Pinakamalalaking kasinungalingan ni Duterte

,
  1. “Gera kontra-droga”

“Ayaw ko ng droga,” deklarasyon ni Duterte. Pero ang totoo, si Duterte mismo ngayon ang pinakapanginoon ng lahat ng sindikato sa droga. Kumpadre niya ang isa sa pinakamalaking druglord, si Peter Lim. Mahigit 20,000 na ang pinatay ng kanyang mga pulis at death squad, kabilang ang sinasabing pinuno ng sindikato sa Visayas (Espinosa) at Mindanao (Parojinog). Ginamit niya ang “gera kontra-droga” upang paluhurin ang mga sindikato. Tinarget ni Duterte ang mga lokal na gumagawa ng shabu at kinontrol ang ismagling nito. Nabunyag na noong Mayo 2017, sangkot ang kanyang anak (Vice Mayor Pulong Duterte ng Davao City) at manugang (Mans Carpio, asawa ni Sara) sa pagpasok ng mahigit P6 bilyong halaga ng shabu mula China. Tinataya namang 1.6 tonelada o P11 bilyong shabu ang nakapasok sa bansa nitong Hunyo. Sa halip na sisantehin, ginantimpalaan pa ng mas mataas na pusisyon sa gubyerno si Isidro Lapeña, ang pinuno ng Bureau of Customs na “nalusutan” ng shabu. Sa halip na ikulong sa Bilibid, ang naunang “nalusutang” hepe ng Customs na si Nicanor Faeldon ay hinirang pang pinuno nito.

 

2. Pagkubkob sa Marawi

Limang buwang binomba ni Duterte ang Marawi City noong Mayo-Oktubre 2017 para diumano pulbusin ang grupong Maute. Ito ay sa kabila ng alok ng mga lider Moro at relihiyoso na mamagitan at idaan sa usapan ang pagresolba sa armadong pag-aalsa. Ang totoo, pinulbos ni Duterte ang syudad para tiyaking wala nang mababalikan ang mga residente, dambungin ang kanilang mga ari-arian at kopohin ang mga bentahe sa rekonstruksyon nito. Nag-unahan ang mga nagriribalang burgesyang komprador sa pinakamalalaking kontrata. Nabunyag dito ang anomalya na kabilang sa mga nakakuha ng pinakamatabang kontrata ang pamilya ni Bong Go, personal na alipures ni Duterte. Nito na lamang Oktubre 31 natuloy ang “groundbreaking” o pormal na pagbubukas sa Marawi City para sa malalaking dayuhan at lokal na kapitalista matapos ang halos isang taong negosasyon ng kanilang mga kumpanya sa pangkating Duterte. Subalit mahigit 214,000 residente pa ng Marawi ang hindi pa pinahihintulutang makauwi. Samantala, sinimulan nang itayo ang isang kampong militar sa sentro mismo ng syudad, sakop ang dating komersyal at residensyal na mga pook.

3. Boracay

Sa ngalan ng “paglinis” sa Boracay, ipinasara ni Duterte ang isla at ipinataw ang ala-batas militar na kapangyarihan ng militar at pulis para palayasin ang maliliit na negosyo at mga residente nito upang bigyang daan ang pinapaburan niyang negosyante. Kabilang dito ang konstruksyon ng isang casino ng isang negosyanteng Chinese at pabahay ng pamilyang Villar. Para takpan ang sunud-sunod na pagsingaw ng mga anomalya, ipinagmayabang ni Duterte na “ipapamahagi” niya ang buong isla sa mga katutubo rito. Noong Oktubre 24, wala pang walong ektaryang lupain ang diumano’y naipamahagi sa 44 pamilyang Ati.

Noong Oktubre 26, muling “binuksan” ni Duterte ang isla ng Boracay matapos ang anim na buwang “paglilinis” dito. Noon namang Oktubre 31, naging malinaw ang gamit-militar ng isla nang ianunsyo ng Philippine Coastguard ang konstruksyon ng isang P30 milyong radar sa Mt. Luho, Barangay Balabag para pigilan diumano ang pagpasok ng mga terorista sa isla. Ang totoo, ang naturang radar ay bahagi ng sistema ng mga radar na ipinagkaloob ng Japan sa Pilipinas para bantayan ang Sulu Sea at Pacific Ocean. Dudugtong ang sistemang ito sa dati nang inilatag na sistema ng mga radar ng US mula Sulu Sea at Palawan para tapatan ang militarisasyon ng China sa karagatan ng Pilipinas at South China Sea.

4. Astang anti-US at maka-independyenteng patakarang panlabas

“Iiwan ko na ang US,” proklamasyon ni Duterte sa harap ng mga upisyal at negosyante ng China noong 2016. Noon pa man, ang hambog na ito ay nakabalangkas sa pagkopo ng mas malaking pondo para sa AFP at sarili niyang engrandeng mga plano. “Pera-pera lang,” ang mas maaga pa niyang pahayag.

