Massacres Under Martial Law

Bilang bahagi ng paggunita sa ika-50 taon ng deklarasyon ng batas militar, isang serye ng mga artikulo sa Ang Bayan ang inilabas sa nagdaang mga buwan na nagbalik-tanaw sa mga kaso ng karumal-dumal na mga pagmasaker. Ang mga krimen na ito ay nagtatampok sa brutalidad ng paghaharing diktador ni Marcos Sr at ng kanyang mga pasistang tauhan sa AFP. Wala ni isa ang naparusahan sa mga krimen na ito.

Singilin ang mga krimen ni Marcos Sr laban sa bayan
September 21, 2022

Ilang araw bago ang ika-50 anibersaryo ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr, walang kahihiyang ipinagtatanggol ni Ferdinand Jr ang mga krimen laban sa bayan ng kanyang amang diktador. Sinabi pa niyang “normal lamang” ang mga pang-aabusong militar dahil sa kalagayang may gera noon sa ating bansa.

Sa harap ng pagtatangkang ibaon sa limot at kasinungalingan ang mga krimen ng diktadurang Marcos, obligadong sariwain natin, ipaalala at balik-balikan ang malagim na mga gunita ng 14-taong paghaharing militar ni Marcos Sr. Partikular sa mga kabataan, dapat masusing pag-aralan ang ating kasaysayan, itakwil ang pambabaluktot, ipangibabaw ang katotohanan at humalaw ng mga aral.

Kaugnay nito, inilabas ng Ang Bayan ang serye ng mga artikulo ngayong taon: “Pagbalik-tanaw sa mga masaker sa mga Moro sa panahon ng diktadurang US-Marcos” (Ang Bayan, Marso 21), “Malalagim na alaala ng mga pagmasaker ng diktadurang Marcos,” “Masaker sa Sag-od” (Abril 12); “Ang Masaker sa Tulay ng Bacong River sa Culasi” (Abril 13); “Ang Madugong Huwebes sa Escalante City” (Abril 14); “Isang Madugong Linggo ng Hunyo sa Daet” (Hunyo 25); “Masaker sa San Rafael, Bulacan: Ang mga Bulaklak ng Inang Bayan” (Hunyo 27); at “Ang Masaker sa Guinayangan, Quezon” (Hunyo 28).

Iilan lamang ito sa mahigit 900 masaker sa buong bansa na naitala ng mga rebolusyonaryong pahayagan at ng binansagang “mosquito press” (ang mga dyaryo’t dyornal na hindi kontrolado ng mga kroni ni Marcos).


Masaker sa Ibajay River

Nagsasagawa ng kanilang gawaing propaganda at pag-organisa sa Barangay Naligusan, Ibajay, Aklan ang semi-ligal na pangkat nina Edward L. Dela Fuente noong Abril 12, 1984 nang kubkubin ng mga sundalo ng 47th IB. Nakaatras ang pangkat na nasandatahan lamang ng maiikling armas. Nang makatawid sa Ibajay River sa hangganan ng mga barangay Agdugayan at Unat sa parehong bayan, tinambangan sila ng mga tropa ng Philippine Constabulary (PC) na pinamunuan ni Major Wilfredo Blanco.

Nasawi sa ambus si Alyas Johnny habang nadakip na buhay sina Dela Fuente (Ka Ponso) at Antonio Diore Mijares, bagamat mga sugatan. Sa halip na bigyan ng panimulang lunas at respetuhin bilang mga “prisoner of war“ (POW), dumanas ng matinding pagpapahirap sina Dela Fuente at Mijares bago sila pinatay. Ayon sa mga nakasaksing magsasaka, ginapos ng alambreng tinik ang mga kamay ng dalawang bihag, ipinahila sa kalabaw mula sa pampang ng Ibajay River tungo sa kalsada ng Unat na nasa isang kilometro ang haba. Binansagan ang masaker na ito bilang “Bloody Holy Thursday.”


Iba pang mga masaker

Pinaulanan ng bala ang bahay ng pamilyang Gumapon ng tribong Subanon habang sila ay natutulog sa Sityo Gitason, Barangay Lampasan, bayan ng Tudela sa Misamis Occidental noong Agosto 24, 1981. Ang nang-istraping ay mga kasapi ng paramilitar na tinatawag na Rock Christ, isang panatikong grupong nagsisilbi rin sa militar. Sa 12 na natutulog noon sa bahay, 10 ang napatay kabilang ang isang sanggol.

Sa bayan ng Talugtog, Nueva Ecija dinampot ng militar ang 5-kataong may mga edad 20-taong gulang noong Enero 3, 1982 bandang alas-7:00 ng gabi. Sa sunod na araw, natagpuan sila na wala nang mga buhay. Binansagan silang mga “tagasuporta ng kilusang komunista”.

Sa Zamboanga del Sur noong Pebrero 12, 1982, pinatay ang 12 katao upang ipaghiganti ang pagkapatay ng isang lider ng Ilaga sa kamay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang mga salarin ay mga kasapi ng notoryus na grupong Ilaga, isang teroristang kulto na bantog sa kanibalismo (pagkain ng tao) at naglilingkod din bilang mga Civilian Home Defense Forces.

Sa Bayog, Zamboanga del Sur, noong Mayo 25, 1982 naghulog ng mga bomba ang mga eroplano ng Philippine Air Force sa Barangay Dimalinao. Tatlo ang napatay at walo pa ang nasugatan. Paghihiganti umano ng militar ang pambobomba sa komunidad dahil sa pagkapatay ng isang sundalo sa isang labanan sa mga Pulang mandirigma ng BHB.

Samantala sa Barangay Masaymon, bayan ng Hinunangan, Southern Leyte walo katao ang minasaker ng mga tropa ng 357th PC Company noong Marso 23, 1982. Anim sa walong biktima ay tatlo hanggang 18 taong gulang lamang.

Ang Masaker sa Guinayangan, Quezon
June 28, 2022

Bago pa man mangyari ang mga masaker sa Daet, Camarines Norte at sa San Rafael, Bulacan, ginimbal na ang bansa at ang mundo ng madugong mga insidente ng maramihang pagpatay at pagkasugat ng mga inosenteng sibilyan kagaya sa prubinsya ng Quezon. Ano “mga kasalanan” nila? Nais lamang nilang iparating sa rehimeng US-Marcos I ang kanilang mga lehitimong hinaing at solusyon sa kaaba-aba nilang kalagayang sosyo-ekonomiko.

