Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Ang pinakatampok na tagumpay ng Partido at ng mamamayang Pilipino
ay ang muling pagpapalakas at pagsulong ng rebolusyong Pilipino sa
isang bago at mas mataas na antas na pangkasaysayan mula 1968.
Nakahihigit ang bagong demokratikong rebolusyon sa lumang demokratikong
rebolusyon ng 1896. Ito ay pinamumunuan ng proletaryado sa pamamagitan
ng Partido at may perspektibang sosyalista. Ang Partido ay nasa sentro
ng larangan ng labanan sa pagitan ng rebolusyon at kontrarebolusyon.
Ang Marxista-Leninistang pagsusuri ng Partido sa kasaysayan at
kasalukuyang sirkunstansya ng Pilipinas ay nag-angat ng antas ng
kaalamang teoretikal at pulitikal, gayundin ng rebolusyonaryong
aktibidad, nang ibayong mas mataas sa naabot noong panahong 1930-38 ng
lumang Partido Komunista ng Pilipinas at noong kasunod na panahon ng
lumang pinagsanib na partido ng mga partido Komunista at Sosyalista,
kabilang na ang serye ng mga oportunistang Lava at kanilang mga
tagapagmanang huwad na komunista.
Dulot ng malinaw nitong pagtukoy sa katangian at kasalukuyang
yugto ng rebolusyong Pilipino, mga motibong pwersa at mga kaaway nito,
mga tungkulin at sosyalistang perspektiba nito, ang Partido ay
nakapagbuo sa sarili at mabisang nakakagamit sa rebolusyonaryong
armadong pakikibaka at nagkakaisang prente laban sa imperyalismong US
at lokal na mga uring mapagsamantala at nakakapagsulong sa
pambansa-demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.
Gawa ng pamumunong ibinibigay ng Partido, tumaas nang higit
kailanman sa nakaraan ang antas ng rebolusyonaryong kamulatan at
pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Ang mga organisasyon ng saligang
masang anak-pawis na mga manggagawa at magsasaka at ng petiburgesyang
lunsod ay sumulong nang higit kailanman alinsunod sa linyang
pambansa-demokratiko. Naitatag ang Pulang kapangyarihang pampulitika sa
malalawak na purok sa kanayunan, na nagagawang ipagtanggol ng Bagong
Hukbong Bayan at ng masa kahima't ang kalunsuran ay nasa ilalim pa rin
ng kontrol ng mga pwersang reaksyunaryo.
Bunga ng pagtahak at pagpapatupad sa wastong linyang
pampulitika ng Partido, umaabot sa ilang milyon ang masang nakapaloob
sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika at sa mga organisasyong
masa kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Ang Partido, Bagong Hukbong
Bayan at iba pang rebolusyonaryong pwersa ay nasa malaking bahagi ng 65
sa 73 probinsya, sa ilang daang bayan at ilang libong baryo, at
nagtatamasa ng impluwensya sa buong kapuluan.
Ang rebolusyonaryong katangiang pulitikal ng armadong
pakikibaka (na nasa anyo ng digmang bayan) ay itinatakda ng
pangkalahatang linya ng rebolusyong pambansa-demokratiko. Walang saysay
ang ating armadong rebolusyon kung lihis sa linyang ito. Ang hukbong
bayan mismo ay isang organisasyong masa at isang kilusang masa. Ang
armadong pakikibaka nito sa kanayunan ay kalakip ng tunay na reporma sa
lupa at pagbubuo ng baseng masa (mga organo ng kapangyarihang
pampulitika at mga organisasyong masa).
Pero nagkaroon ng mga paglihis sa ating pagsusuri sa lipunang
Pilipino, sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon at
sa estratehikong linya ng digmang bayan sa likod ng balatkayo ng
"pagbabago", "pagpipino" at "pag-aangkop" sa mga ito.
Sa mahabang panahon ng rehimeng Marcos at pagkatapos sa
panahon ng rehimeng Aquino, ang katayuang malakolonyal at malapyudal ng
lipunang Pilipino ay nanatiling di-nagbabago. Sa katunayan, lalo pa
itong lumalim at lumala. Ang ekonomyang panlipunan ng Pilipinas, kung
ihahambing sa panahon ng muling pagtatatag ng Partido, ay lalong naging
atrasado, agraryo, di-industiyalisado at malapyudal at higit na
binabayo ng krisis na hindi malutas-lutas. Ang sistemang pampulitika ay
kinatatangian ng papalalang karahasan sa pagitan ng mga pangkating
pulitikal at militar ng mga mapagsamantalang uri.
Pero, may mga elementong mulat o di-mulat na naimpluwensyahan
ng imperyalistang propaganda na ang Pilipinas ay nag-iindustriyalisa,
umuunlad at nagiging urbanisado, lalo na noong panahon ni Marcos nang
pinalawak ang mga operasyong malaking kumprador na pinondohan ng
naglalakihang dayuhang pautang. Kabilang sa mga dahilang binanggit ng
grupong Lava sa kanilang kolaborasyon sa rehimeng Marcos ang diumanong
ginagawa nitong pag-industriyalisa sa bansa at kailangan na lang daw na
himukin ito mula sa neokolonyal patungo sa makabayang landas ng
industriyalisasyon.
