Kamtin ang Pambansang Kalayaan at Demokrasya at Hawanin ang Landas para sa Maaliwalas na Sosyalistang Bukas Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan

,

Mula nang muling itatag noong Disyembre 26, 1968, namumukod-tangi ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang abanteng destakamento ng proletaryadong Pilipino at namumunong pwersa sa demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas. Matatag nitong itinaguyod ang kanyang mga rebolusyonaryong prinsipyo at nagtamo ng maniningning na tagumpay sa mga rebolusyonaryong pakikibaka laban sa lahat ng pwersang nang-aapi at nagsasamantala sa sambayanang Pilipino.

Mga Nilalaman

Ginagabayan ito ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang unibersal na teorya ng rebolusyonaryong proletaryado. Sa pamamagitan ng teoryang ito, inuunawa ng Partido ang kasaysayan at kasalukuyang konkretong kalagayan ng Pilipinas at isinasanib ito sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Sa gayon, pinamunuan nito ang sambayanang Pilipino sa patung-patong na tagumpay laban sa imperyalismong US at mga reaksyunaryong uring malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa sa malakolonyal at malapyudal na lipunan.

Matatag na tumatalima ang Partido sa proletaryong rebolusyonaryong paninindigan, pananaw at pamamaraan at walang-humpay na pinag-aaralan ang mga akda nina Marx, Engels, Lenin, Stalin, Mao, Ho at iba pang dakilang komunistang paham at pinuno. Muli nitong pinagtitibay ang Marxista-Leninista-Maoistang kritisismo at pagtatakwil sa klasikal at modernong rebisyunismo, lantarang pagpapanumbalik sa kapitalismo ng mga bayang pinaghaharian ng mga rebisyunista, at mga kamaliang suhetibismo at oportunismo na hinarap at ginapi ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Laging nakahanda ang Partido sa teorya at praktika na muling pagtibayin ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo, at punahin at itakwil sa hanay ng mga kadre at kasapi nito ang mga manipestasyon ng suhetibismo na tipong dogmatista at empirisista, at oportunismo na tipong Kanan at “Kaliwa”. Sa paglulunsad ng pakikibakang pampulitika, itinatatag ng Partido ang sariling lakas, gayundin ang lakas ng Bagong Hukbong Bayan at ang pambansang nagkakaisang prente sa pamamagitan ng pagsalig sa masa at pagpupunyagi upang pukawin, organisahin at pakilusin sila para sa rebolusyonaryong pakikibaka. Sa buhay pang-organisasyon nito, itinataguyod ng Partido ang demokratikong sentralismo at itinatakwil ang burukratismo at ultra-demokrasya.

Mga Tagumpay ng Partido

Ang mga tagumpay ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nagmumula sa katapatan nito sa Marxista-Leninistang teorya, sa wastong pagsusuri sa kasaysayan at lipunang Pilipino, sa rebolusyonaryong pamumuno ng uring manggagawa, sa programa at linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan at sa estratehiya at taktika ng matagalang digmang bayan. Ang mga tagumpay na ito ay bunga ng wastong proletaryong rebolusyonaryong paninindigan sa pagbubuo sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at sa puspusang pakikibaka at mga sakripisyo ng mga kadre at kasapi ng Partido at ng malawak na masa ng sambayanan sa ilalim ng kanilang pamumuno.

Sa pamamagitan ng pagbubuo at pagpapanday-sa-sarili sa matagalan at walang humpay na rebolusyonaryong pakikibaka, nakapag-ambag ang Partido ng natatanging mga kontribusyon sa pag-unlad ng rebolusyonaryong teorya at praktika. Nakamit nito ang pambansa at pangmasang katangian at nagpapaunlad sa lumalaking disiplinadong kasapian na nagsasagawa ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili upang pangibabawan ang mga kamalian at kahinaan at pahusayin ang mga gawain at estilo ng paggawa. Malalim itong nakalubog sa hanay ng masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at nakapag-ipon na ng mga tagumpay para sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Nagsimula sa halos wala ang Partido nang muli nitong ilunsad ang rebolusyong Pilipino sa landas ng armadong pakikibaka. Pinangibabawan nito ang mga balakid na nilikha ng mga rebisyunistang taksil na Lava at ng pangkating Taruc-Sumulong, gayundin ang mga pananalakay ng reaksyunaryong estado. Nabigo nito ang pagtatangka ng pangkating US-Marcos na kitlin ito sa usbong, at ng naging ganap na pasistang diktadura ang rehimen, ang pagtatangka naman nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pinakamalulupit na pamamaraang ipinatupad laban sa malawak na masa ng sambayanan. Sa proseso ng pakikibakang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal, lumakas ang Partido at sumulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa batayan ng rebolusyonaryong kilusang masa, nagtagumpay ito sa pagbubuo ng hukbong bayan at pambansang nagkakaisang prente na ang lakas na inabot ay naging sapat upang maitulak ang pagbagsak ng pasistang diktadura noong 1986. Kung hindi dahil sa suhetibista at “Kaliwang” oportunistang mga pagkakamali, karamiha’y noong dekada 1980, mas malakas pa sana ang hukbong bayan. Magkagayunman, ang Bagong Hukbong Bayan pa rin ang pinakamalakas na naging rebolusyonaryong hukbo ng sambayanang Pilipino mula noon hanggang sa kasalukuyan.

Ang paghalili sa rehimeng US-Marcos ng serye ng mga rehimeng kunwang-demokratiko na nagsimula sa rehimeng US-Aquino ay hindi nakalutas sa mga pundamental na suliranin ng nagtutuloy-tuloy pang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal, sa halip ay nagpasahol lamang dito. Nagpatuloy ang dating paghahari ng oligarkiya ng malaking kumprador at panginoong maylupa na sunud-sunuran sa US at iba pang mga imperyalistang kapangyarihan. Inatasan ng US ang papet na gubyerno nito na pagtibayin at ipatupad ang neoliberal na patakaran sa ekonomya at iba pang mga patakaran upang yurakan ang pambansang kasarinlan, sikilin ang demokrasya at labagin ang mga karapatang-tao, pigilan ang pag-unlad ng ekonomya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, supilin ang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura at labanan ang pandaigdigang kapatiran, kapayapaan at kaunlaran laban sa imperyalistang pandarambong at gera.

Patuloy ang pagdausdos ng sistemang malaking kumprador-panginoong maylupa na kontrolado ng US. Patuloy ang pagsahol at paglalim ng krisis na sosyo-ekonomiko at pulitikal. Nananatiling agraryo ang ekonomya, lugmok sa karalitaan, di makaahon sa depisito, bangkarote at di na makagulapay sa paglalabas sa bansa ng supertubo, lumolobong utang panloob at panlabas, gastusing militar, burukratikong korapsyon at maluhong konsumo ng mga nagsasamantalang uri. Nalantad na ipokrito lamang ang panunumbalik ng mga burgis demokratikong palamuti ng naghaharing sistema dahil sa laganap na paglabag ng reaksyunaryong armadong pwersa sa karapatang-tao at lumalaking armadong paksyunalisasyon at mararahas na internal na kontradiksyon ng naghaharing uri. Mataba sa gayon ang lupa para sa pagyabong at pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa, laging mulat ang Partido Komunista ng Pilipinas sa tungkulin nitong ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan at kasunod niyon ay ipatupad ang istorikong misyong itatag ang sosyalismo. Bilang pinakaproduktibo at pinakaprogresibong pwersa sa buong kasaysayan ng sangkatauhan, may kakayahan ang uring manggagawa at Partido nito na komprehensibong pamunuan at paunlarin ang mga rebolusyonaryong pwersa upang palayain ang lahat ng masang anakpawis at buong bansa mula sa dayuhan at pyudal na dominasyon at sumulong sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Tiwala ang Partido na maitatatag ang sosyalismo at tuloy-tuloy na susulong tungong komunismo sa pamamagitan ng pagpapatupad at pagpapaunlad sa teorya at praktika ni Kasamang Mao ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura na lumalaban sa rebisyunismo, pinipigilan ang panunumbalik ng kapitalismo at kinokonsolida ang sosyalismo. Ang rebisyunistang pagtataksil sa sosyalismo at ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa mga dating sosyalistang bayan ay labis-labis na ikinatuwa ng mga imperyalistang kapangyarihan at nagbigay pa nga sa kanila ng ilusyong hindi na makalalampas ang kasaysayan sa kapitalismo. Ngunit magmula noon, ang pagdami ng nagriribalang mga kapitalistang kapangyarihan ay nagresulta sa pagpapabilis ng pagsahol ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, mas matalim na mga kontradiksyong inter-imperyalista, at mas maigting na mga tunggalian para sa panibagong paghahati ng daigdig.

Samantala, isinusulong ng Partido ang demokratikong rebolusyon ng bayan na tumutugma sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Higit kailanman ay nananatili ang bisa at linaw ng proletaryong rebolusyon sa pandaigdigang konteksto ng modernong imperyalismo. Ang mabilis na sumasahol na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay nag-aanak ng pandaigdigan at lokal na mga kalagayang paborable para sa mas mabilis na pag-unlad ng Partido, Bagong Hukbong Bayan at nagkakaisang prente bilang tatlong makapangyarihang sandata ng sambayanang Pilipino.

Sa pagsusulong ng rebolusyon, pinanghahawakan ng Partido ang armadong pakikibaka at nagkakaisang prente bilang mga sandata. Ipinatutupad nito ang absolutong pamumuno sa Bagong Hukbong Bayan at isinusulong ang digmang bayan bilang prinsipal na anyo ng pakikibaka. Binubuo nito ang nagkakaisang prente kapwa para sa armadong pakikibaka at mga ligal na anyo ng pakikibaka. Isinusulong nito ang lahat ng anyo ng pakikibaka ngunit armadong pakikibaka ang pangunahing anyo dahil tinutupad nito ang sentral na tungkulin ng rebolusyon, ang pag-agaw ng armas mula sa kaaway, pagtatatag ng demokratikong kapangyarihan ng sambayanan at pagwasak sa kapangyarihang pampulitika ng mga reaksyunaryong uring sunud-sunuran sa US at iba pang mga imperyalistang kapangyarihan.

Ang Partido at Armadong Rebolusyon

Kung walang hukbong bayan, walang anuman ang sambayanan. Kung walang digmang bayan, walang kapangyarihan ang mga rebolusyonaryong pwersa at sambayanan at makakapagpatuloy nang walang pingas ang pinagsanib na diktadura ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Kung hindi magtatagumpay ang digmang bayan at ang hukbong bayan, imposible ang pambansang pagpapalaya at rebolusyong panlipunan.

Matatag na ipinatutupad ng Partido ang estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan sa loob ng matagalang panahon hanggang sa mahinog na ang kalagayan para agawin ang kalunsuran sa estratehikong opensiba. Sinasaligan ng hukbong bayan ang malawak at malalim na baseng masa sa kanayunan, binubuo ang mga sustenableng yunit panlaban, inaakit ang mga pwersa ng kaaway sa kaloob-looban at nililipol sila sa serye ng mga bitag na pamatay. Nagsasagawa ito ng mga kontra-kubkob at kontra-opensiba. Kailanman posible, naglulunsad ito ng malalakas na bigwas sa mahihinang mga bahagi ng kaaway sa kalunsuran. Sa pangkalahatan, naglulunsad ito ng mga labanan at kampanyang anihilatibo at nagtitipon ng lakas sa kanayunan hanggang sa makatipon na ito ng sapat na lakas upang isulong ang estratehikong opensiba laban sa kaaway sa kalunsuran at sa nalalabing mga kuta nila.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay hindi purong pormasyong militar. Bukod sa natatanging karakter nito bilang pwersang panlaban, gumaganap ito ng mga tungkulin sa pulitika, produksyon, kultura at iba pang gawain sa ilalim ng pamumuno ng Partido. Iniiba nito ang sarili sa mga armadong pwersa ng kaaway (mga bayarang instrumento ng imperyalismo at lokal na nagsasamantalang uri) sa pamamagitan ng paglilingkod sa sambayanan at pagsalig sa masa at pagtatamasa ng kanilang taus-pusong paglahok at pagsuporta sa armadong pakikibaka. Ang armadong pakikibaka ay integrado sa pagpapatupad ng reporma sa lupa at pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa sa kanayunan.

Bago maabot ang yugto ng estratehikong opensiba, dapat maglunsad ang rebolusyonaryong kilusan ng armadong pakikibaka pangunahin sa kanayunan. Doon makakamit ng hukbong bayan ang pinakamataas na inisyatiba sa paglulunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba at pinakamalawak na maniobrahan para ipreserba ang sarili at magpalakas. Doon maaaring itayo ang mga base ng pinakamalawak na suporta para sa armadong pakikibaka (sa hanay ng masang magsasaka) at isanib ito sa reporma sa lupa bilang pinakasubstantibong demokratikong reporma, at sa pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa.

Kinakailangan ang pagpaparami ng mga horisontal na yunit panlaban at mga larangang gerilya upang buuin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa higit na malalaking saklaw ng populasyon at teritoryo, ilunsad ang malaganap at masinsing pakikidigma at paunlarin ang baseng masa na may kakayahang itaguyod ang hukbong bayan. Dapat ipagkait sa kaaway ang anumang litaw na target sa anyo ng anumang armadong yunit na wala-sa-panahon ang pagpapalaki, hindi sustenable at madaling mapahiwalay. Sa kabilang banda, kung absoluto namang nakadispers ang maliliit na yunit ng hukbong bayan at walang anumang sentro-de-grabidad, magiging bulnerable ang mga ito sa pagmamanman at atake ng kaaway. Sa lahat ng pagkakataon, dapat isulong ng mga yunit ng hukbong bayan ang isang gerang maluwag na nagpapabago-bago ang galaw (war of fluid movement), at magagawa lamang ito kung may malakas na suporta ng masa.

Matagumpay na nabuo ng Partido ang hukbong bayan sa kanayunan at sa lahat ng dako ng kapuluan. Napipilitan ang mga armadong pwersa ng kaaway na hatiin ang kanilang lakas hindi lamang sa kanayunan kundi maging sa napakaraming mga pulo dahil sa digmang bayan. Dagdag pa, nahahati sila hindi lamang sa mga syudad at kanayunan kundi maging sa loob ng mga syudad at kampo bunga ng mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo, paksyunalismong militar, mga banta ng kudeta at kontra-kudeta at mga armadong banta mula sa pakikibakang Bangsamoro. Hindi mauubusan ng mga target ang Bagong Hukbong Bayan na makokonsentrahan nito ng superyor na lakas sa mga taktikal na opensiba ng pakikidigmang gerilya.

May puu-puong larangang gerilya sa buong bansa na teritoryal na nahahati sa sentral at segundaryong mga distrito at kalitatibong nakakategorya bilang mga istableng gerilyang baseng purok, mauunlad na mga sonang gerilya at di-istableng mga sonang gerilya. Kabilang sa mga larangang gerilya, o saklaw ng impluwensya ng mga ito, ang mga sentrong bayan at kapitolyo ng probinsya at lunsod, o ilang mga bahagi ng mga ito. Habang sumusulong ang digmang bayan, kayang kontrolin o palayain ng hukbong bayan ang mga di gaanong urbanisadong purok bago pa man masaklaw ang mga urbanisadong purok. Ang mga mayor na empresang ekstraktibo at agrikultural at linya ng transportasyon, komunikasyon at elektrisidad ay laging bulnerable sa mga aksyon ng hukbong bayan.

