Tuluy-tuloy na mga protesta

,

Magkakasunod na protesta ang inilunsad ng mga demokratikong sektor upang igiit ang kanilang mga karapatan sa kabuhayan at kundenahin ang tumitinding panunupil at pandarahas ng rehimen. Tampok sa mga ito ang pagkilos ng mga magsasaka, estudyante, manggagawa, kababaihan at maralitang lungsod.

Protesta para ibalik ang coco levy

Mahigit 450 magniniyog mula sa Batangas sa pangunguna ng Balaybay at Coco Levy Funds Ibalik sa Amin, kasama ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang nagprotesta noong Enero 15 sa harap ng Philippine Coconut Authority sa Quezon City. Ipinanawagan ng grupo ang pagbalik ng may P100-B pondong coco levy sa mga benepisyaryo nito at tinutulan ang pribatisasyon ng naturang pondo. Sa itinutulak na coco levy bill ng rehimen, “mga panginoong maylupa, malalaking planters at negosyo ang makikinabang sa pondo na dapat ay para sa maliliit na magniniyog at manggagawang bukid,” sabi ni Agaton Bautista ng Balaybay.

Dagdag pa ng grupo, ang coco levy bill sa esensya ay pagbibigay nang buung-buo sa pribadong mamumuhunan samantalang barya at tira-tira na lamang ang maiiwan sa mga magsasaka.

“Black Friday protest” laban sa red-tagging at pandarahas

Nagprotesta noong Enero 18 ang iba’t ibang grupo ng kabataan sa pangunguna ng Anakbayan at League of Filipino Students (LFS) laban sa pagtugis ng mga elemento ng PNP at AFP sa mga mag-aaral at kasapi nito.

Pinalalabas ng PNP na ang mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines at University of the Philippines (UP) ay nirerekrut sa Bagong Hukbong Bayan.

Noong Enero 14, naglabas ang National Union of Students of the Philippines ng pabatid na pinaghahanap ng AFP ang lider-estudyante at miyembro nitong si Rejhon Soriano Modesto.

Kinundena rin ni UP-Diliman Chancellor Michael Tan ang pahayag ng PNP. Aniya, kinikilala ng UP na hindi dapat nalilimitahan ang pagkatuto ng mga estudyante sa loob ng pamantasan.
Dagdag pa ni Tan, ang patuloy na pandarahas ng AFP at PNP ay nagdudulot ng pag-aalala sa mga magulang at mag-aaral habang nagpapahintulot pa sa mga militar at pulis na takutin ang mga guro at mag-aaral ng UP.

Anang LFS, ito ay bigong pagtatangka ng rehimen para pigilan ang lumalakas na kilusang kabataan at pahinain ang kanilang paglaban sa tiranikong pamumuno ni Duterte.

Kasabay ng pagkilos, nanawagan din ang mga kabataan ng dagdag na badyet sa edukasyon at libreng edukasyon para sa lahat.

Rali ng mga manggagawa laban sa Sumifru

Noong Enero 18, nagmartsa ang mahigit 200 manggagawa ng Sumifru Phils. Corp. sa harap ng punong tanggapan ng kumpanya sa Makati. Binato nila ng mga pintura ang tarangkahan ng kumpanya at iginiit na ipatupad na nito ang kautusan ng Korte Suprema na gawing regular ang mga manggagawa at itigil ang pandarahas ng militar.

Noon pang nakaraang taon naglunsad ng kampuhan sa Maynila ang mga manggagawa sa ilalim ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farms (NAMASUFA) mula sa Compostela, Compostela Valley.

Sabi ni Paul John Dizon, tagapangulo ng NAMASUFA, mula nang magsimula ang kanilang paglaban, isa sa kanilang kasamahan ang pinaslang, dalawa ang nakaligtas sa tangkang pamamaslang, halos 20 ang sinaktan, sinunog ang kanilang mga kampuhan at ninakawan ang kanilang mga bahay kabilang na ang upisina ng unyon. Aniya, ang mga pandarahas na ito ay dulot ng patuloy nilang pakikibaka laban sa Sumifru na kasabwat ang mga pwersa ng estado.