Ang totoo, naghahabol si Duterte sa US ng mas makabagong mga kagamitang militar tulad ng ipinangako niya sa AFP. Hindi magtatagal, sa pag-upo ng tulad niyang ultra-Kanang President Trump ng US, muli niyang pagtitibayin ang “habampanahong pakikipagkaibigan” ng neokolonyang Pilipinas sa imperyalistang US. Ang “gera sa Marawi” ay pinalabas ni Duterte na paglaban sa “kontra-terorismo” para salaminin ang hungkag na gera ng US, bigyang-daan ang panghihimasok ng militar nito at makakuha ng bagong mga armas mula sa dambuhalang pondo nito para sa “overseas contingency operations.” Kalaunan, itinatag ng US ang Operation Pacific Eagle-Philippines para payungan ang papatinding interbensyong militar nito sa bansa at papalaking presensya ng mga tropa nito sa loob at kalapit na mga teritoryo ng Pilipinas. Idedeklara ni Duterte na “terorista” ang PKP at BHB bilang pagsunod sa kumpas ng US at kunin ang ayuda ng US sa kontra-gerilyang gera ng AFP.

Lumikha ng malaking ingay si Duterte na isusulong ang nagsasariling patakarang panlabas. Isa itong malaking panabing sa pagtatraydor sa pambansang kasarinlan ng bansa. Pagsasaad lamang ito ng kahandaang maging sunud-sunuran sa iba pang imperyalistang kapangyarihan. Partikular na nangangayupapa si Duterte sa China para makuha ang inaasam-asam niyang bilyun-bilyong dolyar na pautang na mataas ang interes kapalit ng pagbabalewala niya sa tagumpay ng bansa sa Arbitral Tribunal na kumilala sa karapatan ng Pilipinas sa mga isla at ibang pormasyong kalupaan sa South China Sea. Pumasok siya sa kasunduan para sa Joint Exploration na nagsuko ng ekslusibong karapatan ng Pilipinas sa yamang dagat, langis at iba pang mineral sa teritoryong karagatan ng bansa.

5. Kontra korapsyon

“Kahit isang piso, wala akong ninakaw sa gubyerno.” Ito ang laging ipinagmamalaki ni Duterte para sabihing walang korapsyon sa kanyang rehimen. Ito ay sa kabila ng pagkakalantad ng daan-daang milyon sa mga bank account na hawak niya at kanyang anak na si Sara. Kahit ang kanyang yabang na siya’y isang “simpleng tao” lamang ay matagal nang natabunan ng luho at grandyosong mga bakasyon, palabas at piging ng kanyang mga pamilya.

Higit dito, walang saysay ang kanyang pangakong magsisisante siya ng libu-libong upisyal ng gubyerno kung makakaamoy siya ng “anumang bahid” ng korapsyon. Sa ngalan ng kampanyang ito, sinipa niya sa pwesto ang mga tauhan ng dating rehimeng Aquino para ipwesto ang sarili niyang mga alipures. Nagsalit-salitan sa pwesto ang pinakapinaboran niyang kamag-anak, kaibigan at kaalyado. Walang kinasuhan sa mga sinisante niyang mga upisyal, at ilan pa sa kanila ay inilagay sa mas matataas na pwesto.

6. “Mass surrender”

Lampas 4,000 na raw na Pulang mandirigma ng BHB ang “sumurender” at “nagbalik-loob” na sa reaksyunaryong estado mula 2017. Bahagi ito ng taktikang saywar ng militar para palabasing humihina na ang armadong rebolusyonaryong kilusan. Lampas-lampas ang bilang na ito kung ibabatay sa sariling kwenta ng AFP, na sa simula ng 2018 ay nagsabing “nasa 3,600” na lamang diumano ang kasapi ng BHB. Ang totoo, ang malaking mayorya ng sinasabing “sumurender” ay mga sibilyan na nilinlang, tinakot at ginipit ng AFP. Marami sa kanila ay inoobligang “sumurender” para “linisin” ang kanilang mga pangalan sa kabila nang walang kaso o ebidensya laban sa kanila. Maraming kaso na ang mga tao ay tinipon para bigyan diumano ng ayuda, at nagugulat na lamang na sila pala ay pinalalabas na “sumurender.”

7. Red October

Sala-salabat ding kwento ang pinagsimulan ni Duterte at mga upisyal ng AFP kaugnay sa pakana diumano ng PKP na Red October, ang pinakahuli nilang tangka para bigyan-katwiran ang pag-arangkada ng panggigipit sa lehitimong organisasyon at alyansa at kanilang mga kilos-protesta. Dahil sa tindi ng kahungkagan nito, napilitan ang AFP na ideklara itong “bigo” bago pa man nagtapos ang Oktubre. Ang totoo, bigo itong likhain ang anti-komunistang isterya sa loob ng mga paaralan, pabrika at komunidad, gayundin sa publiko sa pangkalahatan, na inasahan nitong magagamit na sangkalan para sa masisidhi pang pasistang pakana. Anumang malisyosong pag-uugnay ng mga welga, bungkalan, protesta at iba pang pagkilos sa Red October ay mabilis na nahubaran bilang tangkang gawing iligal ang naturang mga aktibidad at gawing ligal ang armadong pananalakay sa mga lumalahok dito. Ginagamit din ito ng rehimen para tabunan ang pananagutan nito sa kahindik-hindik na mga krimen, tulad ng pagmasaker sa siyam na magsasaka sa Sagay City.

Pinakamalalaking kasinungalingan ni Duterte