May diyalektikong interaksyon at koordinasyon sa pagitan ng armadong pakikibaka sa kanayunan at ligal at demokratikong kilusang masa na nakabase sa kalunsuran. Habang sumusulong ang digmang bayan at humihina ang naghaharing sistema, kayang mas mabilis na mapapabugso pasulong ang ligal at demokratikong kilusang masa sa kalunsuran at mailunsad ang papalaki nang papalaking mga aksyong masa. Bibilis din ang kumpas ng pakikidigma ng mga armadong partisanong lunsod at mga yunit komando.

Magiging posible ang mga pag-aalsa sa kalunsuran sa takdang panahon. Pinakamainam na ilunsad ang mga ito kapag narating na ng hukbong bayan ang yugto ng estratehikong opensiba. Dapat iwasan ang kinalburong mga pag-aalsa upang hindi malagay sa panganib ang ligal at demokratikong kilusang masa. Dapat igalang ang ligal at depensibong katangian nito. Ang sukatan ng tagumpay nito ay nasa papalaking mobilisasyong masa, solidong pag-oorganisa, militansya at pagpapalala sa pampulitikang krisis at papalakas na tuwirang suporta sa armadong pakikibaka sa kanayunan, at hindi sa pangunguna sa balanse ng armadong kapangyarihan sa pamamagitan ng ispontanyong pangmasang karahasan.

Ang digmang bayan ay nasa yugto pa ng estratehikong depensiba at nagsisikap na sumulong mula sa gitnang bahagi tungo sa abanteng subyugto nito. Inilalatag nito ang batayan para sa estratehikong pagkakapatas. Dahil sa di-pantay na pag-unlad ng armadong rebolusyon at sa opensibang kapabilidad ng kaaway, magkakaroon ng lokalisadong pagkakapatas na may iba’t ibang saklaw mula sa antas-munisipal hanggang sa mas matataas na antas (distrito, probinsya at rehiyon) bago maiproklama ng Partido na laganap na ang estratehikong pagkakapatas sa pambansang saklaw.

Habang lalong lumalakas ang hukbong bayan at inaabot ang yugto ng estratehikong pagkakapatas sa pambansang saklaw, maaasahang patitindihin ng imperyalistang US, at posibleng maging ng iba pang mga dayuhang pwersa, ang interbensyong militar at maaari pa ngang maglunsad ng todo-largang agresyon. Matitiyak ang tagumpay sa pamamagitan ng buong-kumpyansang pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong pwersa at paghahanda sa pinakamasahol na maaaring mangyari. Dahil sa estratehikong kahalagahan ng Pilipinas at sa presensyang militar ng US sa bansa, pananaginip ng gising ang umasang mahuhuling tulog ang United States, Japan at kanilang mga papet sa Timog-Silangang Asya.

Dahil determinado ang Partido at hukbong bayan na ganap na gapiin ang kaaway sa pambansang saklaw hanggang sa mga nalalabi nitong kuta, hindi maiiwasang magdaan ang mga ito sa inisyal, panggitna at huling yugto ng proseso ng paggapi sa kaaway. Kinakailangang maging mas malakas ang mga ito sa bawat yugto at baligtarin ang balanse ng mga pwersa sa kanilang pabor bago magpatuloy sa susunod na yugto. Ang malamang na kurso ng pag-unlad ng digmang bayan ay kinabibilangan ng mga estratehikong yugto ng depensiba, pagkakapatas at opensiba (o kontra-opensiba). Sa kahuli-hulihan, dapat malagay ang kaaway mula sa pusisyong superyor sa militar at estratehikong opensiba tungo sa pusisyong mas mahina sa militar at estratehikong depensiba, at sa kalauna’y ganap na pagkagapi.

Ang Partido at ang Nagkakaisang Prente

Ang pamumuno ng uring manggagawa, sa pamamagitan ng rebolusyonaryong partido nito, ay absolutong kinakailangan sa nagkakaisang prente para sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Kung wala nito, madidiskaril ng mga imperyalista at malaking burgesya ang rebolusyon bago o matapos maagaw ang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagmanipula sa alinman o lahat ng saray ng burgesya: petiburgesya, panggitna at malaking burgesya. Makailang-ulit na itong napatunayan sa kasaysayan ng daigdig at ng Pilipinas sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon.

Pinamumunuan ng Partido ang saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka; ang mga saligang pwersa ng rebolusyon, kabilang ang petiburgesyang lunsod; at ang mga positibong pwersa ng rebolusyon, kabilang ang panggitnang burgesya na dapat kilalanin ang dalawahang katangian. Sa pag-iral ng naturang mga alyansa, higit pang pinalalapad ng Partido ang alyansa sa pamamagitan ng pagsamantala sa mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryo at pagbubuo ng mga taktikal na alyansa sa mga temporaryo, di-maasahan at di-istableng mga alyado sa layuning ilagay ang kaaway sa pinakamasahol na posibleng pagkakahiwalay, paghina at pagkahinog sa pagkawasak.

Sa tuwirang paraan o sa pamamagitan ng National Democratic Front, maaaring pumasok ang Partido sa mga pormal at di-pormal na mga alyansa, bilateral o multilateral man sa iba’t ibang mga entidad, mga partido man, asosasyon o indibidwal, upang buuin ang pambansang pagkakaisa, palakasin ang mga rebolusyonaryong pwersa at hawanin ang landas para sa demokratikong gubyernong bayan. Itinatatag ng Partido at ng sambayanan ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika alinsunod sa linya ng nagkakaisang prente.

Laging naninindigan ang Partido sa namumunong papel ng uring manggagawa sa nagkakaisang prente at sa rebolusyon. Kung papasok man ito sa anumang pormal na alyansa, pinananatili ng Partido ang kasarinlan at inisyatiba nito; at hindi pinahihintulutang maging dominante ang anumang uri, liban sa uring manggagawa, na baguhin ang bagong demokratikong katangian ng rebolusyong Pilipino. Bagamat mahalagang alyado ng uring manggagawa ang petiburgesyang lunsod, at bukal pa nga ng mga kadre na dapat munang dumaan sa proletaryong pagpapanibagong-hubog, hindi sila dapat pahintulutang lusawin ang pamumuno ng uring manggagawa, palabnawin ang pambansa-demokratikong programa at idiskaril ang rebolusyon.

Sa pamamagitan ng pagtungo sa kanayunan at pagbubuo ng hukbong bayan, kilusang magsasaka at rebolusyonaryong gubyernong bayan, binubuo at pinauunlad ng Partido ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka bilang pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Naisusulong sa gayon ang pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang antipyudal na nilalaman ng rebolusyong ito ay nabibigyan ng karampatang atensyon at natutupad.

Sa loob ng pambansang nagkakaisang prente, pinupursigi ang pagbubuo ng antipyudal na nagkakaisang prente. Nangangahulugan ito ng pagsalig ng Partido sa mga maralitang magsasaka, manggagawang-bukid at mababang-panggitnang magsasaka, pagkabig sa lahat ng iba pang panggitnang magsasaka, pagnyutralisa sa mayamang magsasaka, at pagsamantala sa mga bitak sa hanay ng mga panginoong maylupa (pagkumbinsi sa mga naliliwanagang panginoong maylupa na tumalima sa reporma sa lupa) upang ihiwalay at gapiin ang mga despotikong panginoong maylupa.

Sa subok nang lakas ng alyansang manggagawa-magsasaka, mas madaling naeengganyo ng Partido ang petiburgesyang lunsod na kasalukuyang nakararanas ng pamiminsala ng krisis panlipunan sa rebolusyonaryong kilusan at pambansang nagkakaisang prente. Binubuo ng uring manggagawa, uring magsasaka at petiburgesyang lunsod ang mga saligang pwersa ng rebolusyong Pilipino. Naeengganyo ang petiburgesyang lunsod sa rebolusyonaryong hanay hindi sa pamamagitan ng pagpapahina at pagtatatwa sa pamumuno ng uring manggagawa at alyansang manggagawa-magsasaka kundi sa pamamagitan ng pagpapalakas at pagpapatibay sa pamumuno ng mga ito. Binubuo ng mga saligang pwersang ito at ng pambansang burgesya ang mga positibong pwersa ng pambansang nagkakaisang prente. Ang pambansang burgesya ay pinakamaaasahang makipagtulungan sa mga lugar kung saan may sapat na lakas ang kapangyarihang pampulitika ng mga rebolusyonaryong pwersa. Inaayudahan ng Partido ang lakas ng malapad na nagkakaisang prente sa pamamagitan ng pagsamantala sa mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryong uring malaking kumprador at panginoong maylupa. Ang pinakamalapad na hanay ng mga positibong pwersa at ilang seksyon ng mga reaksyunaryo ay makapagpapakitid, makapaghihiwalay at makawawasak sa pinakakontra-rebolusyonaryong pwersa sa anumang takdang panahon. Sa gayon, magagapi ang isang reaksyunaryong grupo tungo sa pagkagapi ng iba pang mga reaksyunaryong grupo. Maibabagsak ang serye ng mga reaksyunaryong naghaharing pangkatin hanggang tuluyan nang gumuho ang buong naghaharing sistema.

Pagsalig-sa-sarili at Suportang Internasyunal

Nakapagtipon ng rebolusyonaryong lakas ang sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan, National Democratic Front, rebolusyonaryong gubyerno ng bayan at mga organisasyong masa. Sa batayang ito, higit na makasusulong ang sambayanan sa demokratikong rebolusyon ng bayan at sa huli’y makakamit ang ganap na tagumpay.

Isinulong ng Partido at sambayanan ang rebolusyon nang umaasa-sa-sarili at nagsasarili. Ang kaaway sa uri ang naging palaasa sa dayuhang kapangyarihan, ang imperyalismong US. Kinakailangan at makatwiran samakatwid para sa Partido at sambayanan na humingi ng internasyunal na suporta upang suplementaryuhan ang internal nitong lakas at kontrahin ang papaigting na interbensyon at banta ng agresyon ng US at iba pang mga dayuhang pwersa.

Mahigpit na pinanghahawakan ng Partido ang perspektibang isulong ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon pagkatapos makamit ang ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Kasunod nito, ang pagkamit ng sosyalismo ang magiging batayan para sa pagtatatag ng komunismo. Ginagabayan ang Partido ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at inaarmasan ng Maoistang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura sa pamamagitan ng serye ng mga pangkulturang rebolusyon para labanan ang rebisyunismo, hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.

Sa pagtatangkang pasinungalingan ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at demoralisahin ang hanay ng rebolusyonaryong kilusan, ipinagdidikdikan ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo ang diumano’y pagkagapi at pagkalusaw sa sosyalismo ng mga rebisyunistang naghaharing pangkatin sa ilang bayan. Ipinagbubunyi nila ang panunumbalik ng kapitalismo bilang demokratisasyon. Ngunit sa katunayan sa mga bayang ito, hinawan ng burges liberalisasyon sa ekonomya, pulitika at kultura ang daan para sa panunumbalik ng makauring diktadura ng burgesya.

Ang proletaryado at sambayanang Pilipino ay patuloy na pinaghaharian ng malaking burgesya at panginoong maylupa; wala silang ibang rekurso kundi maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa paghaharing ito. Ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang wastong gabay sa pambansa-demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyong Pilipino. Ang ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa ilang bayan ay nagsisilbing hamon sa mga komunistang Pilipino na paunang pag-aralan ang teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura.

Susing tungkulin ng Partido Komunistang nasa poder na panatilihin at paunlarin ang proletaryong rebolusyonaryong kamalayan ng intelihensya, mga burukrata at teknokrata, at kumbinsihin silang huwag humiwalay sa masang anakpawis at magpakaburges sa sosyalistang lipunan. Malaon nang napatunayan ang kawastuhan ng anti-rebisyunistang tindig ng Partido mula pa nang ito ay muling itatag. Ang mga aral na mahahalaw mula sa mapayapang ebolusyon ng sosyalismo tungong kapitalismo sa pamamagitan ng rebisyunismo at makauring diktadura ng malaking burgesya ay may napakalaking kabuluhan sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Makalipas ang disintegrasyon ng mga rebisyunistang partido at rehimen, ang panunumbalik ng kapitalismo sa ilang bayan at pagbagsak ng Unyong Sobyet noong 1989 hanggang 1991, ipinamarali ng US ang sarili bilang solong superpower at panalo sa Cold War at nagpatuloy ito sa paglulunsad ng anti-komunistang mga opensiba sa ideolohiya at pulitika, nagpaigting ng neoliberal na opensiba sa ekonomya na kinatatangian ng walang-habas na kasakiman at pandarambong at naglarga ng mga neokonserbatibong patakaran ng full-spectrum dominance o lahatang-panig na dominasyon at pangunahing pagsalig sa high-tech na kapangyarihang militar sa mga gerang agresyon para panatilihin ang imperyalistang hegemonya ng US sa ika-21 siglo.

Nagkaroon ng panahon ng pansamantalang paghupa ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa daigdig. Subalit tumalim na ang mga pundamental na kontradiksyon sa loob ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Patuloy na sumahol ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Pinabilis ng rehimen ng neoliberal na patakaran ang krisis ng labis-na-produksyon at ang paggamit ng mas mataas na teknolohiya para sa mas malaking tubo. Ang walang habas na ekspansyon ng salapi at pautang para suhayan o sagipin ang malalaking bangko at empresa ay nagsilbi lamang sa paglikha ng magkakasunod na financial bubble o bulang pampinansya na pumuputok sa malao’t madali at ang krisis sa pinansya ay nagpapalubha pa sa krisis sa ekonomya.

Bumilis ang estratehikong pagdausdos ng US. Itinulak ito nang husto ng kumpetisyon sa ekonomya at ribalan sa pulitika sa dating mga sosyalistang bayan ng Russia at China. Umigting ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan dahil sa tunggalian sa pagitan ng mga blokeng pang-ekonomya at panseguridad ng US, European Union at Japan at ng China at Russia. Sumahol ang mga kalagayang panlipunan sa mga kapitalistang bayan. Sa mga di-maunlad na mga bayang kliyenteng-estado ng mga imperyalista, ang mga imposisyong neokolonyal at neoliberal ay nagresulta sa mga sigalot sa lipunan. Ang daigdig ay nasa bisperas ng walang-kapantay na ligalig at rebolusyong panlipunan. Nasa panig ng mga rebolusyonaryong pwersa ng Pilipinas ang panahon habang nagpupunyagi sa pakikibaka at nagtitipon ng mga tagumpay.

Tulad ng mga Bolshevik noong panahon ng Ikalawang Internasyunal at pag-usbong ng modernong imperyalismo, matayog na iwinawagayway ng mga komunistang Pilipino ang pulang bandila ng proletaryong pamumuno, armadong rebolusyon at proletaryong internasyunalismo. Sinasamantala nila ang walang-lunas at lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lokal na naghaharing sistema. Walang-humpay nilang binubuo ang mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanan at lubos ang tiwalang makakakabig ng mas malaki pang internasyunal na suporta at makapagbibigay ng bagong mga ambag sa muling pagdaluyong at pagsulong ng anti-imperyalista at sosyalistang adhikain sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon.

I. Kritika sa Malakolonyal at Malapyudal na Lipunan

Sa simula ng siglo, naipataw ng United States ang paghaharing kolonyal nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng malupit na pananakop sa sambayanang Pilipino, paggapi sa lumang tipong demokratikong rebolusyon, pagkabig sa kanyang panig ng burges na pamunuan nito, at pagpapanatili sa pyudal na karapatan sa pag-aari.