Ang Sumifru Phils. Corp. ay kumpanyang agrikultural na nagpoprodyus at nag-eeksport ng prutas. Pangunahing mga produkto nito ang saging, pinya at papaya. Mahigit 12,000 ektarya ang saklaw ng operasyon nito sa Mindanao. Sa Compostela pa lamang, saklaw nito ang may 2,200 ektarya ng lupa kabilang na ang siyam na packing plants at nakapagluluwas ng may pitong milyong karton ng prutas kada taon. Hindi baba sa P19 milyon kada araw ang kita ng kumpanya sa Compostela pa lamang.

Bago nito, nagprotesta sa harap ng DOLE ang mga manggagawa upang ipanawagan na gawing P750 ang minimum na sahod.

PayDay protest caravan, inilunsad

Kasabay ng unang sahod sa 2019 at pagtaasan ng presyo ng langis, naglunsad ng protest caravan ang Defend Job Philippines at Kilusang Mayo Uno-Metro Manila noong Enero 15 laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, mababang sahod at kontraktwalisasyon.

Isinagawa ang protesta sa Seaoil Gas Station sa tulay ng Mendiola sa Quiapo, sa Department of Justice, Court of Appeals at Department of Labor and Employment sa Maynila. Nagpiket din ang grupo sa harap ng embahada ng Japan at Toyota sa Roxas Boulevard. Tumigil din ang grupo sa harap ng pangunahing bodega ng Jolibee sa Parañaque. Kinundena nila ang nagpapatuloy na kontraktwalisasyon, pagbuwag sa mga unyon, iligal na tanggalan at paglabag sa mga batas ng paggawa.

Noong Enero 14, nagtipon naman ang mga kasapi ng Bayan sa kahabaan ng Elliptical Road sa Quezon City upang kundenahin ang pagpapatupad ng bagong dagdag buwis at kasabay na pagtaas ng presyo ng langis.

Martsa ng kababaihan laban sa kahirapan at panunupil

Noong Enero 19, bilang unang aktibidad sa paggunita ng pandaigdigang araw ng kababaihan, ikinasa ng Gabriela at Gabriela Women’s Party ang Women’s March against Poverty and Repression sa Mendiola, Manila.

Tinuligsa nila ang lumalalang kahirapan na dulot ng pagpapatupad ng una at ikalawang dagdag buwis sa ilalim ng TRAIN at ng programang “Build, Build, Build” ng rehimeng Duterte.

Hustisya rin ang sigaw ng kababaihan laban sa lumalalang pasismo at panunupil ng estado sa mamamayan. Kabilang dito ang dumaraming pamamaslang, pag-aresto at red-tagging sa iba’t ibang pangmasang organisasyon. Binatikos din nila ang pagpapalawig pa ng batas militar sa Mindanao at Memorandum Order 32 sa Negros, Bicol at Samar.

Ambag din ang pagkilos na ito sa nagaganap na global women’s march sa US at iba pang bahagi ng mundo.

Negosyong pabahay kinundena ng Kadamay

Noong Enero 7, nagmartsa ang mahigit 500 kasapi ng Kadamay sa harap ng National Housing Authority (NHA) upang kundenahin ang negosyong pabahay ng ahensya, at ang pagpapatupad ng neoliberal at kontra-maralitang patakaran ng rehimeng Duterte.

Kabilang sa mga nagprotesta ang mga kasapi ng Kadamay Pandi, Bulacan na hanggang ngayon ay hindi pa rin binibigyan ng NHA ng kasiguruhan sa paninirahan, at mga serbisyong kuryente at tubig. Kasama rin sa grupo ang mga naglunsad ng Occupy Pabahay sa Montalban, Rizal, at mga residente ng mga komunidad sa Metro Manila na may bantang demolisyon.

“Nakakadismaya na walang ginagawa ang pamahalaan para tumulong. Ang prayoridad nila ang negosyo. Inuuna pa ng mga ito ang programang ‘Build, Build, Build’ na kanilang pinagkakakitaan,” ani Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

Tinangka rin ng grupo na makapasok sa loob ng NHA upang maiparating ang kanilang mga hinaing. Nagpahayag sila na masusundan pa ang pagkilos hanggang sa tuluyang mapabagsak si Duterte sa puwesto dahil sa dulot nitong kahirapan at paglabag sa karapatang tao.

Tuluy-tuloy na mga protesta