Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
LIWAT NGA PALIG-UNON ANG ATON NGA MGA SANDIGAN NGA PRINSIPYO KAG TADLUNGON ANG MGA KASAYPANAN

I. Sa Patag sang Pulitika



Read in EnglishBasahin sa Pilipino

Komite Sentral, Partido Komunista sang Pilipinas
Hulyo 1992


Hinggil sa Isyu ng Negosasyong Pangkapayapaan

Noong panahong 1983-86, ang mga kilalang lider at pwersang nasa alyansa laban sa pasistang rehimen publikong nagpahayag ng mga panukala para sa mga pag-uusap pangkapayapaan at pambansang pagkakaisa sa pagitan ng mga rebolusyonaryong pwersa at isang bagong pamahalaang kapalit ng rehimeng Marcos. Ang mga panukalang ito nagsilbi sa pagpapalawak at pagpapatibay ng nagkakaisang prente, kapwa sa paraang pormal at impormal.

Sa pagluklok niya sa kapangyarihan, si Aquino nagpalaya ng mga bilanggong pulitikal tulad ng kanyang ipinangako sa pagsisikap na kunin ang suporta ng pambansa-demokratikong kilusan; at nanawagan ng isang tigil-putukan tulad ng ipinahayag niyang interes dito bago pa man siya naging presidente.

Wasto para sa Partido na magdeklara ng kahandaang lumahok sa mga pag-uusap pangkapayapaan o, gaya ng mas gustong itawag dito ng rehimeng Aquino, pag-uusap para sa tigil-putukan. Kung hindi, magmumukhang tutol tayo sa kapayapaan sa harap ng alok ni Aquino para sa pag-uusap para sa tigil-putukan. Unang-una na, ang pambansa-demokratikong linya ng Partido ang linya para sa isang makatarungan at matagalang kapayapaan. Sa gayon, napagpasyahang isang lupon sa negosasyon ng NDF ang kakatawan sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa.

Pero bago pumayag na pumasok sa pormal na negosasyong dalawahang-panig o pumirma sa isang kasunduang tigil-putukan, dapat sanang ginamit muna ng NDF ang lahat ng panahon para sa mga pag-uusap tungkol sa pag-uusap pangkapayapaan hanggang ang adyenda ng mga pangunahing usapin at iba pang kundisyon mapagkasunduan nang kasiya-siya kapwa sa magkabilang panig. Pwede namang nagkusa ang NDF sa pagsasagawa ng propaganda kahit bago ang kasunduan para sa 60-araw na tigil-putukan. Pwedeng inilantad din nito ang kabilang panig na siyang ayaw makipagkompromiso, laluna kaugnay ng mga pangunahing isyu. Pwedeng binatikos ng NDF ang kabilang panig tuwing magbabantang itigil ang mga pag-uusap pangkapayapaan.

Maling pumayag, sa kabilang banda, na idaos lamang sa Metro Manila ang mga pag-uusap bago ang tigil-putukan. Ang mahinang kalusugan ng isa sa mga negosyador ng reaksyunaryong pamahalaan, si Senador Jose W. Diokno, na taos-pusong nirespeto ng NDF, ang nagdikta ng palagiang sa Metro Manila ang lugar ng mga pag-uusap bago ang tigil-putukan. Mali rin ang pagsang-ayon sa isang kasunduan para sa 60-araw na tigil-putukan nang walang anumang kasunduan sa adyenda ng mga pangunahing usapin para sa seryosong negosasyong pangkapayapaan. Ang dineklarang layunin ng kasunduang tigil-putukan para lamang lumikha ng klima para sa di-malinaw na diyalogo sa mga pangunahing usapin sa panahon ng tigil-putukan.

Isang katwirang ibinigay para sa kasunduang tigil-putukan maghahawan daw iyon ng daan para sa adyenda ng mga pangunahing usapin at para sa pormal na mga pag-uusap pangkapayapaan. Isa pang dahilang ibinigay ng ilang elemento sa Partido para sa kasunduang tigil-putukan ang paggamit sa pagkakataong maipakita ng mga pwersang rebolusyonaryo ang kanilang "mukhang tao" at makapagpropaganda sa pambansang saklaw sa pamamagitan ng namamayaning burgis na masmidya, para maimpluwensyahan ang mga panggitnang pwersa at ang malawak na masa.

