Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Hulyo 1992
[NOTA: Ito ang pinal na dokumentong
sinusugan at pinagtibay ng Komite Sentral ng Partido. Hinahalinhan nito
ang burador na sinulat ni Tagapangulong Armando Liwanag at ang bersyong
inamyendahan at inaprubahan ng Komiteng Tagapagpaganap.
Ito ay isang internal na dokumento ng Partido.
Walang sinumang kadre ng Partido na makatatanggap ng kopya ang maaaring
magparami nito nang walang pagtitibay mula sa nakatataas na organo.
Ang dokumentong ito ay dokumento ng paglalagom
at kaalinsabay, dokumento ng kilusang pagwawasto. Kaya nakahihigit ang
mga pahayag na kritikal kaysa mga deklarasyong nagpupugay sa mga
tagumpay ng Partido.
Ang bago at di pa nailalathalang mga datos na
ihinahapag sa dokumentong ito ay hindi maaaring ilathala nang walang
pahintulot at pagtitibay mula sa nakatataas na organo ng Partido.]
Muli nating pagtibayin ang mga saligang rebolusyonaryong
prinsipyo ng Partido. Ang mga ito ang tanglaw na patnubay sa pagtatasa
at pagpupugay sa mga tagumpay ng Partido, gayundin sa pakikitungo sa
mga suliranin at mga pag-atras na walang katumbas sa nakaraan.
Ang ating mga prinsipyo ay nakasaad sa mga dokumento ng muling
pagtatatag, tulad ng "Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Buuin ang
Partido", Saligang Batas at Programa ng Partido. Bilang mga
proletaryong rebolusyonaryo, dapat laging sinusukat natin ang ating
sarili ayon sa mga prinsipyong ito.
Kabilang sa mga prinsipyong ito ang mga sumusunod: pagtalima
sa teorya ng Marxismo-Leninismo, pagtatakwil sa modernong rebisyunismo,
makauring pagsusuri sa lipunang Pilipino bilang malakolonyal at
malapyudal, pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon,
namumunong papel ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido, teorya ng
digmang bayan at estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa
kanayunan, nagkakaisang prente ayon sa rebolusyonaryong linya sa uri,
demokratikong sentralismo, sosyalistang perspektiba at proletaryong
internasyunalismo.
Sa mga taong nagdaan, ang malaking mayorya ng kadre at kasapi
ng Partido ay kumapit sa mga saligang prinsipyong ito at nagkamit ng
malalaking tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Sa matagal
na pakikibaka sa pasistang diktadurang US-Marcos, ang Partido ay
gumanap ng namumukod-tanging papel hanggang katapusan at masaklaw at
malalimang nakapagsulong ng rebolusyong Pilipino sa antas na mas mataas
kaysa kailanman sa nakaraan.
Sa patnubay ng pangkalahatang linya ng Partido, wastong mga
taktika laban sa pasistang diktadurang US-Marcos, at patakaran sa
hakbang-hakbang, lahatang-panig at tuluy-tuloy na pagsusulong ng
armadong rebolusyon, at sa pamamagitan ng magiting na pakikibaka at mga
sakripisyo ng mga kadre at kasapi ng Partido at ng rebolusyonaryong
masa—naabot ng Partido, hukbong bayan, kilusang masa at
rebolusyonaryong nagkakaisang prente noong unang hati ng dekada 1980
ang lawak at lakas na wala pang katulad sa kasaysayan ng muling-tatag
na Partido at nakalampas sa latag at lakas na inabot ng kasukdulan ng
armadong rebolusyon sa pamumuno ng lumang partidong pinagsanib.
Kaalinsabay, may mga malubhang paglihis at kamaliang nagdulot
ng malulubhang pinsala sa Partido at rebolusyonaryong kilusang masa,
gayundin ang iba pang mga pagkakamali at kakulangang kahit hindi
kasinseryoso ay nakalikha rin ng mga pinsala at naging balakid sa
pagsulong ng rebolusyon. Dala ng petiburgis na kapusukan at suhetibismo
at sa harap ng masiglang pagsulong ng rebolusyon at mabilis na paghina
ng pasistang diktadurang US-Marcos, lumitaw sa loob ng Partido ang mga
konsepto ng pagsulong na lumilihis sa mga saligang prinsipyo at sa
teorya't linya ng digmang bayan, lumilipad palayo sa mga konkretong
kundisyon at aktwal na lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa, labis na
nagmamadali, at naghahangad lumaktaw sa mga yugtong kailangang daanan
sa pagsulong ng rebolusyon.
Pinakamalala sa mga ito ang linyang nagkukumbina ng pag-aasam
sa armadong insureksyong lunsod at "regularisasyon" ng hukbo, na
nagpalaganap sa kanayunan ng mga gawing adbenturistang militar at
pananaw na lantay militar at sa kalunsuran, ng mga ideya at aksyong
putsista at sumasamba sa ispontanyong masa. Bunga ng obsesyon sa
insureksyong lunsod at adelantadong pagbubuo ng mga mas mataas at hindi
pa kayang isustineng pormasyong militar (mga kumpanya at batalyon) at
mga istrukturang istap na labis na mabigat sa itaas, napagkakaitan ng
mga kadreng kailangang-kailangan ang gawaing masa sa kanayunan.
Pinalilitaw na ito ay pag-aangkop o pagpipino sa teorya at praktika ng
digmang bayan o di kaya'y isang superyor na teorya o estratehiya.
Tuloy, binabagabag tayo ngayon ng pagkabawas ng baseng masa at kaakibat
na iba pang mga suliranin, na sa lubha'y wala pa ring katumbas sa
nakaraang karanasan ng muling-tatag na Partido.
Ang mga malalang paglihis at pagkakamali ay matagal na hindi
natukoy, napuna at naiwaksi. Ang mga ito ay napabayaang lumaganap at
makaimpluwensya sa malalaking bahagi ng organisasyon ng Partido,
lumikha ng malaking disoryentasyon at pinsala, tumigas hanggang
tahasang tumatanggi sa pagpuna at pagwawasto, at umabot na ngayon sa
kalubhaang naglalagay ng mismong buhay ng Partido at rebolusyonaryong
kilusang masa sa peligro.
Gayunman, ang wastong linya at mga nagtataguyod dito ay
nananaig pa rin sa loob ng Partido at may kakayahang patuloy na manaig
sa maling linya. Dapat linawing mas malakas pa rin tayo ngayon kaysa
noong 1968, 1977 o 1980 sa maraming bagay. Ang kabuuang lakas ng
Partido, hukbong bayan at kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran ay
humigit-kumulang nasa antas noong 1983 o 1984. Kapag naituwid ang mga
paglihis at pagkakamali at mas napatatag ang pagtahak sa wastong
landas, ang lakas na naipundar at hawak natin hanggang ngayon ay sapat
para ipagpatuloy ang pagpapalakas at pagpapaunlad sa hinog na antas ng
estratehikong depensiba. Matibay ang batayan para patuloy na pamunuan
ang masa (mulatin, organisahin at pakilusin sila) at ibunsod ang mga
opensibang kakayanin natin (mga aksyung masa at armadong opensibang
taktikal).
Ang kaaway ay nananaginip nang gising sa pagmamayabang na
magagapi ang Partido at sambayanan sa 1992 at 1993. Ang naghaharing
sistema ay binabayo ng papalalang krisis sa pulitika at ekonomya.
Papatindi ang karahasan sa pagitan ng mga paksyung pulitikal ng mga
mapagsamantalang uri. Ang di pa industriyalisadong ekonomyang
malakolonyal at malapyudal ay patuloy na hinuhuthot ng mga lokal na
mapagsamantalang uri at mga empresa at bangkong multinasyunal. Ang
krisis ay nagtutulak sa paghihimagsik ng mamamayan at nagsisilbing
matabang lupa para sa armadong rebolusyon at ligal na kilusang
demokratiko.
Kailangang matatag tayong manindigan bilang mga proletaryong
rebolusyonaryo, tulad ng mga Bolshevik noong mabilis na lumawak ang
kapitalismo patungong modernong imperyalismo sa kapanahunan ng
Ikalawang Internasyunal at tulad rin ng mga Komunistang lumaban sa
pasismo sa isa pang panahon bago, noong kapanahunan at pagkatapos ng
Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kailangang matatag tayong manindigan at
lumaban ngayon sa isa pang madilim na yugto, sa kalagayang mistulang
walang humahamon ni may kakayahang gumapi sa kapitalismo bunga ng
pagguho ng Unyong Sobyet at mga naghaharing partido at rehimeng
rebisyunista at paghalili sa kanila ng lantad na makauring diktadurang
burgis at mga rehimeng kapitalista.
Ang palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na
sistemang panlipunan ay patuloy na lumalala at lumilikha ng mga
kundisyon para sa pagsulong ng ating matagalang armadong rebolusyon.
Namamasdan natin ang papalaki nang papalaking mga kontradiksyon sa
hanay ng mga kapitalistang kapangyarihan, sa pagitan nila at ng
dumaraming malakolonyang lubog sa utang, sa pagitan ng mga lokal na
naghaharing uri at ng kanilang mga dayuhang amo sa isang banda at ng
mga api't pinagsasamantalahang mamamayan at bansa sa kabilang banda, at
sa pagitan ng burgesya at proletaryado.
Lahat ng kontra-rebolusyonaryong kampanya ng karahasan at
panlilinlang ay mabibigo basta't ang Partido ay mahusay na naglalagom
ng mga karanasan, pumupuna, nagtatakwil at nagwawasto sa malalaking
pagkakamali at paglihis na seryosong puminsala sa Partido at sa
rebolusyonaryong kilusang masa. Kayang patuloy na palakasin ng Partido
ang sarili sa pamamagitan ng pagsandig sa mga tagumpay sa nakaraan at
kasalukuyan, pagsasagawa ng pagpuna at pagpupuna-sa-sarili sa isang
lahatang-panig na kilusang pagwawasto at tumpak na pagtatakda ng mga
bagong tungkulin.
Sa harap ng mga pagsalakay ng kaaway at ng mga paglihis at
kamaliang seryosong nakapinsala sa mga rebolusyonaryong pwersa at sa
sambayanan, kami ay nananawagan sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido
na pagtibaying muli ang mga saligang prinsipyo, tukuyin at iwasto ang
mga mayor na paglihis, pagkakamali at pagkukulang, at palakasin ang
ating Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.
Sa kabila ng malakihang pagkabawas sa lakas natin sa ilang
lugar, may ilang elementong naggugumiit sa kanilang kapusukan. Mayroon
namang bumabaling mula sa sobrang-Kaliwa tungo sa Kanang pusisyon.
Lubhang mahalagang matukoy ang mga ugat sa ideolohiya, pulitika at
organisasyon ng mga mayor na pagkakamali at pagkukulang, malaman ang
mga sirkunstansyang pinagsulputan ng mga ito at makilala ang pinsalang
likha nila, nang wastong maitakda ang landas ng pagsulong at mapalakas
ang Partido at rebolusyonaryong kilusang masa.
Maaaring bumanggit ng hindi mabilang na mga partikular na
tagumpay at mga partikular na suliranin. Pero sa dokumentong ito,
pangunahing layunin ang tukuyin, punahin at iwasto ang mga mayor na
paglihis, pagkakamali at pagkukulang na may pinakamalaking kabuluhan sa
kasalukuyang kalagayan at patuloy na pag-unlad ng ating Partido at
rebolusyonaryong kilusan. Samantalang dito'y masaklaw na nirerepaso at
pinag-aaralan ang ating nakaraang praktika at mga kasalukuyang
sirkunstansya, kinakailangan pa rin ang mga pagtatasa at paglalagom na
dapat isagawa sa iba't ibang saklaw.
Sa kabuuan, ang Partido ay may sapat na lakas at sigla para
lutasin ang mga problemang matagal nang umiiral at pangibabawan ang mga
kabiguang walang kapantay sa nakaraan. Higit pa nating mapalalakas ang
ating sarili at maisusulong ang rebolusyon.