Nangyari ang mga masaker at iba pang pang-aabusong militar sa panahong “inatras” na ng pasistang diktadurang Marcos ang Batas Militar noong 1981. Ayon pa sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr, nasawata o kundi ma’y kontrolado na ang “sabwatan ng mga maka-Kanan at maka-Kaliwa” na ibagsak ang kanyang pamahalaan, kaya balik na sa “normal na pamumuhay” ang mamamayan.

Ngunit pampabango lamang ang idineklarang pagbatak sa Batas Militar at ang pagbalik sa “normal na pamumuhay”. Dahil noon lamang 1981, may naitalang mga masaker kabilang ang sa Sag-od, Las Navas, Northern Samar; sa Culasi, Antique; sa Tedula, Misamis Occidental; at sa Guinayangan, Quezon.

Sa kabila ng pagbabatikos ng mga nagtataguyod sa karapatang-tao tulad ng Amnesty International at mga demokratikong personahe at sektor sa loob at labas ng bansa, walang awat pa rin ang mga pang-aabuso ng Philippine Constabulary (PC), Philippine Army, Civilian Home Defense Force (CHDF), at iba pang mga armadong grupo na inaarmasan o kinukunsinte ng pasistang estado. Noong matapos ang 1982, 14 ang naitalang mga masaker kung saan 174 ang napatay at mahigit isang libo ang mga sugatan.

Pinalala ng mga pang-aabusong militar na ito ang abang kalagayan ng mayoryang mamamayan, laluna ng mga magniniyog. Nakakita ng pagkakataon ang mamamayan at kanilang tagasuporta na mag-organisa ng kilos protesta noong paparating sa bansa si Pope John Paul II. Sinimulan nila ang pagtatambol ng kanilang mga reklamo at hinihinging mga solusyon sa pambabarat ng presyo ng kopra at ang mga iskandalo kaugnay sa Cocofed at Coco Levy Fund (buwis na kinukuha ng gubyerno sa bawat kilo ng koprang ibinibenta at napupunta lamang sa mga kroni na tulad nina Danding Cojuangco, Maria Cristina Lobregat at Juan Ponce-Enrile).

Kaya noong Pebrero 1, 1981 humugos sa mga kalsadang patungo sa Guinayangan ang aabot sa 6,000 magsasaka at mga tagasuporta nila. Nanggaling sila sa limang bayan ng Bondoc Peninsula sa lalawigan ng Quezon, na ang karamihang ikinabubuhay ay nakasasalay sa niyog.

Bagsak sa pandaigdigang pamilihan ang presyo ng langis mula sa niyog at dagdag dito, sobrang binabarat naman ng mga komersyante ang presyo ng kopra. Umaabot lamang sa ₱1.00 at minsan ay animnapung sentimo (₱0.60) ang kilo ng kopra. At kung dadalhin pa ito sa pamilihan sa bayan, kukutongan pa ang mga magniniyog at mga komersyante ng mga abusadong militar at paramilitar na CHDF.

Mula sa iba’t ibang direksyon, binagtas ng mga inaapi at pinagsasamantalahan ang daan tungo sa sentrong bayan ng Guinayangan. Plano nilang ihayag sa kilos protesta ang kanilang mga reklamo at kahilingan upang itambol ito sa midya na nakaantabay sa pagdalaw ng Santo Papa sa bansa.

Pero bago pa sila makarating sa plasa ng bayan, walang habas na silang niratrat ng mga tropang PC. Dalawang nagmamartsa ang kaagad na namatay. Naiulat na 100 ang nasugatan, subalit maaring umabot ito sa 1,000.

Mahigit apat na dekada na ang nakaraan ngunit walang nanagot na upisyal o naparusahan sa mga berdugong sundalo ng PC. Walang ginawang pormal na imbestigasyon ang diktadurang Marcos sa malagim na pangyayari.

Sabi nga ng mga nakaligtas sa masaker: “(L)aging payo sa atin ng mga kaibigan at kapamilya ay magpatawad. Maaaring may punto sila… Ngunit sa isang banda, mayroon tayong hindi dapat ikubli at yun ay ang makalimot. Laluna kung wala naman tayong natatamong katarungan na dahilan na rin ng kawalan ng kapayapaan. Bunsod nito, mas dapat ang pagpapatuloy ng ating paggiit ng ating mga karapatan.” #

Ang mga Bulaklak ng Inang Bayan
June 27, 2022

Hindi malilimutan ng mga taga-Bulacan ang isang malagim na insidente noong gabi ng Hunyo 21, 1982, 40 taon na ang nakalipas. Dinukot ng mga tropa ng 175th Company ng Philippine Constabulary (PC) ang limang kabataang myembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) na nagpupulong sa isang barangay sa Pulilan at dinala sa Barangay Pulo sa bayan ng San Rafael.

Kinabukasan, nagimbal na lamang ang mga residente ng poblacion ng San Rafael nang makita nila sa gilid ng gusali ng munisipyo ang limang duguang bangkay ng mga kabataan. Tadtad ng bala ang kanilang mga katawan. Napansin din ng mga residente na may tama ng bala sa likod ng mga ulo ng mga biktima.

Ayon sa pulis, lampas hatinggabi nang dumating sa munisipyo ng bayan ang mga berdugong PC na pinamunuan ni Maj. Bartolome Baluyot, punong paniktik ng Bulacan noon, at Capt. Danilo Mangila. Sa kwento ng mga PC, naengkwentro at napatay daw nila ang “bandidong grupo” ng Bagong Hukbong Bayan.

Di pagrespeto sa mga bangkay

“Hayun! Patay lahat ang mga bandido!” buong yabang na nagbabala sa publiko ang notoryus na mga tropa ng PC.

“Huwag n’yo silang tularan!” babala ng mga elemento ng PC sa mga residente ng San Rafael. Pinabayabaan nila na langawin at putaktehin ng uod ang mga bangkay ng mga aktbista.

Hindi nagpasindak ang mamamayan. Sa halip na matakot sa brutalidad ng mga pasista, nagtulung-tulong sila para bigyan ng disenteng libing ang mga biktima. Nag-ambag ng pondo pati ang alkalde ng bayan at mga empleyado ng munisipyo para ibili ang lima ng damit pamburol at mga kabaong. Bago magtakipsilim, inilibing ng mga sundalo ang limang biktima sa mababaw na mga hukay sa San Rafael Public Cemetery.

Mga bulaklak ng Inang bayan

Hindi masasamang tao ang limang biktima, sabi ng kanilang mga pamilya, kaibigan at kakilala. Sa katunayan sila ay mga organisador na kaanib ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL). Bilang parangal, kolektibong tinatawag silang mga “Martir ng Bulacan” at mga “Bulaklak ng Inang Bayan” dahil isinakripisyo nila ang kanilang panahon, kaginhawaan at kanilang mga buhay alang-alang sa kagalingan at mga karapatan ng mga magsasaka sa Central Luzon.