Isa pang katwirang ibinigay ng iba pang elemento sa Partido ang pangangailangan ng hukbong bayan sa Mindanaw ng tigil-putukan para makapagpahinga sa presyur ng sobra-sobrang pagtatambak ng mga pwersang militar ng kaaway. Sa katunayan, ang mga pwersa ng kaaway sa Mindanaw nagkakagulo noon bunga ng malaking hidwaan sa pagitan ng mga kampong Marcos-Ver at Enrile-Ramos. Sa anu't anuman, pumasok na sa lokalisadong pag-uusap pangkapayapaan at tigil-putukan ang ilang kadre sa Mindanaw nang walang pagsangguni sa sentral na pamunuan ng Partido. Nasa mahirap na kalagayan sila, hindi lamang dahil sa presyur ng kaaway, kundi at mas esensyal, dahil sa pangwawasak na ginawa ng maling linya at ng isteryang anti-impiltrador.

Ang ilang elemento sa Komisyon sa Mindanaw dating nagdala ng lokalistang kaisipan na pwede silang umabante nang napakalayo sa ibang bahagi ng bansa sa pagpapalaya ng Mindanaw sa pamamagitan ng kumbinasyon ng mga opensiba ng mga pinalaking "regularisadong" pormasyon ng BHB at armadong insureksyong lunsod. Sa kalagayan ng pangwawasak sa sarili na likha ng isteryang anti-impiltrador at ng matitinding pagsalakay ng kaaway, nag-isip silang maghanap ng malulusutan sa pamamagitan ng mga lokalisadong tigil-putukan, na hindi naisip na pwedeng magtulak ang mga iyon ng pagwawatak-watak ng pambansang rebolusyonaryong kilusan at bukod pa'y hindi tunay na makalulutas sa mga suliraning dulot ng maling linya. Saanman tingnan, may pagbaling mula sa sobrang-Kaliwa tungo sa pusisyong Kanan.

May ilang namumunong kadre ng Partido na nagdala ng pananaw na ang ating armadong pakikibaka nalagay sa depensibang pusisyon sa pulitika matapos ang pag-aalsang EDSA. Iginiit nilang kailangan natin ng tigil-putukan para "irepusisyon" ang ating armadong pakikibaka sa bagong sitwasyon. Para sa kanila, ang tigil-putukan ang pangunahin sa lahat at ito'y isang mabuting bagay na nagsilbi sa ating layunin, sa kabila ng mga seryosong kahinaan ng kasunduang tigil-putukan at ibayong paglala ng mga suliranin natin sa seguridad sa kalunsuran at kanayunan.

Mayroon pang ilang naniwala na ang tigil-putukan at pag-uusap pangkapayapaan posibleng tumungo sa isa pang polarisasyon ng mga pwersa, kung saan si Aquino at iba pang "panggitnang pwersa" (kabilang ang mga pro-Aquinong malaking kumprador-burgis at panginoong maylupa) makakabig sa panig ng mga rebolusyonaryong pwersa laban sa US, AFP at iba pang sagadsaring pwersang reaksyunaryo na diumano'y pawang tutol sa tigil-putukan.

Sa proseso ng mga pag-uusap bago ang tigil-putukan, ang mga negosyador ng NDF naging bulnerable sa pagmamanman ng kaaway. Naging madali para sa ahensyang paniktik ng kaaway na manmanan ang mga negosyador ng reaksyunaryong pamahalaan at sundan ang mga negosyador ng NDF. Sa panahon ng mga pag-uusap bago ang tigil-putukan, naaresto ang isa mismong kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral.

Sa panahon ng tigil-putukan, ang lupon sa negosasyon at ang mga kinatawan ng NDF nakapagdaos ng mga pangmasang aktibidad na nagpakita sa suportang popular at simpatya para sa NDF. Pero kaalinsabay, may mga lihim na kadre, Pulang mandirigma, mapagkakatiwalaang alyado at matatag na baryo at iba pang erya na nalantad sa mga ahensyang paniktik ng kaaway.

Kung ihahambing sa nakaraan, nakakuha nga ang NDF ng higit sa karaniwang atensyon sa burgis na masmidya. Pero pagkaraan ng dalawang linggo, ang mga upisyal na sibil at militar ng reaksyunaryong pamahalaan kumuha ng di hamak na mas malaking ispasyo at mas nakapagpatampok nang husto sa kanilang tipo ng mensahe.

