Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Muling Pagtibayin Ang Ating Mga Saligang Prinsipyo At Iwasto Ang Mga Pagkakamali

II. Sa Larangan ng Pulitika



Read in EnglishBasahon sa Hiligaynon

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992


Pagbubuo ng Nagkakaisang Prente

Ang Partido ay mayroong rebolusyonaryong linya sa uri sa pagbubuo ng nagkakaisang prente para sa pambansa-demokratikong rebolusyon at para sa armadong rebolusyon. Ang rebolusyonaryong linyang ito sa uri ay ang pagbubuo ng saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, paghimok sa petiburgesya at pambansang burgesya, paghihiwalay at paglaban sa mga sagadsaring reaksyunaryo, at pagsamantala sa mga hidwaan ng mga reaksyunaryo. May isang istruktura ng mga rekisito para umiral at sumulong ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente ayon sa rebolusyonaryong linya ng Partido sa uri.

Una, kinakailangan ang pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido, na sa umpisa'y nagrekluta ng kasapian nito sa mga unyon ng mga manggagawa, kabataan at mga kilusang masang nakabase sa kalunsuran at sa mga labi ng dating rebolusyonaryong kilusan.

Pangalawa, kinakailangan ang saligang alyansa ng proletaryado at ng uring magsasaka sa pamamagitan ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagmomobilisa ng Partido sa masang magsasaka at pagtatayo ng Bagong Hukbong Bayan at ng mga samahang magsasakang pinamumunuan ng Partido.

Pangatlo, kinakailangan ang mas malawak na alyansa ng masang anak-pawis na mga manggagawa at magsasaka sa ikatlong batayang pwersa ng rebolusyon, ang petiburgesyang lunsod, sa pamamagitan ng lihim na NDF at iba pang hayag na mga alyansa.

Pang-apat, kinakailangan ang ibayong mas malawak pang alyansa ng mga positibong pwersa ng rebolusyon, na nag-uugnay ng mga saligang pwersa ng rebolusyon sa pambansang burgesya. Sa ngayon, wala pang makabuluhang ekspresyon sa organisasyon ang nagkakaisang prente ng mga positibong pwersa bagamat may mga miyembro at grupo ng pambansang burgesya na nakikipagtulungan sa rebolusyonaryong kilusan sa mga lugar na malakas ang rebolusyonaryong kilusang armado at kilusang unyon.

Panglima, maaaring magkaroon ng pakikipag-alyansa sa ilang seksyon ng mga reaksyunaryong uri laban sa pangkating pinakareaksyunaryo. Mahusay na naipamalas ito sa pambansang antas sa antipasistang pakikibaka. Ang mga naliliwanagang panginoong maylupa at negosyante ay nagpapakita na ng kooperasyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis sa pamahalaang bayan at nakikipagtulungan sa Partido, BHB, NDF at mga organisasyong masa sa mga usaping tulad ng reporma sa lupa, relasyong sahuran, mga eleksyon, at iba pa.

Pang-anim, ang pinakamalawak na alyansa ay maaaring iharap laban sa pinakamakitid na target, ang pangkating reaksyunaryo na naghahari o siyang pinapaboran ng imperyalismong US nang higit sa iba. Paisa-isa at sunud-sunod na nilalabanan at ginagapi natin ang mga pinakareaksyunaryong pangkatin at sa prosesong ito'y nakapag-iipon tayo ng rebolusyonaryong lakas.

Kailangang gampanan ng Partido ang namumunong papel bilang kumakatawan sa mga kagyat at matagalang karapatan at interes ng uring manggagawa at dapat nitong mapag-iba sa antas ng mga usapin sa uri ang mga matatag at mapagkakatiwalaang alyado mula sa mga di-matatag at di-mapagkakatiwalaan.

Pero noon pa mang 1975, mayroon nang panukalang isantabi ang lenggwaheng Marxista- Leninista sa ANG BAYAN at sa partikular ang terminong "reaksyunaryong anti-Marcos" na eksakto ang kahulugan sa pulitika, sa pagtukoy sa mga alyadong tulad nina Benigno Aquino, Diosdado Macapagal at Joaquin Roces. May maling palagay na ang mga alyadong tulad nina Lorenzo Tanada at Jose W. Diokno, na tunay na nagdadala ng malinaw na linyang makabayan at progresibo sa mga pangunahing isyu, ay mag-aakalang sila ang tinutukoy at maiinsulto ng termino.

