Abogado ng Sagay 9, pinaslang

,

Isa sa mga abogado na tumutulong sa pagkamit ng hustisya sa masaker na naganap kamakailan sa Sagay City, Negros Occidental, ang pinagbabaril at pinatay bandang 10:50 ng gabi noong Nobyembre 6.

Binaril ng mga di-nakilalang lalaki at nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan si Atty. Benjamin Ramos, secretary general ng National Union of People’s Lawyers (NUPL)-Negros, sa harap ng isang tindahan sa Barangay 5, Kabankalan City, Negros Occidental. Patay na siya nang dalhin sa kalapit na Holy Mercy Hospital sa nasabing syudad.

Ayon sa NUPL, si Ramos ang ika-34 na abogadong pinatay sa ilalim ng rehimeng Duterte. Isa siya sa unang sumaklolo sa mga biktima ng minasaker na magsasaka sa Hacienda Nene, Sagay City.

Isa rin siya sa mga tagapagtatag ng NUPL at nagsilbing abogado sa maraming magsasaka at mga kasapi ng iba’t ibang progresibong organisasyon. Tumayo siyang abogado para sa “Mabinay 6,” na inakusahang dawit sa isang engkwentro sa pagitan ng AFP at BHB noong Marso.

Bago ang pagpatay kay Ramos, kabilang na siya sa inilabas na listahan ng pulisya na protektor umano ng mga rebelde at mga tulak ng droga. Bahagi ito ng kampanyang paninira ng estado sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.

Samantala, isa pa sa mga tumatayong abogado ng Sagay 9, si Atty. Katherine Panguban, ang kinasuhan ng gawa-gawang kaso ng kidnapping sa isang 14-taong gulang na bata na nakaligtas sa masaker.

Pagpatay. Walang awang pinaslang ng lokal na grupong paramilitar na Dios Uno ang dalawang magsasaka sa Sityo Canggabok, Barangay Nagbinlod, Sta. Catalina, Negros Oriental. Sakay ng motorsiklo sina Apollonio Diosana at Temestokles Seit Jr. nang harangin at pagbabarilin sila ng mga myembro ng grupo. Ang Dios Uno ay binuo ng PNP-Sta. Catalina upang tumulong sa kanilang kampanyang “kontra-insurhensya.”

Binaril at pinatay ng mga di-nakilalang lalaki si Danny Boy Bautista, 31, kasapi ng Nagkahiusang mga Mag-uuma sa Suyapa Farms (NAMASUFA) sa Compostela Public Market sa Compostela Valley noong Oktubre 31.

Si Bautista ay aktibong kasapi ng NAMASUFA at kalahok sa nagpapatuloy na welga ng mga manggagawa ng Sumitomo Fruits Corp. (Sumifru) Philippines para igiit na itigil ang kontraktwalisasyon.
Pamamaril. Bandang alas-7 ng umaga noong Nobyembre 5, pinagbabaril ng mga gwardya ng panginoong maylupa si Aboy Mandaget, 10-taong gulang na batang Lumad, sa Barangay Kawayan, San Fernando, Bukidnon.

Ayon sa Kalumbay Regional Lumad Organization, biglang dumagsa ang 20 armadong gwardya sa lupang binubungkal ng mga Lumad para pagtamnan ng palay. Nagsimulang sirain ng mga gwardya ang mga pananim, kaya nagbarikada ang mga Lumad sa kanilang taniman. Agad silang pinaputukan ng mga gwardya. Ayon sa mga saksi, isang kinilalang “Totung” ang bumaril kay Mandaget sa paa. Agad na dinala ang bata sa ospital.

Panggigipit. Tuluyan nang pinaalis sa bansa si Sr. Patricia Fox, isang madreng Australyano na pinuntirya ni Rodrigo Duterte dahil sa matatag na pagpanig niya sa inaapi at pinagsasamantalahan ng rehimeng US-Duterte.

