Todo-operasyon ng AFP sa Northern Mindanao, salot sa mamamayan

,

 

Inambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bukidnon ang mga sundalo ng 8th IB noong alas-2 ng umaga ng Disyembre 20 sa Sityo Nasandigan, Barangay Kalabugao, Impasug-ong, Bukidnon.

Tatlo ang napatay at dalawa ang nasugatan sa mga sundalong palabas na mula sa operasyon.

Ang yunit na inambus ay bahagi ng todo-operasyon at walang-ampat na pambobomba na isinasagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga hangganan ng mga prubinsya ng
Misamis Oriental, Bukidnon at Agusan del Sur mula pa noong unang linggo ng Disyembre. Bahagi ito ng pagtatangka ng AFP na pigilan ang mga paghahanda para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa mga komunidad nito.

Maliban sa 8th IB, pinakilos rin ng rehimeng US-Duterte ang mahigit 400 tropa mula sa 58th IB, Charlie Company ng 4th ID, 4th Division Reconnaisance Company (DRC), Scout Rangers, Special Action Forces ng Philippine National Police at mga yunit ng CAFGU. Mula Disyembre 2-14, hindi bababa sa 43 siksbay na trak ang naghakot ng mga sundalo patungong battle zone. Halos araw-araw ay nagsagawa ng panganganyon ng 105 howitzer habang naghuhulog ng mga bomba ang mga MD-520 attack helicopter. Nagdulot ang mga ito ng matinding takot sa mga residenteng sibilyan sa lugar.

Hinahalihaw ng militar ang nasabing lugar para itulak ang Kalabugao Plains Peace and Development Convergence Program (KP-PDCP). Sa katunayan, nag-umpisa na noon pang 2016 ang mga paghahanda para sa proyektong ito na ipinadaan sa mga ahensya ng gubyerno ayon mismo sa ulat ng mga nagawa ng Technical Working Group.

Pinangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government ang pagpapaunlad ng sistemang patubig, konstruksyon ng spillway, at pagsasaayos ng daanan sa Barangay. Bulonay tungong Pulangui River.

Samantala, ang National Commission on Indigenous Peoples ang nanguna sa pagtatakda ng mga hangganan at pagsasa-titulo ng lupaing ninuno, at pagcodify ng mga tradisyunal na batas. Ipinatupad naman ng Department of Environment and Natural Resources ang pagtatanim ng 1,330 na mga puno na karamihan ay hindi kapaki-pakinabang sa komunidad.

Tinapos na rin ng Department of Public Works and Highways ang daan na nagdudugtong sa Agusan del Sur at Bukidnon ang Danay-Kalabugao-Adtalawon Road na may halagang P752 milyon. Layunin nitong pabilisin ang pagpasok ng mga materyales sa masukal na bahagi ng Kalabugao para sa KP-PDCP.

Nagrekluta rin ng mga regular na kasapi ng Philippine Army sa mga komunidad ng Kalabugao para mangasiwa sa “kapayapaan” ng lugar.

Marami pang ibang ahensya ang pinakilos para maisakatuparan ang proyektong ito para umano’y “mapaunlad” ang Kalabugao na ‘binibiktima’ ng Bagong Hukbong Bayan. Paunang implementasyon na rin ito ng “whole-of-nation approach” alinsunod sa National Internal Security Plan ng rehimeng Duterte.

Dulot ng patuloy na atakeng miltar, nabulabog ang kabuhayan ng mga residenteng Lumad. Lubhang naapektuhan ng nagpapatuloy na opensibang militar ng AFP ang mga residente sa mga sityo ng Lakbangan at Kalhaan sa Barangay Minalwang, Claveria, Misamis Oriental. Apektado rin ang mga barangay ng Kalabugao, Bulonay at Hagpa sa bayan ng Impasug-ong, Bukidnon, at sa Sityo Kulili, Barangay San Vicente, bayan ng Esperanza, Agusan del Sur.

Samantala, sa kabila ng pagdedeklara ng Partido Komunista ng Pilipinas at BHB ng isang pansamantalang tigil-putukan kasabay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, nagdeklara ang AFP na hindi ito mag-oobserba ng tigil-putukan.

Sa paglulunsad ng walang-tigil na operasyong kombat ng AFP, binuhusan nito ng malamig na tubig ang pag-asa ng kanilang mga sundalo na magkaroon ng maiksing bakasyon kasama ng kanilang pamilya.

Todo-operasyon ng AFP sa Northern Mindanao, salot sa mamamayan