Hindi tulad ng nagdaang kapangyarihang kolonyal ng Espanya na nagtulak ng kapitalismo sa kalakalan, ang United States ay isang industriyal-kapitalista o modernong imperyalistang kapangyarihan na itinutulak ng mga monopolyong bangko at empresang industriyal nito na maghari sa ibang mga bayan, mag-eksport ng labis na kapital at kalakal, mandambong ng mga hilaw na materyales at paggawa sa di-mauunlad na bayan at pumiga ng supertubo sa ilalim ng mapagpanggap na malayang empresa at malayang kalakalan.

Sa mahigit 300 taong paghaharing kolonyal, nandambong ang Espanya sa pamamagitan ng sapilitang paggawa, mga monopolyo sa kalakalan, pyudal na upa sa lupa, tributo sa relihiyon at pagpapataw ng buwis, at nagpaunlad ng sistemang pyudal sa Pilipinas na nahinog sa tulak ng dayuhang kalakalan noong ika-19 na siglo.

Kabilang sa katutubong populasyon ng kolonyal at pyudal na lipunan ang mga panginoong maylupa; manipis na hanay ng mga negosyante, komersyante, maestro artisano at intelihensya, at malawak na masa ng uring magsasaka na bumubuo sa humigit-kumulang 90 porsyento ng populasyon. Dagdag pa rito ang mga burukratang kolonyal, mga dayuhang mangangalakal at mga prayleng panginoong maylupa.

Ang Malapyudal na Moda ng Produksyon

Nang maipataw na nito ang tuwirang kolonyal na paghahari, sinimulan ng US ang pagtransporma sa moda ng produksyon sa Pilipinas mula pyudal tungong malapyudal. Pinalawak nito ang produksyon ng hilaw na materyales para sa mga bayang industriyal-kapitalista sa pamamagitan ng pagpapasok ng mas maraming kasangkapan para sa produksyon ng mga pananim pang-eksport at para sa pagbubukas ng mga minahan, pagpahintulot sa ilang empresang mababa ang dagdag-na-halaga (low-value added) at sa mga empresang nakasalig-sa-import na nakapailalim sa mga dayuhang monopolyo at kumprador, pagpapalawak ng sistema ng edukasyon para sa mga pangangailangan ng negosyo at burukrasya, pag-aalis ng mga restriksyong pyudal sa migrasyon ng mga magsasaka, at pagpapahusay sa transportasyon at komunikasyon para sa mas lumaking lokal at dayuhang kalakalan.

Ang padron ng pamumuhunan ay itinatakda at nililimitahan ng dominanteng interes ng mga dayuhang monopolyong empresa at bangko at ng ilang mga lokal na nagsasamantalang uri ng malaking kumprador at panginoong maylupa. Hanggang sa ngayon, nananatiling atrasado, agraryo at pre-industriyal ang ekonomya ng Pilipinas.

Malapyudal ang pinakawastong terminong panlarawan sa ekonomyang ito dahil tinutukoy nito ang pananatili ng lupa bilang prinsipal na kagamitan sa produksyon at pangunahing pinagkukunan ng labis na produkto, gayundin ang pyudal na relasyon sa produksyon sa base ng ekonomya, at dahil tinutukoy rin nito ang estratehikong dominasyon ng mga di-industriyal kundi kumprador na lokal na malaking burgesya na nananatiling agrikultural ang pangunahing pinagmumulan ng mga produktong lokal para sa kalakalan. Ang ibang mga termino tulad ng “malayang pagnenegosyo” at “dependyenteng kapitalismo” na ginagamit ng mga burges na ekonomista ay tumutukoy lamang sa ilang aspeto ng ekonomya at hindi sa esensyal na katangian ng buong ekonomya.

May malaking populasyon ang Pilipinas na aabot sa halos 110 milyon (ang ika-12 pinakamalaki sa daigdig) at mayamang natural na likas-yaman na base para sa industriyalisasyon. Pero pinipigilan ng imperyalismo at mga lokal na nagsasamantalang uri ang kaunlarang industriyal. Kaya nanatiling walang pundasyong industriya ang Pilipinas – walang batayang industriya na lumilikha ng saligang metal, kemikal, makinarya, sentrong proseso ng produksyong elektroniko at iba pa. Ang umiiral na mga empresang industriyal ay nakasalig sa importasyon ng kagamitan, prinosesong mga pyesa, panggatong at ibang hilaw na materyales.

Nasa tuktok ng istrukturang panlipunan ng Pilipinas ang malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa bilang prinsipal na may-ari ng mga kagamitan sa produksyon na hindi lubos o tuwirang pag-aari ng mga dayuhang korporasyon. Bumubuo sila sa humigit-kumulang isang porsyento lamang ng populasyon. Ang malaking burgesyang kumprador ang may pinakakonsentradong kapangyarihan sa pinansya at ekonomya sa pamamagitan ng pagmamay-ari sa mga bangkong komersyal at mayor na mga empresa. Mga uring panginoong maylupa rin sila dahil nagmamay-ari sila ng malalawak na lupain. Ang kabuuan ng uring panginoong maylupa, kabilang yaong mga hindi kumprador, ang pinakalaganap na uring mapagsamantala.

Ang intermedyang saray ng lipunan ay ang panggitna at maliit na burgesya. Ang ubod ng panggitnang burgesya ay yaong mga nagmamay-ari ng katamtamang-laking mga produktibong empresang gumagamit ng sapat na bilang ng lokal na paggawa at hilaw na materyales. Kabilang sila sa humigit-kumulang isang porsyento ng populasyon. Maaaring mahati ang petiburgesya sa mga seksyon sa kalunsuran at kanayunan. Ang petiburgesyang lunsod na kinabibilangan ng maliliit na negosyante at komersyante at ng kabuuan ng intelihensya ay bumubuo sa anim hanggang walong porsyento ng populasyon. Ang petiburgesya sa kanayunan ay kinabibilangan ng mga karaniwang magsasaka na nagbubungkal ng sariling lupa at bumubuo sa humigit-kumulang 15 porsyento ng populasyon.

Ang batayang masang anakpawis ay ang uring manggagawa at uring magsasaka. Sila ang saligang tagalikha ng mga produkto at serbisyo at ang pinakapinagsasamantalahan sa bansa. Bumubuo sila sa humigit-kumulang 90 porsyento ng populasyon. Ang uring manggagawa, kabilang ang regular na modernong manggagawang-bukid na nagpapatakbo ng makinarya, ngunit hindi kabilang ang tradisyunal na mga manggagawang-bukid na bumubuo sa higit 95 porsyento ng lahat ng manggagawang-bukid, ay bumubuo sa 14 hanggang 15 porsyento ng populasyon. Ang kabuuan ng uring magsasaka ay bumubuo sa 75 porsyento ng populasyon, ngunit ang maralita at nakabababang panggitnang magsasaka na kadalasang namamasukan din bilang pana-panahong manggagawang-bukid at mala-manggagawa ay hindi bababa sa 60 porsyento ng populasyon.

Kinakailangang bigyang-diin ang malapyudal na katangian ng ekonomyang panlipunan dahil may mga pagtatangkang atakehin ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan at ang pangangailangan ng matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng panlilinlang na ang ekonomya ng Pilipinas ay isa nang bagong industriyalisadong bayan at napakaurbanisado na. Kabilang sa mga salamangka sa estadistika ang (1) paghihiwalay ng gross output ng mga sektor ng agrikultura, industriya at serbisyo nang walang pagtukoy sa kawalan ng mga saligang industriya, o sa pagbabase pa rin ng sektor ng serbisyo pangunahin pa sa agrikultura, at sa kasinungalingan ng mga estadistika sa empleyo; (2) pagpwera sa mga tradisyunal na pana-panahong mga manggagawang-bukid at mala-manggagawa na mula sa uring magsasaka; at (3) pagklasipika sa mga lunsod at munisipalidad sa probinsya bilang urbanisado at industriyal bagamat ang mga ito ay rural ang katangian sa saligan, kahit pa mayroong maliliit na sentrong pangkomersyo.

Paghaharing Malakolonyal

Mula noong Hulyo 4, 1946, bumaling ang United States mula sa tuwiran tungo sa di-tuwirang kolonyal na paghahari sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaloob ng nominal na kasarinlan sa papet na republikang neokolonyal at pagpapahintulot sa mga partidong pampulitika at pulitiko ng mga lokal na nagsasamantalang uri ng malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa na umako ng responsibilidad sa paghahari sa at administrasyon ng pambansang pulitika.

Ang Pilipinas ay malakolonyal, nagsasarili sa porma pero sunud-sunuran sa katunayan sa United States. Pinanatili ng United States ang estratehiko at lahatang-panig na kapangyarihan sa Pilipinas sa pamamagitan ng di-pantay na mga tratado, kasunduan at kaayusan sa lahat ng larangan ng lipunang Pilipino – sosyo-ekonomiko, pulitiko-militar at kultura.

Ang ekonomyang panlipunan ay atrasado at malapyudal na nakakabit sa US at pandaigdigang sistemang kapitalista. Kinokontrol ng US at iba pang mga dayuhang monopolyong kapitalista ang mga padron ng pamumuhunan, pagkonsumo, kalakalan at pautang. Dinarambong nila ang ekonomya at winawasak ang kalikasan para makapiga ng supertubo. Ang lokal na mga nagsasamantalang uri ang kanilang mga ahente sa ekonomya at pinansya. Sa ilalim ng direksyon ng US at ibang mga dayuhang monopolyong empresa, pinagsasamantalahan nila ang sambayanan at pinananatiling atrasado ang bayan.

Ang Armed Forces of the Philippines ang pangunahing sangkap ng pinagsanib na makauring diktadura ng mga nagsasamantalang uri at nakasalig ito sa US sa estratehikong pagpaplano, paniniktik, pagsasanay at lohistika sa ilalim ng US-RP Military Assistance Pact. Matapos ipagbawal ng konstitusyong 1987 ang pagkakaroon ng mga base militar at tropa sa Pilipinas at mabigong palawigin ang pananatili ng US-RP Military Bases noong 1991, muling natamasa ng US ang karapatang ekstra-teritoryal ng mga pwersang militar nito sa pamamagitan ng US-RP Mutual Defense Treaty at serye ng mga tusong pamamaraan, tulad ng joint military exercises, humanitarian actions, gera laban sa terorismo at proteksyon laban sa ekspansyunismo ng Tsina.

Muli ring natamasa ng US ang mga karapatan sa pagdaong ng militar at pagsuplay sa pamamagitan ng Acquisition and Cross-Servicing Agreement ng 1992 (na papalitan ng Mutual Logistics Support Agreement), rotational o pahali-haliling presensyang militar saanman sa Pilipinas sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement ng 1999, at mga base-militar sa loob ng mga kampo at reserbasyon ng reaksyunaryong armadong pwersa sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (2014). Nagpapatuloy ang paglabag sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Nadadamay at nasasangkot ang Pilipinas sa mga rehiyunal at global na estratehiyang interbensyong militar at agresyon ng US.

Ang umiiral na sistema ng mga paaralan, masmidya at ibang mga institusyon at mekanismong pangkultura ay nasa ilalim ng ideolohikal, pulitikal, organisasyunal at pinansyal na kontrol ng US at lokal na mga reaksyunaryong pwersa. Naimpluwensyahan at naihugis ng US ang sistemang pang-edukasyon at pangkultura sa pamamagitan ng mga ahensya, pundasyon at korporasyon sa midya na nagpapalaganap ng mga balita at opinyon, mga programa sa TV, pelikula at musikang popular, at sa pamamagitan ng World Bank at ibang mga ahensya ng UN. Kung hindi sila sasailalim sa progresibong edukasyong pampulitika at rebolusyonaryong pagpapanibagong-hubog sa ideolohiya, may tendensya ang intelihensya at petiburgesyang lunsod na maging pasibong daluyan ng mga imperyalista at reaksyunaryong mga ideya bagamat maaari rin silang madaling dumaing sa tindi ng pagsasamantalang dinaranas nila.

Laging nasa krisis ang malakolonyal at malapyudal na lipunan dahil pinahihirapan ito ng tatlong mapandambong na pwersa ng dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ipinapataw ng mga ito ang pinakamasahol na kundisyon para sa pagsasamantala at pang-aapi sa malawak na masa ng sambayanan. Sa gayon, laging mataba ang kalagayan para sa armadong rebolusyon.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at muling pananakop ng US sa Pilipinas, patuloy na nagdulot ng panlipunang sigalot at paglaban ng sambayanan ang mga pambansa at sosyal na kontradiksyon sa US at mga lokal na nagsasamantalang uri. Nagkaroon ng hukbong bayan na napanday at lumakas sa pakikibaka laban sa mga imperyalistang Hapon.

Gayunman, ang mga kalagayang paborable para sa armadong rebolusyon ay hindi wastong napanghawakan ng pamunuan ng lumang pinagsanib na Partido Komunista at Partido Sosyalista.

Hindi nagharap ang naturang pamunuan ng anumang programa para sa demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at hindi nito alam kung paano magtatag ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado at paano gagamitin ang mga sandata ng armadong pakikibaka at nagkakaisang prente. Ipinagkait ang rebolusyonaryong pamumuno ng proletaryado sa sambayanan ng mga kamalian ng suhetibismo at oportunismo, pagbaling-baling mula sa Kanang oportunismo (parlamentarismo bilang pangunahing anyo) tungo sa “Kaliwang” oportunismo (patakaran noong 1950 ng mabilis na tagumpay militar sa loob ng dalawang taon) at pabalik muli sa Kanang oportunismo (likidasyunismo at kapitulasyunismo).

Dahil dito, nagapi ang rebolusyonaryong kilusan at nakonsolida ng kaaway ang paghahari noong dekada 1950. Matapos lamang ng muling pagbugso ng kilusang masang anti-imperyalista at antipyudal sa ilalim ng pamumuno ng mga bagong proletaryadong rebolusyonaryong kadre noong dekada 1960, saka pa lamang maitatatag ang Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikal na pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at malinaw na mailalahad ang programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan noong 1968.

Napapanahon ang muling pagtatatag ng Partido. Dumadausdos sa bagong lalim ng kabulukan ang kronikong krisis ng naghaharing sistema. Lalong nawalan ng kapasidad ang mga naghaharing uri at naghaharing pangkatin na maghari sa dating paraan. Bukambibig ng nagriribalang mga reaksyunaryong paksyon ang repormang konstitusyonal at malinaw na nilalayon ng naghaharing pangkating Marcos na gamitin ito upang hubarin ang burges-demokratikong tabing ng sistemang malaking kumprador-panginoong maylupa.

Huling bahagi ng dekada 1960 nang masagad at naging kapos na kapos na para sa resetttlement at pagbubungkal ang kalupaang prontera ng bayan dulot ng papalaking bilang ng labis na lakas-paggawa sa kanayunan. Kasama ng ilang agrikorporasyon ng US, kinamkam ng malaking kumprador at uring panginoong maylupa ang mga pinagtrosohang kalupaan at inagaw ang mga lupain ng mga maralitang setler at pambansang minorya. Ang kawalan ng kaunlarang industriyal lampas sa pagtatatag ng pipitsuging mga empresa sa manupaktura na nakasalig-sa-import mula noong dekada 1950 ay naglimita sa kakayahang mag-empleyo sa paparaming bilang ng labis na paggawa.