Kaya naglaho ang termino bandang katapusan ng mga taong 1970. Ang ipinalit ay ang terminong "repormistang burgis" na istrikto sa usapin sa ideolohiya at ginamit sa mga debate ng mga Bolshevik at Menshevik. May panahong malawak na inilapat ang terminong ito at nagtumpok sa iisang kategorya ng mga pwersa at elementong reaksyunaryo at mga indibidwal at grupong kabilang sa mga positibo at saligang pwersa ng rebolusyon. Pero ang mas malaking resulta nito sa praktika ay ang pagpapalabo at paglito sa usapin ng makauring katangian at paninindigan ng mga reaksyunaryong anti-Marcos. Hinati ang mga "repormistang burgis" sa tatlong panig (kanan, gitna at kaliwa) at kung gayon, itinuring silang isang panggitnang bloke sa kabuuan.

Ginamit ng isang panig ang termino para suportahan ang isang sektaryong pusisyon. Itinaguyod nito ang taktika ng mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon laban sa pasistang diktadurang US-Marcos at ang patakaran ng pagnyutralisa, pagbuwag at pag-alis sa kabuluhan ng blokeng "repormistang burgis". Kaya ang tendensya nito'y ipataw ang abanteng pusisyon at kagustuhan ng Partido sa mga ligal na organisasyong may katangiang pangmasa at pang-alyansa, sukdang magkahati-hati ang huli at mahiwalay sa malawak na prenteng antipasista ang mga elementong abante.

Binaligtad iyon ng isa pang panig na bumaling sa isang liberal na pusisyon naman. Ang isang pusisyong sukdulan ay tinugon ng isa pa. Sa gayon, humantong ang ilang elemento ng Partido sa Pambansang Komisyon sa Kalunsuran (NUC), Komisyon sa Nagkakaisang Prente (UFC), Pambansang Istap Militar (na kalauna'y tinawag na pangkalahatang kumand) at ANG BAYAN sa pagturing na pambansang burgis ang pampulitikang paninindigan ni Aquino at liberal-demokratiko ang kanyang rehimen, sa halip na isang rehimeng malaking kumprador-panginoong maylupa na suportado ng US. Gaya ng burgis na masmidyang Amerikano, ibinando nila ang linyang liberal-demokratiko ang bagong reaksyunaryong rehimen at lumikha ng kalituhan maging sa mga kasapi ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyong masa.

Paulit-ulit na lumilitaw ang mga pagkakamali sa gawaing nagkakaisang prente. Mayroong ilan, sa kagustuhang pabilisin ang pagkahinog ng insureksyunaryong sitwasyon sa kalunsuran, na nagpapanukala ng pagtatayo ng tuwiran at hayagang alyansa sa pagitan ng NDF at mga ligal na organisasyon at alyansa, progresibo at hindi, sa loob ng balangkas ng isang minimum na programang komun (ang tinaguriang adyenda ng bayan). Ang layunin diumano ay ipusisyon ang NDF sa sentro ng mga pakikibakang bayan na pauunlarin tungo sa mga armadong pag-aalsang masa. Pero ang tunay na ipinapanukala nila ay paggulo sa hangganang nag-iiba ng ligal at iligal na mga organisasyon at pakikibaka at paghatak sa NDF pababa sa antas ng mga ligal na kaalyadong organisasyon at personalidad, na ang marami'y nakapaloob pa sa repormismo bagamat may progresibong tindig sa ilang usapin.

Mayroon ding mga nagtutumbas ng nagkakaisang prente sa buong sambayanan at pagkatapos, nagpaparatang sa Partido ng pagkasangkapan sa sambayanan kapag binabanggit ng Partido na mga sandata nito ang armadong pakikibaka at nagkakaisang prente. Hindi nila nauunawaan na ang proletaryong pamumuno sa pamamagitan ng Partido, ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng BHB at ang nagkakaisang prente sa pamamagitan ng NDF at iba pang pormasyon o mga impormal na relasyong pagtutulungan ay pawang mga aspetong bumubuo ng rebolusyonaryong kilusan at pawang mga sandata o kasangkapan ng sambayanang Pilipino sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Mayroon ding mga nais itumbas ang NDF sa buong nagkakaisang prente at gawin ang NDF na isang pederasyong panlahat na humahawak ng pamumuno sa rebolusyong Pilipino at kung saan nakapailalim sa pulitika at organisasyon ang Partido hindi lamang sa isang "sentrong pederal" kundi sa isang sentrong pinamamayanihan ng mga pormasyong petiburgis.

