Panukalang gawing holiday ang kaarawan ni Ferdinand Marcos Sr sa Ilocos Norte, kinundena
Mariing kinundena ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) at ng Project Gunita ang panukalang gawing special non-working holiday ang kaarawan ni Ferdinand Marcos Sr sa Ilocos Norte.
Inaprubahan sa mababang kapulungan noong Mayo 26 sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9216 o “President Ferdinand Edralin Marcos Day” tuwing Setyembre 11 sa botong 218 pabor, apat na hindi sang-ayon at dalawang abstain. Ang panukala ay inakda nina Sandro Marcos, House Majority Leader at kinatawan ng unang distrito sa Ilocos Norte; Angelo Marcos Barba kinatawan ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte at Florencio Miraflore, kinatawan ng Aklan.
Ayon kay Kris Lacaba, convenor ng CARMMA, kinakatawan ng panukala ang pagsisikap ng pamilyang Marcos upang i-rebisa ang kasaysayan at palabasin ang dating diktador bilang isang taong dapat iginagalang at tularan.
“Pwedeng matagumpay ng pamilya Marcos na gunitain ang petsang ito sa kalendaryo, ngunit mananatiling nakakintal sa ala-ala ng mga Pilipino ang libu-libong paglabag sa karapatang-tao at ang bilyun-bilyong dolyar na ninakaw nila mula sa kaban ng bayan,” aniya.
Ayon sa Project Gunita, organisasyon na nakatuon sa pagtitipon ng mga materyales kaugnay sa batas militar, sa halip na piliting baguhin at burahin ang malagim na kasaysayan ng rehimeng Marcos Sr, dapat ipagbunyi at kilalanin ang mga tunay na bayani at martir ng Ilocos Norte tulad nila Purificacion Pedro, Fr. Zacharias Agatep at Alfredo Cezar.
Si Pedro ay nagsisilbi sa mga komunidad na naapektuhan ng pagbaha, maralitang tagalungsod at ng proyekto Chico River Dam bago siya hinuli ng militar sa isang reyd sa Bataan noong 1977 at pinaslang sa Bataan Provincial Hospital. Si Agatep at Cezar ay nag-oorganisa ng mga maralitang magsasaka sa Hilagang Luzon. Kalaunan ay sumapi sila sa Bagong Hukbong Bayan sa Ilocos Sur. Pareho silang nasawi sa isang operasyon sa Salcedo noong Oktubre 1982.