Nakipagsalimbayan sa pagsahol ng problema sa lupa ang di-pantay na palitan ng hilaw na materyales pang-eksport at ng minanupakturang mga import at nagresulta ito sa malalaking depisito sa kalakalan na nangailangan ng malaking utang panlabas. Magkakasunod na bumagsak ang mga eksport na agrikultural at mineral (niyog, tanso, asukal, atbp.) at lumaki ang bilang ng mga walang trabaho sa kasunod na mga taon. Sa bigat ng krisis sosyo-ekonomiko, lalo pang sumuong ang rehimeng Marcos sa nagpapataas-sa- implasyong paggastos ng gubyerno at pinasimulan ang lantarang paggamit ng upisyal at di-upisyal na mga armadong yunit para manalo sa mga eleksyon noong 1969 at 1971.

Ang muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968, ang pagpapatuloy ng armadong rebolusyon noong 1969 at pagdaluyong ng Sigwa ng Unang Kwarto noong 1970 at Diliman Commune noong 1971, kasabay ng mga protestang aksyong masa hanggang 1972, ay nagbigay-inspirasyon sa uring manggagawa at sa buong sambayanan na paigtingin ang pakikibaka laban sa naghaharing sistema. Ang banggaan sa hanay ng mga paksyon ng mga naghaharing uri ay mas tumindi at pumait, laluna nang ipakana ni Marcos ang pambobomba sa Plaza Miranda at tinangkang ibunton ang sisi sa Partido at kay Senador Benigno S. Aquino. Muntik lusawin ng naturang insidente ang pambansang liderato ng partidong elektoral ng oposisyon. Ginamit ni Marcos ang insidente para bigyang-katwiran ang pagsuspindi sa writ of habeas corpus noong Agosto 21, 1971 at paghandaan ang pagdedeklara ng batas militar noong 1972.

Ang Pasistang Rehimeng Marcos

Sa panunulsol ng imperyalismong US, nagdeklara ng batas militar si Marcos at nagpataw ng pasistang diktadura sa sambayanan noong Setyembre 21, 1972. Buong linaw na marka ito ng kawalang-kakayahan ng burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa na maghari sa dating paraan. Gumuho ang buong burges-demokratikong tabing ng naghaharing sistema dahil ipinailalim ng tirano ang kanyang mga karibal sa pulitika, ang ligal na mga demokratikong pwersa at maliliit na lihim na mga rebolusyonaryong pwersa sa brutal na panunupil.

Sinuhayan ng United States ang pasistang diktadurang Marcos sa pamamagitan ng pagkakaloob dito ng malakihang pagpadaloy ng pautang panlabas para pagtakpan ang mga depisit, suportahan ang imprastruktura at mga di-produktibong proyekto, isustine ang mabilis na pagpapalaki ng militar gayundin ang maluhong pagkonsumo at pangangamkam ng yaman ng iilang pribilehiyado. Dinambong ng mga empresa at bangkong transnasyunal ng US, Japan at iba pa at ng mga burukratang kapitalista sa pangunguna ni Marcos ang sistemang pampinansya at pang-ekonomya. Bagamat nakamkam ni Marcos at kanyang mga kroni ang pinakamalaking parte ng yaman, nakuntento naman ang ibang mga seksyon ng mapagsamantalang uring malaking kumprador-panginoong maylupa sa kanilang napaparte mula sa mga utang panlabas, hanggang sa unti-unting humigpit ang imperyalistang sistema sa pautang mula 1979.

Sa kabila ng maramihang pagpasok ng dayuhang pondo at mabilis na pagpapalaki ng Armed Forces of the Philippines, nabigo ang pasistang rehimeng diktadura ng pangkating US-Marcos na wasakin ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng Partido. Sa halip, lahat ng mga pwersang ligal at iligal ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay lumakas nang umaasa-sa-sarili sa pamamagitan ng masikhay na pakikibaka at pagsamantala sa paborableng mga salik, tulad ng armadong paglaban ng Moro, malapad na oposisyon sa pasistang rehimen at patuloy na paglala ng krisis sa ekonomya at pulitika. Sa rurok ng panunupil, halos walang ugnay o ayuda ang Partido mula sa alinmang kapatid na partido sa ibayong-dagat. Sa kabilang banda, sinamantala nang husto ng pasistang rehimen ang ugnayang diplomatiko at pangkalakalan sa ibang mga bayan, kabilang yaong mga nagsasabing sila ay sosyalista.

Ang umaasa-sa-sarili at matatag na rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan ay nagpahina sa pasistang rehimen at nagtulak sa pagbagsak nito sa bandang huli. Nakumbinsi ang US at mga reaksyunaryong anti-Marcos sa pangangailangang ibagsak si Marcos dahil lamang sa kanilang kontra-rebolusyonaryong pangamba na kung magtatagal siya sa kapangyarihan ay mas mabilis pang susulong ang armadong rebolusyonaryong kilusan. Sa gayon, nagkaroon ng salubungan ang mga rebolusyonaryo at kontra-rebolusyonaryong pwersa para pabagsakin ang naghaharing pangkating Marcos.

Pagkatapos na pagkatapos biguin ni Marcos ang upat-ng-US na tangkang kudeta ng Reform the AFP Movement (RAM), naging dominante ang pag-aalsang bayan sa paghihiwalay sa rehimeng Marcos at sa pagbagsak nito. Ngunit ang umiiral na balanse ng lakas sa pagitan ng rebolusyonaryo at kontra-rebolusyonaryong pwersa ay nanatiling pabor sa huli kung kaya’t ang US, ang dominanteng Simbahang Katoliko, ang mga burges na partidong oposisyon at mga seksyong anti-Marcos ng mga nagsasamantalang uri ang nakapagpasya sa katangian at komposisyon ng bagong rehimen. Nanatiling nakatayo ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema.

Ang mga Rehimeng Kunwang-Demokratiko

Mula nang patalsikin ng sambayanan ang pasistang rehimeng Marcos, naghari sa Pilipinas ang serye ng mga kunwang-demokratikong rehimen sa pamumuno ng mga pangkatin ng malaking kumprador-panginoong maylupa na may utang-na-loob at sunud-sunuran sa imperyalismong US. Masugid na sumunod ang korap na oligarkiyang ito sa mga upat-ng-US na neoliberal na patakaran sa ekonomya upang pagsamantalahan ang sambayanan at dambungin ang kanilang likas-yaman. Nagpatupad ito ng terorismo ng estado at estratehikong mga planong militar sa bigong tangkang supilin ang sambayanan at ang kanilang rebolusyonaryong pwersa. Ipinagbunyi nito ang lahat ng gerang agresyon na pinakawalan ng US sa mga bayang Balkan, sa Gitnang Asya, Kanlurang Asya, Aprika at iba pang dako ng mundo.

Pinanatili ng unang rehimeng Aquino (1986-92) ang lahat ng mga dikreto ni Marcos na mapaminsala sa bansang Pilipino at uring manggagawa at paborable sa US at dayuhang namumuhunan at nagpapautang at lokal na mga nagsasamantalang uri. Itinulak nito ang liberalisasyon ng kalakalan at nilabanan ang linya ng pambansang industriyalisasyon. Sumang-ayon ito sa mga imperyalistang bangko na bayaran ang pinakakamuhi-muhing mga utang panlabas ng pasistang rehimen. Itinulak nito ang bagong konstitusyon na nagbukambibig sa demokrasya pero ipinagkait ang lupa at katarungang panlipunan sa mga nagbubungkal na walang sariling lupa sa pamamagitan ng pagtatakda na ang reporma sa lupa ay boluntaryong pagbebenta ng lupa ng mga panginoong maylupa at ang makatarungang kompensasyon sa lupa ay alinsunod sa itinatakdang presyo sa pamilihan. Sa gayon, ang Comprehensive Agrarian Reform Program ay singhuwad ng bogus na programa sa reporma sa lupa ni Marcos, na kalkuladong inalisan ng kakayahan ang mga magsasaka na kumpletuhin ang kanilang kabayaran sa lupa.

Kunwang pinakitunguhan ng rehimen ang rebolusyonaryong kilusan sa isang kasunduan sa tigil-putukan noong huling bahagi ng 1986. Nang sa tantya nito ay nakonsolida na ang kanyang paghahari, tumungo ito sa “paghugot sa kaluban ng espada ng gera” at pinakawalan ang Oplan Lambat Bitag I laban sa sambayanan at mga rebolusyonaryong pwersa. Sa kabila ng mapanupil na patakaran nito laban sa mga rebolusyonaryong pwersa, patuloy itong binulabog ng mga bantang kudeta at mga tangkang kudeta ng mga kapanalig ni Enrile sa AFP. Pinalaki ng rehimen ang lokal na utang publiko at hindi nakapagpakita ng anumang makabuluhang pag-unlad ng atrasadong ekonomya at kalagayan ng malawakang disempleyo at karalitaan. Pinayagang makabalik sa Pilipinas ang pamilya Marcos at mga kroni nito at muling lumahok sa laro sa pulitika matapos silang magbigay ng malaking parte ng kanilang dambong sa pamilyang Cojuangco-Aquino at kanilang mga tauhan.

Ang rehimeng Ramos (1992-98) ang naging espesyal na instrumento ng US sa pagkumpuni sa mga bitak sa loob ng reaksyunaryong armadong pwersa mula noong 1986 at pagtransporma sa mga pinuno nito upang maging mga pulitiko, manedyer at negosyante. Nakipagsabwatan ito sa US sa tangkang hadlangan ang pagwawakas ng base militar ng US noong 1991 at para muling matamasa ang mga kaukulang karapatan sa interbensyong militar. Inilunsad nito ang Oplan Lambat Bitag II at III laban sa mga rebolusyonaryong pwersa habang ang mga ito ay naglulunsad ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at nakapokus sa edukasyong pampulitika at gawaing masa upang ilatag ang pundasyon para sa mga taktikal na opensiba na dumami mula 1996 pataas. Sinikap ng rehimeng magsagawa ng mga negosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines at Moro National Liberation Front sa layuning pasukuin ang mga ito. Nagtagumpay ito sa pagpapasuko sa MNLF.

Nahumaling ito sa kapayapaan at kaayusan bilang kundisyon para sa pagpapatupad ng neoliberal na patakaran sa ekonomya. Itinulak nito ang pribatisasyon ng mga empresa ng estado at ng malawak na Fort Bonifacio para sa non-renewable income o minsanang kita, dagdagan ang pangungutang panlabas at lokal at pagtakpan ang lumalaking mga depisit sa badyet at kalakalan. Ibinuyangyang nito nang todo ang ekonomya sa dayuhang monopolyong interes sa pamamagitan ng pagtutulak ng liberalisasyon sa pamumuhunan at kalakalan at pagbawi sa naunang mga rekisito sa nasyunalidad sa pagmimina, pagbabangko, kalakalang tingi, utilidad publiko at ibang mga tipo ng empresa. Hinikayat nito ang mga dayuhang korporasyon at empresa ng malaking kumprador na mamuhunan sa pagtatayo ng mga proyekto sa imprastruktura at enerhiya at sa pribadong konstruksyon ng mga toreng residensyal at pang-upisina at mga pasilidad panlibangan. Nagmistulang walang-hangganan ang building boom hanggang sa pumalo ang krisis pampinansya ng Asya noong 1997.

Ang rehimeng Estrada (1998-2001) ay naluklok sa isang bangkaroteng gubyerno. Mistulang walang lumalagong mga empresang mapagkukunan ng sapat na kita ang gubyerno para matugunan ang mga gastusin nito. Pinayuhan ng IMF ang rehimen na paliitin ang depisit sa badyet. Patuloy na kumitid ang internasyunal na pautang. Hindi natamasa ng pangulo ang karaniwang daloy ng pera mula sa gubyerno at pribadong negosyo para mapagkunan niya ng burukratikong dambong. Kaya tinangka niyang makuha ito mula sa jueteng na karaniwang ipinauubaya sa mga upisyal ng militar at lokal na mga upisyal ng gubyerno at sa mga pautang ng social security system para sa pagpopondo ng mga casino. Naging bulnerable siya sa pagpapabagsak ng sambayanan matapos madaling nalantad dahil sa korapsyon at pagwawaldas sa pondo ng gubyerno sa pagsalakay sa mga kampo ng Moro Islamic Liberation Front bukod pa sa paglulunsad ng Oplan Makabayan laban sa rebolusyonaryong kilusan, at matapos ilantad ang sarili bilang papet sa pamamagitan ng pagpapatibay sa US Visiting Forces Agreement. Ibinimbin siya sa kulungan ng humalili sa kanya sa bisa ng mga kasong korapsyon para matiyak na hindi siya makapanunumbalik sa pwesto.

Iniluwal ang rehimeng Arroyo (2001-2010) matapos mapatalsik si Estrada sa pwesto at humalili si Gloria M. Arroyo na noo’y bise-presidente. Tulad ng lahat ng naunang rehimen, wala itong naging programa sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Umasa ito nang husto sa mga remitans ng mga migranteng Pilipino sa ibayong-dagat at kita mula sa mga call center at turismo at itinulak ang pribatisasyon ng mga ari-arian ng estado para makapagpalitaw ng minsanang kita. Nang lumaki ang depisit sa badyet noong 2004 dahil sa malawakang pag-iwas sa pagbubuwis at hindi pagbabayad ng buwis, itinulak ng rehimen ang pagpapatupad ng 12 porsyentong value-added tax at ang E-VAT para palakihin ang kita sa buwis at paliitin ang malalaking depisit sa kapinsalaan ng sambayanan. Sa huling dalawang taon ng rehimen, lumobo ang presyo ng bigas at langis na lumikha ng krisis sa pananalapi. Nataon ito sa krisis sa pinansya na nagsimula sa mortgage meltdown sa US at lumaganap sa lahat ng dako ng daigdig noong 2008.

Naging mabuway sa pulitika ang rehimeng Arroyo dahil sa pagkakalantad sa publiko ng pandaraya nito sa eleksyong presidensyal noong 2004. Naging target ito ng pagkamuhi ng sambayanan dahil din sa naisiwalat na korapsyon ng pangulo at kanyang asawa sa iba’t ibang kahina-hinalang kontrata, kabilang ang NBN-ZTE Broadband Deal. Niyanig ito ng mga protestang masa, gayundin ng paksyunalismo sa loob ng militar at mga tangkang kudeta. Nabuwag ang relasyon ni Arroyo sa pamilyang Cojuangco-Aquino nang suportahan niya ang desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council o PARC na ipawalambisa ang stock distribution option o opsyon sa distribusyon ng sapi na siyang ginamit na paraan ng naturang pamilya para makaiwas sa pagpapasailalim ng Hacienda Luisita sa reporma sa lupa. Malupit na inilunsad ng rehimeng Arroyo ang Oplan Bantay Laya I at II sa bigong tangka na supilin ang sambayanan at mga rebolusyonaryong pwersa. Naging lubos na barbariko ang mga paglabag sa karapatang-tao kung kaya naging masama ang reputasyon ng rehimen sa buong daigdig.

