Unang plenum ay ginanap ng Komite Sentral upang pasidhiin ang muling pagbubuo ng Partido at ang sandatahang pakikibaka

,

Ginanap ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa isang dako sa Gitnang Luson noong Mayo 12 at 13 ang Unang Plenum mula sa Konggreso ng Muling Pagtatatag (Ika-26 ng Disyembre, 1968) at mula ng emergency meeting ng Komite Sentral noong 1951 sa Sierra Madre.

Tinawag ang Unang Plenum upang pasidhiin ang Muling Pagbubuo ng Partido at ang sandatahang pakikibaka sa ilalim ng kataastaasang pamamatnubay ng Kaisipang Mao Tsetung.

Binigkas ng Tagapangulong Amado Guerrero ang talumpating pambungad. Nilagom niya ang karanasan ng Partido mula noong Konggreso ng Muling pagtatag at ipinakita ang mga tagumpay ng Partido sa pagwawasto ng mga kamalian ng Lavaismo at Taruc-ismo bilang siyang dalawang katutubong pinagmumulan ng rebisyonismo, sa pagwawaksi sa mga tagapagmana at tagapagpalaganap ng Lavaismo at Taruc-ismo at gayundin sa pangkating Taruc-Sumulong, at sa muling pagbubuo ng Partido at ng Hukbo ng Bayan. Inilarawan niyang lubusang paborable sa pagsasagawa ng rebolusyong demokratiko ng bayan ang kalagayang pambansa at pang-internasyonal at ipinamalas ang nalalapit na pagbagsak ng imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyonismo at katutubong reaksyon. Inihayag niya ang mga pangunahing tungkulin ng Partido at ng Hukbong Bayan, habang binigyang-diin ang kahalagahan ng paglulunsad ng nasasandatahang rebolusyong agraryo upang makapaglikha at makapagbuo ng mga baseng purok at sonang gerilya upang mapaligiran ang mga lunsod. Matatag niyang itinaguyod ang rebolusyonaryong linya ng Kaisipang Mao Tsetung upang itakwil nang ganap ang pananaw ng lagalag na rebeldeng pangkat ng pangkating Taruc-Sumulong ng Lunsod ng Angeles.

Binasa ng kasamang Dante sa Sentral Komite ang Pahayag ng Pulong ng mga Pulahang Kumander at Kawal na nagtatakwil nang walang pasubali ang pangkating Taruc-Sumulong at nagproklama sa pagkakatatag ng Bagong Hukbo ng Bayan. Pinatutuhanan ng pahayag ang kataas-taasang pamamatnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at ang ganap na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at ang tumpak na linya na inihayag ng programa ng Partido para sa rebolusyong demokratiko ng bayan. Ibinunyag at pinuna ng pahayag ang mga krimen ng pangkating Taruc-Sumulog at binakas ang kanilang pangkasaysayang paglaki sa loob ng Partido at ng Hukbo ng Bayan. Sa katapusan, dineklara ng pahayag ang pangunahing gawain ng Bagong Hukbo ng Bayan ukol sa pagtulong nito sa muling pagbubuo ng Partido; pagsasagawa ng sandatahang pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng base; at pagbubuo ng pambansang nagkakaisang hanay.

Pinagtibay ng Plenum Ang mga Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbo ng Bayan. Lubusang sinuri ng Komite Sentral ang mga saligang alituntunin, kung kaya’t natitiyak na ang Kaisipang Mao Tsetung ay tumpak at buung-buong nakatawan.

Pitong resolusyon na sadyang magpapasidhi ng muling pagbubuo ng Partido at ng sandatahang pakikibaka ang pinagtibay ng Plenum. Ang mga sumusunod ay ang pitong resolusyon;

1. Resolusyon ukol sa pagsasama sa Komite Sentral ng siyam na proletaryadong kadreng rebolusyonaryo mula sa Bagong Hukbo ng Bayan at sa kilusang pangmagsasaka;

2. Resolusyon ukol sa komposisyon ng Komisyong Militar;

3. Resolusyon ukol sa pagsasama ng Pinakapunong Kumander ng Bagong Hukbo ng Bayan sa Politburo at sa Komiteng Tagapagpaganap ng Bagong Hukbo ng Bayan;

4. Resolusyon naghahalal sa Kasamang Dante bilang Pinakapunong Kumander ng Bagong Hukbo ng Bayan;

5. Resolusyon ukol sa organisasyong pampartido;

6. Resolusyon ukol sa edukasyong pampartido;

7. Resolusyon ukol sa pananalaping pampartido.

Sa Plenum, malakas na binasa ang mga siniping pangungusap mula sa Tagapangulong Mao Tsetung para sa pamamatnubay at lalong mahusay na pagkaunawa ng Komite Sentral sa ilang mga suliranin. Pinagpasiyahan ng Plenum na lahat ng mga kasapi sa Partido at mga kandidatong-kasapi ay dapat bigyan ng Mga Siniping Pangungusap Mula sa Tagapangulong Mao Tsetung sa wikang Pilipino at ng Patnubay Para sa mga Kadre at Kasapi ng Partido na naglalaman ng mga saligang dokumento ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bagong Hukbo ng Bayan.

Si Kasamang Amado Guerrero, Tagapangulo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang namatnugot sa plenum.

Unang plenum ay ginanap ng Komite Sentral upang pasidhiin ang muling pagbubuo ng Partido at ang sandatahang pakikibaka