Isa sa kanila si Teresita Llorente, ang nag-iisang babae sa limang aktibistang pinaslang. Siya ay tubong Meycauayan City sa Bulacan. Tumutulong siya sa kanyang mga magulang sa maliit nilang restawran bago maging aktibista. Kasapi siya ng pangkat ng mga kantora ng lokal na parokya at kasapi ng Pamparokyang Kilusang Kabataang Kristiyano (PKKK). Tin-edyer pa lamang ay namulat na siya sa mga problema ng kanilang komunidad at ng bayan sa kabuuan. Naging masigasig siya makaraang sumama sa mga nagpoprotestang mga manggagawa ng isang pabrika ng tela.

Kababayan din ni Llorente si Danilo Aguirre, na kagaya niya, ay kasapi rin ng PKKK. Kung hindi abala sa simbahan, tumulong siya sa pamilya bilang isang manininda sa pamilihan ng Meycauayan. Kahit hayskul lamang ang kanyang tinapos, tumutulong din siya sa idinadaos na mga talakayang pang-edukasyon para malaman ng mamamayan ang kanilang mga karapatan at kung papaano silang sinusupil ng diktadurang Marcos. Noong kunwa’y binaklas ang martial law, aktibo siyang sumali sa mga rali at nagboluntaryo bilang isang watcher para sa eleksyon noong 1981.

Taga-syudad ng Malolos naman si Edwin Borlongan na isa sa mga katekista ng Pamparokyang Samahan ng mga Katekista (PASKA). Nakatapos siya ng kursong automative servicing sa Samson Technical School sa Maynila at naging isang drayber at mekaniko sa Tondo. Nakatapos siya ng elementarya at hayskul bilang isang working student. Noong 1978, namulat siya sa mga problema ng bayan nang sumali siya sa noise barrage sa buong Metro Manila upang ipahayag ang pagtutol sa pekeng eleksyon ng Interim Batasang Pambansa. Naging aktibo siya mula noon sa mga kampanya laluna sa pakikibaka ng mga estudyante para sa kanilang mga karapatan at kagalingan.

Gradweyt ng hayskul ang taga-Hagonoy ang mangingisdang si Constantino Medina. Bunga ng hilig sa pagbabasa, napag-aralan niya ang mga batayang problema ng bayan. Naging instrumento ang sinalihan niyang progresibong grupo ng mga artista, ang Galian sa Arte at Tula (GAT), na nagdadala ng mga tao mula sa kanilang komunidad para manood ng mga dulang itinatanghal ng Philippine Educational Theatre Association (PETA). Liban sa kanyang ambisyong maging makata, ninais din niyang maging mahusay na abugado.

Magtatapos na sa kursong mechanical engineering mula sa FEATI University sa Maynila si Renato Manimbo nang siya ay mamulat. Masigasig siyang kasapi ng konseho ng estudyante ng FEATI noong katapusan ng dekada 1970 at dalawang beses na naging presidente nito. Noong panahon na iyon, mainit na isyu ang mga karapatan ng mga mag-aaral at ang matataas na bayaran sa matrikula. Bilang lider estudyante, nagsasalita siya sa mga rali at isa sa mga tagapagtatag na kasapi ng League of Filipino Students. Isa siya sa nagdala ng mga banner na nagbabatikos sa mapaniil na paghahari ng rehimeng Marcos nang bumisita si Pope John Paul II sa bansa noong Pebrero 17, 1981.

Bago pa man dumalaw ang Santo Papa sa Pilipinas, pakitang-tao nang binaklas ni Marcos Sr ang Batas Militar sa buong bansa noong Enero 1981. Nagbigay daan ito para magpalawak ang AMGL ng kanilang kasapian sa lalawigan ng Bulacan. Iba’t iba man ang uring pinagmulan ng limang kabataang nabanggit, pinagbuklod sila ng pagmamahal sa bayan at hustisya sosyal. Naging magkaibigan sila. Sumapi sila sa AMGL nang manawagan ito na dapat labanan ang pang-aapi at pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa abang mga magsasaka. Panawagan noon ang pagsusulong sa tunay na reporma sa lupa, laluna sa Bulacan na matindi ang problemang agraryo.

Araw ng kabayanihan

Sa araw na dinukot ang lima ng mga pasista, nagdaraos sila noon ng pulong para magtasa sa kanilang gawain at magplano ng mga aktibidad hanggang 1982.

Habang nagpupulong, nagsalit-salitan sila sa pagsilip sa mga bintana ng bahay dahil nagkakahulan ang mga aso. Wala silang ginawang hakbang dahil wala namang kaduda-duda sa paligid. Nagpatuloy sila sa kanilang pulong. Ngunit hindi nagtagal nang pwersahang binuksan ang bintana ng mga putok ng awtomatikong riple. Kasabay nito nakarinig sila ng malakas na utos:

“Walang kikilos!”

“Dapa!!! Dapa!!!”

Pinaligiran ang bahay ng humigit-kumulang 40 sundalo ng 175th PC Company. Dinakip nila ang mga kabataan ngunit may nakalusot na isa sa kanila. Lumabas siya sa bintana, umakyat sa bubong at doon nagtago hanggang makaalis ang mga armadong kaaway lulan ng sasakyang militar. Ikinwento niya ang buong pangyayari sa mga pamilya ng limang biktima.
Hindi armado ang grupo ng mga organisador. Pero ayon sa ulat ng PC, nakuha umano nila sa “grupong NPA” ang dalawang karbin, isang pistola, apat na mga granada, ilang mga bala at mga subersibong dokumento. Sa loob ng dalawang araw, ibinandera ang bulaang naratibong ito ng 175th PC Company ng mga pahayagang kontrolado ng mga Marcos, Romualdez at kroni nitong si Gen. Hanz Menzi.

Pinabulaan ito ng kalahok sa pulong na nag-iisang nakaligtas sa reyd.#

Isang Madugong Linggo ng Hunyo sa Daet
June 25, 2022

Mahigit apat na dekada na ang nakaraan, ngunit tuwing buwan ng Hunyo hindi mawawaglit sa alaala ng mamamayan ng Daet, Camarines Norte, at ng buong Bicolandia, ang binansagang “Bloody Sunday” o “Madugong Linggo” na naganap noong panahon ng diktadurang rehimeng US-Marcos I.

