Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Muling Pagtibayin Ang Ating Mga Saligang Prinsipyo At Iwasto Ang Mga Pagkakamali

II. Sa Larangan ng Pulitika



Read in EnglishBasahon sa Hiligaynon

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992


Insureksyong lunsod at Adbenturismong Militar

Malubha ang kasalatan ng pag-unawa sa teorya ng digmang bayan at sa estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan. Ang estratehikong linyang ito ay hindi isang abritraryong kautusan para sa isang permanenteng kundisyon. Nangangahulugan lang ito na kung hindi pa kakayaning agawin ng hukbong bayan ang mga syudad, ang mga rebolusyonaryong pwersa ay kailangang mag-ipon muna ng lakas sa kanayunan kung saan ang reaksyunaryong kapangyarihan at kontrol ay relatibong mas mahina at may malawak na lugar sa pagmamaniobra ng hukbong bayan para sa pagbubunsod ng mga opensibang taktikal, pag-iipon ng armadong lakas at paglahok sa gawaing masa.

Lilitaw sa hinaharap ang mga kundisyong magpapahintulot sa hukbong bayan at sa mamamayang nag-aalsa sa pamumuno ng Partido na mapagpasyang agawin ang mga sentrong bayan, kabisera, menor na syudad at mayor na lunsod sa ganitong malamang na pagkakasunud-sunod. Pero pagpapadalus-dalos ang paniniwala na maaaring bumagsak ang Metro Manila sa isang pag-aalsa sa pamumuno ng Partido nang mas maaga sa panahong nabali na sa kanayunan ang gulugod ng mga pwersa ng kaaway o bago sila tumungo sa proseso ng katapusang pagkalansag.

Sangkot kapwa sa pag-aalsang EDSA noong 1986 ang isang rebelyong militar at isang pag-aalsang anti-Marcos o antipasista, pero ang US, ang mga reaksyunaryong uri, ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ang Simbahang Katoliko ay nasa pusisyon pa rin para magtakda sa kahihinatnan ng pag-aalsa. Batid nila ang balanse ng mga pwersa na pabor sa kanila. Layunin lang nilang palitan ang isang reaksyunaryong naghaharing pangkatin ng isa pa, kahit pa may popular na pag-aalsa.

Ang yugtu-yugtong pagbubuo ng hukbong bayan ay ginagawang katatawanan ng ilang elementong hindi naman talaga nakapag-aral sa teorya ng digmang bayan at malinaw na hindi naniniwala na kailangang wasakin ng BHB ang mga sandatahang pwersang reaksyunaryo at palitan nito ang huli sa kalaunan. Nakita natin kung paanong nagsimula sa halos wala noong 1969 ang BHB at lumaki. Ang digmang bayan ay tiyak na dadaan sa isang panggitnang yugto ng pag-unlad bago lubusan at mapagpasyang matalo nito at mapalitan ang mga pwersa ng kaaway.

Ang panimula, panggitna at panghuling yugto ng digmang bayan ay hindi pwedeng isantabi bilang mga konseptong walang-katuturan ng mga tumatangan sa oportunistang ideya na ang insureksyong lunsod at mga imported na mabibigat na armas ay uubrang makapalit sa ganap na pag-unlad ng digmang bayan. Kapag sa pagtukoy sa mga yugto ng digmang bayan ay ginagamit ang katagang malamang (mas malapit sa katuparan kaysa sa katagang posible) sa halip na tiyak, binibigyang-puwang ang di-pagkatupad o pagkagapi bunga ng mga paglihis at kamaliang tulad ng nagawa ng Komisyon sa Mindanaw laban sa linya ng digmang bayan o bunga di kaya ng sapilitang pag-atras sa harap ng dayuhang agresyon.

