Magmartsa sa landas ng armadong pakikibaka hanggang tagumpay
Sa Marso 29, gugunitain ng sambayanang Pilipino at lahat ng kanilang rebolusyonaryong pwersa ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Okasyon ito para ipagdiwang ang mga tagumpay na natipon sa limang dekada ng mabalasik na armadong paglaban sa mga armadong galamay ng sinusuportahan ng US na reaksyunaryong gubyerno ng mga nang-aapi at nagsasamantala.
Sa pagdiwang ng ika-50 anibersaryo ng BHB, muling pagtitibayin ng lahat ng Pulang mandirigma at kumander nito, pati na ang mga kadre ng Partido at aktibistang masa, ang kanilang determinasyon na isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka anuman ang hirap at sakripisyo, at gaanupaman ang itagal para wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino sa ilalim ng neokolonyal na estado at maka-uring paghahari ng malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa.
Limampung taon nang bigo ang reaksyunaryong armadong pwersa na gapiin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng BHB sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido. Napangibabawan ng BHB ang walang-habas na mga opensibang militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na suportado ng US. Antas-antas itong lumakas, mula isang kumpanya ng mga Pulang mandirigma noong 1969 tungong isang pambansang rebolusyonaryong hukbo, ang pinakamalakas sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino.
Paulit-ulit ang kabiguan ng mga reaksyunaryo sa kanilang walang saysay na tangkang durugin ang BHB. Lalong makabuluhan, tangan ang mga aral sa nakaraan at determinadong pangibabawan ang mga kahinaan at kakulangan, buo ang loob at mataas ang kakayahan ng BHB na ibayong magpalakas at isulong ang digmang bayan sa mas matataas na antas at kamtin ang ganap na tagumpay sa di malayong hinaharap.
Ang paggunita sa ginintuang taon ng BHB ay lalong makabuluhan dahil napangingibabawan nito ang estratehikong opensiba sa ilalim ng National Internal Security Plan ng pasistang rehimeng Duterte na ipinatutupad ng AFP mula noong nakaraang taon.
Taliwas sa mga deklarasyon ng AFP mula 2015 ng layunin nitong ubusin ang BHB sa Eastern Mindanao, ang mga pwersa ng BHB sa mga rehiyong iyon ay patuloy na nakapagpupunyagi at nakaiipon ng tagumpay. Sa kabila ng pag-atras sa ilang bahagi, dulot pa ng mga internal na kahinaan, patuloy na pinangingibabawan ng BHB sa mga rehiyon sa Eastern Mindanao ang mga kahirapang bunsod ng sustenidong operasyong militar ng AFP.
Patunay ng determinasyon at kakayahan ng BHB na harapin ang superyor na pwersang militar ng kaaway, ang mga yunit nito sa Mindanao ay patuloy na nakapaglulunsad ng mayor na mga taktikal na opensiba na lumilipol sa mga pwersa ng kaaway at nagsasamsam sa mga sandata nito. Ilang ulit nang binigo nito ang mga nakapokus na opensibang militar na bumigwas sa mga sumusugod na pwersa ng kaaway. Sa nagdaang dalawang taon, tuluy-tuloy ding sumulong ang BHB sa Western Mindanao.
Mula nakaraang taon, parang sirang plaka si Duterte at kanyang mga upisyal militar sa pagdedeklara ng planong durugin ang BHB hanggang kalagitnaan ng taong ito. Subalit sa harap ng litaw at di mapasubaliang pagsulong ng BHB sa buong bansa, nagbago ito ng tono at iniusog ang dedlayn (sa ikailang ulit) hanggang katapusan ng 2022. Matapos palawigin ang batas militar sa Mindanao, pinalawig rin nito ang deklarasyon ng “state of national emergency” hanggang Bicol sa Luzon, at sa mga prubinsya ng Negros at Samar sa Kabisayaan, para saklawin ang halos kalahati ng bansa.
