Pahayag

Sinsilyong ayuda sa mga biktima ng kalamidad sa Samar, modus sa pagpasurender ng AFP-PNP

,

Sa Western Samar, ikinagagalit ng mga magsasaka ang panloloko sa kanila ng mga elemento ng 63rd IB, 801st IBde at lokal na PNP na kumuha ng ayuda para sa mga naapektuhan ng kalamidad kapalit ang “pagsurender.”

Ayon sa ulat na natanggap ng Bagong Hukbong Bayan-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command o BHB-AOC), pinalabas ng mga sundalo at pulis na ang mga magsasakang kukuha lang dapat ng ayudang pera at pagkain noong Nobyembre 20 ay mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan na “boluntaryong sumuko.”

Reklamo ng mga residente, sinabihan sila ng AFP-PNP na makakatanggap sila ng tulong pinansyal para sa mga masalanta ng mga nagdaang kalamidad kung pupunta sila sa bayan.

Sa araw ng distribusyon ng ayuda, mismong mga pulis ang lumibot sa mga baryo para siguruhing may dadalo. Nagtakda pa ito ng kota na 150 tao kada baryo.

Matapos ang pamimigay ng relief, pinagtaka ng mga residente kung bakit nagpapahayag ang mga kumander ng 63rd IB at 801st IBde pati ang lokal na hepe ng PNP na hindi dapat sila magpaloko sa BHB. Kinuhaan din sila ng mga litrato habang may hawak na katibayan ng tinaggap nilang kantidad.

Pagkauwi nila sa kanilang mga tahanan, laking gulat na lang nila nang makitang nakabalandra sa telebisyon at social media ang kanilang mga litrato bilang mga kasapi ng BHB na “boluntaryong sumuko.”

Ayon naman sa BHB-AOC, kung anu-ano na lang ang ginagawang panlilinlang ng 63rd IB at ng ibang armadong ahente ni Duterte sa mga magsasaka sa grabeng desperasyon na supilin ang BHB.

Babala pa nito, malamang ay binulsa na ng matataas na upisyal ng militar ang malaking bahagi ng pondo ng pekeng programang pagpasurender.

Malayong malayo sa hindi bababa sa P15,000 na pinapangako sa bawat surenderi sa ilalim ng E-CLIP, nakakuha lang ang mga residente ng kapiranggot na tig-P3,000 at relief na dalawang lata ng sardinas, alcohol, face mask, kape, asukal, shampoo at dalawang kilong bigas bilang kapalit ng “pagsurender.”

Kinundena din ng mga residente ang gubyerno dahil namimigay lang ito ng ayuda sa mga magsasaka para lang ipalabas na may mga sumukong kasapi ng BHB.

Napagastos pa sila ng P300-500 para sa pagkain, pamasahe, at pambayad para sa barangay certificate at valid ID na kailangan daw para matanggap ang ayuda.#

Sinsilyong ayuda sa mga biktima ng kalamidad sa Samar, modus sa pagpasurender ng AFP-PNP