Kabalintunaan na nangyari ang “Bloody Sunday” ilang buwan lamang pagkatapos tinapos sa pangalan ng rehimeng US-Marcos I ang Batas Militar sa buong bansa noong Enero 1981 sa pamamagitan ng Proclamation No. 2045. Napilitang batakin ng diktador Marcos ang Batas Militar dahil sa matinding presyur ng internasyunal na midya, dayuhang mga bangko at institusyong pampinansya at ng mga tagapagtanggol ng karapatang tao.

Bunsod ng pakitang-taong mga pagluwag sa batas ng kamay na bakal, naging masigasig ang mamamayan, laluna ang mga inaapi at pinagsasamantalahang magsasaka. Katuwang ang mga demokratikong sektor at pwersang anti-diktadura, sumali sila sa inorganisang mga rali-demonstrasyon ng Kilusang Mamamayan para sa Tunay na Demokrasya (KMTD) sa Daet, ang kabisera ng prubinsya ng Camarines Norte.

Kaya noong linggong ng Hunyo 14, 1981, nagmartsa ang daan-daang magsasaka mula sa bayan ng Basud upang ipaabot sa rehimeng Marcos I na dapat itaas ang presyo ng kopra habang binabatikos nila ang panloloko ng Coco Levy Fund at ang “pekeng eleksyon”. Layon ng mga magbubukid na sumanib sa mas malaking grupo ng mamamayang magrarali sa harapan ng kapitolyong pamprubinsya.

Ngunit bago pa man sila makarating sa Freedom Park sa Daet ay hinarang na sila. Napilitan silang tumigil sa pagmamartsa dahil may isang trak ng bumbero na nakaharang sa daan. Maya-maya pa ay dumating ang isang trak ng militar. Nang bumaba sa kanilang sasakyan ang 30 sundalo ng 242nd Company ng Philippine Constabulary (PC), kaagad pinagsabihan ang mga magsasaka na lumuhod sila sa lupa.

Pinamunuan ni Capt. Joseph Malilay ang pulutong ng mga mersenaryong PC at si Lt. Col. Nicasio Custodio ang nakatataas nilang upisyal.

Hindi sinunod ng mga magsasaka ang utos ng mga pasistang PC. Imbes na lumuhod ay nakiusap sila, kasama ang organisador ng KMTD, na patuluyin sila sa rali sa Daet. Pagkatapos ng pagpalitan ng mainit na mga salita, umalingawngaw ang awtomatikong putok ng mga riple. Walang awang niratrat ng uhaw sa dugong mga elemento ng PC ang walang kalaban-labang mga magsasaka.

Nang mapawi ang usok, apat ang nakabulagta at mahigit 50 iba pang magsasaka ang sugatan. Natigil lamang ang pamamaril ng mga pasista nang makiusap sa kanila si Grace Vinzons-Magana, coordinator ng KMTD. Dinala ang mga sugatan, pati ang mga patay, sa isang ospital.

Nakilala at nakaukit sa marmol na pader ng Bantayog ng mga Bayani ang mga pangalan ng mga biktima na sina Jose E. Alcantara, Elmer L. Lagarteja, Rogelio S. Guevara at Benjamin B. Suyat. Ang dalawang malalang nasugatan at napatay pagkaraan ng dalawang buwan ay sina Rosita Arcega, 30, at Ernesto Encinas, 25.

At kagaya sa palaging naratibo ng militar at pulis pagkatapos ng pangyayari at pinagpipilitan nilang paniwalain ang publiko na umano’y naengkwentro ng mga PC ang mga “communist terrorist groups (CTGs)” o mga kasapi ng New People’s Army. Anila, nagpaputok sila ng “warning shot” sa ere upang pakalmahin ang mga tao pero ang mga” armadong myembro” ng mga nagmamartsa ay nagpaputok ng kanilang mga baril at pinuntirya sila. Wala umano silang magawa kundi na magpaputok para ipagtanggol ang kanilang sarili.

Kinontra ang bulaang pahayag na ito ni Atty. J. Antonio Carpio (ngayon ay retiradong Supreme Court Associate Justice at noon ay tagapangulo ng KMTD), at ni Grace Vinzons-Magana. Pinatotohanan naman ito ng fact-finding team na pinamunuan nina dating sanador Jose W. Diokno at batikang mamamahayag na si Joaquino “Chino” Roces. Anila ang mga tinamaan ay karamihan nasa unahan ng martsa, at imposibleng ang mga nagpapaputok ay magmumula sa likuran nila. Wala ring maipakitang nakumpiskang mga armas ang PC.

At biglang tumambad ang tunay na katangiang mabangis at mapanupil ng nagpupusturang mabait na rehimen ay biglang lumabas ang. Hindi na ito nakangiti kundi isang mabagsik na tigre. Inaresto sina Carpio at Vinzons-Magana noong maagang bahagi ng Hulyo bago pa man masimulan ang pormal na imbestigasyon sa “Bloody Sunday”. Sa umpisa, hindi sinampahan ng kaso ang dalawa nang idinetine sila. Kalaunan kinasuhan sila ng paglabag sa isang presidential commitment order (PCO) na pinirmahan mismo ni Ferdinand Marcos Sr noong Hunyo 26 (mahigit isang linggo pagkatapos ang madugong insidente).

Kinasuhan sina Carpio at Vinzons-Magana dahil nilabag umano nila ang Anti-Subversion Law (Presidential Decree No. 885) at PD No. 33 kaugnay sa paggawa ng mga polyetong pampropaganda laban sa diktadurang rehimen. Ngunit umani ng malawakang pagkundena ang pagkaaresto at pagkakulong sa kanila. Bunsod nito ay napilitang palayain ng diktadurang Marcos I ang dalawa.

At ano ang nangyari kina Colonel Custodio, Captain Malilay at iba pang mga sundalo ng PC?

Upang pakalmahin ang mga kritiko ng diktadurang rehimeng Marcos I, nagsagawa ng imbestigasyon ang Human Rights Committee sa ilalim ng Ministry of National Defense. Pinamunuan ito ni Col. Jose M. Crisol. At ano ang husga nito? Pinawalang-sala ang itinuturong mga berdugo ng Daet Massacre!

Dahil sa pagkukunsinti ng rehimeng US-Marcos sa mga mersenaryo at mamatay-taong mga pasista, nangyari na naman ang isang masaker sa Camarines Norte noong Hunyo 24, 1982. Dinakip ng 45th IB ng Philippine Army ang limang magsasaka at pinagtrabaho sa detatsment nila sa Barangay Mabilo, bayan ng Labo. Nang matapos na sila sa kanilang trabaho sa detatsment ng militar, imbes na pasasalamatan ay pinagbabaril at pinatay ang lima. Minasaker sila ng militar bilang ganti sa pagkamatay umano ng isang sundalo sa isang pananambang ng New People’s Army sa panahong iyon.#

Ang Madugong Huwebes sa Escalante City
April 14, 2022

 

(Ikatlo sa serye ng tatlong artikulo) Bunsod ng matinding presyur ng mga demokratikong organisasyon, institusyon at personahe mula sa America at Europe, napilitan ang diktadurang US-Marcos na tapusin ang batas militar noong Enero 17, 1981.