Habang hinihiling ng lupon ng NDF sa negosasyon na maisagawa ang mas makabuluhang mga pag-uusap, higit na nagiging malinaw na ang bagong reaksyunaryong pamahalaang pro-US interesado lang sa tigil-putukan sa sumusunod na mga dahilan:

  1. Makakuha ng dagdag na panahon sa pagsasaayos ng reaksyunaryong sandatahang lakas dahil sa malaking pagkakahati sa pagitan ng kampong pro-Marcos at kampong anti-Marcos;

  2. Magpanggap na kampyon ng demokrasya, karapatang tao at kapayapaan;

  3. Hingin ang pagpapailalim ng mga rebolusyonaryong pwersa sa saligang batas ng reaksyunaryong pamahalaan at ang pagsuko ng Bagong Hukbong Bayan kapalit ng pangako ng pangkalahatang amnestiya at rehabilitasyon;

  4. Patigilin ang momentum ng armadong rebolusyon at hatiin kung posible ang mga pwersang rebolusyonaryo; at

  5. Dagdagan ang natipong datos sa pagmamanman ng mga serbisyong paniktik.

Ang bugso ng antipasistang kilusan at ang panghihina ng rehimeng Marcos noong panahong 1983-86 nag-udyok sa pagluluwag sa seguridad ng mga kadre ng Partido na nasa mga sentral na organong istap at nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway. Ang tigil-putukan nag-udyok sa kanila ng higit pang kabulagsakan at pagluluwag sa seguridad na nagpatuloy kahit pagkatapos ng tigil-putukan. Nagpista ang kaaway sa dagsa ng datos sa paniktik.

Noong Marso 29, 1988, inumpisahan ng kaaway ang mga presisong reyd sa mga bahay ng sentral na pamunuan. Nakadakip sila ng mga pinuno ng Partido, mga upisyal ng pangkalahatang kumand ng BHB, dokumento, kagamitan at salapi. Sa loob ng taon ding iyon, nagpatuloy ang kaaway sa pagreyd sa mga lihim na bahay ng NDF at pagdakip ng iba pang tauhan ng kilusang lihim at mga istak ng dokumento.

Sa panahon ding iyon, humigit-kumulang, may laganap nang pangamba sa hanay ng mga namumunong kadre ng Partido tungkol sa "lambat ng mga DPA ng kaaway". Tinanggap na nang walang gaanong pagsusuri ang kongklusyon ng KAHOS na may malawak at matagal nang impiltrasyon ng kaaway sa Mindanaw at malamang sa iba pang mga rehiyon. Ito'y dagdag pa sa dating alerto laban sa pakanang impiltrasyon ng kaaway. At pagkatapos, naririyan ang matinding pagkabahala sa sunud-sunod na matagumpay na reyd ng kaaway at lumalaking pinsala sa iba pang pananalakay ng kaaway, na hindi masaklaw at malalim na nasusuri ang mga internal na batayan at dahilan at marami'y hindi maipirmi ang mga kagyat na sanhi. Kaya madaling inalihan ng sindak ang ilang kagawad ng Komite Sentral at ilang komite sa rehiyon noong 1988; mabilis na pinaniwalaan ang mga diumanong breyktru sa imbestigasyon. Sa gayon, namuo ang isteryang anti-impiltrador sa ilang rehiyon, laluna sa Metro Manila at Timog Katagalugan, at ilang sentral na organong istap, at bumiktima ng ilampung tao. Dala ng isteryang ito, nalagay sa panganib ang buhay ng Partido. Sa isang panahon ang sentral na pamunuan ng Partido mismo nasangkot sa kampanya sa Metro Manila, hanggang sa nakapagsagawa ito ng sariling imbestigasyon, natauhan sa malulubhang pagkakamali, at gumawa ng mga matatag na hakbang para pahintuin at iwasto ang kabaliwan sa pamamagitan ng malinaw na mga gabay sa wastong mga prinsipyo at pamamaraan sa karampatang proseso, pagsisiyasat, paglilitis at ebalwasyon ng ebidensya.

