Mga susing usapin sa ekonomya at pulitika na haharapin sa 2019
Sapulin natin ang mga susing usapin sa ekonomya at pulitika na haharapin sa 2019 upang matatag na maisulong ang ating mga tungkulin para ibayong palakasin ang Partido at isulong ang mga rebolusyonaryong pakikibaka ng bayan. Nananawagan ang Partido sa mamamayang Pilipino na sa taong ito ay ubos-kayang paigtingin ang pakikibaka para patalsikin ang papet, pasista at korap na rehimeng Duterte.
Dapat na lalo nating palaparin at palakasin ang nagkakaisang prente ng lahat ng demokratikong pwersa at labanan ang mga atake ni Duterte laban sa mga demokratikong karapatan at ang kanyang iskema na itatag ang isang hayagang pasistang diktadura sa pamamagitan man ng tahasang deklarasyon ng batas militar o sa anyong “cha-cha.” Hinihikayat ng Partido ang sambayanan na isulong ang lahat ng anyo ng paglaban, laluna ang armadong pakikibakang itinataguyod ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), upang iabante ang pambansa demokratikong rebolusyon.
1. Sa mga darating na buwan, isasagawa ni Duterte ang higit na desperadong mga hakbang upang lalong monopolyohin ang kapangyarihan at ipataw ang paghaharing diktadura sa likod ng “charter change” o pag-amyenda sa konstitusyon para sa huwad na pederal na sistema na may sentralisadong kapangyarihan. Gamit ang kapangyarihang “national emergency,” gagamitin niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sindakin ang bayan. Gagamitin din niya ang kanyang mga hinirang sa Comelec para manipulahin ang elektronikong sistema ng pagbilang para kontrolin ang darating na eleksyong midterm para tiyakin ang mayoryang kontrol sa kongreso at sa mga lokal na gubyerno (kung hindi siya makahanap ng dahilan na ikansela ito). Sa ilalim ng paghaharing teror ni Duterte, ang nalalapit na reaksyunaryong eleksyon ay malamang na magiging pinakamadugo at pinakabulok.
Kung magtagumpay si Duterte na itatag ang mayorya sa kongreso, malamang na mailuluklok niya ang sarili bilang tipong-Marcos na diktador na “konstitusyunal” bago magtapos ang kanyang termino. Kung mabigo siya, malamang na ibayo niyang palalawakin ang kanyang “emergency powers” tungo sa tahasang deklarasyon at pagpataw ng batas militar sa buong bansa. Anuman, lalo siyang mahihiwalay sa pulitika at sasalalay sa kasapakat niyang maliit na grupong militar para konsolidahin ang kanyang poder sa harap ng lumalakas na panawagan para patalsikin siya.
2. Ang mga kombulsyon ng naghaharing sistemang pampulitika sa ilalim ni Duterte ay ibinubunsod ng lumalalim sa krisis sa ekonomya. Itong taon, daranas ang bansa ng walang kapantay na depisito sa kalakalan at piskal sa harap ng mabagal na paglago ng eksport dahil sa pandaigdigang istagnasyong pang-ekonomya at ng mabilis na paglaki ng importasyon ng mga kagamitan at kalakal na pangkonsumo na labis ang produksyon. Naghahabol ang rehimen ng sobra-sobrang pangungutang para sa pansamantalang pagpapasiklab sa ekonomya at para isubo sa mga burukrata-kapitalistang gutom sa mga kikback. Magiging lalong sunud-sunuran ito sa mga itinatakdang patakaran ng mga dayong institusyong pampinansya at gubyerno sa lalong kapinsalaan ng soberanyang ekonomya at patrimonya ng bansa.
3. Lalong lalaganap at lantaran ang korapsyon ngayong taon kasabay ng napakalaking pondong pambayan na ibinubulsa ng mga tau-tauhan, kroni at alyado sa pulitika ni Duterte sa anyo ng pork barrel, mga kupit sa mga kontrata ng gubyerno, suhol at “finders fee” sa mga proyekto ng gubyerno. Lalong di paniniwalaan ang pagkukunwaring anti-korapsyon ni Duterte.
Ang problema ng laganap na ismagling at paggamit ng droga ay lalo pang lalala matapos tuwiran at ganap na kontrolin ng kriminal na pangkatin ni Duterte ang ismagling ng shabu. Lalong isusuka ng bayan ang “drug war” ni Duterte kasabay ng lalong pagsidhi ng marahas na sagupaang sangkot ang pulis para sa “teritoryo” ng mga sindikato. Ang kanyang mga pangakong tatapusin ang problema sa droga ay lubos na malalantad na isang malaking kalokohan.
4. Ipamamamalas ni Duterte ang mas malalang pangangayupapa sa US, laluna sa usaping militar. Lalaki ang papel ng mga tagapayong militar ng US sa kontra-rebolusyonaryong digma (Oplan Kapayapaan at NISP 2018) na nakapadron sa doktrina ng US. Dagdag pa, sa harap ng tumitinding gerang pangkalakalang US-China at tumitinding tensyon sa South China Sea, lalong sisiguruhin ng US ang mahigpit na kontrol sa Pilipinas sa pamamagitan ng rehimeng Duterte para gamiting lunsaran ng mga operasyong militar at pagpapakitang-lakas laban sa lumalakas na paghamon ng China sa ekonomya at militar sa kapangyarihan ng US.