Nakinabang ang pangalawang rehimeng Aquino (2010-16) sa pakana ng US na gamitin ito para wasakin o di kaya’y “alisan ng kabuluhan” ang rebolusyonaryong kilusan sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Ang pakana ay lumikha ng ilusyon ng malaking paglago ng ekonomya ng Pilipinas gamit ang hot money o portfolio investments mula sa US at iba pang dayuhang hedge funds. Sa rurok nito noong 2013-14, umabot sa 65 porsyento ang daloy ng salapi. Pangunahing napunta ang mga ito sa mga pamilihan ng sapi at bono at dumaan sa mga bangko na gumamit rin sa mga ito para pondohan ang mga empresang may oryentasyong pangkonsumo, laluna sa real estate, at gawing posible ang mas malaking kita ng gubyerno para sa mga alokasyon sa pork barrel, mga operasyong militar, malalaking proyektong public-private partnership, at mga programa sa doleout na tinaguriang PAMANA at Conditional Cash Transfer. Pero nagsimulang lumikas ang hot money noong 2014 sa ekspektasyong tataas ang interes sa US at sasahol ang kalagayan ng pagbagal ng produksyon at labis na pautang sa China.

Binigo ng mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan sa Mindanao, Visayas at Luzon ang Oplan Bayanihan. Nagpunyagi ang mga rehiyon, subrehiyon at larangang gerilya na inaatake ng kaaway at nagbigay ng inspirasyon sa ibang mga rehiyon, subrehiyon at larangang gerilya na maglunsad ng mga opensiba. Nawalan ng bisa ang mga burukrata at upisyal ng militar sa pangunguna ni Aquino dahil sa kanilang lantarang sukdulang korapsyon at pagkaganid sa yaman. Ang pakanang patagalin ang tigil-putukan sa MILF at ilibre ang mas maraming tropa para labanan ang Bagong Hukbong Bayan sa pamamagitan ng huwad na mga pangako sa Borador na Bangsamoro Basic Law ay nawalan rin ng saysay dahil sa pagyabong ng rebolusyonaryong lakas ng BHB at disgusto ng MILF at mamamayang Moro sa panloloko ng rehimeng Aquino.

Nagpamalas ang rehimeng Aquino ng walang-kahihiyang pangangayupapa sa US. Pinayagan nito ang mas madalas na mga ehersisyong militar ng US, pagdaong ng mga barkong nabal at iba pang mga operasyon. Ibinigay nito sa militar ng US ang tuwirang superbisyon sa espesyal na pwersang pulis sa pagsasagawa ng operasyon na humantong sa pangyayari sa Mamasapano. Nilagdaan nito ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong Abril 2014 na nagpahintulot sa militar ng US na magtayo ng restriktadong mga pasilidad militar sa loob ng mga kampo ng AFP at mga pinagkasunduang mga lokasyon.

Mga Rebolusyonaryong Pwersa ng Sambayanang Pilipino

Ang maliit at mahinang mga rebolusyonaryong pwersa na hindi nadurog ng rehimeng Marcos mula 1969, sa kabila ng pasistang diktadura mula 1972 hanggang 1986, ay higit na malaki at malakas ngayon. Patuloy silang lumaki, sumulong at napanday sa pamamagitan ng mabangis na pakikibaka laban sa 14-taong pasistang diktadura at serye ng mga kunwang-demokratikong rehimen na nagsasamantala at nang-aapi sa sambayanan at nagpapatupad ng dinisenyo-ng-US na mga estratehikong plano sa operasyon para sa kontra-rebolusyonaryong karahasan at panlilinlang sa sambayanan at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa.

Sa puntong ito, malinaw na hindi makakamit ng naghaharing sistema ang palagiang layunin nitong wasakin ang armadong rebolusyonaryong kilusan. Paminsan-minsan, tinatangka ng naghaharing pangkatin na lituhin at linlangin ang kilusan at sambayanan gamit ang retorikang kapayapaan na sa katunaya’y panawagan para sa pasipikasyon at pagsuko. Matatag na paninindigan ng Partido at sambayanan na hindi posible ang makatarungang kapayapaan kung hindi tutugunan ang mga saligang kahingian ng sambayanan para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Di-magagapi at matagumpay ang Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan, National Democratic Front at ang rebolusyonaryong gubyerno ng bayan dahil nakikibaka ang mga ito para sa makatarungang rebolusyonaryong adhikain, ang pambansa at panlipunang pagpapalaya ng sambayanan mula sa imperyalismong US at lokal na mga reaksyunaryong uri, at dahil ang mga ito ay instrumento ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Pinakatampok na tagumpay ng mga rebolusyonaryong pwersa na nanatili at lumakas ito nang umaasa-sa-sarili, nang walang anumang substansyal na ayudang materyal mula sa ibayong-dagat, laban sa napakalaking mga balakid na iniharap ng pasistang diktadura at magkakasunod na kunwang-demokratikong rehimen na nagtamasa ng napakalaking ayudang militar at pinansyal mula sa US.

Ang obhetibong lokal na kalagayan ay napakapaborable para sa ibayo pang paglakas at pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa. Taglay ng sambayanang Pilipino, ng Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang determinasyon, katatagan, at kumpyansa na ipagpatuloy ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng digmang bayan sa matabang lupa ng kronikong krisis pang-ekonomya, panlipunan at pampulitika sa bayan na pinasasahol pa ng pandaigdigang krisis. Gantimpalang-turing para sa kanila ang paglaganap ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa kanayunan at tatamasahin mula rito ang mataas na moral hanggang dumating ang panahon para agawin ang mga kalunsuran mula sa kaaway.

Malinaw nilang nakikita ang palagiang papalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Nasa estratehikong pagdausdos ang imperyalismong US at bigo ito sa tangkang baligtarin ang proseso sa pamamagitan lamang ng kapinsalaan sa ibang mga kapangyarihang industriyal-kapitalista, subalit walang pag-asa na magdiretso sa tagumpay. Ang kumpetisyon sa ekonomya at gera sa kalakalan sa hanay ng United States, Japan at Kanlurang Europa ay naging mas kumplikado at pinalala pa ngayon ng pagsibol ng China at Russia bilang mga kapitalistang karibal, sa gitna ng lubusang pagdausdos ng kalagayan ng mga di-mauunlad na kliyenteng-estado. Kasalukuyang nagaganap ang tunggalian para sa panibagong paghahati ng daigdig sa hanay ng mga kapitalistang kapangyarihan alinsunod sa kani-kanilang relatibong lakas. Tumatalim ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga kapitalistang kapangyarihan sa kalagayang ang kapitalistang daigdig ay lugmok sa krisis, di makausad at nasa papalubhang depresyon.

Samantala, sinisikap ng United States na matiwasay na bahaginan ng mga pasaning militar ang Kanlurang Europa at Japan. Sinasamantala naman ng malaking burgesya ng Japan ang pagdausdos ng US at pinalalakas ang sariling kapasidad para garantiyahan at suhayan ang pang-ekonomyang ekspansyunismo nito ng kapangyarihang militar. Kasabay nito, nagkokombina ang US at Japan para ikahon ang China. Kung Pilipinas ang pag-uusapan, higit pa silang magtutulungan upang labanan ang armadong rebolusyon.

Bilang resulta ng lumalalang kalagayan ng pagsasamantala at pang-aapi, lumalaganap at tumitindi ang panlipunan at pampulitikang mga sigalot sa mauunlad na kapitalistang bayan. Sa di-mauunlad na bayan at sa mga bayan ng mga rebisyunistang rehimeng nagbigay-daan sa ganap na panunumbalik ng kapitalismo, ang kaguluhang panlipunan at pampulitika ay kinatatangian ng paglitaw ng pinakareaksyunaryong mga halimaw, kabilang ang pasismo, rasismo at panatisismo sa relihiyon. Ngunit sa kalaunan, muling bubugso pasulong ang anti-imperyalista at sosyalistang simulain ng mga mamamayan ng daigdig.

II. Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan

Ang pangkalahatang programa ng sambayanang Pilipino at Partido Komunista ng Pilipinas ay ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Dapat kumilos at makibaka ang lahat ng komunistang Pilipino para matupad ang pangmatagalang programang ito at dapat handang isakripisyo ang kanilang buhay kung kinakailangan sa pakikibaka para maisakatuparan ang bagong Pilipinas na ganap na malaya, demokratiko, nagkakaisa, makatarungan at masagana.

Hindi kailanman boluntaryong isusuko ng imperyalismong US at lokal na mga reaksyunaryong uri ng malaking kumprador at panginoong maylupa ang kanilang kapangyarihang mang-api at magsamantala sa mamamayan. Gumagamit sila ng armadong karahasan para garantiyahan at panatilihin ang sistema ng pagsasamantala. Para wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema, kinakailangang tahakin ng sambayanan ang landas ng armadong rebolusyon at dapat silang magpunyagi sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan hanggang makamit ang ganap na tagumpay.

Sa larangan ng pulitika, dapat isulong ng Partido ang rebolusyonaryong pamumuno ng proletaryado at umiral sa bag-as ng rebolusyonaryong kilusang masa ng batayang masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at panggitnang saray ng lipunan; makibaka para ibagsak ang reaksyunaryong estado at mga reaksyunaryong uri sa likod nito; maipasakamay ng sambayanan ang kapangyarihan, laluna ng masang anakpawis; at maitatag ang demokratikong gubyernong bayan, isang gubyernong koalisyon o nagkakaisang prente ng uring manggagawa, uring magsasaka, petiburgesyang lunsod at panggitnang burgesya. Mawawala sa mga imperyalista ang pribilehiyong pagsamantalahan at apihin ang bansa, gayundin ang pribilehiyo ng mga nagsasamantalang uri na pagsamantalahan ang masang anakpawis.

Sa larangan ng ekonomya, dapat itatag ng Partido ang ekonomyang umaasa-sa-sarili na malaya sa dayuhang monopolyong kapitalismo at pyudalismo; ipatupad ang tunay at puspusang reporma sa lupa; isagawa ang pambansang industriyalisasyon; tiyakin ang makatarungan at masaganang kabuhayan ng mamamayan; pangalagaan ang pambansang patrimonya at protektahan ang kalikasan; at gawing posible ang sosyalistang konstruksyon. Ang pinakamapagpasyang bahagi sa ekonomya, kabilang ang mga bangko at ibang mga institusyon sa pinansya, mga estratehikong empresa, mga pangunahing pinagkukunan ng hilaw na materyales at mga instrumento ng transportasyon at komunikasyon, ay dapat ipasakamay ng demokratikong estado ng bayan upang matiyak ang planadong pag-unlad ng ekonomya at mailatag ang pundasyon ng sosyalismo.

Sa larangang militar, dapat ikumand at buuin ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing instrumento ng sambayanan para wasakin — sa pamamagitan ng digmang bayan — ang makinaryang burukratiko at militar ng pinagsamang makauring diktadura ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa, at para mapalitaw ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika ang demokratikong estado ng bayan sa batayan ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang estratehikong linya ng digmang bayan at hukbong bayan ay kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan gaanuman katagal ang abutin, hanggang sa maging posible nang agawin ang kapangyarihan sa mga kalunsuran.

Sa larangan ng kultura, dapat ipalaganap sa hanay ng sambayanan ang pambansa, syentipiko at pangmasang sistema ng kultura at edukasyon at labanan ang lahat ng kontra-rebolusyonaryong kaisipan sa pamamagitan ng mga kampanyang edukasyon at impormasyon at nang may paggalang sa kalayaan sa pag-iisip at paniniwala. Dapat paigtingin ang patriyotikong diwa ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismo at kolonyal na mentalidad. Ang mga pambansang pamana sa kultura ay dapat pakamahalin. Dapat mangibabaw ang syentipikong edukasyon sa paniniwala sa pamahiin at obscurantism o sadyang paghadlang-sa-kaalaman. Dapat maglingkod ang syensya at teknolohiya sa bansang Pilipino at sa pagsisikap para sa lahatang-panig na pag-unlad nito. Dapat palawakin ang saklaw ng libreng edukasyong publiko. Dapat parangalan ng edukasyon at kultura ang magiting na masang anakpawis at mga rebolusyonaryong kadre at mandirigma, at tumugon sa kanilang mga kahingian para sa panlipunang kalayaan at kaunlaran.

Sa larangan ng relasyong panlabas, dapat maisakatuparan ng Partido ang aktibong nagsasarili at mapagmahal-sa-kapayapaang patakarang panlabas at mapaunlad ang mga relasyon sa antas ng mga bayan, mamamayan, partido at gubyerno sa ilalim ng pangkalahatang gabay ng proletaryong internasyunalismo. Dapat bigyang-prayoridad ang pakikipagkapatiran sa mga rebolusyonaryong pwersa at kilusan sa ibayong-dagat na nakikibaka para sa pambansang kalayaan, kapayapaan at kaunlaran laban sa imperyalismo. Dapat magtatag ang demokratikong estado ng bayan ng relasyong diplomatiko at pangkalakalan sa lahat ng mapagkaibigang bayan, anuman ang sistemang pang-ideolohiya at panlipunan, alinsunod sa patakaran ng mapayapang pakikipamuhay.

Para higit pang malinaw, inilalahad ng Partido ang sampung punto para sa pangkalahatang programa nito:

1. Ibagsak ang mga pwersa ng Imperyalistang US at pyudal na pang-aapi.

Ang nangingibabaw na interes ng sambayanang Pilipino sa ngayon ay makibaka para sa ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Makakamit ito sa pamamagitan ng paggapi at pagpapabagsak sa mga pwersa ng imperyalistang US at pyudal na dominasyon na ang saligang interes ay nasa pagpapatuloy ng pambansa at makauring pang-aapi sa sambayanang Pilipino. Dapat wasakin ang makinaryang burukratiko at militar ng estado ng malaking kumprador-panginoong maylupa at dapat parusahan ang mga pasistang kriminal at traydor.

Dapat maglunsad ng armadong rebolusyon para gapiin ang armadong kontra-rebolusyon at dapat tipunin ng nagkakaisang prente ang lahat ng positibong pwersa at samantalahin ang mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryo para ihiwalay at wasakin ang kaaway. Dapat bunutin sa ugat ng sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa ang kapangyarihan at impluwensya ng imperyalismong US at lokal na mga nagsasamantalang uri.

Dapat buuin ng Partido ang demokratikong kapangyarihan ng bayan sa kanayunan bago nito kubkubin ang kalunsuran. Dapat labanan, ilantad at ihiwalay ang monopolyo ng mga reaksyunaryo sa kapangyarihang pampulitika sa kalunsuran. Kaugnay nito, dapat magkomplemento at magtulungan ang armadong rebolusyonaryong kilusan at ligal na demokratikong kilusang masa sa pagbasag at pagwasak sa kapangyarihan ng kaaway.

2. Itatag ang demokratikong estado ng bayan at gubyernong koalisyon.

Ang ultimong layunin ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay ang pagtatatag ng demokratikong estado ng bayan at ng isang gubyernong koalisyon o nagkakaisang prente. Ipaiilalim ang demokratikong estado ng bayan sa pamumuno ng uring manggagawa, na nakabatay sa saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka at kabibilangan ng ibang mga demokratikong uri tulad ng petiburgesyang lunsod at pambansang burgesya. Bubuuin ng Partido bilang naghaharing partidong kinatawan ng uring manggagawa ang gubyernong koalisyon o nagkakaisang prente ng lahat ng demokratikong uri.

Ang National Democratic Front ay isang mayor, organisado at pinakakonsolidadong bahagi ng nagkakaisang prente. Nagsisilbi ito para itaguyod ang nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka, tipunin ang lahat ng maaaring matipong pwersa at elemento upang ihiwalay at wasakin ang kaaway at hawanin ang landas para sa mas mataas na mga organo ng kapangyarihang pampulitika, sa isang konsultatibong asembleya ng bayan at sa demokratikong gubyernong koalisyon na may pinakamalapad na posibleng katangian.