Pero pakitang-tao lamang ito. Bahagi lang iyon ng mga hakbang upang gawing katanggap-tanggap ang rehimen niyang labis na kinamumuhian, partikular sa nagpapautang na mga dayuhang bangko. Kosmetikong hakbang ang pagbatak ng batas militar dahil nanatili pa ring suspendido ang kasulatang writ of habeas corpus sa buong bansa. Maaaring arestuhin nang walang mandamyento at walang taning na ikulong ang sinumang mamamayang maglalakas-loob na magreklamo sa mga anti-mamamayan, anti-demokratiko at pasistang pamamalakad ng rehimen.

Sa kabila ng malupit na reyalidad na ito, naglakas loob pa ring maglunsad ng mga kilos protesta ang mulat na mamamayan. Kabilang sa pagragasa ng mga demonstrasyon ang pagrali ng mga Negrosanon noong Setyembre 1985. Layon nilang isiwalat sa buong mundo sa okasyon ng ika-13 taong pagpataw ng batas militar na libu-libo sa Negros ang dumanas ng hindi makatarungang pagkakulong at walang awang pagpapahirap ng mga sundalo at mga paramilitar. Sinumang manindigan sa mga karapatang-tao tulad ng mga pari, madre, manggawang bukid, maralitang lunsod at iba pa ay binabansagang mga “komunista,” dinudukot, pinahihirapan at pinapatay.

May espesyal na kabuluhan din ang kanilang kilos protesta dahil nagpapalakas ang mga kroning asendero ni Marcos sa pangunguna nina Roberto Benedicto at Eduardo “Danding” Cojuangco at mga alyado nito sa Northern Negros tulad ng warlord na si Armando Gustilo. Nagkamal sila ng limpak-limpak na salapi sa pamamagitan ng Philippine Sugar Commission, katuwang ang National Sugar Trading Corporation habang nabaon naman sa utang ang mga “sugar planter” (panggitnang-laki at maliliit na nagtatanim ng tubo).

Noong 1984 lamang, mahigit 190,000 manggagawa sa mga asyenda at mga sentral ng tubuhan ang nawalan ng trabaho. May isang milyong katao ang dumanas ng matinding gutom. Lumaganap ang kaalaman tungkol sa matinding kagutuman sa Negros sa nakilalang poster na nagtampok sa larawan ng halos buto’t balat na batang si Joel Abong.

Kaya buo ang isipan ng may 5,000 demonstrador sa Escalante City, Negros Occidental na kinabibilangan ng mga manggagawa sa tubuhan, mangingisda, kabataang-estudyante, maralitang lunsod, mga propesyunal at taong simbahan na magdaos ng tatlong araw na protesta simula Setyembre 18 hanggang 20, 1985.

Nagsimula ang mapayapang protesta nila sa pamamagitan ng pag-iingay sa sentrong bayan ng Escalante. Sa sumunod na araw, Setyembre 19, nagbuo ng mga barikadang-tao ang mga raliyista sa harapan ng palengke at sa papasok ng plasa ng bayan. Noong Setyembre 20, dumating sa piketlayn ang isang sasakyan ng PC-INP (Integrated National Police) at inimbita ang mga lider ng protesta sa isang negosasyon sa loob ng munisipyo na may layong 50 metro sa piketlayn. Hindi ito pinaunlakan ng mga lider masa.

Dumating bandang tanghali ang mga trak ng bumbero at sinimulang bombahin ang piketlayn ng tirgas at malakas na presyur ng tubig. Hindi natinag ang mga raliyista kahit pinalilibutan na sila ng mga tropa ng Regional Special Action Force (RSAF), ng Civilian Home Defense Forces (CHDF), at ng mga hindi nakilalang armadong tao.

Ihinagis pabalik ng ilang raliyista ang mga lata ng tirgas sa mga pwersa ng paramilitar at sa plasa. Naging hudyat ito para paulanan sila ng bala ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong gubyerno. “Tinangkang agawin ng mga raliyista ang aming mga baril,” pagdadahilan ng mga berdugo. Niratrat nila ng mga awtomatikong riple ang mga demonstrador.

Ayon sa mga nakaligtas sa masaker na ito, nangyari ang madugong insidente ilang minuto pagkatapos makaalis ang alkalde ng bayan na si Braulio Lumayno, kasama ang warlord at dating kongresistang si Armando Gustilo at kanilang mga badigard. Nang mapawi ang usok mula sa mga putok ng isang M-60 light machine gun at mga awtomatikong riple, makitang nagkalat ang mga patay at sugatan sa plasa, sa mga kalsada at sa kalapit na tubuhan.

Umaabot sa 20 katao ang nag-alay ng kanilang buhay at mahigit tatlumpu naman ang mga sugatan. Samantala, piping mga saksi ang kongkretong pader ng isang bangko at ilang kabahayan sa harap ng munisipyo na natadtad ng mga bala. Ibig sabihin, meron talagang intensyong patayin ang mga mapayapang raliyista.

Hanggang sa ngayon, pagkalipas ng 37 taon mula ang Escalante City Massacre o ang binansagang “Bloody Thursday” (Madugong Huwebes), hindi pa rin nabigyan ng hustisya ang mga biktima, kanilang mga kamag-anak, mga kaibigan at kakilala. Walang nakatanggap na indemnipikasyon (bayad-danyos) sa mga pamilya ng mga napatay at nasugatan.

Kabalintunaan naman na ang tatlong mababang ranggong pulis na sangkot sa masaker sa Escalante at nakulong ay nakalaya na dahil binigyan sila ng parole. Ang kumander ng RSAF naman ay idineploy sa ibang lalawigan at noong 2016 ay hinirang na isang senior superintendent (full colonel). Wala ring mga lokal na upisyal at kilalang personaheng sangkot sa insidente ang ipinatawag sa pakitang-taong Fact-Finding Commission na pinamunuan ni Ombudsman Justice Raul Gonzalez (na naging kalihim ng Department of Justice noong 2007 ng rehimeng Macapagal-Arroyo).

