Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Pagpapatibay Muli ng Pamumuno ng Partido sa Hukbo
Kailangang pairalin ng Partido ang absolutong pamumuno sa hukbong
bayan sa pamamagitan ng tamang pagtatalaga ng mga kadre ng Partido. Ang
pamunuan ng Partido sa loob ng kumand ng hukbo ay hindi dapat
pahintulutang magdeklara ng pagkilala sa kumprehensibong pamumuno ng
Partido at sa kabilang banda'y lumarga sa pagkuha ng lahat ng
inisyatiba sa pagtatayo ng "hiwalay" na istruktura at sumunggab para sa
istap militar ng lahat ng kadre ng Partidong naaabot nito. Hindi dapat
"naiiwan" nang gayon na lang ang Partido at pagkatapos ay pagsasabihan
pang humabol na lang sa pagbubuo at pagkokonsolida ng baseng masa,
gayong naunahan na ito ng hukbo sa paghakot sa mga tauhan at rekurso.
Kailangang kunin ng Partido ang inisyatiba sa tamang pagtatalaga ng mga
kadre at rekurso at hawakan nang buo ang kumand sa hukbong bayan.
Dapat iwasto ang napakaaga at labis na pagsentralisa ng
pamamatnugot at koordinasyon sa matataas na antas at kaugnay nito, mas
palakasin ang tuwirang pamumuno ng mga komite sa teritoryo ng Partido
sa organisasyon at mga yunit ng hukbo sa kani-kanilang saklaw at antas.
Ang napakaaga at labis na sentralisasyon ng pamamatnugot na isang
sangkap ng "regularisasyon" at bertikalisasyon ay nagkakait sa mga
yunit gerilya ng pleksibilidad, nag-eengganyo ng pagsagasa sa mga
kunsiderasyong pulitikal at mga kundisyong lokal, at humahantong sa mas
madalas na pagkakamali ng husga hindi lamang sa mga usaping pulitikal
kundi maging sa mga usaping militar. Dapat itigil ang gawi ng ilang
nakatataas na kumand ng hukbo na lumalaktaw sa mga komite ng Partido sa
rehiyon at tuwirang nag-aatas ng disposisyon at misyon sa mga
pangunahing pormasyong "regular". Dapat ding itigil ang patakarang
nagtuturing na sona ng digma ang lahat ng saklaw ng mga larangang
gerilya, na nagbibigay ng lisensya sa mga kumand ng hukbo at mga
pangunahing yunit ng hukbo na lampas-lampasan ang mga lokal na komite
ng Partido at hindi isaalang-alang ang mga kundisyon, kunsiderasyon at
planong pulitikal sa pagbubunsod ng mga aksyong militar.
Sa loob ng mga yunit ng hukbo dapat palakasin ang papel at
pamumuno kapwa ng kumander militar at upisyal pampulitika; dapat
patuloy na pahigpitin ang kanilang pagtutulungan para sa lahatang-panig
na pag-unlad ng mga yunit ng hukbo. Kailangang tiyakin ang karampatang
kapangyarihan ng kumander militar laluna sa mga sitwasyong militar
habang pinalulusog at pinalalakas ang kolektibong pamumuno ng Partido
sa yunit ng hukbo. Dapat iwasan ang tendensyang labis na idiin ang
kapangyarihan ng kumander at paliitin ang papel ng komite, sangay o
grupo ng Partido sa mga yunit ng hukbo.
Mayroong ilang kaso ng labis na pagdidiin sa linya ng kumand
at awtoridad ng hukbo na umaabot sa halos paglusaw ng kolektibong
pamumuhay at nagkakait sa mga kasapi ng Partido sa loob ng hukbo ng
kanilang karapatang lumahok sa mga kolektibon diskusyon tungkol sa mga
patakaran at mga usapin sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at
militar. Mayroon ding mga kaso sa matataas na antas ng kumand na
gumagawa at nagpapatupad ng mahahalagang desisyon at operasyong hindi
isinasangguni o tahasan pang inililingid sa kaalaman ng mga
kinauukulang komite ng Partido at iniuulat lamang kapag tapos na ang
lahat.
