Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
LIWAT NGA PALIG-UNON ANG ATON NGA MGA SANDIGAN NGA PRINSIPYO KAG TADLUNGON ANG MGA KASAYPANAN

I. Sa Patag sang Organisasyon



Read in EnglishBasahin sa Pilipino

Komite Sentral, Partido Komunista sang Pilipinas
Hulyo 1992


Ang mga Suliranin sa Seguridad sa Kalunsuran

Hawak ang mga aral na natutunan sa mahabang karanasan sa gawaing lihim sa kalunsuran sapul ng pag-uumpisa ng kasalukuyang armadong rebolusyon at partikular na nasa isip ang mga presisong reyd at pang-aaresto ng kaaway noong 1988 at pagkatapos, ang sentral na pamunuan ay naglabas noong 1989 ng kumprehensibong kalipunan ng mga gabay at instruksyon tungkol sa seguridad para sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido.

Kabilang sa mga suliraning kinilala sa mga gabay at intruksyong iyon ang mga sumusunod:

  1. Ang mga kadre at kasapi ng Partido ay higit na mas bulnerable sa kalunsuran kaysa sa kanayunan.

  2. Umiral ang ilang taon ng pagluluwag sa seguridad, na lumala noong panahon 1983 hanggang 1986, higit pang lumala noong panahon ng tigil-putukan ng 1986-87 at pagkatapos at ngayon ay patuloy pang laganap at malubha.

  3. Nagkukumpol sa mga kalunsuran ang mga kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway at naglalagay ng kanilang sarili at iba pa sa panganib dala ng pagmamantini ng ugnay sa mga dating detenidong pulitikal, gayundin sa mga personalidad, organisasyon at institusyong saklaw ng malamang at tiyak na pagmamanman ng kaaway.

  4. Ang mga kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway at ang mga taong kinokontak nila at ang mga lugar at pasilidad na ginagamit nila ay minamanmanan at kung tutuusi'y naikahon na ng mga ahensyang paniktik ng kaaway.

  5. Ang presisong pagkakadakip ng mahahalagang kadre ng Partido, dokumento, kagamitan at iba pang bagay ay naglalagay sa peligro ng kaligtasan at seguridad ng mga tao at rekurso at naghahawan ng daan para sa higit pang pagmamanman at aksyon ng kaaway.

  6. Ang mga modernong kagamitan at pasilidad (mga telepono, kompyuter, radyo at iba pa) ay nakapagpapadali sa ating gawain pero kung hindi masinop na ginagamit ay mas nakakatulong sa kaaway kapag namamanmanan o nakukumpiska ang mga ito.

  7. Ang impormasyong naiipon ng kaaway mula sa mga nakumpiskang dokumento sa mga disket ng kompyuter at sa papel, gayundin mula sa taktikal na pagmamanman sa mga nakapirming target (mga tao, bahay, gusali at publikong lugar) na ginagamit ng Partido at mga kaugnay na tauhan ay nagbibigay sa kaaway ng batayan para sa kumpiyansa nito sa matagalang pagmamanman.

  8. Hindi dinadakip ng kaaway ang lahat ng kadre at bagay na tukoy na niya; nangangahulugang humuhuli siya ng ilan at nag-iiwan ng ibang ginagamit na pantunton sa mas marami pang kadre at bahay.

Sa mga praktikal na instruksyong ipinalabas para pangalagaan ang kaligtasan ng Partido at mga kaugnay na tauhan, ang pinakamahalaga ay ang pag-alis sa Metro Manila at iba pang lunsod ng mga kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway at paglilipat sa kanila sa kanayunan, para mahadlangan ang kaaway. Ang ibang kadre at di-kasapi ng Partido na makakakilos pa nang ligal sa mga lunsod ay maaaring katagpuin nila sa kanayunan tuwing kinakailangan.

Ang pagkadakip sa kalunsuran laluna sa Metro-Manila ang dahilan ng pinakamalaking bilang ng pinsala sa mga kadre sa matataas na antas. Mula 1988 mahigit 100 kadre sa antas rehiyon at pambansa ang nadakip ng kaaway sa mga reyd at pag-aresto sa kalunsuran. Ngunit maraming kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway ang naggugumiit na manatili sa Metro Manila liban sa maiikling panahon ng kunwa o pakitang-taong pagsunod sa mga gabay at instruksyon sa seguridad.

Ang mga kumprehensibong gabay at instruksyon ay binabalewala at nilalabag. Ang pinakamatibay na patunay nito ay ang patuloy na pagkadakip ng ganitong mga kadre ng Partido at ng bultu-bultong mga disket ng kompyuter at dokumentong nasa pangangalaga nila.