Gabi ng Nobyembre 3 nang tuluyan nang lisanin ni Fox, 71, ang Pilipinas kung saan naglingkod siya ng halos tatlong dekada sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, at maralitang lunsod. Ito ay matapos mapaso ang kanyang visa, na ginawang “travel visa” mula sa pagiging “missionary visa” ng Bureau of Immigration bilang pagsunod sa atas ni Duterte.

Bukod kay Fox, pinigilan din ng rehimeng Duterte ang pagpasok sa bansa ng isang kilalang Italyanong kritiko, si Giacomo Filibeck, at isa pang Australyano, si Gill Hale Boehringer, ngayong taon. Bahagi ito ng kampanya ng rehimen laban sa mga kritiko nito, Pilipino man o banyaga.

Noong Oktubre 25 naman, nakatanggap ng sulat ang Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. ng Talaingod, Davao del Norte mula sa bayarang mga datu at paramilitar na Alamara na nag-uutos sa mga guro at mag-aaral na lisanin ang 19 na paaralang Lumad. Ginagamit nila si Datu Guibang na kasalukuyang hawak ng AFP para takutin ang mga pamilyang Lumad sa erya. Nagbanta rin ang mga elemento ng militar na aarestuhin si Datu Doloman Dausay, kilalang lider sa kanilang komunidad.

Patuloy naman ang pagbuhos ng pwersa ng pulisya sa Light Industry and Science Park (LISP) 2 sa Calamba City, Laguna upang gipitin at dahasin ang mga nagpipiket na manggagawa ng SMT-Philippines. Halos 40 araw na silang nagpuprotesta sa harap ng pabrika.

Makailang ulit nang hinaharangan ng pulisya at mga gwardya ng LISP 2 ang suportang pagkain at gamit para sa mga manggagawa.

Itinayo ng mga mangagawa ang kanilang ang piket matapos biglang isinara ang pabrika sa Calamba City noong Oktubre 1 habang nakikipagnegosasyon sila sa maneydsment ng kumpanya. Ang biglaang pagsara ay hindi dahil sa nalulugi na ang kumpanya kundi para iwasan ang negosasyon sa unyon. Ang SMT-Philippines ay kilalang suplayer ng Epson at Toshiba.

Pagdukot. Sa Compostela Valley, dinukot ng mga elemento ng 71st IB si Imelda Hayahay, 53, noong Oktubre 15 mula sa kanyang bahay sa Purok 1, Star Apple, Barangay Pindasan, Mabini. Myembro si Hayahay ng Hugpong sa mga Mag-uuma sa Walog Compostela. Patuloy ding dinarahas ang kanyang mga kapamilya. Ang anak niyang si Jeanyrose, guro ng STTICLCI, ay pilit na pinasusuko bilang Pulang mandirigma kapalit ng kanyang paglaya.

Ilang araw matapos ang pagdukot kay Hayahay, natagpuang patay sa kanyang sakahan sa Barangay LS Sarmiento, Laak sa parehong prubinsya si Leonardo Mision, 62, kasapi ng Nagkahiusang Mag-uuma ug Lumad sa Laak.

Demolisyon. Sa pagpasok ng Nobyembre, muli nang sinimulan ang demolisyon sa Sityo San Roque sa Quezon City.

Sa kasagsagan pa ng bagyo noong Oktubre 30, sinimulang baklasin ng mga tauhan ng National Housing Authority (NHA) ang mga bahay ng halos 100 pamilya.

Una nang nangako ang NHA na bibigyan ng P30,000 danyos ang mga pamilyang kusang magsasagawa ng demolisyon ng kanilang bahay. Gayunman, binawi ng ahensya ang nasabing pangako at agad na sinimulan ang pagbaklas sa mga bahay.

Bahagi ang lupang kinatatayuan ng Sityo San Roque ng Quezon City Central Business District, at ilang taon nang paulit-ulit na nagsagawa ng demolisyon sa lugar. Ang ilang bahagi ng lupang pwersahang kinamkam sa dating mga residente ay kinatatayuan na ngayon ng mga condominium at mall.

Magpapatuloy ang serye ng demolisyon hanggang sa ikalawang linggo ng Disyembre para gibain ang natitirang 300 bahay sa lugar.

Abogado ng Sagay 9, pinaslang