Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Ang Pinakamalalang Disoryentasyon
Ang pinakamalalang tipo ng disoryentasyon ay nagsimulang magkahugis
noong 1981 sa anyo ng konsepto ng "estratehikong kontra-opensiba" at
"tatlong estratehikong koordinasyon" na nanggaling sa sentral na
pamunuan mismo. Ang konsepto ng "estratehikong kontra-opensiba"—bago pa
man maging pangunahing behikulo ng paglaganap sa buong bansa ng
kumbinasyon ng insureksyunismong lunsod at "regularisasyon" pagkatapos
ng ika-9 na plenum ng Komite Sentral noong 1985 -- ay nagdala na ng mga
ideyang nagmamadali sa pag-igpaw patungong regular na pakikidigmang
makilos na itinakdang pangunahing anyo ng pakikidigma sa estratehikong
depensiba; nag-engganyo ng pag-aasam sa insureksyon na inisip na
makapagpapabilis sa pagpapalakas ng hukbo at pag-abante sa mas mataas
na estratehikong yugto o mapagpasyang tagumpay; nagpalaganap ng
konsepto ng mga koordinadong opensibang pulitikal at militar sa
pambansang saklaw; at nagbukas sa posibilidad ng gayong mga opensiba na
tumungo sa pagkakamit ng mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon.
Ang konsepto ng "tatlong estratehikong koordinasyon" ay
nagdidiin sa sentral na estratehikong kabuluhan ng koordinasyon ng
pakikibaka sa kanayunan at kalunsuran, pakikibakang pampulitika at
pakikibakang armado, at gawain sa loob ng bansa at ibayong-dagat, pero
sa paraang lumilihis sa estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran
mula sa kanayunan. Itinataguyod niyon ang pananaw na pangunahing pwersa
ng rebolusyon ang kumbinasyong manggagawa-magsasaka, sa halip na masang
magsasaka. At pinatatampok ang halaga ng mga masaklaw na mobilisasyong
pampulitika ng mamamayan pero may tendensyang ipalit o ipaibabaw iyon
sa masikhay na pagbubuo sa hanay ng masang magbubukid ng solidong
tuwirang baseng masa ng armadong rebolusyon. Itinakda niyon ang
timbangang 60-40 ng gawaing kanayunan at gawaing lunsod, kaakibat ang
pananaw na ang prinsipal na diin sa kanayunan ay maaaring bumaling sa
kalunsuran sa ilalim ng di malinaw na mga pagbabago sa mga kalagayan at
di nilinaw na mga antas at hangganan. Dagdag pa ang mga ideyang
nag-eenganyo ng tendensyang labis na mag-asam sa ayuda mula sa labas ng
bansa.
Binuo ang mga konseptong ito sa pagtatangkang linawin ang mga
tungkulin at landas ng pagsulong sa kalagayang mabilis ang kumpas ng
paglakas ng mga larangang gerilya at mga yunit gerilya at mabilis na
dumadausdos ang pasistang diktadura patungong pagbagsak. Pero dala ng
petiburgis na pagkainip at suhetibismo, ang mga usapin ay lubhang
maagang naitutok sa pag-igpaw sa estratehikong pagkakapatas at
estratehikong tagumpay sa sitwasyong ang kailangan ay pagsamantala sa
napakainam na kalagayan upang konsolidahin ang mga panimulang tagumpay,
higit pang sinsinin ang latag ng baseng masa at mga pwersang gerilya sa
malawak na saklaw, itransporma ang mga panimulang baseng gerilya at
konsolidadong sona tungo sa mas malawak at mas solidong mga moog ng
rebolusyon, at pabilisin ang pagpapahina ng pasistang diktadura at
buong reaksyon.