Sa anu't anuman, ilang elemento ng Partido ang mukhang
nahawahan ng ganitong klase ng mga ideya at nagkukwestyon sa pananaw na
malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino, laluna bago magawa
noong 1983 ang isang kumprehensibong pagpapaliwanag sa moda ng
produksyon sa Pilipinas. Noong 1981, kaakibat ng konsepto ng "tatlong
estratehikong koordinasyon", isinumite sa Kawanihang Pampulitika ng
Komite Sentral ang isang panukalang ikategorisa ang ekonomyang Pilipino
bilang malakolonyal, malapyudal at "malakapitalista". (Ipinahihiwatig
ng huling pang-uri na ang Pilipinas ay nagiging
industriyalisado-kapitalista na.) Tinanggihan ito ng Politburo pero
ilan sa mga nagtataguyod sa panukala ang patuloy na nagpalaganap nito
kahit matapos tanggihan ng sentral na pamunuan.
Iginigiit ng panukala na ang "urbanisasyon" ng Pilipinas ay
umabot na sa antas na mas mataas sa dating pinanghahawakan sa pagsusuri
at mga sulatin ng Partido. Sinusunod nito ang mga istatistisyang
bumibilang sa buong populasyong lunsod sa pamamagitan ng pagdadagdag sa
populasyon ng Metro Manila (kabilang na ang malaking bilang ng mga
di-permanenteng naninirahan doon na mga walang tiyak na trabaho, mga
estudyante at mga katulad na mula sa kanayunan ng Luson) ng populasyon
ng mga syudad at kabiserang probinsyal (na maliit lamang ang mga
sentrong komersyal) at ng mga poblasyon ng mga munisipalidad.
Ang manipulasyon sa istatistika ng terminong "urban" ay
ginagamit ng ilang elemento upang lumihis sa makauring pagsusuri ng
Partido sa lipunang Pilipino, sa pangkalahatang linya ng bagong
demokratikong rebolusyon at sa estratehikong linya ng pagkubkob ng
kalunsuran mula sa kanayunan. Iginigiit nilang ang Pilipinas ay mahigit
40 porsyentong kalunsuran at higit na mas urbanisado kaysa dating
naabot ng Tsina o Byetnam.
Iginigiit din ng mga nasabing elemento na hindi na agraryo sa
kalakhan ang lipunan at ekonomyang Pilipino sa pamamagitan ng
pagsasanib sa isang suma ng mga bahagi ng sektor-industriya at
sektor-serbisyo sa distribusyon ng lakas-paggawa o ng mga bahagi ng mga
ito sa mga nalilikhang produkto, bagay na itinatapat sa bahagi ng
agrikultura sa ekonomya nang walang pagkwenta sa pagiging dependyente
sa import ng mga sektor na ito, sa pagsalig nila sa agrikultura, at sa
bahagi ng agrikultura na hindi pormal na lumilitaw sa pamilihan.
Iginigiit pa nila na mahigit 55 porsyento ng populasyong rural
ay binubuo ng manggagawang bukid, nang walang pag-iiba sa pagitan ng
mga manggagawang bukid na nagpapatakbo ng modernong makina at ng higit
na nakararaming tradisyunal na manggagawang bukid (mahigit 95
porsyento) na mga maralitang magsasaka pa rin o di kaya'y tuwirang
ekstensyon nila.
Sa batayan ng mapanlinlang na mga istatistikang ito,
pinaparatangan ang Partido ng kasalanang gawa-gawa lamang: ang labis na
pagdidiin sa gawain sa kanayunan hanggang napapabayaan ang gawaing
lunsod. Itinutulak na palitan ang teorya ng digmang bayan at
yugtu-yugtong pagbubuo ng hukbong bayan ng maling linyang kumbinasyon
ng armadong insureksyung lunsod at "regularisasyon" o adelantadong
pagtatayo ng mga pormasyong militar na di-masusustine.
Mula 1980 lumitaw ang sari-saring panukalang nagpapalawak sa
saklaw ng kilusang lunsod at nagtatali ng malalaki at matataong tipak
ng kanayunan sa oryentasyong lunsod hindi dala ng pansamantalang
bentahe o pangangailangan sa hatian ng mga gawain kundi bilang usapin
ng estratehikong oryentasyon, kaakibat, ang tahasan o di-tahasan at
sadya o di-sinasadyang pagtutulak ng sari-saring ideya ng higit na
pagpapalaki sa estratehikong timbang ng kilusang lunsod at
insureksyunismong lunsod. Mayroong panukalang tuwirang saklawin ng
rehiyong Maynila-Rizal ang malalaking tipak ng Gitna at Timog Luson;
mga panukalang ibaling ang kabuuang diin ng Gitnang Luson mula armadong
pakikibaka tungong hayag na kilusang masa at insureksyon; hatiang
"pulang purok" - "puting purok" sa Mindanaw na nagtalaga sa huli ng mga
kapatagan at matataong lugar na nakapaligid sa maliliit na syudad at
kabiserang probinsyal at ipinasaklaw sa kilusang nakabase sa lunsod; ng
panukalang hatiang bundok-patag na nagtatakda ng oryentasyong pagbubuo
ng base sa una at pag-aalsa sa huli; at mga panukalang gawing
pangkalahatang diin sa kilusang magbubukid kung hindi man sa buong
rebolusyonaryong pakikibaka ang hayag na kilusang masa sa mga kapatagan
na may oryentasyong patungo sa mga pag-aalsang masa.
Noong 1987 isang maliit na grupong mapanghati sa Negros ang
naggiit pa na ang lipunang Pilipino ay naging "kapitalista" na at sa
batayang ito kasama ng iba pa, nagtaguyod ng linya ng pagsuko sa
rehimeng Aquino, pag-abandona sa armadong pakikibaka at pagbaling sa
parlamentaryong pakikibaka.