Sa proseso ng matagalang digmang bayan, nagtatayo ang uring manggagawa at uring magsasaka, sa ilalim ng proletaryong pamumuno at sa tulong ng Bagong Hukbong Bayan, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika para mabuo ang armadong nagsasariling rehimen o rebolusyonaryong gubyerno ng bayan sa kanayunan at saanman posible. Natututo sa gayon ang mamamayan na magpatakbo ng sariling gubyerno, magtanggol at magsulong ng kanilang pambansang kasarinlan at mga demokratikong naipagtagumpay na at mangasiwa sa kanilang relasyon sa lahat ng kaibigan at simpatisador. Ang rebolusyonaryong gubyerno ng bayan ay paghahanda para sa Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

3. Makibaka para sa pambansang pagkakaisa at demokratikong karapatan.

Titiyakin ng Partido ang pinakamatatag na pambansang pagkakaisa na nakabatay sa paggigiit sa pambansang soberanya, pagpapalaya sa buong bansa mula sa imperyalismong US at mga alipures nito, pagpapalaya sa uring manggagawa at uring magsasaka at pagtataguyod ng mga karapatan at interes ng lahat ng anakpawis.

Tatamasahin ng lahat ng patriyotiko at progresibong uri, grupo at indibidwal, sa prinsipyo at sa praktika, ang mga karapatang sibil, pampulitika, pang-ekonomya, panlipunan at pangkultura na niyurakan ng imperyalismong US at lokal na mga nagsasamantalang uri. Ibubunsod ng pambansang pagpapalaya sa buong sambayanan at masang anakpawis mula sa makauring pang-aapi at pagsasamantala ang pinakamahigpit na pagtataguyod sa mga indibidwal na kalayaan at partisipasyong publiko, na may pagtitiyak na ang mga demokratikong karapatang tulad ng kalayaan sa pagkatao, pamamahay, pag-iisip, paniniwala, pananampalataya, pananalita at asembleya at iba pang mga karapatan ay nakapaloob sa isang demokratikong Talaan ng mga Karapatan sa konstitusyon ng demokratikong estado ng bayan.

Lahat ng pagsisikap ay itutuon ng estado, mga kooperatiba at pribadong sektor sa pagkakaloob sa bawat mamamayan ng disenteng pamumuhay. Igagalang, hihikayatin at susuportahan ang mga indibidwal na inisyatiba at pagsisikap ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, tagayaring-kamay, intelektwal, petiburgesyang lunsod at pambansang burgesya. Gagarantiyahan ang mga karapatang pang-ekonomya at pampulitika ng mamamayan, karapatan sa serbisyong panlipunan, kalusugan, edukasyon at iba pa. Isusulong ang pakikibaka ng kababaihan para sa pantay-na-karapatan at pantay-na-oportunidad laban sa sobinismo ng kalalakihan at pyudal na patriyarkal na mga gawi, institusyon at mekanismo. Titiyakin ang karapatan at kagalingan ng mga bata, gayundin ng mga matatanda at mga taong may kapansanan. Itataguyod ang karapatan ng mga lesbyana, bakla, bisexual at transgender na ilahad ang kanilang identidad at susuportahan ang kanilang pakikibaka laban sa lahat ng anyo ng diskriminasyon. Poprotektahan ang mga karapatan at interes ng migranteng Pilipino sa ibayong-dagat; tatamasahin nila ang pinakamaluwag na ugnay sa mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas o hihikayating bumalik sa kanilang inang bayan at mag-ambag ng kanilang kaalaman at kasanayan para sa pambansang kaunlaran.

4. Itaguyod ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo.

Itataguyod ng Partido ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo sa sistema ng demokratikong estado ng bayan. Magkakaroon ang pambansang gubyerno ng sentral na awtoridad sa mga nakabababang antas ng gubyerno; at ibabatay ang mga patakaran at desisyon nito sa mga pangangailangan, kahilingan at adhikain ng malawak na masa ng sambayanan at mga nakabababang antas ng gubyerno. Magdaraos ng mga demokratikong deliberasyon at pagpapasya sa lahat ng antas ng gubyerno; magkakaroon ng mga konsultasyon sa pagitan ng nakatataas at nakabababang antas ng gubyerno at sa pagitan ng bawat antas ng gubyerno at mamamayan. Ito ay sentralisadong pamumunong nakabatay sa demokrasya at demokrasya na ginagabayan ng sentralisadong awtoridad.

Sa bawat antas ng gubyerno (baryo, munisipalidad, lunsod, distrito, probinsya at rehiyon), magbubuo ng mga inihalal na kinatawang organo kung saan demokratikong bubuuin ang mga desisyon para sa kanilang kaukulang hurisdiksyon. Ang mga nakabababang representatibong kapulungan ay nakapailalim sa rebolusyonaryong kongreso ng bayan na kumakatawan sa pambansang antas sa soberanong sambayanang Pilipino. Sa lahat ng eleksyon o botohan sa anumang usapin, susundin ang pagbubuo ng desisyon ayon sa batas ng mayorya.

Ipagkakaloob sa mamamayan ang lahat ng paraan para mailahad sa Partido at sa gubyerno sa anumang oras ang iba’t iba nilang interes at pananaw. Isusuperbisa nila ang Partido, gubyerno at mga upisyal nito, pupunahin ang kanilang mga kamalian at kahinaan at magkakaroon ng kapangyarihang magpaalis sa pwesto ng mga upisyal ng gubyerno at itulak ang pagtatanggal sa mga upisyal ng Partido na lumalabag sa mga karapatan at interes ng bansa at ng mamamayan. Itataguyod ng demokratikong diktadura ng bayan, na ang esensya ay proletaryong diktadura laban sa mga nagsasamantalang uri, ang sosyalistang demokrasya at ligalidad.

Bilang naghaharing partidong kumakatawan sa proletaryado at sambayanan at may konstitusyonal na pananagutang gampanan ang istorikong misyon nitong itatag ang sosyalismo, itataguyod at gagamitin ng Partido ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo para higit na paunlarin ang mahigpit na ugnayan sa pagitan ng Partido at estado sa isang banda, at ng malawak na masa ng sambayanan sa kabilang banda, gagarantiyahan ang mga saligang demokratikong karapatan at demokratikong pamumuhay, pauunlarin ang lipunang sibil, at hindi pahihintulutan ang burukratismo o burukratikong sentralismo at subersyon ng bagong estado ng modernong rebisyunismo at burgesya sa balatkayo ng populismong wala nang mga uri o nakaibabaw sa mga uri, liberalismo, teknokratismo at iba pang mga burges na tunguhin sa pag-iisip.

5. Itayo at pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan.

Hindi mabubuo ang demokratikong gubyernong bayan kung walang hukbong bayan na ang prinsipal at pinakaesensyal na tungkulin ay ipagtanggol at patatagin ito. Una sa lahat, ang demokratikong gubyernong bayan ay hindi maitatatag kung wala ang matagumpay na pagsulong ng hukbong bayan. Ang hukbong bayan na binubuo pangunahin ng mga mandirigma mula sa uring magsasaka ay dapat nasa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido.

Hanggat may pangangailangan para sa proletaryong diktadura at para sa pagtatatag ng sosyalismo, ang hukbong bayan ay tuwiran at absolutong nakapailalim sa pamumuno ng Partido at hindi ito malalansi ng anumang mga argumentong wala nang mga uri o nakaibabaw ito sa mga uri na ipinalalaganap ng di-proletaryo, naburges at rebisyunistang mga seksyon ng estado.

Ang pinakamahigpit na tungkulin ng hukbong bayan sa ngayon ay gapiin at wasakin ang likha- at suportado-ng-US na reaksyunaryong Armed Forces of the Philippines at lahat ng ibang tipo ng armadong kapangyarihan na nasa kamay ng mga nagsasamantalang uri at reaksyunaryong estado sa lahat ng antas. Pauunlarin ng Bagong Hukbong Bayan ang iba’t ibang anyo ng armadong pwersa: mga yunit gerilya, regular na pwersang makilos at regular na pwersa sa ilang kalagayan. Pauunlarin din nito ang mga pantulong at reserbang pwersa tulad ng milisyang bayan, mga yunit pananggol-sa-sarili na nakabase sa mga organisasyong masa at mga armadong partisanong lunsod. Tatayo ito bilang pwersa para sa paglaban, pagsasanay sa pulitiko-militar, propaganda, gawaing pangkultura at produksyon.

Mahigpit na nakaugnay ang hukbong bayan sa masang anakpawis ng sambayanan. Sa pamumuno ng Partido, laging pinalalakas ng hukbong bayan ang sarili sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at sa pamamagitan ng pagsasanay sa pulitiko-militar at armadong pakikibaka. Dapat pakamahalin ng Partido at ng sambayanan ang Bagong Hukbong Bayan at tiyaking mayroong sapat na mga probisyon ang mga mandirigma ng bayan at natutugunan ang mga pangangailangan at kagalingan ng kanilang mga kagyat na pamilya.

6. Lutasin ang problema sa lupa.

Ang pangunahing sangkap ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay ang pakikibaka ng mga magsasaka para lutasin ang problema sa lupa. Dapat tugunan ng rebolusyon ang saligang hinihingi ng mga maralitang magsasaka at manggagawang-bukid para sa lupa. Kinakailangang rekisito ang rebolusyong agraryo para sa masigla at matagumpay na kondukta ng armadong pakikibaka at sa konsolidasyon ng mga rebolusyonaryong baseng purok. Ang kasalukuyang minimum na programa sa reporma sa lupa ay preparasyon lamang para sa maksimum na programa, na siyang kumpletong solusyon sa problema sa lupa.

Libreng ipamamahagi ang lupa sa mga nagbubungkal na walang lupa. Papawiin ang upa sa lupa, pagsasamantala sa upahang paggawa, usura, manipulasyon sa presyo at iba pang mga pyudal at malapyudal pagsasamantala. Itataguyod ang mga pangkat-tulungan at sistema ng palitan ng paggawa bilang paunang hakbang tungo sa mas matataas na anyo ng kooperasyong agrikultural. Sa pamamagitan ng kooperasyong agrikultural, iaangat at mahusay na paplanuhin ang produksyon at titiyaking maibebenta ang mga produkto sa pinakamahusay na posibleng presyo, at gagarantiyahan ang mga serbisyong pangkagalingan.

Titiyakin ng Partido na maibibigay ng demokratikong gubyernong bayan ang lahat ng posible at kinakailangang ayuda para iangat ang agrikultural na produksyon sa pamamagitan ng pagtitipon ng kapital, mekanisasyon, ayudang teknikal, tulong pinansyal at iba pa. Pasisiglahin at pauunlarin ang produksyong industriyal nang mas lumaki at mas tumaas na kakayahang bumili ng uring magsasaka. Tatayo ang agrikultura bilang batayan ng pambansang ekonomya dahil tutugunan nito ang mga rekisito sa pagkain at hilaw na materyales ng lumalawak na industriyalisasyon at dahil sa ilang panahon ang uring magsasaka ang bubuo sa mayorya ng mga gumagamit at kumokonsumo sa mga produkto ng industriyalisasyon.

Ang mga plantasyon at kalupaang mahusay na pinatatakbo sa mekanisadong paraan ay itatransporma tungo sa mga sakahan ng estado kung saan itatatag ng mga manggagawa ang proletaryong kapangyarihan at ipagkakaloob sa sarili ang mas mahusay na kalagayan sa paggawa. Ang sobra sa malalawak na lupain ng pananim pang-eksport ay ipaiilalim sa reporma sa lupa at tatamnan ng ibang mga pananim na kailangan para sa lokal na pagpoproseso o konsumo.

Matapos ang tagumpay ng kooperasyong pang-agrikultura at sosyalismo sa kanayunan sa panahon ng transisyon, titiyakin ng Partido na walang magiging pag-atras tungong pribatisasyon sa paggamit o pagmamay-ari sa lupa, sa mga rural na industriya at ibang pangunahing mga kagamitan sa produksyon. Kung hindi, makakakuha ng malapad na base ang panunumbalik ng kapitalismo at kalauna’y dadausdos ang agrikultural na produksyon, tulad nang napatunayan na sa kasaysayan.

7. Isulong ang pambansang industriyalisasyon.

Sinasagkahan ng dayuhang monopolyong kapitalismo at katutubong pyudalismo ang pag-unlad ng pambansang industriya kung kaya’t matatag na nilalabanan ang mga ito ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Dapat buwagin ang pribadong pag-aari ng malaking burgesya at uring panginoong maylupa sa mga kagamitan sa produksyon at distribusyon. Dapat isabansa ang mga estratehikong empresang ginamit ng US, Japan at ibang mga dayuhang monopolyo para makapangibabaw sa buong ekonomya ng Pilipinas, habang isinusulong ang puspusang reporma sa lupa at itinatayo ang mabibigat at saligang mga industriya na may kakayahang lumikha ng mga saligang metal at kemikal at mga produktong kapital upang makamit ang mahusay na pundasyon ng komprehensibong pag-unlad ng pambansang industriya at ekonomya.

Tatayo ang mabibigat at saligang mga industriya bilang namumunong salik ng ekonomya. Agad magtatayo ng magagaan na industriya para magtulay sa mabibigat na industriya at agrikultura at magbigay ng mga produktong pamproduksyon at pangkonsumo na pinakakailangan ng mamamayang anakpawis. Titipunin ng demokratikong gubyernong bayan ang lahat ng pagsisikap at rekursong kakailanganin para sa pambansang industriyalisasyon at sasamantalahin ang malaking pwersang paggawa at komprehensibong likas na rekurso ng bayan. Sa panahon ng transisyon, kung kailan naglalakipan pa ang mga sosyalista at burges-demokratikong hakbangin sa ekonomya, magkakaroon ng mga sektor sa pambansang ekonomya tulad ng sektor ng estado, sektor ng kooperatiba, sektor na pinagsamang estado-pribado at pribadong sektor ng maliit at katamtamang-laking mga empresa.

Ang lahat ng mayor na institusyon sa pinansya, linya ng lokal at dayuhang kalakalan at lahat ng isinabansang empresa ay patatakbuhin ng sektor ng estado. Lahat ng magsasaka, mangingisda, tagayaring-kamay at katulad nito ay hihikayatin at pagkakalooban ng mga insentiba na maorganisa ang kanilang mga sarili sa mga kooperatiba para pataasin ang kanilang produktibidad at tiyakin na mayroon silang handang pamilihan. Ang pinagsamang empresang estado-pribado ay magiging paraan para tiyakin ang operasyon ng malalaking empresa na dating nasa pribadong pag-aari, at yugto-yugtong kukunin ng estado ang pag-aari sa mga ito. Hihikayatin ang pribadong sektor na bubuuin ng masa ng maliliit na prodyuser ng kalakal at mga patriyotikong negosyante at komersyante na positibong mag-ambag sa pang-ekonomyang konstruksyon.

Itatatag ang mga sektor ng estado at kooperatiba ng ekonomya bilang mga salik ng proletaryong pamumuno at sosyalismo. Pero hihikayatin at susuportahan ng demokratikong gubyerno ng bayan ang lahat ng pribadong inisyatiba sa industriya basta’t hindi mamomonopolisa o makapipinsala ang mga ito sa kabuhayan ng mamamayan o makasisira sa sosyalistang sektor ng ekonomya. Isasailalim sa regulasyon ng gubyerno ang pribadong kapital para protektahan ang kabuhayan ng mamamayan, itaguyod ang paglago ng sosyalistang ekonomya at isagawa ang mga hakbangin para sa rehabilitasyon at proteksyon ng kalikasan.