Naging kapuna-puna maging sa ilang namumunong kadre ang hayag
na pagkainip sa tagal ng digmang bayan. Mayroon pang nagsasalita na
tila baga ang matagalang katangian ng digmang bayan ay suhetibong
kagustuhan o di kaya'y mas bunga ng kahinaan ng loob o kawalan ng
imahinasyon kaysa dikta ng mga obhetibong kundisyon at ng obhetibong
prosesong kinakailangan sa pagbubuo ng lakas ng rebolusyon at
pagpapahina ng reaksyon. Sa gayon nabuksan ang pinto sa paglitaw at
paglaganap ng mga konsepto ng paghahabol sa mga pinaikling ruta sa
estratehikong pag-igpaw, pagmamadaling makasugod sa mga estratehikong
mapagpasyang sagupaan sa anyo ng regular na pakikidigmang makilos o
insureksyong lunsod, pagmaliit o paglaktaw sa masikhay na pagbubuo ng
papalawak at papalalim na baseng masa, at pagkahilig sa eklektikong
pamumulot at pagtahi-tahi ng pira-piraso ng mga dayuhang karanasan gaya
ng sa Nicaragua, Byetnam at Zimbabwe na tinatantyang makakapagpabilis
sa pagsulong at pagtatagumpay.
Sa Mindanaw ang konsepto ng tatlong estratehikong koordinasyon
ay pinairal bilang patakaran ng komisyon ng Partido sa isla sa kabila
ng desisyong ipailalim iyon sa patuloy na pag-aaral at diskusyon ng
sentral na pamunuan (Tingnan, "Mga Tala sa estratehiya at Taktika ng
ating Digmang Bayan", 1982). Mabilis na sinang-ayunan iyon laluna ng
ilang kadreng nagpapahayag ng duda sa praktikalidad at kaangkupan ng
pagbubuo sa kanayunan ng isla ng mga rebolusyonaryong base at ng
pakikibakang antipyudal. Sa konsepto ng kabuuang pagsulong ng
pakikibaka sa isla, ang balangkas ng estratehikong koordinasyon o
kumbinasyon ng kanayunan at kalunsuran ay ipinaibabaw sa estratehikong
pagbibigay-diin sa kanayunan. Isa pang tampok na resulta ang konsepto
at praktika ng papatinding "pakikibakang pulitiko-militar" sa Lunsod ng
Davao at iba pang sentrong lunsod sa anyo ng todo-largang pakikidigmang
partisano, masaklaw na propaganda, mga kumprontasyunal na aksyon sa
lansangan at pagsasanib ng mga ito.
Sa tulak ng mga matunog na tagumpay sa simula ng pakikidigmang
partisano sa Lunsod ng Davao mula 1982 at, pagkatapos, ng bugso ng
antipasistang protesta sa mga sentrong lunsod pagkatapos ng asasinasyon
kay Aquino, hinawakan ng Komisyon sa Mindanaw ang ilang parirala mula
sa digmang bayan ng Byetnam (laluna ang "pagsunggab sa mga oportunidad"
na ginamit noong Agosto 1945 at "estratehiya ng digma at pag-aalsa" sa
timog Byetnam noong mga taong 1960) pero ikinambyo ang mga iyon sa
insureksyong lunsod, ihinalo sa teorya at praktika ng digmang bayan ang
mga ideya ng ispontanyong pag-aalsang masa at armadong insureksyong
lunsod mula sa Gitnang Amerika, at dinisenyo ang balangkas na Pulang
Purok (Pakikibakang Militar) - Puting Purok (Pakikibakang Pulitikal) na
sistematikong lumihis sa estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran
mula sa kanayunan at pumabor sa mga pag-aalsa at insureksyon bilang
"pinakamataas na anyo ng pakikibakang pulitikal na dapat kamtin"
("Batayan sa Pagpapaunlad at Papel ng Kilusan sa Puting Purok sa Buong
estratehiya ng Digmang Bayan sa Mindanaw", 1984).