Kailangan ang isang mas pundamental na pagpuna sa pananatili sa Metro Maynila at iba pang lunsod ng mga sentral na organong istap at mga kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway. Kailangang lubos na pawiin ang mga ugat sa ideolohiya at pulitika ng pagkukumpulan sa kalunsuran ng mga sentral na organong istap (kabilang na ang pangkalahatang kumand ng BHB) at mga tauhan ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway. Para sa sarilli nilang kapakanan at sa kapakanan ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan, lahat ng hindi na angkop sa gawaing Partido sa kalunsuran ay kailangang atasang pumunta sa kanayunan para tumulong sa pagpapalawak at pagkokonsolida ng baseng masa doon. Ang mga organong istap na nakabase sa kalunsuran pero mas nararapat na nakabase sa kanayunan ay dapat bumase na doon.

Totoong sapul ng pag-uumpisa ng armadong rebolusyon, kinikilala natin ang pangangailangang magtalaga ng mga kadre ng Partido sa kalunsuran para mag-ayos ng komunikasyon sa pagitan ng mga rehiyon at sentral na paumunuan at sa loob ng mga rehiyon, bunga ng partikular na pulu-pulong katangian ng Pilipinas, Pero bakit, kahit naitayo na muli ang mga ligal na organisasyong masa at higit na lumawak ang nagkakaisang prente mula ng mga taong 1980, mga kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway pa rin ang nangangasiwa sa gawain at sa komunikasyon sa kalunsuran sa halip na mga kadreng makakakilos doon nang ligal at mas maigi? At bakit bumabase at pinalolobo pa sa kalunsuran ang mga organong namumuno o istap na pinakamahusay na nakapuwesto sa kanayunan?

Bakit kailangang nakabase sa Metro Manila ang pangkalahatang kumand ng BHB at mga sentral na organong istap nito, na nararapat at wasto lamang na nakabase sa kanayunan? Bakit, sa panahong sinasabing saklaw na ng hukbong bayan ang lahat ng estratehikong lugar sa bayan, na sapat na ang bilang ng mga larangang gerilya at ang pangunahing layunin ay ang pagtatayo ng mga kumpanya at batalyon, pinili ng pangkalahatang kumand na ibase ang sarili sa Metro Manila?

Mapanganib ngayon ang sitwasyong bunga ng pagkukumpulan ng mga kadre at kasapi ng Partido sa mga istrukturang administratibo na nakabase sa kalunsuran, tulad ng mga sentral na organong istap at mga grupo ng Partido sa mga pambansang organisasyong masa na napakarami ang mga antas. Ang mga istrukturang administratibo sa kalunsuran ay lubhang bulnerable sa isang pamatay na dagok sa isang pangkalahatang panunupil ng kaaway o sa walang tigil na paunti-unting pag-aresto.

Alang-alang sa matagalang mahusay na pag-unlad ng armadong rebolusyon, kailangang kagyat na alisin ng Partido sa mga lunsod ang lahat ng kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway, pasimplehin ang mga sentral na organong istap sa ikalalakas ng gawain sa batayang antas, at ilipat sa kanayunan ang mga kadre at organong nararapat doon.

Pero, hindi sapat na ilipat sa kanayunan ang mga kadreng nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway. Kailangang ilunsad ang isang kampanyang pagwawasto at reedukasyon sa hanay nila. Kailangang muling pagtibayin nila ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo, linya at estratehiya at taktika ng Partido. Kailangang ipamata sa kanila ang kamalian ng anumang kaginhawahan, gawi, kaisipan at ilusyong nagpanatili sa kanila sa kalunsuran. Dapat nilang tanggapin na kailangang manatili sila nang matagalan sa kanayunan para makapag-ambag sa pagbawi ng mga nawalang saklaw at sa pagpapalawak at pagkokonsolida ng rebolusyonaryong kilusan.

Kung pupunta sila sa kanayunan nang walang sapat na pagwawasto at reedukasyon, sasama ang loob nila sa pagkakatalaga doon, hahawahan nila ang iba ng mga maling ideya at sama ng loob na dala-dala nila at di magtatagal, babalik sila sa kalunsuran pagkatapos ng isa uling maikling paggawa ng pakitang-taong pagsunod sa atas na pumunta sa kanayunan. Ang kailangan ng kanayunan ngayon ay mas maraming kadreng determinado sa paglilingkod sa sambayanan at pagsusulong ng rebolusyonaryong adhikain.


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.