Dapat iwasto ang ganitong mga paglabag sa absolutong pamumuno
ng Partido sa hukbo. Dapat tiyakin sa lahat ng pagkakataon na ang hukbo
ay kumikilos alinsunod sa linya ng Partido at sa mga kumprehensibong
patakaran, plano at prayoridad at wastong timbangan ng mga gawaing
militar at gawaing pampulitika na itinatakda ng mga namumunong komite
ng Partido sa iba't ibang antas. Ang mga gawain sa ideolohiya, pulitika
at organisasyon para tiyaking umiiral at malakas ang pamumuno ng
Partido sa hukbo ay dapat matamang asikasuhin sa tuwina.
Maling magmantine ng malalaking pormasyon na absolutong
nakakonsentra kahit na ang mga ito ay wala sa mga opensibang taktikal o
mga ehersisyong pagsasanay. Ang hukbong bayan ay kailangang hawakang
parang lambat na tinitipon kapag makikipaglaban sa pwersang kaaway na
makakayang talunin; at ihinahagis nang palapad upang umasikaso sa
gawaing masa at iba pang tungkulin kapag hindi nakikipaglaban.
Batay sa dami ng armas na hawak ng BHB, mas makabubuting
ipahawak sa kumand sa rehiyon ang isang kumpanyang tatayo bilang sentro
de grabidad ng hukbo sa buong rehiyon. Kapag hindi nakikipaglaban, ang
kumpanyang ito ay dapat nasa relatibong konsentrasyon na ang platung
panghimpilan ay nakatalaga sa saklaw ng ilang baryo at ang mga iskwad
ng ibang platun ay kayang umabot sa mas malawak na saklaw sa
pamamagitan ng mas maraming baryong nakatoka sa bawat iskwad. Ang
kumpanyang ito ay maaaring lumaban at tumupad ng iba pang tungkulin,
magpalipat-lipat ng mga larangang gerilya para mag-opensiba o tumupad
ng iba pang tungkulin, nang kasanib o kakoordina ang mas marami at mas
nakakalat na mga yunit gerilyang panlarangan at lokal.
Mas makabubuting paramihin ang mga larangang gerilya na may
mga platun bilang pangunahing pwersa at mga iskwad at kalahating-iskwad
na nakakalat sa mas malawak na saklaw para sa gawaing masa. Ang
layuning dapat kamtin ay ang malaganap at masinsing pakikidigmang
gerilya sa buong bansa. Dapat paduguin ang halimaw sa libu-libong
sugat.
Maling sabihing sapat na ang bilang ng mga larangang gerilya
at ang layunin na ay ang bertikalisasyon ng armadong lakas sa iilang
malaking pormasyon. Ito ay panggigipit sa sarili. Pagpapatihulog ito sa
tipo ng gyerang gusto ng kaaway na pasukan natin dahil pwede niyang
talunin tayo sa kanyang digmang mabilisang pinagpapasyahan at gradwal
na konstriksyon, na nakasalalay sa kanyang superyor pang mga pwersang
militar. Masikhay na gawaing masa at pakikidigmang gerilya pa rin ang
ating linyang pampanalo sa yugtong ito ng ating digmang bayan.
Inilalatag ng mga ito ang pundasyong palapad para sa bertikal na
pag-unlad ng hukbong bayan sa tamang panahon.
Sa harap ng mga brigada at batalyong itinatalaga ng kaaway,
gamitin natin ang batas ng kontradiksyon sa ating pakikidigma. Ang
kaaway ay hindi laging nasa solidong malalaking pormasyon. Ang
kalupaang maburol at mabundok sa kanayunan at ang kapuluan ay
obhetibong naghahati sa kaaway. Walang malaking pormasyon ng kaaway na
hindi naghahati sa sarili ayon sa iba't ibang tungkulin at hindi
naglalantad ng baha-bahagi niya para sa pag-atake natin. Sa halip na
sumuong sa landas ng tiyak ng pagkatalo sa pamamagitan ng pagtatangkang
tapatan ang malalaking pormasyon ng kaaway, kailangang gamitin natin
ang mga taktikang gerilya para itulak ang pwersa ng kaaway na hatiin
ang sarili at di-sadyang hainan tayo ng bahagi at iba pang mga bahagi
na pwede nating lipulin.