Sa ilang mayor na dokumentong nagpapakita ng kakulangan sa
pag-unawa sa saligang teorya, binago ng Komisyon sa Mindanaw ang
depinisyon ng terminong "pulitikal" at itinapat ito o ipinantay sa
"armado" o "militar". Ang mga pakikibakang pulitikal ay ipinakahulugan
sa mga dokumentong ito na "yaong pangunahing nakabatay sa mga pwersang
popular at armadong lakas ng masa o mga pwersang pulitikal na
isinusulong pangunahin sa mga kalunsuran" samantalang ang "armadong
pakikibaka" ay ipinakahulugang "prinsipal na isinusulong sa kanayunan
at prinsipal na nakasalig sa mga armadong pwersa o hukbong nakapokus sa
layuning talunin ang pwersang militar ng rehimen". (Tingnan, "Batayan
sa Pagpapaunlad at Papel ng Kilusan sa Puting Purok sa Buong
estratehiya ng Digmang Bayan sa Mindanaw", p. 6). Ipinagkakait sa ating
armadong pakikibaka, na isang digmang bayan, ang katangian nito bilang
isang rebolusyonaryong pampulitikang kilusang masa. Dala lamang ng
paghahangad ng armadong insureksyong lunsod, ang hukbong bayan ay
gustong ibaba sa katayuan ng isang pwersang militar na "regularisado"
sa paraang halos walang ipinagkaiba sa hukbo ng kaaway.
Dapat walang-tigil nating ipaalala sa ating sarili na ang
digmang bayan ay may rebolusyonaryong katangiang pulitikal at ang
hukbong bayan ay isang armadong organisasyong masa. Ang ating digmang
bayan ay nasa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. At sa
balangkas na antipyudal, may kinakailangang pampulitikang integrasyon
ng armadong pakikibaka, tunay na reporma sa lupa at pagbubuo ng baseng
masa. Ang ating digmang bayan ay isang rebolusyonaryong pampulitikang
kilusang masang sumasaklaw sa lahat ng anyo ng pakikibaka, ligal at
iligal, armado at di-armado. At may kakayahang lumaki at manaig ang
isang hukbong bayan laban sa isang lubhang nakalalamang na pwersang
militar ng kaaway bunga, sa esensya, ng paglahok at pagtataguyod ng
mamamayan.
Habang sumusugal sa posibilidad ng ganap na tagumpay sa
pamamagitan ng armadong insureksyong lunsod, nang walang kunsiderasyon
sa lakas ng hukbong bayan, at aktwal nang binabaklas alinsunod doon ang
kabuuang latag, direksyon ng pagsisikap, mga prayoridad at ugnayan ng
mga pwersa sa kanayunan at kalunsuran, nagpatuloy ang pabalat-bungang
pagtataguyod sa teorya ng digmang bayan. Mayroong hindi nakauunawa sa
relasyon ng rebolusyonaryong estratehiya at taktika na nag-aakalang ang
gayong pagdistrungka ay nasa antas lamang ng pleksibilidad sa taktika,
na sa ngalan ng "pagsunggab sa mga oportunidad" at tuwing may lilitaw
na diumano'y mga "oportunidad" ay maaaring isantabi ang estratehikong
linya at mga prinsipyo ng ating digmang bayan upang magtampisaw sa
insureksyunismo, nang hindi ipinapahamak ang rebolusyon. Mayroon namang
nagpapalampas sa ginagawang pagtawad sa teorya ng digmang bayan ng mga
promotor ng insureksyong lunsod dahil interesado rin sila sa mabilisang
tagumpay nang walang masikhay at solidong gawaing masa. Kaya nga ang
mga promotor ng insureksyong lunsod at ng "regularisasyon" ng hukbo
(ibig sabihin, pagbubuo ng mas malalaking yunit at istap militar sa
kapinsalaan ng pagbubuo ng baseng masa) ay umubrang magkasundo sa
parehong mga dokumento.