5. Alinsunod sa iskemang diktador ni Duterte, layunin niyang supilin ang lahat ng tumututol sa kanyang tiraniya sa pamamagitan ng crackdown laban sa mga ligal na demokratikong pwersa gamit kapwa ang opensibang ligal na pag-aresto at pagsasampa ng gawa-gawang kaso at ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga aktibista at mga lider masa. Lalong magiging walang-habas ang mga atake laban sa mga demokratikong karapatan kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Pinag-iibayo ni Duterte at ng AFP ang Red-tagging laban sa iba’t ibang demokratikong organisasyong masa, alyansa at grupong party-list na may partikular na layuning hadlangang makakuha ng pwesto sa parlamento ang mga progresibo at bigyang-matwid ang malawakang panunupil. Nakatakdang maging all-out war ni Duterte ay magiging total war laban sa populasyon sa kanayunan matapos ideklara ni Duterte ang planong ibalik ang hamletting o pagkokonsentra at pagkontrol ng populasyon sa ngalan ng “kapayapaan at kaunlaran.”
6. Lalong lulubha ang panlipunan at pang-ekonomyang pagdurusa ng sambayanang Pilipino kasabay ng pagpapataw ng rehimeng Duterte ng dagdag na buwis, paglulustay ng pondong pampubliko para sa lalong lumalaking mga gastusing militar sa kapinsalaan ng gastos panlipunan, at panghihiram ng dagdag na dayong utang para sa di produktibo at anti-mamamayang mga proyektong pang-imprastruktura. Ang mga patakaran ni Duterte ay magreresulta sa lalong pagsirit ng presyo, pagpaiumbulog ng gastos sa pamumuhay, mas malalang malawakang disempleyo, napakababang sahod at mga dislokasyon sa kabuhayan.
7. Gagatungang lalo ng palalang mga kundisyong pang-ekonomya ang mas malalaking protestang masa ngayong taon. Darami ang mga protesta at welga sa mga pabrika laban sa patakarang pigilan ang pagtaas ng sahod at bigong pangakong tapusin ang kontraktwalisasyon. Maaaring dumaluyong ang mga protesta sa harap ng matarik na pagbulusok ng pamantayan sa kabuhayan ng mamamayan bunga ng mas masasamang patakaran ni Duterte sa ekonomya, gayundin ang mga pagsupil sa mga karapatang demokratiko.
Malamang na sumiklab ang mga protestang masa sa kanayunan laban sa mga abusong militar at sa pagpapalayas ni Duterte at ng AFP sa mga magsasaka at pambansang minorya sa kanilang lupa para bigyang-daan ang mga proyektong pang-imprastruktura, panturismo at pang-enerhiya at mga plantasyon para sa oil palm at iba pang tanim na pang-eksport. Lalong susulong ang pambansang kilusan para sa tunay na reporma sa lupa kasabay ng todong paglantad at pagtakwil sa huwad na programa sa reporma sa lupa ng rehimen.
8. Ang iskema ni Duterte para ipataw ang hayagang diktadura ay magbubunga ng lalong paglapad ng nagkakaisang prenteng anti-pasista ng lahat ng demokratikong pwersa. Ang malawakang pandaraya pabor sa pipitsuging mga kandidatong minamanok ni Duterte at lalong konsolidasyon ng kanyang kapangyarihang pampulitika ay magtutulak sa mga oposisyong partidong pampulitika na mas aktibong sumulong sa ekstra-parlamentaryong larangan para labanan ang kanyang paghahari.
Sumulong man o hindi ang iskemang diktadura ni Duterte ngayong taon para monopolyohin ang kapangyarihang pampulitika, ang kanyang mga pagtatangka ay lalong magpapahina sa kanyang mga alyansang pampulitika, laluna sa pangkating Arroyo na naggigiit ng mas malaking bahagi sa burukratikong dambong.
Dagdag pa, dahil lalong nakasandal sa mga upisyal militar, lalong inilalagay ni Duterte ang sarili sa gitna ng target ng isang kudeta o pag-alis ng suporta ng sarili niyang mga loyalista sa AFP o ng mga naapakan ng kanyang paboritismo.
9. Lumalalim ang disgusto sa loob ng AFP laluna sa mga tropa at paramilitar sa harap ng malalang korapsyon ng mga upisyal. Banat na banat ang mga pwersang militar ni Duterte. Maraming bahagi ang nagiging bulnerable sa mga opensiba ng BHB. Lubhang napapagod at nadidiskuntento ang kanyang mga tropang hindi pinagpapahinga sa walang-awat na mga operasyong kombat at mga bigong opensibang militar. Daranas ng matinding hambalos sa pulitika ang AFP sa harap ng walang-lubay at magastos na mga panganganyon at paghuhulog ng bomba at mga opensibang militar na nagreresulta sa malawakang paglabag sa mga karapatang demokratiko at yumuyurak sa kabuhayan ng masa.
10. Ang pangako ni Duterte na durugin ang BHB sa kalagitnaan ng taon ay lubos na mabibigo. Wala na siyang anim na buwan. Ngayon pa lang, humuhupa ang kayabangan ng militar at pulis sa pagdeklara ng “mas realistikong” layunin na “bawasan ang lakas ng BHB” bago magtapos ang taon at muling pag-usog ng kanilang takdang target ng “pagdurog” sa 2022.
Ngayong taon, habang tinatanaw ng sambayanang Pilipinas na ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng kanilang tunay na hukbo sa Marso 29, dapat ipagpatuloy ng BHB ang paglakas at pagsulong nito ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong bansa. Ang bwelo ng mga taktikal na opensiba ng BHB sa mga huling buwan ng 2018 ay lalo pang lalakas sa mga darating na buwan at maghahatid ng mas malalaking bigwas laban sa AFP at sa rehimeng Duterte.