Saanman hindi pa natin makakayang matagumpay na lusubin ang
isang kampo, dapat maghanap tayo ng tagumpay sa pagtambang sa bahagi ng
kaaway na kaya nating lipulin sa daanan. Saanman hindi pa natin
makakayang lumipol ng mga tropang regular ng kaaway, makakahanap tayo
ng tagumpay sa paulit-ulit na pag-agaw ng armas mula sa mga yunit ng
pulis at paramilitar sa pamamagitan ng mga naangkop na operasyon.
Maling sabihing lipas nang mga taktika ang pag-akit sa kaaway
na pumasok sa kaloob-looban, ang hayaan siyang magpaikot-ikot na bulag
at bingi, at ang pasuntukin siya sa hangin kapag hindi tayo pwedeng
lumaban at manalo sa dahilan lamang na mas paigting nang mas paigting
ang ating digmang bayan habang mas umaabante tayo. Magagamit ang mga
ito kahit sa anumang yugto ng ating digmang bayan. Ang linyang
pampanalo ay ang lumaban lamang sa mga sagupaang kaya nating ipagwagi.
Ang linyang pampatalo ay ang maglitaw ng mga malaking ulo o maghangad
ng sobra sa kaya. Isa pang linyang pampatalo ang umiwas kahit sa mga
labanang kaya nating ipanalo. Sa lahat ng panahon, ipinapalagay na
ubos-kayang pinalalawak at kinokonsolida ang baseng masa.
Hindi pwedeng pahinugin sa pilit ang pag-igpaw sa antas ng
regular na pakikidigmang makilos nang hindi isinusubo ang ating sarili
sa walang katuturang paggasgas sa hukbo at baseng masa o di kaya'y
pagpapatiwakal sa pamamagitan ng wala sa panahong pagsugod sa mga
estratehikong mapagpasyang labanan. Ang pag-igpaw sa regular na
pakikidigmang makilos ay isang estratehikong pag-igpaw na kinakailangan
ng yugtu-yugtong paghahanda at pag-iipon ng kinakailangang lakas at
kakayahan ng Partido, baseng masa, mga reserba at lohistika sa mataas
na antas at mataas na antas din ng panghihina at disintegrasyon ng
kaaway, na may kaukulang pagsasaalang-alang sa iba pang mahalagang
salik sa loob at labas ng bansa. Maging ang pakikidigmang gerilya na
nagpapaunlad ng mga rekisito at naglalatag ng mga kundisyon para sa
regular na pakikidigmang makilos sa hinaharap ay dadaan sa mga yugto
mula sa simple at mababa tungo sa mas kumplikado at mas mataas.
Ang pagwawasto sa "regularisasyon" at adelantadong
bertikalisasyon ng hukbo ay dapat magtuloy sa pagpapanibagong-lakas at
pagpapahusay sa kalidad ng gawaing masa at pagbubuo ng baseng masa sa
kanayunan. May malaking kagyat na gawain sa pagpapalawak ng mga
larangang gerilya at pagbawi sa mga naiwanang lugar, kaalinsabay ang
pagharap agad sa paglutas ng mga problema sa konsolidasyon na natabi sa
sekundaryong pusisyon mula nang "regularisasyon" at "pagtataas ng antas
ng digma". Kailangan ang pagsapol at pagpapatupad sa solidong
pag-oorganisa, wastong balanse ng pagpapalawak at pagpapatatag,
antipyudal na linya sa uri, tuluy-tuloy na gawaing edukasyon at
propaganda, at pagsusulong ng iba't ibang tipo ng kampanyang masa.
Kailangang samantalahin ang higit na pagluwag sa mas malalawak
na bahagi ng kanayunan habang ikinokonsentra ng kaaway ang kalakhan ng
kanyang pwersa at rekurso sa pagsalakay sa mas kaunting prayoridad na
target ng Lambat-Bitag II. Pero dapat matutunan nating umangkop at
magpursigi't magpaunlad sa gawaing masa kahit sa mga sitwasyon at
saklaw na mas maigting ang pakikipaggitgitan sa kaaway. Hindi natin
pwedeng iwanan o pabayaan basta ang mga bahaging mas matao, nasa mga
linya ng transportasyon, komunikasyon at suplay, at importante sa
pag-ugnay at pakikipagtulungan sa kilusan sa kalunsuran dahil lamang
mas naaabot o mas binabantayan ng kaaway. Kailangang magpakahusay tayo,
kung gayon, sa pagkukumbina, ayon sa mga pagbabagu-bago ng sitwasyong
militar at mga partikularidad ng mga lugar (liblib at mabundok, mas
mababa at patag, o tabi ng mga poblasyon at haywey), ng mga
organisasyon at pakikibakang lihim at hayag, iligal, malaligal at
iligal, tradisyunal at di-tradisyunal, gayundin ng mga pakikibakang
armado at di-armado—para mamantina hanggang maaari ang ugnay, paggabay
at pagpapaunlad sa kilusan at baseng masa.