Sa batayan ng pagkumpleto sa pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika, sisimulan ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Magiging dominante ang pampublikong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon at ididirihe ng planadong ekonomya ng estado ang pagpapaunlad ng isang balansyadong sosyalistang ekonomya. Gayunpaman, magkakaroon ng mga transisyunal na konsesyon sa ilang mga positibong anyo ng pribadong empresa.

Matapos ang sosyalistang transpormasyon ng industriya at buong ekonomya, titiyakin ng Partido na walang pag-atras sa pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon. Kung hindi, makapanunumbalik ang kapitalismo at muling mapagsasamantalahan at maaapi ng dayuhan at katutubong burgesya ang mamamayan.

8. Itaguyod ang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura.

Kinakailangan ang demokratikong rebolusyong pangkultura ng bayan upang iwaksi sa bansa ang nakababansot na dominasyon ng imperyalista at pyudal na kultura at edukasyon, kabilang ang kolonyal o pasistang mentalidad, burges na dekadenteng aktitud at paniniwala sa pamahiin. Dapat isulong at itaguyod ng rebolusyong pangkultura ang isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura.

Ginagampanan ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido ang pamumuno sa larangan ng kultura at edukasyon alinsunod sa namumunong rebolusyonaryong papel nito; at nagbibigay ng oportunidad sa lahat ng demokratikong intelektwal na iangat ang kanilang rebolusyonaryong kamalayan at paglingkuran ang sambayanan. Habang isinasaalang-alang at iginagalang ang kalayaan sa pag-iisip at pananampalataya, magkakaroon din ng angkop na mga pananggalang para tiyakin na ang mga kalayaang ito ay hindi sistematikong magagamit laban sa demokratikong rebolusyon ng bayan o sa interes ng mamamayan.

Sa proseso ng matagalang digmang bayan, naglulunsad ang Partido ng mga kampanyang masa para itransporma ang mga atrasadong baryo tungong mga balwarteng pangkultura ng rebolusyong Pilipino. Napalilitaw ang mga kadreng pangkultura at mga batalyong pangkultura sa kanayunan. Nababawasan ang kawalan ng literasiya at paniniwala sa pamahiin at sa kalauna’y napapawi ang mga ito sa pamamagitan ng edukasyon. Naipalalaganap ang syentipikong diwa ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang rebolusyong pangkultura na nakatuon sa paggapi sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pagpapaunlad sa sosyalismo ay isang kilusang masa na edukatibo at mapanghikayat ay aayudahan ng modernong mga paraan ng komunikasyon.

Titiyakin ng Partido, ng demokratikong gubyernong bayan at lahat ng demokratikong pwersa na ang sistemang pang-edukasyon at masmidya ay naglilingkod sa pambansa, syentipiko at demokratikong interes ng mamamayan. Magiging libre para sa lahat ang edukasyon sa lahat ng antas, ayon sa abilidad at nang walang diskriminasyon sa uring pinagmulan, kasarian, etnisidad, lahi, relihiyon o kawalan ng pananampalataya. Aalisin sa mga kurso sa pag-aaral at materyales sa pag-aaral sa syensyang panlipunan, pilosopiya, batas, sining at literatura at iba pa ang maka-imperyalista, pyudal, pasista at iba pang buktot na ideyang pumapabor sa mga ito at mga misimpormasyon.

Itataguyod ng Partido ang pambansang wika bilang pangunahing midyum ng edukasyon, impormasyon at upisyal na komunikasyon, habang kasabay nito ay magbibigay ng karampatang paggalang sa ibang mga lenggwaheng Pilipino. Pakamamahalin ang mga pambansang obra sa sining at panitikan. Hihikayatin ang kasalukuyang mga sining at panitikan na may rebolusyonaryong nilalaman at nagsasalarawan sa mga pakikibaka at adhikain ng mga manggagawa, magsasaka, mandirigma at ibang mga kalahok sa rebolusyon. Gagamitin ang mga luma at gayundin ang dayuhang mga anyo ng sining at panitikan at lalangkapan ang mga ito ng rebolusyonaryong nilalaman na nagsasalamin sa mga pangangailangan at adhikain ng mamamayan.

Sisikapin ng Partido na makakuha ng mas malaking akses sa syentipikong kaalaman, teknolohiya at mga kultural na karangalan mula sa ibayong-dagat para sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino at para mahikayat silang mag-ambag sa progreso ng sangkatauhan at sibilisasyon. Hihikayatin din ang mga migranteng Pilipino sa ibayong-dagat na bumalik at maglingkod sa inang bayan nang buong panahon o sa ilang takdang panahon.

Itataguyod ng Partido ang kamalayang proletaryong rebolusyonaryo at sosyalistang sa hanay ng kabataan at sambayanan sa pamamagitan ng mga institusyon at ng kilusang masa sa darating na sosyalistang lipunan. Magpapatibay ito ng mga demokratiko at ligal na pananggalang para pigilan ang lumang burgesya at pyudal na reaksyon, gayundin ang potensyal na bagong burgesya, na makaagaw ng kapangyarihan mula sa proletaryado at mamamayan. Ang adelantadong deklarasyon ng pagwawakas ng mga uri at tunggalian ng mga uri at ang paglitaw ng naburges na intelihensya ay nagluluwal ng burukratismo, rebisyunismo at mapayapang ebolusyon mula sosyalismo tungong kapitalismo.

9. Igalang ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng Bangsamoro at iba pang mga pambansang minorya.

Lahat ng pambansang minorya sa Pilipinas ay may karapatan sa pagpagpapasya-sa-sarili, kabilang ang panrehiyong awtonomya at karapatang humiwalay. May karapatan silang pagpasyahan ang sarili nilang kapalaran; palayain ang sarili mula sa pambansang pang-aapi, pagsasamantala, sobinismo, rasismo at diskriminasyon; kamtin ang dmokrasya; at pagsikapang makamit ang progresong panlipunan sa lahatang-panig na paraan. Maaaring igiit at matamasa ang mga karapatang ito laban sa estadong mapang-api o nagiging mapang-api.

Laging itataguyod ng Partido at demokratikong gubyernong bayan ang pambansa at mga demokratikong karapatan ng pambansang minorya na bumubuo sa 15 porsyento ng populasyon ng Pilipinas. Hihikayatin ang mga pambansang minorya na akuin ang kanilang karampatang papel at pwesto sa demokratikong estado ng bayan at tatanggap sila ng espesyal na konsiderasyon dahil sa sukdulang pang-aapi at pagsasamantala na dinanas nila sa napakahabang panahon sa mga kamay ng kolonyalismong Espanyol, imperyalismong US at lokal na mga reaksyunaryong uri. Matagal nang pinauunlad ng mamamayang Bangsamoro, ang pinakamalaking pambansang minorya sa Pilipinas, ang kanilang pambansang identidad at pinagpupunyagian ang kanilang pakikibaka para sa pagpapasya-sa-sarili.

Pinamumunuan ng Partido ang pakikibaka laban sa pambansang pang-aapi. Dapat lumakas ang mga rebolusyonaryong pwersa sa hanay ng pambansang minorya at paunlarin ang pagkakaisa, kooperasyon at koordinasyon sa pagitan nila at lahat ng iba pang mamamayan sa paglaban sa malulupit na kampanya ng armadong pang-aapi, pangangamkam ng lupa, pandarambong ng likas-yaman sa kanilang mga erya, pagpapataw ng napakababang sahod sa mga plantasyon at minahan at sa kasalatan o kakulangan ng makatarungang parte sa panlipunang kayamanan at buwis na napalilitaw mula sa kanilang mga erya, at lahat ng iba pang pangyayari ng pang-aabuso, sobinismo at diskriminasyon.

Dapat hikayating mapalitaw ang isang bagong tipo ng rebolusyonaryong pamumuno mula sa mga pambansang minorya nang sa gayo’y matransporma ang tradisyunal na pamumuno at mapalitan yaong mga hindi lamang bigong ipaglaban ang kanilang mga karapatan kundi lumahok pa sa pagsasamantala sa kanila. Dapat magpaunlad ng mga kadre ng Partido at ng rebolusyon mula sa hanay ng mga pambansang minorya.

10. Ipatupad ang aktibo at nagsasariling patakarang panlabas.

Patuloy na ipinapataw ng US, kasama ng mga imperyalistang alyado nito, ang neoliberal na patakaran sa ekonomya sa Pilipinas na pumipiga ng supertubo sa pamamagitan ng pandarambong sa mga rekursong likas at pantao at pinatitindi ang interbensyong militar at iba pang anyo ng interbensyon sa mga usapin ng Pilipinas. Tiyak itong magbabanta o aktwal na maglulunsad ng todo-largang agresyon kung umabot na ang digmang bayan sa takdang yugto ng pag-unlad. Sa gayon, absolutong kinakailangan ang internasyunal na suporta para suhayan at komplementaryuhan ang nagsasarili at umaasa-sa-sariling mga pagsisikap ng mga rebolusyonaryong pwersa at buong sambayanan.

Itataguyod ng Partido sa pamamagitan ng iba’t ibang rebolusyonaryo at progresibong pormasyon ang pag-unlad ng pinakamalapad na posibleng internasyunal na relasyon sa lahat ng pwersa sa ibayong-dagat — sa mga partido, kilusan, institusyon o gubyerno. Lubos na kailangan ang pinakamalaki at pinakamalawak na posibleng suportang moral at materyal mula sa ibayong-dagat para makamit ang ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Sa pagtatatag nito, ipawawalambisa ng demokratikong gubyernong bayan sa pamumuno ng Partido ang lahat ng di-pantay na tratado, kasunduan at kaayusan sa US, Japan at kanilang mga alyadong imperyalista, at ipoproklama ang aktibo at nagsasariling patakarang panlabas na nakabatay sa pambansang soberanya ng sambayanang Pilipino at sang-ayon sa limang prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhay sa lahat ng bayan, anuman ang ideolohiya at sistemang panlipunan.

Pauunlarin ng Demokratikong Republika ng Pilipinas ang pinakamahigpit na relasyon sa mga bayang anti-imperyalista at sosyalista, at sa mga karatig-bayan sa Timog Silangang Asya, Hilagang Silangang Asya at Pasipiko at sa lahat ng bayan sa ikatlong daigdig at iba pang api at pinagsasamantalahang bayan; at magsasagawa rin ng normal na ugnayang diplomatiko at pangkalakalan sa mga kapitalistang bayan. Uupo ang Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas sa karampatang pwesto nito sa United Nations at lahat ng iba pang internasyunal na organisasyon.

Lahat ng antas ng relasyong panlabas ng Pilipinas ay ipaiilalim sa pangkalahatang gabay ng proletaryong internasyunalismo. Makakukuha ng lahat ng posible at angkop na suporta mula sa isang Pilipinas na nagsusulong ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon ang mga bayang nakikibaka para sa kasarinlan; mga bansa, para sa paglaya; at mga mamamayan, para sa rebolusyon laban sa alinmang superpower at anumang anyo ng reaksyon.

Sa pagsisikap na maipatupad ang proletaryong internasyunalismo at ang aktibo at nagsasariling patakarang panlabas, igagalang ng Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas at lahat ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Pilipinas ang kasarinlan at teritoryal na integridad ng lahat ng bayan at susuportahan ang makatarungang rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan; lalabanan ang kolonyalismo, imperyalismo at neokolonyalismo at lahat ng anyo ng dayuhang interbensyon at agresyon; at makikibaka at kikilos para sa katarungan, panlipunang kaunlaran, mas malawak na kalayaan at pandaigdigang kapayapaan.

III. Ang Ating Partikular na Programa

Hanggang nananatiling malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino, mananatili sa saligan ang ating pangkalahatang programa para sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Gayunman, sa bawat bahagi ng pagsulong sa pangkalahatang yugto ng demokratikong rebolusyon ng bayan, mapaiilalim sa mga pagbabago ang ating kagyat na partikular na mga kahingian alinsunod sa mga pagbabago sa kalagayan.

Sa proseso ng rebolusyonaryong pakikibaka, may awtoridad at tungkulin ang Komite Sentral ng Partido na pasimunuan at ipatupad ang kinakailangang mga modipikasyon, na ipaiilalim sa repaso ng susunod na Kongreso ng Partido.

Naririto ang ating kagyat na partikular na mga kahingian:

Sa Larangan ng Pulitika

1. Pagkaisahin ang buong sambayanang Pilipino alinsunod sa linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan, maglunsad ng digmang bayan laban sa estado ng malaking kumprador-panginoong maylupa na kontrolado ng US at wasakin ang mga pwersang militar, pulis at paramilitar nito, gayundin ang anumang dayuhang elemento o ahensya na nagsasagawa ng interbensyon o agresyong militar

2. Itatag ang armadong nagsasariling rehimen o rebolusyonaryong gubyernong bayan (mga organo ng kapangyarihang pampulitika) sa lahat ng posibleng erya sa bawat posibleng antas at paunlarin ang kakayahan ng mamamayan sa pagpapatakbo ng gubyerno sa proseso ng armadong pakikibaka.

3. Itaguyod ang makauring pamumuno ng proletaryado alinsunod sa pangkalahatang linya, palakasin ang hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, maagap na iwasto ang mga kamalian at kahinaan at magmatyag laban sa mga maling ideya sa kilusan, gayundin sa mapanlinlang na agresibo o inasukalan mang propaganda ng kaaway at iba pang mga reaksyunaryo.

4. Ipalaganap ang programa para sa demokratikong rebolusyon ng bayan at mga probisyunal na alituntunin ng rebolusyonaryong gubyernong bayan, kondenahin ang maka-imperyalista at sa esensya ay reaksyunaryong konstitusyon ng malaking kumprador-panginoong maylupa at itakwil ang lahat ng kontra-rebolusyonaryong batas, tratado at kasunduang ehekutibo na pinagtibay ng reaksyunaryong gubyerno.

5. Hikayatin ang ligal na pakikibaka ng mga partidong patriyotiko at demokratiko, mga organisasyong masa, alyansa at ng sambayanan sa pangkalahatan; at mangampanya laban sa nagpapatuloy na panunupil ng mga karapatang pampulitika ng mga manggagawa, magsasaka, intelihensya, kababaihan, kabataan, pambansang minorya, migranteng Pilipino sa ibayong-dagat at ibang mga patriyotikong Pilipino na nakikibaka laban sa imperyalista at pyudal na pang-aapi.

6. Maghanda laban sa muling paglitaw ng tahasang pasistang rehimen, labanan ang nagpupursigeng mga pwersa ng pasismo sa loob at labas ng Armed Forces of the Philippines at ipaglaban ang katarungan para sa mamamayan at kanilang mga pinuno at organisasyon sa mga kalupitan at pang-aabuso sa kanila ng kaaway.

7. Magpaunlad at magpatupad ng sistema ng rebolusyonaryong hustisya para sa pag-iimbestiga, paglilitis at pagpaparusa sa mga sagadsaring pasista, despotikong panginoong maylupa, korap na mga upisyal ng gubyerno at ibang mga kriminal na kontra-mamamayan.

8. Makipagtulungan sa lahat ng organisasyon, grupo at indibidwal upang buuin ang pambansang nagkakaisang prente para sa pambansang kalayaan, demokrasya at makatarungang kapayapaan at ihiwalay ang mga sagadsaring kaaway ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

9. Palitan, kumpunihin o alisan ng bisa ang mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno sa lahat ng antas at gawing mas epektibo ang mga rebolusyonaryong organo ng kapangyarihang pampulitika gamit ang lahat ng posibleng paraan.