Ang pinakamasamang anyo ng paglihis na siya ring napatunayang
pinakamaganit sa pagwawasto ay iyong lulong sa paggaya sa isang
dayuhang modelong lubhang di-angkop at di-naiintindihan, naghihiwalay
niyon sa kinapaloobang kontekstong istorikal at mga natatanging
kundisyon, at pagkatapos ay nagsasaklob niyon sa sariling
rebolusyonaryong praktika ng Partido at sambayanang Pilipino. Wastong
sabihing ang Partido ay dapat matuto sa lahat ng rebolusyonaryong
karanasan sa ibayong-dagat. Pero dapat din nating malaman kung papaano
tayain at sukatin ang mga ito ayon sa kanilang kahalagahan at kabuluhan
sa rebolusyong Pilipino.
Ang tahasang insureksyunistang balangkas na Pulang Purok -
Puting Purok ay inihapag ng Komisyon sa Mindanaw sa ika-9 na plenum ng
Komite Sentral noong 1985. Tinanggihan iyon ng plenum. Pero may mga
pangunahing sangkap niyon na inindorso, kinuha at inilakip sa programa
para sa "estratehikong kontra-opensiba" o di kaya'y dati nang kapareho
ng sangkap ng huli. Itinakda ang target na pangkalahatang insureksyon o
pag-aalsa sa unang taon ng "estratehikong kontra-opensiba" bukod pa ang
mga "pagsubok" na pag-aalsa bago niyon. Pagkatapos ng karanasan sa
pag-aalsang EDSA, naging bukambibig din ang "pagsunggab sa mga
oportunidad" ibig sabihi'y paghahandang sumugod sa pag-aalsa kapag may
namumuo o nagsisimulang marahas na sagupaan ng mga reaksyunaryo habang
patuloy ang "regularisasyon" para sa "estratehikong kontra-opensiba".
Kaya sa ikalawang hati ng mga taong 1980 ang programa sa "estratehikong
kontra-opensiba" ang naging anyo ng pagsasanib ng mali at wastong linya
at naging behikulo sa pambansang paglaganap ng linyang kumbinasyon ng
insureksyon at "regularisasyon".
Mula 1985 malaki at tuwiran ang naging papel ng programa sa
"estratehikong kontra-opensiba" sa pagpapalaganap at pagtutulak ng
"regularisasyon" ng hukbong bayan. Sa halip na "regularisasyong"
nagsisilbi sa insureksyong lunsod ng linyang Pulang Purok - Puting
Purok ng Mindanaw, ang "regularisasyon" mismo patungo sa regular na
pakikidigmang makilos ang itinakdang pokus na pinagsisilbihan maging ng
mga pag-aalsa. Dagdag pang tulak sa "regularisasyon" ang mga pananaw at
pagsusuring ang digmang bayan mula 1983 ay nasa baytang na ng
"pagpapaigting sa pamamagitan ng pagtataas ng antas", "sapat ang baseng
masa para sa tuluy-tuloy na pagpapaigting ng digma", at ang pormasyong
kumpanya na ang pangunahin o tipikal na pormasyon ng hukbong bayan at
pangunahing nagdadala sa buong digma mula 1985. Sa gayon ipinirmi
bilang pangkalahatang diin ng armadong pakikibaka at pagbubuo ng hukbo
ang pagtatayo ng mas malalaking pormasyon, "regularisasyon" ng
istrukturang kumand at istap sa iba't ibang antas at ang tungkulin sa
labanan bilang prinsipal na tungkulin ng buong hukbo.
Noong 1987 at 1988, may panibagong sikad ang "regularisasyon"
tungo sa pagbubuo ng mas malalaki pang pormasyon (mga batalyon), mga
koordinadong kampanya at "regularisasyon" ng mga kumand sa iba't ibang
antas, batay sa pagsusuring "nakatalaga na ang mga estratehikong
reserba ng kaaway", umiiral ang kalagayan para sa mga lokal na
"estratehikong kontra-opensiba" at ang susi sa patuloy na pagsulong ng
digma at hukbo ay ang "higit na pagpapataas sa kalidad".