Mayroong mga pumapawi sa kasaysayan ng NDF ng papel at inisyatiba ng Partido sa pagtatatag ng NDF at nag-aalis ng namumunong papel ng proletaryado sa nagkakaisang prente. Kapag pawi na ang proletaryong pamumuno, ang demokratikong rebolusyong iniisip ay walang iba kundi pagbuhay muli ng lumang liberal ng rebolusyon at panandaliang hegemonya ng mga pormasyon at ideyang petiburgis, sa kapakanan ng mga kasalukuyang mapagsamantalang uri. Sa katunayan, ang programa ng NDF ay sobrang idinitalye na at ilang ulit nang pinalabnaw dala ng pag-iisip na ang layunin kahit matapos maagaw ang kapangyarihang pampulitika (makumpleto sa saligan ang pambansa-demokratikong rebolusyon) ay ang pagtatatag ng isang "lipunang pambansa-demokratiko" at hindi pa lipunang sosyalista. Impluwensyado rin ito ng (ngayo'y nabigo na) programang Sandinista ng "demokrasyang multipartido" (walang sosyalistang rebolusyon) at "mixed economy" (walang sosyalistang konstruksyon) at ng mga patakaran ng mga rehimeng rebisyunista na ang pundasyon ay pagwawaksi sa namumunong papel ng proletaryado.

Sa kabila ng lahat ng pagsisikap na hangad ang pagpapalawak, ang NDF ay nananatiling isang lihim na nagkakaisang prente ng mga organisasyon ng mga saligang pwersa ng rebolusyon (proletaryado, uring magsasaka at petiburgesyang lunsod). Dapat bang umatras o muling pagtibayin kung ano ang NDF ngayon—bilang isang pormal ng organisasyon ng nagkakaisang prente ng mga batayang rebolusyonaryong pwersa na tumatanggap sa pamumuno ng uring manggagawa, sa linyang bagong demokratiko at sa armadong pakikibaka?

Maaaring gawin ang internal na pagpapalakas ng NDF kahit manatili ito alinsunod sa orihinal na konsepto noong 1973 nang mayroon syempreng karampatang pag-aangkop sa di nangyaring inaasahan noon na ito ang magiging kabuuang nagkakaisang prente ng lahat ng mga uring makabayan at progresibo. At batay dito, pwedeng magpatuloy ang paglapit sa mga alyadong ayaw pumasok sa NDF pero handa sa iba't ibang balangkas ng relasyong dalawahang-panig at maramihang-panig.

Ang internal na pagpapalakas ng NDF ay nangangahulugan ng pagkumpirma sa katayuan nito bilang pinakasulong na organisasyong nagkakaisang prente ng mga saligang rebolusyonaryong pwersa ayon sa linyang bagong demokratiko. Nangangahulugan din ito ng pagpapaunlad ng mga lihim na organisasyong kaalyado o katulong sa NDF, na iba pa sa Partido kahit pinamumunuan o impluwensyado ng Partido, at ng BHB; at paglikha ng mga konseho at organong tutulong at maghahawan ng landas para sa pamahalaang bayan sa iba't ibang antas.

Sa halip na pairalin ang konsepto ng pederasyon, mas pleksibleng gamitin ang prinsipyo ng ugnayang kumperensyal, konsensuwal at konsultatibo ng mga organisasyong bumubuo ng NDF. Ito ang paraan para lampasan ang mga katanungang tulad ng kung ang NDF ay nasa ilalim ng demokratikong sentralismo ng Partido o ang kabaligtaran; at para panatilihin ding bukas palagi ang pinto sa mga grupo at indibidwal na gustong sumama, depende sa mga sirkunstansya at lakas ng rebolusyonaryong kilusan.

Ang paglapit sa mga grupong makakaalyado ay hindi nangangahulugan ng pakikipag-ugnayan lamang sa mga gustong sumama sa NDF. Nangangahulugan rin ito ng pagtatayo ng relasyong dalawahang-panig o maramihang-panig sa kanila sa batayang konsultatibo at konsensuwal. Maaaring mas gusto ng ganitong mga alyado na makipag-ugnayan sa NDF mula sa labas at posibleng sa katayuang magkakapantay sa mas malapad na balangkas. Mula 1986, ang mga ligal na alyansang higit na pinalawak ay nagpakita ng daan kung paano itatayo ang mga alyansa sa batayang konsultatibo at konsensuwal, nang hindi kinakailangang mamili sa pagitan ng pederal at yunitaryong anyo ng organisasyon o nang hindi nagkakandalito tungkol sa mga anyong ito ng organisasyon.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.