Imbitasyon sa punong kumander ng militar sa pagtatapos sa WVSU, kinundena ng mga estudyante
Kinudena ng mga estudyante ng West Visayas State University (WVSU) ang imbitasyon ng administrasyon ng unibersidad kay Lt. Gen. Antonio Nafarrete, pangkalahatang kumander ng Philippine Army, bilang panauhing tagapagsalita sa 2026 WVSU University Recognition Program sa Hunyo 3. Anang mga estudyante, walang lugar ang mga berdugo at lumalabag sa karapatang-tao sa kampus.
“Pinamumunuan ni Nafarrete ang isang institusyon na bantog sa deka-dekadang pag-abuso sa karapatang-tao, kabilang ang ekstra-hudisyal na pamamaslang, Red-tagging sa mga sibilyan, pagmamanman at panghaharas,” pahayag ng League of Filipino Students (LFS)-WVSU. Kabilang sa pinakahuling krimen ni Nafarrete at ng Philippne Army ang pagmasaker sa Toboso 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental. Siyam dito ay hindi armadong mga indibidwal at 10 Pulang mandirigma.
Ayon sa grupo, ipinalaganap ni Nafarrete at ipinagpilitan ang kasinungalinan na “lehitimong engkwentro” ang masaker sa Toboso sa kabila ng mga ebidensyang natuklasan ng National Fact-Finding and Solidarity Mission sa bayan. “Kasalukuyan niyang pinapangasiwaan ang pagpapalakas ng militarisasyon ng Philippine Army. Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, mas marami pang sibilyan ang magiging biktima ng mga susunod na pag-atake ng militar,” pahayag ng LFS-WVSU.
Maliban sa mga krimen ng militar sa kanayunan, bantog rin ang Philippine Army at ang National Task Forc-Elcac sa militarisasyon sa mga kampus. Nilalapastangan nila ang akademikong kalayaan at karapatang sa malayang pagpapahayag at pag-oorganisa sa mga unibersidad sa panghihimasok at pakikialam sa mga kampus.
Ayon sa LFS-WVSU, bilang mga estudyante ng unibersidad ay dapat mabahala sa pagkilala at pagdiriwang sa mga tagumpay at katauhan ni Nafarrete. “Siya at sinumang sangkot sa paglabag sa karapatang-tao ay hindi dapat at hindi kailanman dapat tanggapin sa unibersidad na ito,” dagdag ng grupo.
Nagpahayag din ng pagkabahala sa imbitasyon ng WVSU sa berdugong heneral ang National Union of Students of the Philippines (NUSP)-Panay. “Nanawagan kami sa mga upisyal ng WVSU na itaguyod ang integridad ng institusyon at pangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga estudyante. Dapat hikayatin ng unibersidad ang kritikal na pag-iisip at pahalagahan ang mga prinsipyo ng hustisya, pananagutan, at transparency,” pahayag ng NUSP-Panay.
Si Nafarrete ay itinalaga bilang ika-67 kumander ng 110,000 laking pwersang Philippine Army noong Hulyo 2025. Nagtapos siya sa Philippine Military Academy noong 1990. Naghasik siya ng lagim sa mga komunidad ng mga Pilipino bilang kumander ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines at bilang kumander ng 6th ID.