Pero hindi nagtagal at tumama ang hambalos ng "pangkalahatang
opensiba" ng AFP at naglantad sa malalaking bulnerabilidad ng mga
larangang gerilya laluna sa baseng masa, gayundin sa mga mapaminsalang
epekto ng "regularisasyon" at programa sa "estratehikong
kontra-opensiba". Sa kabila ng mga panimulang pagtutol sa mga puna at
pagwawasto sa "regularisasyon" na sinimulan ng KTKS noong katapusan ng
1988, lumaganap sa kanayunan mula 1990 ang pagremedyo sa mga
pagkukulang sa gawaing masa, pagbibigay-diin sa mga yunit gerilya sa
mga lokalidad at unti-unting paglutas sa tagibang na disposisyon ng mga
kadre. Ang programa para sa "estratehikong konra-opensiba" ay binawi ng
Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral noong 1990 at pinalitan ng
programang nagdidiin sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya.
Ang mga promotor ng armadong insureksyong lunsod sa kalakhan
ay nagkasya sa ispasyong insureksyunista sa loob ng programa sa
"estratehikong kontra-opensiba" mula 1985. Pero noong 1990, dala ng
palagay na namumuo ang insureksyunaryong "pambihirang oportunidad"
pagkatapos ng kudetang 1989 at sa harap ng krisis sa Gulpo at pagtindi
ng sosyo-ekonomikong krisis, mas agresibo silang naggiit sa sariling
linya at naglako ng sari-saring kaisipang insureksyunista at ng
"estratehiya ng digma at pag-aalsa na naghahabol ng pinakamahusay na
kumbinasyon ng mga pakikibakang pulitikal at militar" (walang iba kundi
linyang Pulang Purok-Puting Purok sa bagong balatkayo). Ikinasa ang
malalaking planong pampulitika at militar sa pambansang sentrong lunsod
na naglalayong magpasambulat ng armadong insureksyong lunsod at matagal
na nakalingid sa kaalaman ng sentro ng Partido dahil sa maniobra ng
isang namumunong kadre. Sa todong pagpapakalulong sa teorya ng
ispontanyong masa at adbenturismong militar, ang mga aksyong
"pulitiko-militar" na ginamit na "pangkalburo" sa mga pangkalahatang
paralisasyon at mga kumprontasyunal na aksyong masa ay ikinumbina sa
mga ambisyosong proyekto ng pagpapatampok ng NDF sa burgis na mass
media at pagtatayo ng malapad na koalisyong tatayo bilang sentrong
pampulitika ng insureksyon. Ang resulta, bukod sa malaking kagyat na
problema sa pulitika at seguridad, ay mas malalang disoryentasyon at
paglihis sa estratehikong linya ng digmang bayan gayundin sa makauring
linya ng demokratikong rebolusyong bayan.
Ang malaking kapabayaan sa pagsubaybay at paglilinaw sa mga
usapin sa teorya at linya at ang matagal na kawalan ng paglalagom sa
mga karanasan sa pambansang antas ay nagpaubaya sa patuloy na
paglaganap at paulit-ulit na panggugulo at pamiminsala ng malalaking
pagkakamali at paglihis. Nagkapatung-patung at nagkahalu-halo ang
maraming usaping matagal na hindi nalulutas, ang malalaking pangyayari
at karanasang may laganap na magkakasalungat na pagtingin at pag-unawa,
at ang mga konseptong mali at tama. Kaya lubhang madali kahit para sa
maling linyang gaya ng balangkas na Pulang Purok-Puting Purok na
nakalikha na ng malaking pinsala sa Mindanaw noong 1984 at 1985 na
patuloy na magposturang superyor at tahasang sumalungat sa
pangkalahatang linya at estratehikong linya ng Partido.
