Mag-asawang Casambre, iligal na inaresto

,

Iligal na inaresto ng mga operatiba ng militar at pulis ang mag-asawang Rey Claro at Corazon Casambre sa Cavite noong hatinggabi ng Disyembre 6. Si Rey Casambre ay konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Tahasag nilabag ng pag-aresto ang kanyang karapatan sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees sa pagitan ng GRP at NDFP.

Para bigyang katwiran ang pag-aresto, walang kahiya-hiyang tinamnan ng mga operatiba ng PNP ng mga baril at bomba ang sasakyan ng mag-asawa at sinampahan ng malinaw na mga gawa-gawang kasong pagpatay at tangkang pagpatay sa Davao Oriental. Pang-apat nang konsultant ng NDFP si Casambre na iligal na inaresto at idinitine ng rehimeng US-Duterte.

Ang sunud-sunod na pag-aresto sa mga konsultant ng NDFP ay bahagi ng pasistang paninikil at de facto batas militar ng rehimen para supilin at busalan ang mga demokratikong grupo at pwersang oposisyon sa imbing layunin nito na patahimikin ang mamamayang Pilipino at paluhurin sila sa kanyang tiranikong paghahari.

Ang pag-aresto kay Casambre, na kabilang sa mga pinangalanang terorista ng rehimen sa kasong proskripsyon laban sa PKP at BHB na isinumite nito sa reaksyunaryong korte, ay bahagi ng kampanyang panunupil na nakabalangkas sa National Internal Security Plan ni Duterte na naglalayong durugin ang rebolusyonaryong armadong kilusan at mga pakikibakang masa upang mamanipula ang resulta ng eleksyong 2019 at itulak ang kan­yang iskema na magtatag ng isang pasistang diktadura.

Mag-asawang Casambre, iligal na inaresto