militar na subukang takutin at demoralisahin ang mga rebolusyonaryong pwersa at magpakalat ng mga mapanglito at mapambuhag na mga linya gaya ng “lokalisadong usapang pangkapayapaan.” Sinakop nila ang daan-daang baryo at pinailalim sa kanilang paghahari ang buong mga sibilyang komunidad. Binraso nila ang mga upisyal ng barangay na magpirma ng deklarasyong “persona non grata” laban sa kanilang mga kababaryo. Sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga residente upang itayo ang kanilang kampo sa loob mismo o lubhang napakalapit sa baryo. Mas madalas pa nga silang magkampo sa barangay hall o sa bahay upang gawing kalasag ang mga nakapalibot na sibilyan. Nagpakalat sila ng mga kasinungalingan, binaluktot ang katotohanan at pinag-away ang mga tagabaryo. Pasimuno sila ng mga inuman, sugal, sabong, paggamit ng iligal na droga, pagpakalat ng pornograpiya, at pananamantala sa kababaihan.

Sa tindi ng pasistang terorismo ng kaaway, totoong may ilang masa at hukbo na nadala sa takot, “naglaylo” o nagpa-“clear.” Mayroong nadala sa panunuhol o sa mga hungkag na pangako ng gubyerno. Mayroong napakaliit na bilang ng mga lubusang tumalikod sa kanilang mga rebolusyonaryong prinsipyo at piniling magtaksil sa mamamayan. Kalaunan, napakarami sa kanila ang nalantad sa labis na paghihirap at kabulukan ng naghaharing sistema. Nalaman nilang kasinungalingan ang mga pangako ng “hanapbuhay,” “kapayapaan,” at “seguridad,” kahit pa para sa mga sukdulang nagtraydor. Malaking bahagi ng mga nagpa-“clear” ang patuloy na kumikilos para sa rebolusyon. Maraming nagtaksil ang napatawan na ng rebolusyonaryong hustisya.

Higit sa lahat, sa nagdaang anim na taon, higit na napanday ang masa at hukbong bayan upang lalong magkaisa at magpunyagi sa landas ng digmang bayan. Puno ng nag-aalab na rebolusyonaryong determinasyon, sumasandig ang masa sa hukbo, at sumasandig ang hukbo sa masa. Natutunan nilang sa pagtutulungan mabibigo nila ang pasistang terorismo ni Duterte at makapagdudulot ng pinsala sa kaaway. Bawat pag-atras ay pagkakataon upang makapulot ng aral. Bawat tagumpay ay pagkakataong magbunyi at sumulong pa. Sa kabila ng buhong na gyera ng pasistang estado, sa maraming lugar sa rehiyon, kahit sa mga muli pa lamang kinikilusan o unang beses pa lang na kinikilusan ng BHB, mainit pa ring sinusuportahan ng masa ang hukbong bayan at ang rebolusyon.

Kahit ganap nang natanggal si Duterte bilang pinuno ng papet na estado, walang ilusyon ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas na magdudulot ito ng kahit pansamantalang kapayapaan. Sa ibayong pagkabulok ng kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal, batid ang imperyalismong US at mga naghaharing uri na labis ang kagustuhan ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago, kaya kailangan itong marahas na durugin. Ito ang dahilan kaya binalik nila ang pamilya Marcos sa kapangyarihan at inilagay sa tuktok ng estado poder ang anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior. Dahil dito, lalo lang iigting ang gyerang panunupil laban sa mamamayan.

Ngunit hawak ng mamamayan ang mga aral ng mahigit 50 taong rebolusyonaryong pakikibaka kasama ang tunay na hukbo ng bayan at sa pamumuno ng Partidong ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, gayundin ang mga aral ng daan-daang taong rebolusyonaryong pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan. Lalo lang determinado ang mamamayan at ang BHB na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan upang labanan ang rehimeng US-Marcos II, gapiin ang pasista at reaksyunaryong hukbo, at ibagsak ang naghaharing sistema. Alam nilang sa pamamagitan nito maitatayo ang isang lipunang tunay na demokratiko at mapagpalaya.

Sa panahong ito, bigyan natin ng pinakamataas na saludo ang masa, mga Pulang mandirigma at kumander, mga kadre at kasapi ng Partido, na namartir sa pananalasa ng pasista-teroristang rehimen. Bigyan natin ng natatanging Pulang saludo sina Ka Mariano Adlao, Ka Antonio Cabanatan, at ang 22 Pulang mandirigmang namartir sa Dolores. Sa lalong dumidilim na gabi, nagsisilbi silang tanglaw at inspirasyon.#

Saludo sa mamamayan ng Eastern Visayas sa pagbigo sa kontra-rebolusyunaryong gyera ng rehimeng US-Duterte! Ibayong magkaisa at isulong ang digmang bayan upang labanan ang rehimeng US-Marcos II!