Tinapos ng BHB sa mga rehiyon sa Luzon at Visayas ang ilang taon ng mabagal na pag-unlad at nagtamo ng makabuluhang pagsulong, nilulutas ang mga suliranin tulad ng sobrang dispersal, pagkukupot-sa-sarili, konserbatismong militar at iba pa. Ang mga yunit ng BHB sa hilaga at timog Luzon at sa mga rehiyon sa Visayas ay antas-antas na lumalakas. Matingkad itong ipinakikita ng dumadalas na matagumpay na taktikal na opensiba ng BHB mula huling bahagi ng 2018.
Determinado ang BHB na tuparin ang mga tungkuling iniatang sa kanya ng Partido sa takbo ng kasalukuyang limang-taong programa ng Komite Sentral. Layunin nitong magrekrut ng ilanlibong dagdag na Pulang mandirigma at dalhin ang digmang bayan sa bagong mataas na antas.
Itong taon, determinado ang BHB na biguin ang nagpapatuloy na estratehikong opensiba ng rehimeng US-Duterte at ng AFP, pwersang pulis at mga grupong paramilitar nito. Layunin ng BHB na isulong ang momentum ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa mga darating na buwan sa pamamagitan ng paglulunsad ng higit na maraming mga anihilatibong taktikal na opensiba para lipulin ang mga yunit ng kaaway at kunin ang kanyang mga sandata.
Lalong nabibigo at desperado ang rehimeng US-Duterte sa layunin nitong supilin ang armado at di armadong paglaban ng bayan. Sobrang binabatak nito ang pwersa ng AFP at pinagwawaldas ng napakalaking halaga ng pera ng bayan sa todong mga opensibang militar.
Lalo’t lalong pinupuwersa ang mga tropa nito na sumuong sa magkakasunod na operasyong pangkombat na halos di pinagpapahinga at may dumaraming kaswalti. Dadami at sisiklab ang mga tunggalian sa korapsyon at paboritismo sa hanay ng mga upisyal nito at sa pagitan ng mga upisyal at kawal. Lalong mahihirapan ang pagbibigay ng suportang militar ng US sa total war ni Duterte habang lalong lumalakas ang internasyunal na galit sa malalalang paglabag sa karapatang-tao at makataong batas.
Matinding pagpapahirap ang dulot ng rehimeng US-Duterte sa sambayanang Pilipino dahil sa pabigat na buwis, mga kaltas sa serbisyo, ibayong liberalisasyon ng importasyon, sobra-sobrang dayong pangungutang at iba pang mga patakarang neoliberal. Nagresulta ito sa lumalaking gastos sa pamumuhay, kawalan ng hanapbuhay at malawak na dislokasyon sa ekonomya sa hanay ng malawak na masang manggagagawa, magsasaka at petiburgesya at lalong pagbagsak ng pambansang burgesya. Lalong nababangkarote ang rehimeng Duterte sa harap ng lumalaking depisitong pangkalakalan at piskal, debalwasyon ng piso, kakulangan sa balanse ng kabayaran at iba pang problemang pampinansya. Lalong lumalala ang korapsyon sa harap ng pagdambong ni Duterte at mga alyado niya sa rekurso ng estado sa tahasang mga operasyong burukrata kapitalista at kriminal.
Sa harap ng lubos na pagkabigong lutasin ang malalaking problemang sosyo-ekonomiko ng bayan, lalong ginagamit ng rehimeng Duterte ang todong pampulitikang panunupil sa pamamagitan ng paghaharing militar at iba pang malupit na mga hakbangin. Ginagamit nito ang terorismo ng estado para patahimikin ang lahat ng kritisismo at pagtutol sa kanyang tiranikong paghahari. Laganap ang kaso ng mga ekstrahudisyal na pagpatay at mga masaker, mga pagdukot, arbitraryo at matagalang detensyon, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, armadong pananakot at pamumwersa, pagboblokeyo ng pagkain, paghihigpit laban sa paggalaw ng mga tao at iba pang atake sa mga demokratikong karapatan.
Sa harap ng pasistang kriminal na pagsalakay ng rehimeng Duterte, lalong nahihimok ang sambayanang Pilipino na lumahok o sumuporta sa armadong pakikibakang isinusulong ng BHB. Sa ilalim ng paghahari ng teror ni Duterte, ang pangangailangang isulong ang armadong pakikibaka ay kagyat at kailangang-kailangan.