Batas militar sa Mindanao, muling pinalawig

,

 

Sa ikatlong pagkakataon, muling pinalawig ng isang taon ang implementasyon ng batas militar sa buong isla ng Mindanao matapos aprubahan ng Joint Session ng House of Representatives at Senado noong Disyembre 12 ang hiling na ito ni Rodrigo Duterte.

Sa botong 223-23 sa House of Representatives at 12-5 sa Senado habang may isang nag-abstain, pinahintulutang muli ng Kongreso ang madugong paghahari ng militar sa Mindanao.

Sinalubong ito ng protesta ng mga progresibong grupo mula sa Mindanao at mga taga-suporta sa pangunguna ng Bayan. Habang isinasagawa ang joint session ay nagprograma sa labas ng Batasan Pambansa ang mismong mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa Mindanao. Naglunsad din ang mga manggagawa ng Sumifru ng isang simbolikong die-in protest para ipakita ang daan-daang biktima ng paghaharing militar.

Isang pagkilos din ang isinagawa ng mga mga kabataan at manggagawa ng Sumifru sa Liwasang Bonifacio, Lawton, Manila kinagabihan.

Sa absolutong pamamahala ng militar sa burukrasyang sibil, lalong titindi ang mga paglabag sa karapatang-tao ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Gagamitin din ito ng AFP at PNP para paupuin ang mga tuta nito sa eleksyong Mayo 2019.

Gayundin ngayong Disyembre, sa kabila ng mga tradisyunal na pagdiriwang ay walang-ampat at pinatindi ang paglulunsad ng mga operasyong dumog ng AFP sa mga rehiyon ng Mindanao. Hinahalihaw nito ang mga komunidad at baryo para i-sabotahe ang mga pagdiriwang ng Bagong Hukbong Bayan sa ika-50 anibersaryo ng Partido. Ito ay sa kabila ng pagdedeklara ng Partido Komunista ng Pilipinas ng isang tigil-putukan sa mga tradisyunal na araw ng pagdiriwang.

Batas militar sa Mindanao, muling pinalawig