Pamamaslang sa Negros, lalong tumindi

Anim na sibilyan ang pinaslang ng mga berdugo ng 94th IB at Philippine National Police sa magkakahiwalay na insidente noong gabi ng Disyembre 26 sa Negros Oriental. Maliban dito, may 27 iligal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso sa prubinsya. Ang koordinadong mga atakeng ito laban sa mamamayan ng Negros ay isinagawa sa Guihulngan City, Mabinay at Sta. Catalina.
Sa Guihulngan City, pinatay ang lider magsasaka na si Jimmy Fat at Jun Kubol mula sa Barangay Trinidad; si Reneboy Fat na isang drayber ng motorsiklo (habal-habal) mula sa Barangay Hilaitan; si Jaime Revilla na organisador sa komunidad; si Jesus “Dondon” Isugan na isang magsasaka at anak ng mga lider magsasaka, at si Boy Singko na upisyal sa Barangay Trinidad. Sa buktot na pagdadahilan ng mga salarin, pinalabas sa midya na mga myembro umano ng BHB ang anim.
Matapos patayin si Isuan, iligal namang dinakip ang kanyang mga magulang na sina Junior at Genia, kabilang ang 15 iba pa, kabilang ang mga pinuno ng mga barangay Trinidad at Tacpao. Pawang inakusahang mga myembro ng BHB ang mga inaresto at tinaniman ng pekeng ebidensyang baril para makasuhan. Pinaghahalughog din ang mga bahay ng mga residente sa Barangay Trinidad, at bahay ng isa pang sibilyan sa Guihulngan City. Dagdag sa mga karahasang ito, isang mamamahayag din sa bayan ng La Libertad ang pinagbabaril at napatay ng mga lalaking nakamotorsiklo.
Sa bayan ng Mabinay, anim na residente mula sa mga barangay ng Luyang at Talingting ang iligal na inaresto matapos tamnan ng mga pekeng ebidensyang baril at bala. Isa sa mga inaresto, si Margie Vailoces, ay pinsan ng bilanggong pulitikal na si Joey Vailoces (kilala bilang isa sa #Mabinay6).
Bago pa ang mga atakeng ito, iligal na inaresto ng mga nakabonet na pulis noong Disyembre 19 sa Sagay City, Negros Occidental si Rene Cañete, myembro ng the National Federation of Sugar Workers.
Samantala, tuloy pa rin ang panggigipit ng militar sa ibang rehiyon.
Sa Sorsogon, iligal na inaresto ng mga sundalo ng 31st IB ang menor de edad na si Carlo Loreno, 14 taong gulang at residente ng Barangay Bacalon, Magallanes. Habang nagsasagawa ng operasyon ang militar sa lugar noong Enero 6, sapilitang dinala si Loreno sa munisipyo at inakusahang myembro ng BHB.
Sa Cagayan noong Disyembre 27, 2018, pwersahang pinadalo ng mga sundalo ng 17th IB ang mga residente ng Barangay Balagay, Sto. Nino, sa isang rali kung saan pinadala sila ng mga plakard na nagkukundena sa PKP at BHB.