Ang Ating Linyang Anti-rebisyunista
Mula maagang bahagi ng mga taong 1980, ang paglihis mula sa
anti-rebisyunistang linya ng Partido ay udyok ng pagnanais sa
mabilisang pag-abanteng militar, maging ito'y sa tipo ng mabilisang
tagumpay militar ni Jose Lava o sa "estratehikong kontra-opensiba" sa
loob ng estratehikong depensiba. Tulad ng Palestine Liberation
Organization (PLO) at iba pang mga mapagpalayang organisasyon, maaaring
subukan ng Pambansang Demokratikong Prente (NDF) na magtatag ng
mapagkaibigang relasyon sa mga naghaharing partido at rehimeng
rebisyunista noong maagang bahagi ng mga taong 1980. Gayunman, gusto ng
ilang elementong sapawan ang nauna at humahadlang na relasyon sa
pagitan ng mga grupong Lava at mga naghaharing partidong rebisyunista
at nais pa nga nilang itakwil ng Partido ang linyang anti-rebisyunista
para makapagtatag ng relasyong "kapatid" sa mga nasabing naghaharing
partidong rebisyunista at makakuha ng mga ayudang materyal.
Noong 1984, mayroon nang burador na papel sa patakaran sa
kalagayang internasyunal at linya sa relasyong internasyunal, na
naglalangis sa naghaharing pangkating Brezhnev at umaatake sa Tsina
nang di naman kinakailangan, kahit na ang Unyong Sobyet at mga alipures
nito sa grupong Lava ay mas mahigpit nang nakikipagsabwatan sa
pasistang rehimeng Marcos. Noong 1985, ang panukalang ito ay binasa sa
plenum ng Komite Sentral na nagpasyang ipailalim ito sa patuloy pang
pag-aaral.
Anupaman, pinaikot ito at itinaguyod ng Kagawaran sa Liyasong
Internasyunal, hanggang sinalungat ito noong 1987 at pinalitan noong
1988 ng isang bagong papel sa patakaran na nagtaguyod sa mga wastong
prinsipyo sa relasyong partido-sa-partido at sa mga batayang prinsipyo
ng sosyalismo, ngunit tumanggap lang sa mga deklarasyon ni Gorbachov,
nang may kaunting obserbasyong kritikal pero maingat.
Kaya, kahit lampas pa ng 1989 (nang bumagsak ang mga
rebisyunistang rehimen sa Silangang Europa) at ika-28 Kongreso ng CPSU
noong 1990 at kahit lampas pa uli ng Agosto 1991 (nang maganap ang
kudeta at pag-iligalisa sa CPSU), may mga elemento sa loob ng Partido
na patuloy na humahanga kay Gorbachov base sa simplistikong kaisipang
anti-Stalinismo (na ibinubunton kay Stalin ang responsabilidad kahit sa
mga naghaharing partido at rehimeng rebisyunista mula 1956) at hindi
naniniwalang bumagsak na ang mga naghaharing partido at rehimeng
rebisyunista at ang kanilang mga "bumagsak" na lider (mga palsong
lider) at ang kanilang mga kamag-anak ay nagsipaglantad na sa kanilang
natural at naging mga dating-komunista at anti-komunista na, mga
negosyanteng lantad na nanggagatas sa mga empresa ng estado at
umaangkin sa kayamanang sosyal ng proletaryado at sambayanan bilang
kanilang pribadong pag-aari, kasabwat ang bulgar na anti-komunistang
mga rehimen na naniniil at nagsasamantala sa proletaryado at mamamayan
at nanggigipit sa mga tunay na komunista.
Ang pagpuna at pagtatakwil sa modernong rebisyunismo ay isang
saligang bahagi ng pundasyong teoretikal at muling pagtatatag ng ating
Partido. Hindi pwedeng isantabi ng anumang namumunong organo ang mga
saligang dokumento ng Kongreso ng Muling Pagtatatag, nang walang isa
pang kongreso. At bakit naman may mag-iisip ngayon na magwaksi sa
pagpuna sa modernong rebisyunismo o panunumbalik ng kapitalismo gayong
ito'y kinukumpirma at pinatutunayan ng tahasang panunumbalik ng
kapitalismo at makauring diktadurang burgis sa Silangang Europa at
Unyong Sobyet? Hindi dapat ibaling ni ipabahagi sa Partido ang
kahihiyang karapat-dapat lang na danasin ng rebisyunistang grupong
Lava.