“Never forget!” (Huwag kalimutan) “Never again!” (Huwag ulitin)!” Ito ang mga sigaw hindi lamang ng mga Negrosanon sa partikular kundi ng mamamayang Pilipino sa kabuuan sa tangkang manumbalik sa Malacañang ang mga Marcos sa tulong ng isa pang Duterte. Hanggang sa ngayon ay hindi nila inaamin at pinagsisihan bagkus ay tinatanggi o pinupuri pa ang libu-libong kasalanan ng kanilang mga pamilya sa bayan. #

Ang Masaker sa Tulay ng Bacong River sa Culasi
April 13, 2022

 

(Ikalawa sa serye ng tatlong artikulo) Mahigit isang buwan pa lamang ang nakararaan matapos naisiwalat sa buong mundo ang malagim na Masaker sa Sag-od sa isla ng Samar nang ginulantang ang mamamayang Pilipino ng isa pang masaker ng mga magsasaka at mangingisda sa baybaying bayan ng Culasi, Antique sa isla ng Panay.

Sa upisyal na ulat, lima lamang ang naitalang napatay sa masaker dahil hindi nabilang ang dalawa pang mga bangkay na nakita sa ilalim ng tulay. Hindi bababa sa pito ang nasugatan.

Ilang kabataang-estudyante sa Iloilo City, kabilang si Peter Mesenas, Jr. na taga-Culasi, ang nagsikap na makaugnay sa midya sa Maynila hanggang nakaabot ito sa Radio Veritas. Isiniwalat ng nasabing radyo ang kalunus-lunos na pangyayari sa Antique.

Naganap ang masaker ilang araw makalipas ang paggunita ng United Nations sa Human Rights Day noong 1981. Noong Disyembre 19 sa taong iyon, naglunsad ng isang demonstrasyon ang mahigit 400 residente ng Culasi, na karamihan ay nagmula sa mabundok na mga barangay. Layunin nilang abutin ang munisipyo ng bayan para ipaabot sa lokal na gubyerno ang dalawa nilang hinaing:

Una, inireklamo nila ang pagpakat ng isang bagong kumpanya ng PC sa kanilang bayan. Ayaw nila ang presensya ng mga sundalo dahil sa kanilang mga pang-aabuso, pwersahang ebakwasyon sa mga barangay na pinaghihinalaang sumusuporta sa Pulang hukbo, at mga pagkumpiska sa kanilang mga alagang hayop at iba pang ari-arian.

Ikalawa, iginigiit nila na bawasan ang sinisingil na buwis ng gubyerno sa kanilang ibinibentang mga gulay at pananim, karamihan mga halamang ugat. Ibinibenta ang mga ito ng mga magsasaka tuwing Linggo sa palengke ng Culasi.

Kasama sa nagmartsa ang mga magsasaka at mangingisda sa kapatagan at sa hilagang bahagi ng Culasi na maghahain din ng kanilang mga hinaing sa lokal na gubyerno. Bago makarating sa sentro ng bayan ang mga raliyista, tatlong beses silang hinarang ng mga elemento ng PC.

Sa unang panghaharang, pinatigil sila at tinanong kung sino ang lider ng kanilang grupo. “Kaming lahat ang lider,” matatag nilang sagot sa mga pasistang tropa.

Sa pangalawa, nakaabot na sila sa pambansang haywey nang muli silang sitahin ng mga sundalo. “Kaming lahat” ang muli nilang sinagot nang hinanap ang kanilang lider. Deteminado silang tawirin ang tulay sa Bacong River para abutin ang sentro ng bayan para sa kanilang protesta. Mula sa tulay, tanaw na nila ang gusali ng munisipyo ng bayan.

Habang nagmamartsa ang mga magsasaka at mangingisda, dumating ang dagdag na mga sundalo mula sa detatsment ng 315th PC Company sa pamumuno ni Lt. Leopoldo Segubre. Hinarang ng mga sundalo ang dulong hilaga ng tulay sa Bacong River ng kahoy na kawayan. Pahalang ang harang at may taas na hanggang baywang. Puno ng nakaalertong sundalo ang bahaging ito.

Tumanggi ang mga sundalo sa tulay na palampasin ang mga raliyista. Naging mainit ang palitan ng mga salita sa pagitan ng dalawang panig. Matindi ang tensyon. Pursigidong lampasan ng mga demonstrador ang harang na kawayan sa isang bansa. Sa kabilang banda, inatasan ang mga sundalo na pigilan sila sa anumang paraan.

Determinado ang mga raliyista na lampasan ang harang sa tulay. Inalis nila ang harang na kawayan para makadiretso sila patungong munisipyo. Walang kaabug-abog na sinalubong ito ng mga sundalo ng pagratrat ng kanilang mga ripleng armalayt. Nagsipulasan sa tulay ang walang kalaban-labang mamamayan.

Nang matapos ang pangraratrat, limang magsasaka at mangingisda ang nakahandusay sa tulay. Kinilala sila na sina Remigio Dalisay at ang kanyang kapatid na si Fortunato, Joel Plaquiño, Leopoldo Anos at Aquilino Castillo. Ilang araw matapos ang masaker, may nakita pang dalawang patay na bangkay sa ilalim ng Tulay ng Bacong River: isang matandang babae at isang lalaki na naaagnas na ang katawan. Hindi na naiulat ang dalawang patay na ito dahil sa takot ng kanilang mga pamilya na babalikan sila ng militar. Hindi naman bababa sa pito ang nasugatan, kabilang ang dalawang babaeng estudyante ng hayskul.

Kaagad-agad na naglubid ng kasinungalingan si Meyor Romulo Alpas at ang PC. Anila, mga kasapi ng rebeldeng NPA ang mga nagmartsa at tinangka nilang agawin ang mga baril ng PC. Gumanti lamang umano ang mga PC dahil naunahan silang magpaputok. Gayunman, walang tinamaan ni isa sa mga sundalo.

Alam ng mga taga-Culasi, kabilang ang Bise Gubernador na si Lolita Cadiao, na ang mga biktima ay mga karaniwang magsasaka na nais lamang magpaabot ng kanilang mga hinaing at demanda sa gubyerno. Inireklamo ni Cadiao sa pambansang awtoridad ang nangyaring masaker sa Antique.

Bunsod ng dumaraming kaso ng karahasang militar at mga abuso sa mga sibilyan sa isla ng Panay, kabilang ang masaker sa Culasi, binuo noong Enero 21, 1982 ang Panay Broad Alliance for Justice and Peace. Isa sa mga namumuno ng mga aksyong protesta sa isla laban sa diktadurang rehimeng Marcos ay ang dating Board Member ng Sangguniang Panlalawigan ng Iloilo at brodkaster Edwin Baldago. Bago mapatalsik ang diktadurang Marcos, pinaslang si Baldago ng mga armadong taong pinaghihinalaang mga ahenteng militar.

