Pahayag

Terorismo ng AFP, lalong nagpapahirap sa mga biktima ng lindol sa North Cotabato

Pinaigting na operasyong militar at walang pakundangang pambobomba ang naging tugon ng AFP sa panawagang tulong at rehabilitasyon para sa mga biktima ng mapaminsalang lindol sa Makilala, North Cotabato.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang malawakang operasyon ng AFP sa ilang barangay sa bayan ng Makilala na matinding napinsala sa sunod-sunod na malalakas na lindol na naranasan buhat noong Oktubre 16-31. Ito ay kinabibilangan ng mga barangay ng Luayon, Bato, Malabuan, Malungon, Malasila at Sto. Niño kung saan maraming bahay ng sibilyan ang nasira sa pagyanig at may ilang residente ang namatay. Libu-libong mga magsasaka at Lumad na naninirahan sa nasabing mga lugar ang apektado at marami sa kanila ang napilitang lumikas dahil sa pangyayari.

Inirereklamo ng mga biktima ang pagpapabagal ng AFP at pagsasarbeylans nito sa mga tulong at serbisyong ipinapadala ng mga makataong grupo at sibilyang organisasyon. Naglagay ng maraming tsekpoynt ang AFP at PNP para tiyaking namomonitor ang lahat ng mga tulong na pumapasok lalo na sa mga bulubunduking barangay.

Noong Nobyembre 2, sinadya ng 39th IB ang isang evacuation center sa Brgy. Malasila sa Makilala kung saan sumilong ang mga lumikas buhat sa Brgy. Luayon. Ayon sa mga bakwit, personal na humarap sa kanila si Lt Col Rhojun P. Rosales, ang commanding officer ng 39th IB, at iniutos ang pagpapalikas sa lahat ng mga taong nanatili pa sa kanilang barangay. Ayon sa koronel, ituturing na NPA ang mga residenteng ayaw umalis sa baryo at nagbantang bobombahin at papatagin nila ang Luayon at mga karatig barangay nito.

Nagdeploy ng karagdagang mga pwersa ang AFP sa mga lugar na target ng kanilang operasyon. Noong Nobyembre 5 ng umaga, kinanyon ng mga pasista ang ilang lugar sa Luayon. Ikinagalit ng mga sibilyan ang pasismo ng AFP sa gitna ng kahirapang dinaranas nila dulot ng kalamidad.

Mariing kinukundena ng VPROC at mga rebolusyonaryong pwersa ng FSMR ang kahayupan at karahasan ng AFP sa walang kalabanlaban at naghihirap na mga sibilyang biktima ng lindol. Biktima na sila ng isang matinding kalamidad, biktima pa sila ng terorismo ng AFP. Nananawagan ang VPROC na buong pusong mag-ambag at palakasin ang ugnayan para sa pagpapaabot ng tulong sa mga biktima ng lindol. At buong tapang na isiwalat ang lahat ng mga karahasan ng AFP laban sa kanila.

Terorismo ng AFP, lalong nagpapahirap sa mga biktima ng lindol sa North Cotabato