Balita

Pagbabalik-tanaw sa mga krimen ng diktadurang US-Marcos Isang Madugong Linggo ng Hunyo sa Daet

, ,

Mahigit apat na dekada na ang nakaraan, ngunit tuwing buwan ng Hunyo hindi mawawaglit sa alaala ng mamamayan ng Daet, Camarines Norte, at ng buong Bicolandia, ang binansagang “Bloody Sunday” o “Madugong Linggo” na naganap noong panahon ng diktadurang rehimeng US-Marcos I.

Kabalintunaan na nangyari ang “Bloody Sunday” ilang buwan lamang pagkatapos tinapos sa pangalan ng rehimeng US-Marcos I ang Batas Militar sa buong bansa noong Enero 1981 sa pamamagitan ng Proclamation No. 2045. Napilitang batakin ng diktador Marcos ang Batas Militar dahil sa matinding presyur ng internasyunal na midya, dayuhang mga bangko at institusyong pampinansya at ng mga tagapagtanggol ng karapatang tao.

Bunsod ng pakitang-taong mga pagluwag sa batas ng kamay na bakal, naging masigasig ang mamamayan, laluna ang mga inaapi at pinagsasamantalahang magsasaka. Katuwang ang mga demokratikong sektor at pwersang anti-diktadura, sumali sila sa inorganisang mga rali-demonstrasyon ng Kilusang Mamamayan para sa Tunay na Demokrasya (KMTD) sa Daet, ang kabisera ng prubinsya ng Camarines Norte.

Kaya noong linggong ng Hunyo 14, 1981, nagmartsa ang daan-daang magsasaka mula sa bayan ng Basud upang ipaabot sa rehimeng Marcos I na dapat itaas ang presyo ng kopra habang binabatikos nila ang panloloko ng Coco Levy Fund at ang “pekeng eleksyon”. Layon ng mga magbubukid na sumanib sa mas malaking grupo ng mamamayang magrarali sa harapan ng kapitolyong pamprubinsya.

Ngunit bago pa man sila makarating sa Freedom Park sa Daet ay hinarang na sila. Napilitan silang tumigil sa pagmamartsa dahil may isang trak ng bumbero na nakaharang sa daan. Maya-maya pa ay dumating ang isang trak ng militar. Nang bumaba sa kanilang sasakyan ang 30 sundalo ng 242nd Company ng Philippine Constabulary (PC), kaagad pinagsabihan ang mga magsasaka na lumuhod sila sa lupa.

Pinamunuan ni Capt. Joseph Malilay ang pulutong ng mga mersenaryong PC at si Lt. Col. Nicasio Custodio ang nakatataas nilang upisyal.

Hindi sinunod ng mga magsasaka ang utos ng mga pasistang PC. Imbes na lumuhod ay nakiusap sila, kasama ang organisador ng KMTD, na patuluyin sila sa rali sa Daet. Pagkatapos ng pagpalitan ng mainit na mga salita, umalingawngaw ang awtomatikong putok ng mga riple. Walang awang niratrat ng uhaw sa dugong mga elemento ng PC ang walang kalaban-labang mga magsasaka.

Nang mapawi ang usok, apat ang nakabulagta at mahigit 50 iba pang magsasaka ang sugatan. Natigil lamang ang pamamaril ng mga pasista nang makiusap sa kanila si Grace Vinzons-Magana, coordinator ng KMTD. Dinala ang mga sugatan, pati ang mga patay, sa isang ospital.

Nakilala at nakaukit sa marmol na pader ng Bantayog ng mga Bayani ang mga pangalan ng mga biktima na sina Jose E. Alcantara, Elmer L. Lagarteja, Rogelio S. Guevara at Benjamin B. Suyat. Ang dalawang malalang nasugatan at napatay pagkaraan ng dalawang buwan ay sina Rosita Arcega, 30, at Ernesto Encinas, 25.

At kagaya sa palaging naratibo ng militar at pulis pagkatapos ng pangyayari at pinagpipilitan nilang paniwalain ang publiko na umano’y naengkwentro ng mga PC ang mga “communist terrorist groups (CTGs)” o mga kasapi ng New People’s Army. Anila, nagpaputok sila ng “warning shot” sa ere upang pakalmahin ang mga tao pero ang mga” armadong myembro” ng mga nagmamartsa ay nagpaputok ng kanilang mga baril at pinuntirya sila. Wala umano silang magawa kundi na magpaputok para ipagtanggol ang kanilang sarili.

Kinontra ang bulaang pahayag na ito ni Atty. J. Antonio Carpio (ngayon ay retiradong Supreme Court Associate Justice at noon ay tagapangulo ng KMTD), at ni Grace Vinzons-Magana. Pinatotohanan naman ito ng fact-finding team na pinamunuan nina dating sanador Jose W. Diokno at batikang mamamahayag na si Joaquino “Chino” Roces. Anila ang mga tinamaan ay karamihan nasa unahan ng martsa, at imposibleng ang mga nagpapaputok ay magmumula sa likuran nila. Wala ring maipakitang nakumpiskang mga armas ang PC.

At biglang tumambad ang tunay na katangiang mabangis at mapanupil ng nagpupusturang mabait na rehimen ay biglang lumabas ang. Hindi na ito nakangiti kundi isang mabagsik na tigre. Inaresto sina Carpio at Vinzons-Magana noong maagang bahagi ng Hulyo bago pa man masimulan ang pormal na imbestigasyon sa “Bloody Sunday”. Sa umpisa, hindi sinampahan ng kaso ang dalawa nang idinetine sila. Kalaunan kinasuhan sila ng paglabag sa isang presidential commitment order (PCO) na pinirmahan mismo ni Ferdinand Marcos Sr noong Hunyo 26 (mahigit isang linggo pagkatapos ang madugong insidente).

Kinasuhan sina Carpio at Vinzons-Magana dahil nilabag umano nila ang Anti-Subversion Law (Presidential Decree No. 885) at PD No. 33 kaugnay sa paggawa ng mga polyetong pampropaganda laban sa diktadurang rehimen. Ngunit umani ng malawakang pagkundena ang pagkaaresto at pagkakulong sa kanila. Bunsod nito ay napilitang palayain ng diktadurang Marcos I ang dalawa.

At ano ang nangyari kina Colonel Custodio, Captain Malilay at iba pang mga sundalo ng PC?

Upang pakalmahin ang mga kritiko ng diktadurang rehimeng Marcos I, nagsagawa ng imbestigasyon ang Human Rights Committee sa ilalim ng Ministry of National Defense. Pinamunuan ito ni Col. Jose M. Crisol. At ano ang husga nito? Pinawalang-sala ang itinuturong mga berdugo ng Daet Massacre!

Dahil sa pagkukunsinti ng rehimeng US-Marcos sa mga mersenaryo at mamatay-taong mga pasista, nangyari na naman ang isang masaker sa Camarines Norte noong Hunyo 24, 1982. Dinakip ng 45th IB ng Philippine Army ang limang magsasaka at pinagtrabaho sa detatsment nila sa Barangay Mabilo, bayan ng Labo. Nang matapos na sila sa kanilang trabaho sa detatsment ng militar, imbes na pasasalamatan ay pinagbabaril at pinatay ang lima. Minasaker sila ng militar bilang ganti sa pagkamatay umano ng isang sundalo sa isang pananambang ng New People’s Army sa panahong iyon.#

AB: Isang Madugong Linggo ng Hunyo sa Daet