Kinunsidera ng noo’y rehimeng Marcos na sarado at tapos na ang kaso ng masaker sa Culasi gayong isa ito sa mga hindi pa nalulutas na krimen laban sa sangkatauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Marami sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan ang humihingi pa rin ng katarungan hanggang sa ngayon.

Sa kabila ng kanyang madugong rekord, na-promote pa hanggang naging isang lubos na colonel at kumander ng Guimaras Island si Segubre.

Malalagim na alaala ng mga pagmasaker ng diktadurang Marcos
April 12, 2022

 

(Una sa serye ng tatlong artikulo) “You must move on. Forget our history, and let us just forgive the Marcoses!” Iyan ang parang sirang plakang sagot ng mga loyalistang Marcos at mga Duterte Die-hard Supporters (DDS) sa tuwing kinukompronta sila ng mapait na katotohanan tungkol sa diktadurang US-Marcos.

Lubhang mahirap na basta na lamang na kalimutan ang mapait na bahagi ng ating kasaysayan na iyon, laluna ng mga aktwal na nakaranas ng 14-taong malupit na paghahari ng batas militar ni Ferdinand E. Marcos, Sr.

Paano ba natin mapatatawad ang diktadurang US-Marcos sa laksa-laksang krimen nito laban sa sangkatauhan?

At paano ba malilimutan ang malalagim na alaala ng mga abusong militar kabilang ang sa Jabidah at Palimbang masaker at iba pang nangyari katulad sa Samar, sa Panay at sa Negros?

Kabalintunaan na nangyari ang dalawang masaker na ito ilang buwan lamang makaraang inianunsyo ng diktador na si Marcos ang pagbatak sa kanyang “smiling martial law” noong Enero 17, 1981. Panatag na raw ang mga tao dahil nagbalik na sa normal ang pamumuhay nila.

Ngunit paano ba ipaliwanag ng mga nagtatambol na ang panahon ng mga Marcos ay isang “ginintuang panahon” na dapat lamang ipagpatuloy ng kanyang anak na si Dyunyor. Paano nila bibigyang-matwid ang masaker sa Sag-od, Las Navas, Northern Samar noong Setyembre 18, 1981 at ang Culasi Masaker sa Culasi, Antique sa Panay noong Disyembre 19, 1981? At apat na taon pagkalipas nito ay muling naganap ang Escalante Masaker sa Negros Occidental noong Setyembre 20, 1985?

Masaker sa Sag-od

Natutulog pa ang halos lahat ng residente ng Barangay Sag-od sa interyor na bahagi ng bayan ng Las Navas, Northern Samar noong umaga ng Setyembre 18, 1981 nang pukawin sila ng sunud-sunod na putok ng mga ripleng awtomatik. Galing ang mga putok na iyon sa 18 armadong tao nakapaligid sa kanilang baryo. Mga kasapi sila ng pwersang panseguridad ng San Jose Timber Corporation, isang kumpanya sa pagtotroso malapit sa barangay ng Sag-od.

Si dating Senador Juan Ponce Enrile ay pangunahing stockholder ng kumpanyang ito at noon ay Defense Minister ni Marcos.

Bahagi ang mga armadong taong ito ng mas malaking grupo ng 70-kataong “Special Forces” ng paramilitar na Civilian Home Defense Force na kumikilos sa erya. Binansagan silang “Lost Command” at pinamunuan ng kinatatakutang si Col. Carlos Lademora, alyas “Commander Brown”. Nanduon sila sa Samar dahil inatasan ng militar si Lademora na puksain ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Silangang Bisayas.

Pinababa ng mga armadong tao ang mga residente sa kanilang mga bahay at tinipon sa harap ng bahay ng barangay kapitan ng Sag-od. Inihelera ang kalalakihan sa plasa ng baryo habang dinala ang isang grupo ng kababaihan at mga bata sa labas ng baryo. Hindi pa nakalayo ang mga ito sa kanilang baryo ay narinig na nila ang mga putok ng mga baril. Tumagal ang putukan nang 15 minuto.

Walang nakaligtas sa kalalakihan, ayon sa ulat na inilathala sa librong “Pumipiglas: Political Detention and Miltary Atrocities in the Philippines, 1981-1982”.

Samantala, inutusang maglakad ang kababaihan at mga bata palabas ng baryo hanggang umabot sila sa magubat na bahagi. Tumigil sila sa may sapa na may isang kilometro ang layo sa baryo. Tinanong sila ng lider ng mga armadong lalaki kung kilala nila ang isang “Kumander Racel” ng BHB.

Nang walang sumasagot na may nakakilala sa naturang kumander ay sinimulan nilang alisin ang mga bata sa kanilang mga ina. Lalong naghigpit ang pagkapit ng mga bata sa kanilang mga nanay. At nang hindi nila mapaalis sa mahigpit na pagyakap ng mga bata sa kanilang nanay ay walang awang niratrat ng bala ng mga buhong ang walang kalaban-labang mga kababaihan at mga bata. Nagkulay pula ang tubig ng sapa ng Sag-od na nagsilbing libingan nila.

Sa kabuuan, 45 katao ang kumpirmadong pinatay—lalaki, babae at mga bata. Labintatlo lamang ang nakaligtas sa masaker na iyon. Kabilang sa mga nakaligtas ay ang 8-taong gulang na bata na si Marela Yanay, na nasugatan sa kanyang ulo at nagpapatay-patayan sa ilog. Kabilang sa mga minasaker ang kanyang ama, buntis na ina at 4-taong gulang na kapati.

Walang lumabas na balita sa mga kontroladong radyo at pahayagan sa Maynila, gayong halos naubos ang populasyon ng Barangay Sag-od.

Napabalita na lamang ang karumaldumal na pangyayari nang magpadala ng isang pangkat na nag-imbestiga sa Las Navas. Pinadala ito ng Makabayang Kilusan para Isulong ang Katarungan (MAKIISA-KA), isang alyansa para sa pagtatanggol ng karapatang-tao.

Noong Nobyembre 22, 1981 nalaman ng may 1,000 kataong dumalo sa public hearing na nagsiwalat sa naganap na masaker sa Sag-od at iba pang mga pang-aabuso militar sa Samar. Inisponsor ang public hearing ng MAKIISA-KA sa San Carlos University sa Cebu City.

Narinig ng British Broadcasting Company (BBC) ang public hearing at gumawa ito ng isang dokumentaryo tungkol sa masaker sa Sag-od at iba pang karahasan ng militar laban sa sangkatawhan sa Pilipinas. Laking galit ng Diktador Marcos nang maibrodkas ito sa BBC.