Dapat linawin sa puntong ito na ang isteryang anti-impiltrador maaaring mangyari buhat sa mga epektibong dagok ng kaaway na resulta ng naunang sobrang-Kaliwang pagkakamali o di kaya'y Kanang pagkakamali. Para makapagmatyag laban sa muling pagsulpot ng ganitong isterya, ang sentral na pamunuan ng Partido naglabas ng mga prinsipyo at pamamaraan sa pagsisiyasat, paglilitis at ebalwasyon ng ebidensya mula pa Nobyembre 1988. Higit na pinalalakas ng mga ito ang mga garantiya sa mga karapatang sibil na nasa Listahan ng mga Karapatan ng Probisyunal na Pamahalaang rebolusyonaryo at ang mga garantiya sa mga karampatang proseso sa Saligang Batas ng Partido at mga Tuntunin ng Bagong Hukbong Bayan. Iniatas ang puspusang pagrepaso sa lahat ng kampanyang anti-impiltrador, kabilang na ang orihinal na kampanya sa Hangganang Quezon-Bikol. Ang pamunuan ng Partido naglabas din ng kumprehensibong gabay at nagdetalye ng mga instruksyon ukol sa seguridad mula 1989.

Bunga ng ilang pagsisikap na itulak ang bagong serye ng mga pag-uusap pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at ng reaksyunaryong pamahalaan mula 1989 at pagkatapos, ang Partido at ang NDF patuloy na gumawa ng isang kumprehensibong balangkas para sa negosasyong pangkapayapaan upang mabigo ang pagsisikap ng kaaway na magkunwang siyang kampyon ng kapayapaan at palitawing ang mga pwersang rebolusyonaryo ang pinagmumulan ng karahasan, at makapanghati sa mga pwersang rebolusyonaryo at sa mamamayan. Ang mga pangunahing punto sa balangkas ang mga sumusunod:

  1. Ang estratehikong linya ang pagtahak sa linyang pambansa-demokratiko para makamit ang makatarungan at matagalang kapayapaan.

  2. Ang NDF isang pwersang nakikidigma (belligerent) sa isang gyera sibil at hindi lang isang pwersang insurekto. Hindi ito maaaring makipag-negosasyon sa reaksyunaryong pamahalaan kung hindi magkapantay ang katayuan sa ilalim ng internasyunal na batas.

  3. Ang ligal at pampulitikang balangkas ang kalipunan ng mga prinsipyong katanggap-tanggap sa magkabilang panig, mga internasyunal na pamantayan at ang mga kasunduang maaaring mabuo.

  4. Kabilang sa adyenda ng mga pangunahing isyu ang mga sumusunod: pagrespeto sa mga karapatang tao at internasyunal na makataong batas; mga repormang panlipunan at pang-ekonomya; mga repormang konstitusyunal, pulitikal at elektoral; at ang mga armadong pwersa.

  5. Kinakailangang may makatwirang tagal ng panahon at iskedyul para sa iba't ibang bahagi ng proseso.

  6. Kinakailangang idaos ang negosasyon sa labas ng bansa para magaan at ligtas sa magkabilang panig.

  7. Kinakailangang may ikatlong partido na dayuhang estado o internasyunal para tumayo sa kapasidad na itatakda (tagapamagitan, katulong na tanggapan o saksi) ayon sa kasunduan ng dalawang panig.

  8. Ang mga lokal o dayuhang ikatlong partido na mga di-panggubyernong tagapagtaguyod ng kapayapaan pwedeng kinokonsulta at kinakatulong sa prosesong pangkapayapaan.

Ang balangkas ng reaksyunaryong pamahalaan absolutong kabaligtaran ng sa NDF at hindi talaga isang balangkas para sa negosasyong pangkapayapaan kundi para sa pagkitil sa prosesong pangkapayapaan sa simula't simula pa lamang. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  1. Ang NDF dapat pumailalim sa saligang batas ng GRP.

  2. Dapat isuko ng BHB ang mga armas nito at lusawin ito.

  3. Kapalit ng dalawang puntong unang nabanggit, ang GRP mag-aalok ng amnestiya at mga hakbang para sa rehabilitasyon ng mga bibigyan ng amnestiya.

  4. Dapat gawin ang negosasyon sa Pilipinas.

  5. Kung ayaw sumang-ayon ng pamunuan ng NDF sa alinman sa mga punto sa itaas, ang GRP at AFP hindi papasok sa anumang pormal na dalawahang-panig na pakikipag-usap sa NDF, pero maghahabol ng mga lokalisadong diyalogo at tigil-putukan para sa pagsuko ng mga lokal na lider at pwersa ng PKP, BHB at NDF.