Ang kasabihang Kaliwang oportunismo ay angkop kapag tumutukoy sa panggagatong at pagsakay sa natural na paghahangad sa mabilisan at madaliang tagumpay pero dinadala naman ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kabiguan at pagwasak sa sarili. Ang insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar ang pinakamalalang anyo ng Kaliwang oportunismo sa kasaysayan ng Partido mula 1968 hanggang ngayon. Ang mga ito ay pag-urong sa linya ng pakikidigmang gerilya sa lunsod (Carlos Marighela) at sa teoryang foco (itinaguyod ni Regis Debray), na tinangkang ipalaganap ng ilang elemento sa loob ng Partido noong maagang bahagi ng mga taong 1970 pero epektibong nabaka ng Partido.

Bago pa man muling maitatag ang Partido noong 1968, may halos isang dekada na ng kalakha'y gawaing lunsod sa hanay ng mga manggagawa at estudyante, na isinagawa ng bagong-sibol na mga proletaryong kadre kasama ng ilang beterano ng rebolusyonaryong kilusan. Nang muling itatag ang Partido, mas marami ang proletaryong kadre sa kalunsuran kaysa sa kanayunan. Produkto sila ng pagpapanibagong-lakas ng anti-imperyalista at antipyudal na kilusang masa na nakabase sa Metro Manila.

Di nagtagal pagkatapos ng muling pagtatatag ng Partido, nang wala pang 200 ang kasapi ng Partido na nakakonsentra sa Metro Manila, naisagawa ng Partido ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at iba pang aksyong masa noong panahong 1970-72. Mula sa mga aksyong masang ito lumitaw ang ilang libong aktibistang masang naging mga kasapi ng Partido.

Karangalan ng Partido na mula pa nang muling itatag nito, tuluy-tuloy na itinaguyod nito ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan. Sa gayong paraan, namulat at nahikayat ang mga proletaryong kadre mula Metro Manila na sumanib sa mahuhusay na labi ng lumang hukbong bayan para buuin ang Bagong Hukbong Bayan sa kanayunan noong 1969. At nang ipataw ang batas militar at pasistang diktadura, handa ang isip ng mga kasapi ng Partido at mga aktibista sa kalunsuran, maramihan silang tumungo sa kanayunan noong 1972 at pagkatapos ay lumahok sa masikhay na paglalatag at pagbubuo doon ng mga pwersang armado at rebolusyonaryong kilusang masa na nagsilbing tuntungan at gulugod ng mabilis na pagsulong noong mga taong 1980.

Ang kalakaran ay ang pagpunta sa kanayunan ng mga kadreng produkto ng kilusang masang nakabase sa kalunsuran. Kung wala ang ganitong kalakarang hinihikayat at inoorganisa ng Partido, wala o kulang na kulang ang kadre para sa pagbubuo ng hukbong bayan, mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Itinaguyod ng kalakarang ito ang digmang bayan.

Pero mula maagang bahagi ng mga taong 1980, may papalalang pagpihit sa nasabing kalakaran. Inumpisahan ito ng sentral na pamunuan sa konsepto ng timbangang 60-40 ng gawaing kanayunan at gawaing lunsod at pagbibigay-diin sa masaklaw na kilusang pampulitika at malawak na gawaing alyansa na nakabase sa kalunsuran, batay sa itinakdang taktikal na prayoridad na ihabol ang gawaing lunsod at malawak na alyansa sa mas sulong na gawaing kanayunan at saligang alyansa, gayundin sa ilang pananaw na ang gayong timbangan ang akma sa antas ng urbanisasyon ng bansa. Mula 1981 natigil na ang pagpapadala sa kanayunan ng makabuluhang bilang ng kadre at aktibista mula kalunsuran. Nagsimula at lumala din ang tunguhin sa pagbabase sa syudad ng mga sentral at pambansang organo at bandang huli, maging ng maraming namumunong komite at organong istap sa mga rehiyon.