Sa loob at labas ng Partido, mayroong iilan pero mabokadurang
elemento na nagdadala ng mga ideya ng insureksyunismo, populismo,
liberalismo, sosyal demokrasya at mga katulad, na naimpluwensyahan ng
panunuba at pangwawasak ng pangkating Gorbachov sa Unyong Sobyet at
nanlalait, naninira at nang-aatake sa mga saligang prinsipyo ng
Partido. Kasinghalaga ng dapat na pagsingil natin sa mga
pinakaresponsable sa kanila sa pagpaparangal noon kay Aquino bilang
kampyon ng demokrasya at pagbangon ng ekonomya, dapat singilin sila sa
patuloy na pagpaparangal kay Gorbachov bilang ideolohista ng
"sosyalistang pagpapanibagong-lakas at demokrasya". (Sa katunayan,
panunumbalik ng kapitalismo, makauring diktadurang burgis at
disintegrasyon ng Unyon Sobyet).
Ang mapang-akit na paglalako ni Gorbachov ay lumalabas na
panabing lamang sa lubos na pagwawaksi sa Marxismo-Leninismo at sa
buong kasaysayang Bolshevik; para sa kapitalistang pagrere-istruktura
at pagsira sa produksyon; para sa pagbangon ng makauring diktadurang
burgis; para sa paglarga ng nasyunalismo, mga alitang etniko at gyera
sibil; at para sa paglitaw ng iba't ibang tipo ng halimaw, kabilang na
ang rasismo at pasismo at malawakang kriminalidad.
Nais ng mga imperyalista at ng mga gumagagad sa kanila na
mapahiya at mademoralisa ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa
Pilipinas dahil sa pagbagsak ng mga namumunong partido at rehimeng
rebisyunista at tumalikod na tuloy sa Marxismo-Leninismo at rebolusyong
Pilipino. Hayaang maideklara ngayon nang buong linaw na ang teorya ng
Marxismo-Leninismo ay napatunayang siyang tumpak na gabay sa
pagsasakatuparan ng bagong demokratikong rebolusyon at paglalatag ng
pundasyong pulitikal at ekonomiko ng sistemang sosyalista.
Ang Bagong Dakilang Hamon
Kaalinsabay, kinikilala ng Partido na ang tunay na bagong dakilang
hamon sa Marxista-Leninistang gawaing teoretikal at praktikal ay ang
problema ng pagbaka sa modernong rebisyunismo, paghadlang sa
panunumbalik ng kapitalismo at pagpapatuloy ng sosyalistang rebolusyon.
Pinakamalaking ambag ni Mao sa teoryang Marxista-Leninista ang
pagkilala sa problemang ito at ang kanyang pagsisikap na malutas ito.
Ang pagsisikap na iyon ay nagkamit ng pansamantalang tagumpay sa loob
ng ilang taon pero sa kalauna'y nabigo. Ang Komuna ng Paris noong 1871
ay nagtagumpay sa isang maikling panahon at nabigo. Pero ang teorya ng
proletaryong rebolusyon at diktadura ng proletaryado ay hindi
napawalang-saysay ng pagkabigo ng Komuna ng Paris. Matapos ang 46 taon,
naitatag ang unang estadong proletaryo.
Inabot ng tatlumpu hanggang apatnapung taon ang pagtatayo ng
sosyalismo (proletaryong diktadura at sosyalistang konstruksyong
pang-ekonomya) sa hanay ng mahigit isang bilyung mamamayan at tatlumpu
hanggang apatnapung taon uli para sa mapayapang ebolusyon ng modernong
rebisyunismo tungo sa lantarang kapitalismo at ganap na panunumbalik ng
makauring diktadurang burgis sa ilang bayan.