10. Hikayatin ang mga de-karerang upisyal at karaniwang mga empleyado sa reaksyunaryong gubyerno na makipagtulungan o sumuporta sa rebolusyonaryong kilusan at tiyakin sa kanilang lahat na, liban sa mga nakagawa ng mga krimen, pananatilihin sila sa trabaho at tatamasahin nila ang panunungkulan sa demokratikong gubyerno ng bayan. Hikayatin ang mga elementong maka-mamamayan, demokratiko at patriyotiko sa loob ng reaksyunaryong militar at pulisya na itakwil ang kanilang pasista, papet at mersenaryong oryentasyon.

Sa Larangan ng Ekonomya

1. Kondenahin at ibasura ang lahat ng pang-ekonomyang patakaran, tratado, kasunduang ehekutibo, batas sa pamumuhunan, kasunduan sa pautang, batas sa pagbubuwis at ibang mga kaayusan na nagkakaloob sa US at ibang mga transnasyunal na korporasyon at bangko ng labis-labis na pribilehiyo at ganansya sa kapinsalaan ng sambayanang Pilipino at ekonomya ng Pilipinas.

2. Hikayatin ang mamamayan, kabilang ang pambansang burgesya, na magtatag ng ekonomyang umaasa-sa-sarili at sansalain sila sa anumang posibleng paraan (kabilang ang boykot at kumpiskasyon) sa pag-import ng mga produktong nakapipinsala sa lokal na produksyon ng mga patriyotikong negosyante.

3. Maglunsad ng mga kampanyang masa para sa pagpapababa ng upa sa lupa at tantos ng interes at para itaas ang sahod sa bukid at presyo ng mga produkto ng sakahan alinsunod sa minimum na programa ng reporma sa lupa sa mga larangang gerilya; magpatupad ng libreng redistribusyon ng lupa sa mga nagbubungkal na walang lupa saanman posible, maipagtatanggol at sustenable; at magtaguyod ng agrikultural na produksyon sa pamamagitan ng palitan ng paggawa at mga pangkat-tulungan at ibang mga anyo ng kooperasyon sa ilalim ng gabay ng mga samahang magsasaka.

4. Pahusayin ang kabuhayan ng mamamayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga kampanyang masa para itaguyod ang produksyon sa lahatang-panig na paraan, lumikha ng empleyo, isaayos ang makatwirang sahod at rasonableng tantos ng interes, ipatupad ang pagkontrol sa presyo at organisahin ang mga kooperatibang bayan saanman posible.

5. Suportahan ang pakikibaka ng iba’t ibang patriyotiko at progresibong uri, partido at organisasyong masa para sa mas mahusay na kalagayang pang-ekonomya at panlipunan, rehabilitasyon at proteksyon ng kalikasan, at ilantad at labanan ang mapangwasak na mga patakaran at mapanlinlang na aspeto ng mga repormang pantapal na iniaalok ng mga multinasyunal na korporasyon at reaksyunaryong gubyerno.

6. Suportahan ang mga pambansang minorya at ibang mga mamamayan sa kanilang pakikibaka laban sa mga panginoong maylupa, mangangamkam ng lupa, mga kumpanya sa pagmimina, konsesyunaryo sa pagtotroso, plantasyon, ahensya at proyekto ng gubyerno, instalasyon at reserbasyong militar at mga ecozone na lumalabag sa mga karapatan ng mamamayan at naninira o nagkakait sa kanila ng lupaing ninuno, pag-aari at kabuhayan.

7. Hikayatin ang pagmamay-ari ng Pilipino sa industriya at komersyo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng proteksyon, garantiya sa pamilihan at ibang mga bentahe sa mga eryang nakapailalim sa kontrol ng rebolusyonaryong kilusan.

8. Ipagbawal at kumpiskahin ang lahat ng nakaw na yaman sa anyo ng kapital, lupa o anupaman at ibalik ito sa mga lehitimong may-ari o kaya naman ay gamitin para sa benepisyo ng rebolusyonaryong kilusan o ng mamamayan.

9. Magpatibay ng sistema ng pangongolekta ng buwis at kontribusyon sa batayan ng kakayahang magbayad at mga benepisyong nakamit mula sa rebolusyonaryong kilusan upang masuportahan ang gawain at mga programang panlipunan ng rebolusyonaryong gubyernong bayan at hukbong bayan.

10. Pakilusin ang mamamayan sa mga larangang gerilya na mag-organisa ng pagpapalitaw ng lahat ng kailangang rekurso at posibleng mga serbisyong panlipunan at teknikal, laluna sa larangan ng edukasyon, kalusugan, produksyon at iba pa.

Sa Larangang Militar

1. Pabilisin ang pagbubuo at pagsasanay sa pulitiko-militar ng mga pultaym at partaym na mga yunit gerilya ng Bagong Hukbong Bayan, mga armadong pangkat propaganda, milisyang bayan, mga yunit pananggol-sa-sarili at mga armadong partisanong lunsod sa pambansang saklaw; at magtayo ng mas matataas na pormasyong sustenable (na ang sentro-de-grabidad ay nasa relatibong konsentrasyon at ang mga nakapaligid na yunit ay nasa relatibong dispersal) na hindi makabibigat sa baseng masa at makauubos ng mga kadre at rekurso, at laging bukas sa multiplikasyon ng mga pwersa at pagsaklaw sa mas maraming tao at teritoryo kapag nakakakumpiska ng dagdag na mga armas.

2. Magsagawa ng mga aksyon laban sa mga base militar at detatsment ng US, sa kontrol ng US sa Armed Forces of the Philippines bilang papet na pwersa at sa pagpapatindi ng interbensyong militar ng US; at kondenahin ang mga tratado, kasunduang ehekutibo, kaayusan, proyekto at ehersisyo na nakasusuhay sa larangang militar ng reaksyunaryong gubyerno at armadong pwersa at nagpapanatili sa kanilang pagkapapet sa imperyalismong US at sa makinaryang pandigma nito.

3. Palawakin at paigtingin ang mga taktikal na opensiba (mga ambus, reyd, pag-aresto, sabotahe at ibang mga operasyon) laban sa mga pwersang regular, pulis at paramilitar ng Armed Forces of the Philippines, mangumpiska at magtipon ng kasangkapang militar at dalhin ang yugto ng estratehikong depensiba sa yugto ng estratehikong pagkakapatas at pagtungo nito sa yugto ng estratehikong opensiba.

4. Maglunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigma laban sa tumitinding interbensyong militar ng US, maghanda laban sa todo-largang agresyon ng US o anumang ibang dayuhang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga larangang gerilya at angkop na mga armadong yunit, magpaunlad ng mga sandata at teknolohiya pangunahin sa pamamagitan ng kumpiskasyon at umaasa-sa-sariling produksyon, at maging handa sa malalakas na mga bigwas laban sa mga mananalakay na tropa ng US.

5. Arestuhin at iditine para sa paglilitis at pagpaparusa ng kinauukulang awtoridad ang lahat ng kontra-rebolusyonaryong nakagawa ng seryosong mga krimen, gayundin ang mga espiya at lahat ng subersibong ahente ng dayuhang interbensyunista at mananalakay at kanilang lokal na mga reaksyunaryong galamay.

6. Magkampanya laban sa pagpapakilos ng mga reaksyunaryo sa mga kabataan, manggagawa, magsasaka at pambansang minorya para sa pagsasanay at serbisyo militar at, kasabay nito, idirihe ang mga di-makaiwas sa mga ito na gamitin ang kanilang pagsasanay at serbisyo sa pagtataguyod ng rebolusyonaryong adhikain.

7. Disarmahan at lansagin ang mga gwardyang militar at pulis gayundin ang mga pribadong pangkat ng mga sindikatong kriminal at kontra-rebolusyonaryo at pawiin ang bentahan ng droga, pangangalabaw, pamimirata, panunulisan at iba pang mga anyo ng kriminalidad na nananalasa sa mamamayan.

8. Hikayatin at organisahin ang aping mga pambansang minorya na mag-armas laban sa imperyalista at pyudal na pang-aapi.

9. Maglunsad ng gerang anihilasyon ngunit maging mabait sa mga nabibihag nang sa gayo’y mademoralisa at malansag ang mga pwersa ng kaaway.

10. Makipagtulungan sa lahat ng ibang armadong organisasyon at kilusan na nakikibaka laban sa imperyalista at pyudal na pang-aapi at samantalahin ang paksyunalisasyon ng mga naghaharing uri at reaksyunaryong armadong pwersa.

Sa Larangan ng Kultura

1. Maglunsad ng mga kampanyang masa para paunlarin ang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura na tumutugon sa mga pangangailangan at adhikain ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalista at pyudal na kontrol at impluwensya sa sistemang pang-edukasyon, masmidya at iba pang mga institusyong pangkultura.

2. Pakamahalin ang pambansang pamana at ipalaganap ang Filipino o Pilipino bilang pambansang wika at prinsipal na midyum sa instruksyon at upisyal na komunikasyon, at ang mga lokal na lenggwahe, para sa benepisyo ng masa.

3. Buuin ang bagong demokratikong sistema ng edukasyon at masmidya, baguhin ang oryentasyon at bigyan ng re-edukasyon ang mga guro at estudyante, mga propesyunal at ang buong sambayanan sa pangangailangang paunlarin ang lipunang Pilipino sa lahatang-panig na paraan.

4. Ipalaganap ang demokratikong linya ng mamamayan sa pag-aaral at praktika ng mga syensyang panlipunan, likas na syensya, sining at literatura, batas, medisina, inhinyeriya at ibang mga larangan ng pag-aaral, at idiin ang pangangailangang paglingkurin ang syensya at teknolohiya para sa pambansang industriyalisasyon, modernisasyon at kaunlarang pang-agrikultura at balansyadong pag-unlad ng ekonomya ng Pilipinas at proteksyon ng kalikasan. Paunlarin ang diwa ng kooperatibismo sa hanay ng uring magsasaka.

5. Igalang ang kalayaan sa pag-iisip at paniniwala, gumamit ng matiyagang panghihikayat sa paglikom ng suporta para sa demokratikong rebolusyon ng bayan at itaguyod ang nagkakaisang prente ng mga proletaryong rebolusyonaryo at progresibong liberal sa larangang intelektwal.

6. Suportahan ang mga progresibong kilusan at aksyon sa hanay ng mga estudyante, guro at lahat ng intelektwal para sa mas mahusay na pag-aaral, sa paborableng mga kalagayan para maging mapanlikha at maayos ang pamumuhay, mas mataas na antas ng edukasyon at kultura, at mas malawak na kalayaang intelektwal.

7. Maglunsad ng mga kampanyang masa para ipaglaban ang libreng edukasyon sa lahat ng antas at pawiin ang kawalan ng literasiya at paniniwala sa pamahiin sa hanay ng masa at magpalaganap ng syentipiko at rebolusyonaryong diwa sa kanilang hanay.

8. Hikayatin ang pag-unlad ng mga progresibo sa loob ng mga institusyong relihiyoso (laluna sa dominanteng Simbahan), pigilan ang mga naturang institusyon na maging mabisang kasangkapan ng imperyalismong US at interes ng malaking kumprador-panginoong maylupa, at labanan ang sobinismong Kristyano laban sa Bangsamoro at ibang mga pambansang minorya.

9. Maglunsad ng walang-humpay na mga kampanyang masa para ilantad at labanan ang bawat pakana ng US na gamitin ang mga tuwirang ahensya, mga multilateral na ahensyang nasa kontrol nito at pangatlong mga bayan para panatilihin at palalain ang dominasyon ng imperyalistang US sa edukasyon at kultura ng Pilipinas.

10. Paunlarin ang syentipikong pangangalaga sa kalusugan sa pamamagitan ng pagtataguyod sa edukasyong pangkalusugan, pangkalahatang sanitasyon, pag-iwas sa sakit, sports, at pisikal na edukasyon at aktibidad, laluna sa hanay ng kabataan.

Sa Larangan ng Relasyong Panlabas

1. Itaguyod ang proletaryong internasyunalismo bilang pinakamataas na prinsipyong gumagabay sa lahat ng antas ng relasyong panlabas ng rebolusyonaryong kilusan, sa lumalaking rebolusyonaryong gubyernong bayan at sa paglao’y Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

2. Likumin ang pinakamalaki at pinakamalawak na posibleng suportang internasyunal para sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino at sa tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa dayuhang dominasyon at lokal na reaksyon.

3. Paunlarin ang mahigpit na relasyong kapatiran at mutwal na suporta sa pagitan ng rebolusyonaryong kilusan ng Pilipinas, mga kilusan ng mamamayan, organisasyong masa at alyansa sa Pilipinas at ibayong-dagat, at kasabay na paunlarin ang internasyunal na kilusan laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

4. Paunlarin ang mahigpit na relasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga kapatid na proletaryong partido at mga mapagkaibigang partido sa ibang mga bayan.

5. Pukawin, organisahin at mobilisahin ang mga migranteng Pilipino sa ibayong-dagat para itaguyod, ipagtanggol at isulong ang kanilang mga karapatan at interes at tuwirang lumahok sa rebolusyong Pilipino habang nasa ibayong-dagat, at hikayatin silang magbalik sa bayan para lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka ngayon at sa susunod na yugto ng rebolusyong Pilipino.

6. Sikaping makuha ang pagkilala sa katayuang nakikidigma (status of belligerency) ng mga rebolusyonaryong pwersa ng Pilipinas sa ngalan ng National Democratic Front o Rebolusyonaryong Gubyernong Bayan at hawanin ang landas para sa pagbubuo ng Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas na may normal na relasyong diplomatiko at pangkalakalan sa ibang mga bayan, anuman ang ideolohiya at sistemang panlipunan, at umupo sa karampatang pwesto nito sa United Nations at iba pang mga internasyunal na organisasyon.

7. Itaguyod ang patakarang panlabas ng Pilipinas na nakaangkla sa pambansang soberanya at kasarinlan at alinsunod sa limang prinsipyo ng internasyunal na relasyon: a. mutwal na paggalang sa teritoryal na integridad at soberanya; b. mutwal na walang-agresyon; k. walang panghihimasok sa panloob na mga usapin ng isa’t isa; d. pagkakapantay at mutwal na suporta, at e. mapayapang pakikipamuhay.

8. Paunlarin ang pinakamahigpit na relasyon ng Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas sa mga bayang anti-imperyalista at sosyalista, mga karatig-bayan sa Timog-Silangang Asya, Hilagang-Silangang Asya at Pasipiko at lahat ng bayan sa ikatlong daigdig at iba pang inaapi at pinagsasamantalahan.

9. Magkaloob ng moral at iba pang posibleng suporta sa ibang mga rebolusyonaryong partido at kilusan ng mamamayan at kamtin ang ganap na tagumpay sa demokratikong rebolusyon ng bayan bilang internasyunalistang tungkulin.

10. Labanan ang paggamit sa United Nations at iba pang mga internasyunal na ahensya (International Monetary Fund, World Bank, atbp.) bilang kasangkapan sa dominasyon ng United States at iba pang mga kapitalistang kapangyarihan.

Pinagtibay ng Ikalawang Kongreso
Partido Komunista ng Pilipinas
Nobyembre 7, 2016

Download: PDF EPUB

Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan