Buong-sikhay na biguin ang brutal na Oplan Kapayapaan
Noong 2017, buong pagmamayabang na idineklara ni Rodrigo Duterte at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lubos nilang gagapiin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa 2018 sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Mas ambisyoso ito kumpara sa lubos na nabigong deklarasyong “ipawawalang-saysay ang BHB” sa ilalim ng Oplan Bayanihan (2011-2016) ng nagdaang rehimeng Aquino.
Tulad ng lahat ng nagdaang kontra-rebolusyonaryong digmang pagsupil mula pa sa panahon ni Marcos, mabibigo si Duterte at ang kanyang Oplan Kapayapaan na matamo ang deklaradong ambisyon nito. Ang hangarin ng bayan para sa katarungang panlipunan, tunay na demokrasya at pambansang kalayaan ay hindi masusupil anupaman ang tindi ng armadong brutalidad ni Duterte para ipagtanggol ang interes ng mga mapang-api at mapagsamantala.
Sa desperasyong gapiin ang armadong paglaban ng mamamayang Pilipino, pinatindi ni Duterte ang kontra-rebolusyonaryong gera gamit ang buong armadong makinarya ng estado. Ginagamit ni Duterte at ng AFP ang taktika ng malawakang okupasyon ng mga barangay sa kanayunan at paninindak at pamumwersa sa mamamayan. Layunin nitong supilin ang pakikibaka ng masang magsasaka at mga minoryang mamamayan para sa lupa, bigyang-daan ang interes ng dayong malalaking korporasyon sa pagmimina at mga plantasyon at hadlangan ang paglahok ng masa sa armadong pakikibaka at pagsuporta sa hukbong bayan.
Kaakibat nito, sa mga lugar na pangunahing kinokonsentrahan ng AFP, naglulunsad ang mga yunit nito ng mga operasyong pagdumog o mga “focused military operation” gamit ang higit na nakararaming pwersa laban sa mga yunit ng BHB. May mga operasyong idinidirihe sa antas dibisyon o area command at nagpapakilos ng laking batalyong mga pwersang pangmaniobra para ihiwalay at kubkubin ang yunit o mga yunit ng BHB sa lugar. Gumagamit ng mga drone para sa sarbeylans. Gumagamit ito ng mga helikopter, naghuhulog ng bomba at rocket at nanganganyon para sindakin ang mamamayan.
Sa tangkang sakupin ang lahat ng larangang gerilya at erya na saklaw ng teritoryo o kinikilusan ng rebolusyonaryong kilusan, naghahabol si Duterte na ibayong palakihin ang AFP. Nagbuo ang AFP ng 10 bagong batalyon para sa kabuuang 97 batalyon. Target nitong makapagrekrut ng 15,000 sundalo hanggang katapusan ng taon at ipinang-aakit ang pangakong dagdag na sweldo. Nagkukumahog si Duterte na makakuha ng iba’t ibang makabagong sandata mula sa US at iba pang bansa. Nangungutang siya para makabili ng dagdag na mga baril, bala, helikopter, mga rocket, bomba at iba pang armas.
Sa kabila ng pagpapaigting ng todong-gera, walang ibang kahahantungan si Duterte at ang AFP kundi lubos na pagkabigo sa tangkang supilin ang rebolusyonaryong armadong paglaban.
Batak na batak ang pwersa ng AFP. Nakapakat sa Mindanao ang 75 batalyon, 34 sa mga erya ng Moro at 41 laban sa BHB. Gayon, may 20-25 batalyon lamang ang nakapakat sa Luzon at Visayas na nagbibigay sa BHB sa mga rehiyong ito ng malawak na puwang para makapagmaniobra, makapagpalawak at makapagpalakas.
Maging sa inilulunsad na mga operasyong pagdumog sa ilang rehiyon sa Mindanao, kaya lang ng AFP na magkonsentra ng isang batalyon ng mga tropang pang-maniobra para sakupin ang ilang magkakanugnog na kulumpon ng mga baryo sa loob ng ilang linggo. Ang iba nitong mga tropang pangkombat ay paisa-isang iskwad na ikinakalat sa mga baryo sa saklaw ng mga larangang gerilya ng BHB kung saan bulnerable sila sa anihilasyon ng mga platun ng BHB. Higit na nakararaming baryo ang walang presensya ng AFP—patunay na hindi nila kayang sakupin ang lahat ng baryo sa lahat ng pagkakataon.
Lubha nang napapagod ang mga upisyal at tropa ng AFP sa palipat-lipat at walang-patid na mga operasyon sa larangan na lagi’t lagi namang nabibigo.
Nababangkarote ang gubyerno ni Duterte. Sumirit nang mahigit 30% ang depisito nito sa badyet nitong Enero-Hulyo. Para bumili ng bagong mga armas, lalo nitong inilulubog sa utang ang bansa. Sa usapin ng pondo at pulitika, hindi nito kayang araw-araw na manganyon o paliparin ang mga helikopter para maghulog ng bomba. Dagdag dito, batbat ng korapsyon ang militar. Nag-iimbento ng listahan ng mga “surrenderee” ang mga upisyal para maibulsa ang pondo para sa “integrasyon.” Kinakaltasan nila maging ang pondo para sa operasyon ng kanilang mga tropa.
Sa estratehikong pananaw, walang saysay ang paggamit ni Duterte at ng AFP ng modernong mga sandata. Hindi kaya ng mga bomba at rocket na patagin ang mga bundok ni gapiin mga yunit ng BHB na bihasa sa paggamit ng mga taktikang gerilya at tumatamasa ng malalim at malawak na suporta ng masa.
Mabibigo si Duterte sa ambisyon niyang gapiin ang BHB dahil lubha siyang nahihiwalay sa mamamayang Pilipino. Habang lalong nagiging malupit at brutal ang armadong panunupil, lalo rin niyang inuupat ang mamamayan na magsandata at lumaban. Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, kaliwa’t kanan ang mga paglabag sa karapatang-tao. Araw-araw ay libu-libong mamamayan ang sinisindak, pinupwersa at pinagbabantaan ng mga pasistang sundalo na sumasakop sa kanilang mga barangay.
Inaabuso ng mga upisyal ng AFP ang kanilang kapangyarihan sa arbitraryong pagbubuo ng listahan ng mga taong kailangang magpa-“clear” at pamimilit sa kanila na “sumurender” kahit pa walang ebidensya na sila’y mga kasapi ng BHB. Walang pormal na kasong isinasampa sa korte. Marami ang nilinlinlang na dumalo sa mga pagtitipon para diumano mamigay ng pondo o serbisyo na kalaunan ay palalabasin sa midya na mga “NPA surrenderee.”
Lagpas nang kalahating taon, wala pang maipakitang mayor na tagumpay ang AFP sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Ang tanging ipinagmamalaki ng AFP ay ang sinasabi nitong mahigit 4,000 “sumurender” na katunaya’y mga biktima ng walang-habas na paninindak at pandarahas ng AFP. Maya’t maya na idinideklara ng militar ang mga “development ready area” pero paulit-ulit namang napasisinungalingan ng inilulunsad na taktikal na opensiba ng BHB sa lugar.
Katunayan, tuluy-tuloy na nakapaglulunsad ang BHB ng paparaming mga taktikal na opensiba. Kabilang dito ang mga inilulunsad kamakailan lamang ng BHB sa Luzon at Visayas tulad ng sa Ilocos Sur, Isabela, Mt. Province, Rizal, Quezon, Batangas, Albay, Masbate, Northern Samar, Capiz at Iloilo.
Sa kabila ng pagpakat ng halos 50% ng tropa nito laban sa BHB sa Mindanao, patuloy na nakapaglulunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba at iba pang aksyon sa limang rehiyon nito sa Mindanao. Patuloy nitong ipinatutupad ang mga batas at patakaran ng demokratikong gubyernong bayan sa usapin ng ekonomya, kapaligiran at iba pa.
Sa darating na mga buwan, ang papadalas at papalaking mga taktikal na opensiba ng BHB sa buong bansa ay tiyak na lalong magbabatak sa mga pwersa ng AFP.
Sa pangunguna ng Partido, lubos-lubos na bibiguin ng BHB ang Oplan Kapayapaan ni Duterte ngayong taon. Magagawa ito ng BHB sa pamamagitan ng pagtalima sa linya ng malaganap at maigting na pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa.
Dapat magpunyagi at maging handa sa hirap at sakripisyo ang lahat ng Pulang kumander at mandirigma ng BHB sa harap ng kontra-rebolusyonaryong brutalidad ng gera ni Duterte. Dapat laging mataas ang diwang mapanlaban upang hadlangan ang imbing pakana ng kaaway sa lahat ng yugto, panahon at pagkakataon.
Puspusang palakasin ang Partido sa loob at lahat ng antas ng BHB. Dapat mahigpit na pamunuan ng Partido ang BHB sa lahatang-panig na paggampan nito ng mga gawain sa militar at pulitika. Ibayong palakasin ang BHB. Tuluy-tuloy na magrekrut at magsanay ng bagong mga Pulang mandirigma.
Sa lahat ng pagkakataon ay kunin ang inisyatiba at biguin ang mga opensiba ng kaaway. Patuloy na paunlarin ang pagkadalubhasa sa paglapat ng mga taktikang gerilya, pagkokonsentra at pagkakalat, mabilisang paglilipat-lipat, paggamit ng panlalansi upang pasuntukin sa hangin ang kaaway at birahin ang maninipis na nakakalat nitong mga pwersa.
Puspusang subaybayan at pag-aralan ang mga planong opensiba ng kaaway sa antas dibisyon at brigada. Mahigpit na buuin ang mga taktika, plano at koordinasyon sa antas rehiyon at subrehiyon. Dapat mahigpit na tuparin ng lahat ng yunit ng BHB ang mga tungkulin nila sa balangkas ng kabuuang plano.
Ilunsad ang mga taktikal na opensiba sa buong bansa na may wastong balanse ng mga punitibo at anihilatbong mga operasyon. Bigyang-pansin ang mga opensibang may layuning makasamsam ng armas mula sa kaaway.
Dapat mapangahas na pukawin, organisahin at pakilusin ng BHB ang milyun-milyong masang magsasaka at mga minoryang mamamayan at paigtingin ang mga antipyudal at iba pang pang-ekonomyang pakikibaka na paunlarin ang kabuhayan laluna sa harap ng krisis. Itaas ang kanilang anti-imperyalistang kamulatan sa pamamagitan ng paglalantad sa interes ng malalaking kapitalistang dayuhan na yumuyurak sa kanilang kagalingan. Aktibong pakilusin ang masang magsasaka para lumahok sa digmang bayan.
Buong-sikhay na isulong ang mga pakikibakang anti-pasista. Sa kanayunan, matatag na labanan ang okupasyon ng militar sa mga komunidad. Tutulan ang kampanya ng paninindak, pananakot at pamimilit sa masang magsasaka na “sumuko.” Sama-samang kumilos laban sa “surrender list” ng AFP na katunaya’y listahan ng target ng pagsupil o likidasyon ng AFP, bagay na labag sa itinatadhana ng internasyunal na batas na nagbibigay-proteksyon sa mga sibilyan, at iligal maging sa ilalim ng reaksyunaryong batas. Sikaping lalong masiglang isulong ang mga pakikibakang pang-ekonomiko sa panahon ng militarisasyon, igiit ang lehitimong mga kahilingan at ikawing sa anti-pasistang paglaban.
Sa kalunsuran, kasabay ng pagsusulong ng pakikibakang demokratiko ng iba’t ibang sektor, aktibong ilantad ang pasistang pananalasa ng AFP sa kanayunan, laluna ang armadong panunupil at paghihigpit laban sa mga sibilyan. Paalingawngawin ang sigaw para wakasan ang batas militar sa Mindanao at paghaharing militar sa buong bansa.
Ipakitang wasto at makatwiran ang armadong paglaban ng masa para ipagtanggol ang kanilang lupa at isulong ang kanilang kagalingan. Lalo pang pabilisin ang pagrerekrut ng mga manggagawa sa BHB, gayundin ng mga estudyante, iba pang mga intelektwal at demokratikong sektor.
Ibayong palaparin ang pagkakaisa laban sa pasismo at tiraniya ni Duterte. Pakilusin ang buong bayan para ibagsak ang kanyang rehimen.