Isang matagal nang problema sa ating gawaing masa ang maliit
na kasapian ng mga organisasyong masa; sa maraming lokalidad, ang
umiiral lamang na organisasyon ng mamamayan ay ang mga organo ng
kapangyarihang pampulitika o katulad ng mga ito. Kailangang resolbahin
natin ang problemang ito sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga
manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, bata at mga aktibistang
pangkultura nang lubusan hanggang sa abot ng kakayanin. At kailangan
nating paunlarin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika na
suportado ng mga komiteng umaasikaso sa mga organisasyong masa,
edukasyon, depensa, reporma sa lupa, produksyon, pinansya, kalusugan,
arbitrasyon, usaping pangkultura at iba pa. Pwedeng manggaling ang mga
ito sa mga organisasyong masa.
Sa pag-oorganisa sa masa, kailangan iwasan din ang napakaagang
bertikalisasyon at bigyang-diin ang palapad na pagpapalakas sa mga
antas ng baryo at munisipalidad. Samantalang kumikitid at nagiging mas
buhaghag ang latag ng mga organisasyong masa sa mga batayang antas,
mayroong tendensya nitong nakaraang ilang taon na itulak pa ang
pagbubuo ng mga istruktura ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika
at samahang masa sa antas ng distrito at mas mataas pa at hatakin pa
ang maliit na bilang ng kadre sa mga gawain sa pangangasiwa,
koordinasyon at mga pormal na proseso ng organisasyon sa mga naturang
antas.
Mahigpit na pangangailangang organisahin ang masa. Pero hindi
sapat ang pagiging organisado. Kailangang magbunsod ng mga kampanyang
masa. Sa pamamagitan ng mga ito, mapauunlad ng masa ang sarili nilang
kapangyarihan, makagagawa sila ng mga pagbabago para sa sarili nilang
kapakanang panlipunan at ekonomiko, at makatututol at makabibigo sila
sa mga atake ng kaaway sa pamamagitan ng mga di-armado at armado,
hayagan at sikretong pamamaraan.
Ang susing kampanya para sa benepisyo ng masang magsasaka ay
ang kampanya para maipatupad ang minimum na reporma sa lupa at maiangat
ang produksyon. May ilang elemento na wala pang gaanong nakakamit sa
pagpapatupad ng minimum na reporma sa lupa pero gusto nang ipatupad ang
maksimum na programa ng kumpiskasyon ng mga lupain, udyok ng
paghahangad na magpaputok agad ng mga pag-aalsang magsasaka o di kaya'y
ng pagkukumahog na kunin ang suporta ng masa para sa mas mataas na
antas ng digma. Sobra pa sa sapat ang mga negatibong karanasan natin sa
ganitong tipo ng paghahangad ng lampas—sa pagtatangkang kamtin ang
hindi pa kaya.
Maipatutupad ang mga elemento ng maksimum na programa laban
lamang sa mga despotikong panginoong maylupa (yaong mga nananakit ng
masang magsasaka at mga manggagawang bukid at tumatangging
makipagnegosasyon sa mga ito) at mga mangangamkam ng lupa para
masamantala pa rin natin ang mga hidwaan sa pagitan ng mga panginoong
maylupang despotiko at naliliwanagan, mapigilan ang mga panginoong
maylupa (malalaki, panggitna at maliliit) na magkaisa laban sa atin, at
mapahintulutan tayong higit pang magpalakas sa hanay ng masang
magsasaka, hindi lamang sa mga larangang gerilyang nakatayo na kundi
maging sa mas malawak pang mga lugar na kailangang palawakan pa natin.