Isang bentahe ng rebolusyong Pilipino na nasa yugto pa ito ng
bagong demokratikong rebolusyon at namasdan na nito kung paanong
naitayo ang sosyalismo sa ibang lugar para lamang maibagsak at mawasak.
Tayo, bilang mga rebolusyonaryong proletaryo, ay may bentahe ng
paggamit sa napatunayan nang mga Marxista-Leninista prinsipyo sa bagong
demokratikong rebolusyon at sa sosyalistang rebolusyon at konstrukyon,
gayundin ng pagkakatuto ng mga aral mula sa mapayapang ebolusyon ng
sosyalismo tungo sa kapitalismo at sa inaasahang di mapipigil na muling
pagsigla ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista. Sa pamamagitan ng
pagkakatuto sa mga positibo at negatibong aral sa rebolusyonaryong
kasaysayan, ang rebolusyong Pilipino ay magkakaroon ng pagkakataong
makapag-ambag sa pagsisikap na maitatag ang sosyalismo at mapigilan ang
panunumbalik ng kapitalismo.
Sa ngayon, lalo na pagkatapos ng pagsasaya ng burgesya sa
pagbagsak at disintegrasyon ng mga namumunong partido at rehimeng
rebisyunista, nasasaksihan natin ang mas malubhang mga suliranin ng
pandaigdig na sistemang kapitalista. Habang lumalaon ang mga
pinakamaunlad na bayang kapitalista ay lalong nagtutunggalian sa mga
usapin sa ekonomya, pinansya, kalakalan at seguridad. Habang kumikitid
ang pamilihang pandaigdig, pinabibilis ng mataas na teknolohiya ang
kumpas ng di-malutas-lutas na kapitalistang krisis sa sobrang
produksyon. Namamantine lamang ang pamilihang pandaigdig sa pamamagitan
ng mga pautang na hindi naman kayang mabayaran, dahil ang mga
kliyenteng estado, nang walang pagtatangi, ay baon sa utang at
naggigitgitan sa kalakalang eksport. Sa gayon, walang natitirang
surplas na pwedeng makapagligtas sa kanila sa lalong pagkabaon sa
utang, bagkus lumalaki lalo ang kanilang mga depisit sa badyet at
kalakal.
Sa katunayan, lalong dumadalas ang kaguluhang sosyal at
pagputok ng karahasan sa buong daigdig, sa kabila ng mga pananalitang
pangkapayapaan ng "bagong kaayusang pandaigdig". Sumasabog sa Ikatlong
Daigdig at sa mga bagong kliyenteng estado ng imperyalismo sa Silangan
ang mga kaguluhan dahil sa kasalatan sa pagkain, kudeta at
kontra-kudeta, alitang etniko, gyera sibil, at sari-saring tipo ng
karahasan. Kahit sa mga kapitalistang bayan, ang resesyon sa ekonomya
ay lumilikha ng disempleyo, pagkaltas ng mga probisyon sa kagalingang
sosyal, nagbubunga ng mga tensyong sosyal at nagpapalala ng rasismo at
rasistang karahasan laban sa mga manggagawa mula sa Ikatlong Daigdig.
Sa hustong panahon, mula sa bagong kaguluhang pandaigdig,
susulong ang mga kilusang anti-imperyalista at sosyalista. Sa tulak ng
mga kalagayan, ang mga Marxista-Leninistang partidong makakahawak sa
kanilang proletaryong rebolusyonaryong integridad at magpapatuloy sa
mga rebolusyonaryong pakikibaka at ang iba pang partidong mabubuo uli
sa mga bayan kung saan nalansag at nabulok ang mga rebisyunistang
partido ay muling titindig upang magsulong ng mga rebolusyonaryong
pakikibaka sa bago at mas mataas na antas sa teoretikong pamamatnubay
ng Marxismo-Leninismo at sa ilalim ng bandila ng proletaryong
internasyunalismo.