Itakwil ang bulok na alyansang Duterte-Arroyo-Marcos
Tahasang konsolidasyon ng bulok na alyansang Duterte-Arroyo-Marcos—ito ang pangunahing layunin sa pag-agaw ni Arroyo sa liderato ng Mababang Kapulungan nitong Hulyo 23. Sa suporta ni Arroyo at ng mga Marcos, inaasahan ni Duterte na mailulusot na ang kanyang iskemang baguhin ang konstitusyon at bigyang daan ang plano niyang solohin ang poder at palawigin ang kanyang kapangyarihan.
Lantaran nang nagsama-sama ang pinakakinamumuhiang mga kinatawan ng pasistang kalupitan at burukratang kapitalistang korapsyon. Sila ang imahe ng pinakamalulupit na kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa ilalim ng kanilang bulok na alyansa, asahang lalong sasahol ang pang-aapi at pagpapahirap sa sambayanang Pilipino.
Mula’t sapul, kabilang si Arroyo sa pangunahing sumusuporta kay Duterte. Sa Mababang Kapulungan, ang blokeng tapat kay Arroyo ang isa sa pinakamalaking bumubuo ng “supermayorya.” Malaki ang kanyang papel sa pagratsada ng bagong mga batas tulad ng TRAIN Law. Buung-buo ring sinuportahan si Duterte ng kanyang bloke sa Korte Suprema, kabilang ang pagpalusot sa ligalidad ng batas militar sa Mindanao at sa kasong quo warranto laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Kapalit nito, tiniyak ni Duterte ang suporta ni Arroyo. Hinirang niyang upisyal sa gabinete ang pinakamatatapat na heneral ni Arroyo tulad ni Hermogenes Esperon at iba pa. Pagkaupong-pagkaupo, kaagad niyang inutos ang pagbasura sa mga kasong pandarambong at ang pagpapalaya kay Arroyo mula sa limang taong detensyon. Tinugis ni Duterte si Leila de Lima, na noong kalihim ng Department of Justice sa ilalim ng rehimeng Aquino ay nagsampa ng kaso, nagpaaresto at nagpakulong kay Arroyo. Nitong Mayo, pinayagan ng Sandiganbayan ang asawa ni Gloria na si Mike Arroyo na makalabas ng bansa. Marami ang naniniwalang para ito maisaayos ng huli ang kanilang nakaw na yamang nakalagak sa dayuhang mga bangko.
Ang pag-angat ni Arroyo sa liderato ng Mababang Kapulungan ay patunay na malaki pa rin ang hawak niyang kayamanan at kapangyarihan. Bagaman hindi “supermayorya,” umabot sa 184 o 67% ng mga dumalong kongresista ang bumoto kay Arroyo. Kabilang dito ang mga kongresistang binusog niya noon sa pork barrel at sinisilaw ngayon ng pangakong ibabalik niya ang pork barrel sa Kongreso.
Habang mahigpit na magkakaalyado at sumusuporta kay Duterte, may sari-sariling ambisyon at plano sina Arroyo at Marcos para palakasin ang kanilang kapangyarihan sa pulitika. Mayroon silang planong nagtutugma at nagtutunggali. Bagaman sumusuporta kay Duterte, may sariling kapangyarihan si Arroyo. Marami ang naniniwalang may sarili rin siyang imbing mga pakana. Patunay lamang ito ng lalim at tindi ng krisis ng naghaharing sistema. Nakatanim ang binhi ng matinding bangayan sa loob ng bulok na alyansa ng mga kapangyarihang nag-uunahan sa limitadong rekurso at pwesto sa reaksyunaryong estado.
Sa tahasang pagkokonsolida ni Duterte ng alyansa sa mga Marcos at Arroyo, lalo pa siyang nahihiwalay sa mamamayang Pilipino. Lalong lumawak at nakonsolida ang nagkakaisang prenteng anti-Duterte. Hindi limot ng mamamayan ang malulubhang krimen ng korapsyon, pandarambong, ekstrahudisyal na mga pagpatay, pampulitikang panunupil at malawakang abusong militar at pulis na dinanas nila sa ilalim ng diktadurang Marcos at mga rehimeng Arroyo at Duterte. Dahil dito, lalo silang determinado na isulong ang pakikibaka para wakasan ang paghahari ni Duterte at ibagsak ang bulok na alyansang Duterte-Arroyo-Marcos.
Habang minamadali ni Duterte na mairatsada ang kanyang ambisyong maging diktador, tumitindi rin ang paglaban ng mamamayan. Ipinakita nila ito nang puu-puong libo ang nagprotesta sa lansangan sa okasyon ng ikatlong State of the Nation Address ni Duterte noong Hulyo 23. Patunay din nito ang lumalakas na mga pagkilos at paglaban ng mga manggagawa sa buong bansa para isulong ang kanilang hinihinging umento sa sahod at pagwawakas sa kontraktwalisasyon. Ang marahas na pagsupil ng estado sa kanilang paglaban ay hindi magpapatahimik, kundi lalupang magpapatindi sa kanilang determinasyong lumaban.
Sa kanayunan, kabi-kabila ang mga pagkilos ng mga magsasaka at pambansang minorya para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan. Hindi sila nananahimik sa harap ng matitinding operasyong militar at mga abusong militar. Sama-sama silang nagpuprotesta laban sa presensya at pang-aabuso ng mga sundalo sa mga baryo at komunidad.
Sa buong bansa, puspusang isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan ang armadong paglaban. Naglulunsd ang iba’t ibang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng mga taktikal na opensiba at iba pang armadong aksyon. Maging sa Mindanao, kung saan nakakonsentra ang operasyon ng Armed Forces of the Philippines, patuloy na sumusulong ang papalalim at papalawak na pakikidigmang gerilya.
Sa kabila ng pinatinding atake ng rehimeng Duterte, bigo itong abutin ang layuning gapiin ang BHB. Katunayan, itinigil na ng mga upisyal militar nito ang hungkag na pagmamayabang na magagapi nito ang BHB sa katapusan ng taon. Itinigil na rin nila ang katawa-tawang pakanang lokal na usapang pangkapayapaan. Wala silang patunay kundi ang pwersahang iparada ang mga magsasaka at palabasing sila’y mga “surenderi.”
Ang pag-angat ng alyansang Duterte-Arroyo-Marcos ay lalong pumupukaw sa mamamayan na magsulong ng demokratikong rebolusyong bayan at wakasan ang maka-uring diktadura ng malalaking asendero at malalaking burgesyang kumprador. Lalong nahihikayat ang mamamayan na sumapi sa BHB para magsulong ng armadong pakikibaka at itatag ang tunay na demokratikong gubyerno na kakatawan at maglilingkod sa interes ng sambayanan.