Ang mga namumunong komite at kadre ng Partido ay nahatak nang nahatak sa mga usapin at tungkuling nakasentro sa kalunsuran at palayo nang palayo sa mahihigpit na usapin at tungkulin sa lahatang-panig na pagpapaunlad ng hukbong bayan, baseng masa at organisasyon ng Partido sa kanayunan, na dati nang hindi sapat na naaasikaso. Ang mga kadre ay nahatak sa mga organong namumuno at istap na nakabase sa kalunsuran, mga ligal na organisasyong masa at mga ligal na institusyon o di kaya'y sumanib sa mga armadong partisano sa syudad, sa halip na pumunta sa kanayunan. Hindi nila nababatid na ang masang magsasaka sa sarili nila ay hindi makapagluluwal ng tipo ng kadre at iba pang tauhang napalilitaw ng kalunsuran at kinakailangan ng kanayunan.

Sa gabay diumano ng tatlong estratehikong koordinasyon (na itrinansporma nila sa tatlong estratehikong kumbinasyon) at ng timbangang 60-40, ang mga namumunong kadre ng Komisyon sa Mindanaw ay pumwesto sa maliliit na lunsod sa Mindanaw (mga sentrong lunsod at kanugnog na mga nayon), nagtaguyod ng linya ng pagpapatindi ng pakikibakang pulitiko-militar sa puting purok, at sa kalauna'y nagsistematisa nito sa isang buong linya ng armadong insureksyong lunsod na impluwensyado ng tagumpay ng mga Sandinista. Kinumbina nila ito sa adbenturistang linya ng maramihang pagbubuo ng mga pormasyong kumpanya at pagpapaigting ng mga operasyong laking-kumpanya sa kanayunan na nagpapagunita sa kapusukan ng pamunuang Jose Lava sa pagbubuo ng mga kumpanya at batalyon noong 1949 at 1950 nang walang kaukulang pansin sa pagbubuo ng partido at ng baseng masa, ibig sabihin, mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa, nang ibinaling ang pangkalahatang tungkulin mula pagpapalawak ng pakikidigmang gerilya tungo sa pagpapatindi at pagkatapos sa pagtataas ng antas nito.

Likas sa linya ng paghahangad na umagaw ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga pag-aalsang lunsod, sa tulong ng ilang adelantadong pinalaking yunit ng BHB na hindi nagtatamasa ng malawak at malalim na baseng masa, ang pagpapahina at pagpapaliit ng interes ng mga kasapi ng Partido at mga aktibistang masa na pumunta sa kanayunan para doon magsagawa ng rebolusyonaryong gawain. Sa kalaunan, laluna mula 1983 hanggang pagkatapos bumagsak si Marcos, hindi lamang tumigil ang pagpapadala ng kadre sa kanayunan kundi marami-raming kadreng nakatalaga sa kanayunan ang nahila pa patungong kalunsuran.

Kaakibat ng linya ng insureksyong lunsod, ang linya ng pagpapatindi at pagtataas ng antas ng pakikidigma ay naging linya halos ng mabilisang tagumpay militar. Dinagdagan ang mga suson ng kumand at istap ng hukbo at itinayo ang mga kumpanya nang hindi iniintindi ang kinakailangang balanse at ugnayan ng pormasyong militar at ng baseng masa. Binuo ang mas malalaking pormasyong militar at dagdag na suson ng istap at kumuha ng mga kadre at mga rekursong materyal palayo sa mga yunit na namamahala sa iba't ibang anyo ng gawaing masa, gawaing militar at gawaing partido sa mga lokalidad, na masyado nang manipis, salat sa tauhan, kulang sa pagsasanay at kulang sa sandata. Noong 1984 at 1985, nang ilarga na ang pagbubuo ng mga kumpanya at pagpapatindi ng mga operasyong kumpanya, saka pa lamang ihinahabol ang pagbubuo ng mga seksyon mula sa bagong rekrut na mga kadre at kasapi ng Partido na salat na salat sa kaalaman at kakayahang pulitikal at militar. Dagdag pa ang pang-uudyok ng ilang namumunong kadre sa Komisyon sa Mindanaw sa pagpapaliit ng pansin sa edukasyon, propaganda at pakikibakang antipyudal at pagpapalaganap sa kilusang masa sa kanayunan ng linyang halos puro antipasista. Napako sa relatibong mababang antas o di kaya'y bumaba pa ang kalidad ng baseng masa, gawaing partido at gawaing militar sa maraming lokalidad.

Sa maikling panahon, mula 1983 hanggang 1984, naging epektibo sa Mindanaw ang mga opensibang militar ng mga kumpanya, pinalaking kumpanya at mga kumpanyang koordinado. Taun-taon mabilis na nakarekrut ng mga mandirigma at nakakumpiska mula sa kaaway ng daan-daang ripleng mataas ang kalibre. Pero nang ibayong dumami ang pwersang militar ng kaaway at naitayo ang mga pwersang paramilitar at mga anti-komunistang sektang panatiko sa papalawak nang papalawak na lugar, hindi na nakayanan ng mga yunit sa gawaing masa at mga lokal na yunit gerilya ang pagpapatuloy ng gawaing masa at gawaing militar sa paparaming baryo. Sa panahong iyon, ang baseng masang lubhang bago pa, tigil ang pag-unlad o di kaya'y mayroon nang pagdausdos bunga ng mga kakulangan ay isinabak pa sa mas maigting na sitwasyong militar at tuloy, mas mabilis na kumitid at bumuhaghag. Noong 1985-87 malalaking tipak ng baseng masa at ng mga larangang gerilya ang buu-buong nawala sa harap ng patung-patong na hambalos ng malakihang opensibang militar ng kaaway, mga pinsala at demoralisasyong gawa ng Kampanyang AHOS, disoryentasyon sa kagyat na sitwasyon pagkabagsak ni Marcos, at malubhang pagkukulang sa paggabay at pagsuporta ng mga nakatataas na komite ng Partido.

Malinaw ang layunin ng kaaway: wasakin ang rebolusyonaryong baseng masa, gipitin ang mga kumpanya at pinalaking kumpanya ng hukbong bayan sa isang sitwasyong lantay-militar kung saan magagamit ng mga pwersa ng kaaway sa kanilang pabor ang kalamangan nila sa militar. Pinakamabisang magagamit ng hukbong bayan ang prinsipyo ng konsentrasyon sa mga opensiba kapag mayroon itong malawak at malalim na baseng masa at maraming kadre ng Partido at mga pwersang gerilya sa mga lokalidad. Pero sa isang sitwasyong lantay-militar, nasa bentahe at mananalo syempre ang pwersang militar na tunay na mas malaki.

Dahil sa malubhang pagkabawas ng baseng masa bunga ng maling linya at pamiminsala ng Kampanyang AHOS, gayundin dulot ng mga opensiba ng kaaway, marami sa maliliit at mahihinang yunit sa gawaing masa at yunit gerilya sa mga lokalidad ang labis na naging bulnerable at nadurog ng kaaway. Habang lumalaon, maging ang mga kumpanya ay nalagay sa pusisyong pasibo at peligroso at hindi na gaanong makapagbunsod o makapagpanalo ng mga opensibang taktikal. Nagkapatung-patong ang mga suliranin sa pagrerekrut, moral, pagmamaniobra, koordinasyon, paniniktik at suplay. Bunga ng mga suliraning ito at bilang tugon sa kitang-kitang pangangailangang asikasuhin muna ang baseng masa sa maraming lugar, nag-inisyatiba ang mga komite ng Partido sa mga rehiyon na sadyang paliitin o hayaang lumiit sa laking-platun o pinalaking platun ang mga kumpanya. Noong 1987 ang bilang ng kumpanya sa buong isla ay bumaba sa lima.

Sa mga syudad ng Mindanaw na maliliit at madaling manmanan (Ang Lunsod ng Davao ay hindi naman talaga pinakamalaking lunsod sa daigdig; kanayunan ito pagkalampas sa isang kilometro kwadradong komersyal na gitna nito), ang mga namumunong kadreng kabilang ang mga nasa listahan ng pinaghahahanap ng kaaway ay natangay ng kanilang kaisipang "insureksyunaryo" at naglantad ng kanilang sarili sa mga lugar na pampubliko sa panahon ng mga aksyong masa at naging abala sa pagkontak sa mga alyado at pagkoordina ng mga aksyong masa sa halip na magpatupad at gumabay sa solidong gawaing pang-organisasyon. Kalaparan, mabilis na pagsugod sa mga kumprontasyon at mabilis na pagpapaigting ang tuntunin at sukatang naging importante sa lahat.

Ang mga welgang bayan ay itinuring na "isang prosesong tumutungo sa popular na pag-aalsa" na nagsisilbi sa pagpapabilis ng polarisasyon sa pulitika, paglalantad sa kainutilan ng gubyerno, paghahasa sa masa, at pagpapasambulat sa kabuuang sitwasyon. Sa praktika, ang mga ito ay higit na paralisasyon ng transportasyon sa halip na mga higanteng rali ng mamamayan. Sa mga okasyong ito, ang mga armadong yunit ay nagtatayo ng mga "tsekpoynt" para harangan ang mga haywey at sa mga pook ng pagtitipong masa iilang daan hanggang iilang libong tao lamang ang napagtatagpu-tagpo. Sa mga panahon ding iyon, pinaiinit ng mga armadong partisano ang maliliit na lunsod na ito nang lampas sa kapasidad ng mga kadreng hinahanap ng kaaway na itago ang kanilang sarili. Noong 1984 ang mga namumunong kadre ng Komisyong Mindanaw ay halatang labis na nahirapan nang manatili sa Mindanaw at napilitang lumipat sa Lunsod ng Cebu, na labas sa kanilang saklaw. Nang tambakan ng kaaway ang tukoy na mga base at larangang partisano, patindihin ang paniniktik sa kilusang lihim, sinsinin ang mga tsekpoynt at pagsosona at militarisahin ang mga target na komunidad at syudad, mabilis na lumaki ang pinsala sa hanay ng mga pwersa sa puting purok at nahirapang mantinihin ang mga gawain sa paparaming lugar.

Sa kalagayang may mga kabiguan sa mga puting purok at lumalaki ang kahirapan sa mga larangang gerilya bunga ng tumitinding atake ng kaaway, at mayroong paabot mula sa sentral na pamunuan tungkol sa pag-aalerto sa impiltrasyon ng kaaway, ang mga namumunong kadre sa antas ng larangan, rehiyon at teritoryo ng Mindanaw ay madaling kinapitan at natangay ng labis na pagdududa at pagkasindak sa posibilidad na maraming ahente ng kaaway sa kanilang hanay na nagkakanulo sa kanila. Naging madali ang pagkiling sa mga panlabas na dahilang tulad ng impiltrasyon at pananalakay ng kaaway para ipaliwanag ang mga pinsalang natamo, sa kalagayang akala nila'y tumpak at matagumpay ang kanilang linya at hindi nila nakikita ang kamalian at mga tunay na epekto nito.

Batay sa ulat ng isang dating bilanggong pulitikal at mga di beripikadong impormasyon na napiga sa pamamagitan ng tortyur sa ilang pinaghihinalaang impiltrador na sinimulang arestuhin sa isang larangang gerilya noong maagang bahagi ng 1985, madali silang naniwala na may mga deep penetration agents (DPA) ng kaaway sa loob ng Partido, hukbong bayan, mga organisasyong masa at mga ligal na institusyon. Nang-aresto ng iba pang pinaghihinalaang mga mananabotahe at impiltrador at pinadaan sila sa tortyur para makapiga ng mga pahayag na nagdadawit sa sarili at umaamin tungkol sa kanilang mga krimen at kasabwat. Nakumbinse sila na malaking bilang ng DPA ng kaaway ang nakapasok sa Partido sa loob ng mahabang panahon sa pamamagitan ng mga organisasyon sa puting purok at pinakikilos na para pabagsakin at wasakin ang rebolusyonaryong kilusan sa mga huling bahagi ng 1985 o maagang bahagi ng 1986. Ang mga organisasyon ng Partido na labis na lumawak at kumaligta sa konsolidasyon sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ay lubhang madaling mabuyo sa pagdududahan sa pagitan ng mga kadre at kasapi nito. Sa gayon, noong 1985 at pagkatapos, nagsimula at rumagasa sa Mindanaw ang isteryang anti-impiltrador.

Walang katumbas sa buong kasaysayan ng rebolusyong Pilipino ang pagkawasak na idinulot niyon. Kailanma'y hindi nakapaminsala nang gayong kalaki ang kaaway sa mga pwersang rebolusyonaryo sa gayong kaikling panahon. Ang maling linyang pampulitika ay nagbunga ng mga kabiguan at suliraning nagsimula nang maramdaman noong 1984. Sa gayong sitwasyon, mabilis na kumapit ang isteryang anti-impiltrador na humantong sa pangwawasak sa sarili noong 1985 at pagkatapos. Sa batayan ng simpleng duda, halos isang libong tao (kabilang ang mga kadre at kasapi ng Partido at mga aktibistang masa) ang naging biktima ng mga paglabag sa mga karapatang sibil at matinding pagpaparusa. Lubusang isinantabi ang karampatang proseso habang namamayani ang sindak at kahibangan. Bumagsak ang kasapian ng Partido mula 9,000 hanggang 3,000. Ang baseng masa na mababaw at buhaghag pa sa kalakhang bahagi ay lumiit nang 50 porsyento. Ang 15 kumpanya at 30 platun ay naging 2 kumpanya at 17 platun na lang.

Ang mga namumunong kadre ng Komisyon sa Mindanaw ay tumutukoy sa "unang burador ng Kalayaan (Hangganang Quezon-Bikol)" na kanilang sinangguni bilang gabay at may ilang panahong nagdeklara ng rebolusyonaryong tagumpay sa pagpawi ng mga ahente ng kaaway kapalit ng nadamay na maraming ulit na mas malaking bilang ng inosenteng kasama at indibidwal sa loob ng Partido at rebolusyonaryong kilusan. Sa tantos at absolutong bilang, ang pangwawasak na nagawa ng kampanya ay hindi kailanman nagawa ng kaaway sa harapang labanan sa gayong kaikling panahon. Niyurakan ang mga saligang karapatang sibil na ginagarantiyahan ng Lista ng mga Karapatan sa mga Tuntunin ng Probisyunal ng rebolusyonaryong gubyerno na inilabas noong 1972 at ng Konstitusyon ng Partido at ng Mga Tuntunin ng Bagong Hukbong Bayan. Ang naganap ay malinaw na isang malubhang paglapastangan sa mga indibidwal na biktima, sa sambayanan, sa Partido at sa rebolusyonaryong kilusan.

Marami sa may responsabilidad sa naganap na pagkawasak at pambibiktima sa mga kasama at karaniwang mamamayan sa Mindanaw ay taimtim na nagsisisi sa nangyaring kahibangan at nagsikap managot sa kani-kanilang bahagi. Pero ang nagawa nang pagtutuos sa mga pananagutan, sa pinakamahusay, ay parsyal pa lamang. Ang ilan sa mga hindi pa nananagot o hindi pa nahaharap upang managot sa kanilang responsabilidad ay naiangat pa sa mga katungkulang pambansa sa loob ng Partido at nakapagpalaganap ng kanilang maling linya sa mas malawak pang saklaw.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.