Nagulantang ang buong mundo sa isiniwalat ng BBC na madugong mga pangyayari mula sa isang bansang ipinangangalandakang mapayapa dahil nakapailalim sa isang diktadura.

 

Pagbabalik-tanaw sa mga masaker sa mga Moro sa panahon ng diktadurang US-Marcos
March 21, 2022

Isang malaking kahibangan at mapanlinlang na kasinungalingan ang paggigiit na walang naganap na masaker tulad ng insidenteng Jabidah sa ilalim ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr. Ito ang naging tugon ng mga Moro sa paulit-ulit na pagdedeklara ng mga reaksyunaryong maka-Marcos na gawa-gawa at panloloko lamang ang mga kwentong masaker laban sa mga Moro.

Nakikita nilang mahalagang gunitain ang mga ito habang papalapit ang eleksyon at muli na namang lumalapit ang mga pulitiko para kunin ang kanilang boto.

Isa sa gayong mga masaker ang tinaguriang Jabidah massacre kung saan pinatay ang 28 kabataang Moro matapos tumanggi sa utos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patayin ang kanilang kapwa Muslim para sakupin ang Sabah. Naganap ang masaker noong Marso 18, 1968 habang sinasanay sila sa isla ng Corregidor, Cavite City.

Kinikilala sa kasaysayan na ang Jabidah massacre ang naging mitsa ng armadong pakikibaka ng Moro National Liberation Front o MNLF na itinatag ni Prof. Nur Misuari noong 1969. Pero ang itinuturing ng mga Moro na pinakamarahas at pinakamalaking kaso ng masaker sa kanilang kasaysayan ay ang naganap sa Palimbang sa Sultan Kudarat noong Setyembre 24, 1974. Hanggang ngayon, sariwa sa alaala ng mga biktimang nakaligtas ang karumal-dumal na pangyayari at kalupitan na kanilang dinanas sa kamay ng pasistang pwersa ng estado.

“Tyempong madaling araw noon, at katatapos lamang ng ikaapat na araw ng aming taimtim na pag-oobserba ng Ramadan nang biglang pinaulanan kami ng mga bala ng kanyon ng militar,” salaysay ni Ama Amed, punong guro ng isang madrasah sanawi (eskwelahan ng hayskul) na nakapanayam ng Ang Bayan. “Ilang barangay sa aming bayan ang tinamaan sa pambobomba. Sumisigaw na ang mga tao sa sobrang takot, laluna ang mga bata at kababaihan. Wala na kaming nagawa kundi manalangin kay Allah.”

Tinedyer pa lamang si Ama Amed noon na nangangarap makapagtapos para makatulong sa kanyang mga kapwa Muslim. Nang lumusob ang mga sundalo, kabilang siya sa mga kabataang nakaligtas at nagtago sa gubat hanggang umalis ang mga sundalo. Gayunpaman, ilang myembro ng kanyang pamilya ang hindi nakaligtas.

“Pagkatapos ng pambobomba ay hindi pa nakuntento ang militar. Apat na batalyong pwersa ng AFP ang sumugod sa mga sibilyang komunidad at dinakip ang lahat ng mga taong kanilang naabutan. Pwersahang kinaladkad ang mga lalaki at ikinulong sa mosque ng Tacbil sa Barangay Malisbong.”

Ayon sa mga natipong salaysay ng mga biktimang nakaligtas, may 1,500 na kalalakihang edad 11 hanggang 70 taong gulang na ikinulong sa mosque ang pinatay ng mga pasista. May mga ulat na nagsasabing umabot sa 3,000 ang namatay sa iba’t-ibang mga insidente sa panahong iyon.

“Araw-araw ay may pinapalabas na grupong tig-10 o higit para patayin. Sila mismo ang pinapahukay ng kanilang libingan bago sila barilin ng mga sundalo. Kapag nagrereklamo ang mga bihag na nagugutom ay hinahagisan lamang sila ng kopra. Sapilitan silang pinaghuhubad at pinagagawa ng kalaswaan, bagay na itinuturing na mabigat na kasalanan kay Allah. Nilapastangan nila at niyurakan ang aming pagkatao at pagiging Muslim,” maluha-luhang inaalala ni Ama Amed ang brutal na karanasan.

Naitala rin na umabot sa 3,000 kababaihan at mga bata na may edad 9 hanggang 60 ang inaresto at ikinulong sa isang bodega sa baryo at sa mga barko ng militar. Mahigit 300 bahay ang sinunog ng mga pasista.

“Maraming kababaihan ang ginahasa ng mga sundalo. Maraming mga bata rin ang namatay sa sobrang gutom at hirap ng kanilang kalagayan.”

Nangyari ang masaker sa Palimbang dalawang taon matapos ideklara ng rehimeng Marcos ang batas militar noong Setyembre 21, 1972.

Ayon sa ilang impormasyon, pinangangambahan noon ng rehimeng Marcos na lalawak pa ang kilusan ng MNLF hindi lamang sa Palimbang at ibang bahagi ng Sultan Kudarat, kundi sa buong eryang saklaw ng noo’y Central Mindanao Command ng AFP. Idinahilan ng AFP na pakay umano nilang tugisin ang mga rebeldeng MNLF. Subalit ang inilunsad ng estado ay operasyong paglipol sa mamamayan ng Palimbang. Sa utos ng diktador, idinirihe ng mga heneral ng AFP ang pambobomba at pagmasaker sa mga sibilyang Moro. Kasama sa namuno sa pagpapatupad nito ang hinirang ni Marcos bilang gubernador noon ng Sultan Kudarat na si BGen. Gonzalo H. Siongco.

Bukod sa mga masaker ng Jabidah at Palimbang, hindi rin malilimutan ang masaker sa Manili noong 1971. Dito, umabot sa 70 mananampalataya ang pinatay sa loob ng kanilang mosque sa Barangay Manili sa bayan ng Carmen, North Cotabato. Naganap din sa taong iyon ang Tacub massacre na kumitil sa 40 sibilyang Moro. Pauwi ang naturang mga biktima matapos na nabigong makaboto sa ginanap na espesyal na eleksyon. Hinarang sila ng mga sundalo at pinagbabaril sa isang tsekpoynt sa bayan ng Tacub sa Lanao del Norte.

Sa buong panahon ng paghaharing militar ni Marcos ay nawasak ang maraming pamayanang Moro sa Mindanao, mahigit 200,000 ang kinitilan ng buhay at marami ang napilitang lumisan, kabilang na ang kalahating milyon na lumikas sa Sabah, Malaysia.