Malinaw ang magkakatunggaling balangkas. Ang mga sumisisi sa Partido at iba pang rebolusyonaryong pwersa dahil sa kawalan ng pormal na dalawahang-panig na pag-uusap sa pagitan ng NDF at GRP nakasisira sa interes ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mga nagpoposturang nasa ibabaw ng NDF at GRP, nagsasabing interesado lang sila sa pagpapatigil sa mga pinsala sa tao na dulot ng gyera sibil, at labis na pinasimpleng nagtuturing na magkapantay sa pagkamarahas ang magkabilang panig, nagpapalabo sa katunayan sa makatarungan at makatwirang adhikain ng armadong rebolusyon at sa gayo'y binibigyang-matwid ang pananatili ng marahas na sistema ng pang-aapi at pagsasamantala.

Dapat nating tuligsain ang mga elementong hindi nakauunawa sa singil ng matagalang tigil-putukan sa rebolusyonaryong kapasyahan at pwersa ng bayan at labis na nagpapalaki sa halaga ng matagalang tigil-putukan bilang paraan sa pagpapalawak ng nagkakaisang prente at pagpapalakas ng kilusang masa para sa armadong insureksyong lunsod.

Dapat nating biguin ang reaksyunaryong pagsisikap na ipantay ang NDF sa mga rebeldeng paksyon ng AFP at sa iba't ibang organisasyong di-panggubyerno na sari-sari ang katangiang pampulitika (kabilang na ang mga pinakareaksyunaryo) sa isang diumano'y prosesong pangkapayapaan para mabuo ang isang malawak na prenteng anti-imperyalista para sa isang "armadong insureksyon sa loob ng ilang taon". Ito isang musmos na pakana.

Dapat rin nating biguin ang pagsisikap ng ilang reaksyunaryong elementong kleriko na ipatanggap sa rebolusyonaryong kilusan ang estratehikong hamlet sa pamamagitan ng simpleng pagpapalit ng pangalan, tulad ng "sona ng kapayapaan" o "sona ng buhay". Ang ating rebolusyonaryong baseng masa mapayapa at puno ng produktibong buhay, liban kung nanghihimasok at naghahasik ng kamatayan at paninira ang mga reaksyunaryong pwersa.

Dapat ipatigil ang pagpunta-punta sa Maynila ng mga kadre ng NDF na nasa listahan ng hinahanap ng kaaway, para makipagtagpo sa mga personalidad na malamang o tiyak na minamanmanan at doo'y makipag-usap sa mga ito tungkol sa posibilidad ng kapayapaan. Ang paulit-ulit na napatutunayang kabayaran ng ganitong mga pakikipagtagpo dapat makakumbinse sa lahat na ang mga pag-uusap tungkol sa mga pag-uusap pangkapayapaan pinakamahusay nang ipaubaya sa mga nasa kalagayang pinakaligtas o hindi bulnerable sa lahat.

Kaugnay ng usapin ng negosasyong pangkapayapaan, dapat tanggihan ang anumang ideyang sobrang-Kaliwa pero Kanan sa katunayan—na kapag hindi posible ang armadong insureksyong lunsod, kailangan maghabol tayo ng mapayapang pakikipagkasundo sa kaaway, bumitiw sa armadong rebolusyon at umasa sa parlamentarismo. Kailangan ding tanggihan bilang mayor na batayan ng negosasyong pangkapayapaan ang kaisipang dapat maghabol ang NDF ng mapayapang pakikipagkasundo dahil ito diumano ang tunguhin sa daigdig. Ang makatarungang kapayapaan sa Pilipinas sa esensya isang bagay na kailangang ipaglaban ng sambayanang Pilipino.

Kung hindi pa uubra ang negosasyong pangkapayapaan sa ngayon, ito'y dahil sa sobrang pagmamatigas ng reaksyunaryong pamahalaan. Ang kawalan ng negosasyong pangkapayapaan nangangahulugan lamang na ang mga pwersang rebolusyonaryo at ang mamamayan sa ilalim ng pamumuno ng Partido kailangang magtrabaho at lumaban nang mas matatag pa kaysa sa nakaraan para mabago ang timbangan ng mga pwersa sa Pilipinas.


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.