18, iligal na inaresto sa Talaingod
Dinakip at sinampahan ng gawa-gawang kasong kidnapping at human trafficking sa Tagum City noong Nobyembre 29 ang 18 mga lider-masa at aktibista sa pangunguna ni dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at ACT Teachers Party Rep. France Castro. Isang araw bago nito, hinarang, ininteroga at arbitraryong idinetine ng mga elemento ng pulis, 56th IB at ng Municipal Social Work and Development Office sina Ocampo, Castro at 77 iba pang delegado ng National Humanitarian Mission (NHM) at mga bakwit na kanilang sinaklolohan sa Talaingod, Davao del Norte.
Noong Nobyembre 28, naiulat na sapilitang kinandado ng mga elemento ng paramilitar na Alamara ang kampus ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanugon Community Learning Center, Inc. (STTICLCI) sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil. Pinagbantaan din ng Alamara at 56th IB ang mga residente at nagpatupad ng blokeyo sa pagkain. Dahil sa patuloy na panggigipit ng militar, natulak kinagabihan na magbakwit ang mga residente, estudyante at guro. Nang hindi nakapaghapunan, naglakad sila nang mahigit tatlong oras palayo sa komunidad para salubungin ang mga delegado ng NHM.
Naiulat ng mga delegado na dalawang beses na hinarang ng 56th IB ang kanilang komboy—sa Sityo Igang dakong alas-8 ng gabi para diumano papirmahin sila sa isang “attendance sheet;” at sa Sityo Upaw dakong alas-9:20 kung saan sila binato, dalawang beses na pinaputukan ng baril at binutas ang mga gulong ng sasakyan gamit ang pako.
Matapos nito, dakong alas-9:30, dinala at sinimulang idetine ang 79 delegado at bakwit sa Talaingod Police Station. Kabilang sa mga idinetine ang 29 estudyante at 12 guro ng STTICLCI.
Sa kaugnay na balita, nagprotesta ang iba’t ibang progresibong grupo sa harap ng Camp Crame noong Disyembre 3 at sa Boy Scout Circle, Quezon City noong Nobyembre 30 para kondenahin ang iligal na pag-aresto sa Talaingod 18 at ipanawagan na agad silang palayain.
Pansamantalang pinalaya ng Tagum Regional Trial Court ang 18 noong Disyembre 1 matapos magbayad nang pyansang P1.44 milyon (P80,000 kada isa).
Samantala, tuluy-tuloy ang pandarahas ng pasistang tropa sa mga progresibo, kanilang mga pamilya at tagasuporta.
Noong Nobyembre 23, pinagbabaril ng walong di nakilalang lalaki ang mga kasapi ng Nagkahiusang Mag-uuma sa Agusan del Sur (NAMASUR) na sina Datu Walter España, tagapangulo nito, Rommel Romon at isa pa nilang kasamahan sa Sityo Cantagan, Barangay Lucac, San Francisco noong Nobyembre 23. Nagtamo ng tatlong tama ng bala si Romon na agad niyang ikinamatay. Agad na isinugod sa ospital si España at kasalukuyan pang nasa kritikal na kalagayan dahil sa mga tama ng bala sa dibdib, tiyan, paa at baywang. Samantala, nakaligtas ang isa nilang kasamahan. Ang NAMASUR ay aktibong tumututol sa pagpapalawak ng mga plantasyong oil palm ng Davao San Francisco Agricultural Ventures Inc. Bago nito, una nang ginipit at nakatanggap ng banta sa buhay si España.
Noong Nobyembre 27, binaril ng dalawang pinaghihinalaang ahente ng 29th IB si Linus Cubol, dating tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno-Caraga at rehiyunal na koordinador ng Anakpawis, sa harap ng kanyang tindahan sa Santiago, Agusan del Norte. Nagtamo ng limang tama ng bala ang biktima na agad niyang ikinamatay. Bago ang insidente, walang puknat ang panggigipit at pagbabanta ng 29th IB kay Cubol. Ilang beses din siyang ininteroga dahil lamang sa paglahok sa mga aktibidad ng mga progresibong grupo.
Maaalalang noong Nobyembre 27 upisyal na ipinahayag ni Rodrigo Duterte ang pagpakawala ng isang “death squad” laban diumano sa mga kasapi at gustong sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.
Samantala, apat na guro ang dinukot at iligal na idinetine ng 51st at 81st IB sa Lanao del Sur. Natuklasan noong Nobyembre 27 na nasa kustodiya ng militar ang apat na gurong boluntir ng Rural Missionaries of the Philippines-Northern Mindanao na dinukot ng mga tropa ng nasabing mga yunit noong umaga ng Nobyembre 12 habang nagtuturo sa paaralan ng Sityo Babalayan, Barangay Durongan, Tagoloan 2, Lanao del Sur. Kinilala ang mga biktima na sina Tema Namatidong, 28, Julius Torregosa, 30, Ariel Barluado, 22, at Giovanni Solomon, 20.
Kinumprima ni Cpl. Rico Ordaneza ng 103rd IBde na kasalukuyang nakadetine at iniimbestigahan ang mga guro dahil namataan umano silang kasama si Sultan Jamla, na may mandamyento de aresto para sa iba’t ibang kasong kriminal. Bago nito, nagpakalat ang mga sundalo ng pekeng balita na dinala ang biktima sa Marawi City para lituhin ang mga naghahanap sa kanila.
Kasabay nito, limang estudyante ng Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. (MISFI) ang tinortyur ng mga tropa ng 19th IB noong Nobyembre 18 sa Magpet, North Cotabato. Ininteroga ng mga sundalo ang mga estudyante tungkol sa lokasyon ng mga myembro ng MISFI, at nang bigong makasagot ay binugbog, pilit na pinaluhod sa lupa at pinagbantaang papatayin.
Kahit ang mga kamag-anak ng mga progresibo ay di ligtas sa pasismo. Noong Nobyembre 24, tinortyur ng siyam na myembro ng 65th IB na nakabase sa Opol, Misamis Oriental ang buong mag-anak ni Joseph Paborada. Si Paborada ay tagapangulo ng Pangalasag, isang lokal na organisasyong Lumad at kasapi ng Kalumbay Regional Lumad Organization, mga organisasyong aktibong nagtatanggol sa lupang ninuno.
Dakong alas-9 ng gabi nang sapilitang pasukin ng mga sundalo ang bahay ni Paborada at bugbugin siya at ang kanyang asawa at tatlong anak. Dalawang beses ring nagpaputok ng baril ang isang sundalo at pinagbantaan si Paborada na papatayin pati ang isa sa kanyang mga anak.
Sa Compostela Valley, dalawang beses na sinalakay ng di kilalang mga lalaki ang mag-anak ni Paul John Dizon, tagapangulo ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farms (NAMASUFA) noong Nobyembre 30. Napigilan nila ang unang atake dakong alas-12 ng hatinggabi kung saan tinangkang silaban ang kanilang bahay. Bumalik ang mga lalaki dakong alas-1:30 ng umaga at pinaulanan ng bala ang bahay. Kasalukuyang nakakampo ang mga kasapi ng NAMASUFA sa Maynila para labanan ang kontraktwalisasyon at batas militar sa Mindanao. (Basahin ang kaugnay na artikulo sa pahina 8.)