Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Namumukod na tagumpay ng Partido Komunista ng Pilipinas na
ito'y naging isang organisasyong pambansa na may malalim na ugat sa
hanay ng malawak na masa ng sambayanan, lalo na sa hanay ng masang
anak-pawis na mga manggagawa at magsasaka. Ang Partido at ang masang
pinamumunuan nito ay nasa kalunsuran at sa malalawak na bahagi ng
kanayunan, sa kapatagan, kabundukan, mga lambak at mga aplaya.
Sa buong kasaysayan ng Pilipinas, hindi pa nagkaroon ng isang
rebolusyonaryong organisasyon na katulad ng Partido na may ganitong
pambansang saklaw at lalim ng ugat sa hanay ng malawak na masa ng
sambayanan. Ang kasapian ng Partido ay ilampung libo at binubuo ng mga
kadre at kasapi. Sa tulong ng mga rebolusyonaryong aktibista,
nalampasan na ng Partido ang Katipunan ng 1898 at lalong higit ang
lumang Partido Komunista ng Pilipinas sa pambansang latag at sa iba
pang makabuluhang aspeto.
Naririyan ang Partido saanman umiiral ang itinayo nitong
hukbong bayan, mga lihim at ligal na organisasyong masa at mga organo
ng kapangyarihang pampulitika. Ito ay nasa ulo at bag-as ng
rebolusyonaryong kilusang masa. Kumikilos ito sa mga bagong lugar ng
pag-unlad, gayundin sa mga tradisyunal na institusyon at organisasyon.
Utang ng Partido ang lakas nito sa mga kadre at kasapi at sa
lahat ng martir na tumalima at nagpatupad sa wastong linya ng Partido;
at sa malawak na masa ng sambayanang sumusunod sa pamumuno ng Partido
ayon sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon laban
sa mga imperyalista at mga lokal na mapagsamantang uri.
Ang Partido ay ang abanteng detatsment ng proletaryado at ng
rebolusyong Pilipino. Kung wala ang talibang ito, ang rebolusyonaryong
kilusang masa na nagdadala ng linyang bagong demokratiko ay hindi
mabubuo at makasusulong. Kahit ang mga kakambal na produkto ng kilusang
ito, gaya ng mga grupo at tendesyang petiburgis na may iba't ibang
antas ng pagkamakabayan at pagkaprogresibo, ay hindi sisigla kung hindi
lumalaki at sumusulong ang Partido at rebolusyonaryong kilusang masa.
Ang pag-atake sa talibang papel ng Partido ay pagtatangkang biguin ang
rebolusyon at ibalik ang pinakamasahol na anyo ng reaksyon.
Ang pangunahing prinsipyo ng Partido sa organisasyon ay
demokratikong sentralismo. Ito ay sentralismong nakabatay sa demokrasya
at demokrasyang nakapailalim sa sentralisadong pamumuno. Para sa
karagdagang paliwanag, masaklaw tayong sumipi mula sa Saligang Batas ng
Partido.
Ang mga batayang kundisyon ng demokratikong sentralismo ay ang mga sumusunod:
1. Ang mga namumunong organo ng Partido sa lahat ng antas ay
ihahalal at magiging responsable sa organisasyon ng Partido o
kumperensyang naghalal sa mga ito.
2. Pagkatapos ng malaya at masusing talakayan, ang mga desisyon ng Partido ay ipatutupad.
a. Ang indibidwal ay nakapailalim sa organisasyon;
b. Ang minorya ay nakapailalim sa mayorya;
k. Ang nakabababang antas ay nakapailalim sa nakatataas na antas;
d. Ang buong kasapian ay nakapailalim sa Komite Sentral at sa Pambansang Kongreso.
3. Ang mga namumunong organo ay laging magbibigay ng pansin sa
mga ulat at pananaw ng mga nakabababang organisasyon ng Partido at ng
masang kasapian ng Partido at palagiang mag-aaral sa mga kongkretong
karanasan at magbibigay ng maagap na tulong sa paglutas ng mga
suliranin.
4. Ang mga nakabababang organisasyon ng Partido ay magbibigay
ng mga regular at ispesyal na ulat tungkol sa mga gawain nila sa
organisasyong nakatataas sa kanila at maagap na hihiling ng mga
instruksyon tungkol sa mga suliraning nangangailangan ng desisyon ng
nakatataas na organisasyon ng Partido.
5. Ang mga organisasyon ng Partido ay sumusunod sa prinsipyo
ng kolektibong pamumuno at lahat ng mahalagang usapin ay
pinagpapasyahan ng kolektibo.
Ngunit ang demokratikong sentralismo ay hindi lamang ang
demokratiko at kolektibong proseso ng pagpapasya. Ang mga desisyon ay
kailangang sumang-ayon sa mga batayang prinsipyong diwa ng pag-iral ng
Partido. Ang mga puntong ito ay nakasaad sa Saligang Batas at Programa
ng Partido; at ang mga ito ang gabay sa pagtukoy sa mga tagumpay,
suliranin at tungkulin; at sa panloob na demokrasya at disiplina sa
Partido at sa pagsasagawa ng pagpuna at pagpuna sa sarili.
Hindi pinahihintulutan ng demokratikong sentralismo ang
paglabag sa Saligang Batas ng Partido, ang pagmenos at pagwasak sa
saligang buhay Partido, ang gawi ng burukratismo gayundin ng
ultra-demokrasya o liberalismo at ang pagwawalang-bahala sa sariling
seguridad at sa seguridad ng iba at ng buong Partido.
Kinakailangan ang mahusay na paglilinaw sa mga dahilan ng
kabiguan ng Partido na magparami ng kasapian at higit na mapaunlad ang
kumprehensibong buhay Partido, lalo na sa batayang antas. May ilang
elemento at ilang takbo ng pag-iisip na pumipigil dito.