Tumitinding krisis sa trabaho sa ilalim ni Duterte
Higit pang nalulugmok sa kahirapan ang kalakhan ng mamamayang Pilipino bunsod ng paglala ng disempleyo sa bansa sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Sa inilabas na datos ng reaksyunaryong gubyerno kamakailan, bumaba nang 387,000 ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho mula 41.8 milyon noong Enero 2018 tungong 41.4 milyon sa Enero nitong taon. Mula 1986, may limang pagkakataon lamang na lumiit ang bilang ng mga may trabaho sa loob ng unang buwan ng taon, dalawa dito ay sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.
Makapal ang mukha ni Rodrigo Duterte para ipagmalaki na nakalikha ang kanyang rehimen ng 825,000 bagong trabaho noong 2018 nang hindi isinaalang-alang ang pagkawala ng mahigit 663,000 trabaho noong 2017. Tila kinalimutan niyang ito ang pinakamalaking pagkitid ng empleyo sa loob ng 20 taon. Sa unang dalawang taon ni Duterte, nakalilikha lamang ng 81,000 trabaho kada taon, pinakamababa magmula pa noong 1986 at malayong maliit sa taunang 836,000 mula 2007.
Ipinagmamalaki rin ng rehimen na naitala noong nakaraang taon ang pinakamababang tantos ng disempleyo (5.3%) sa loob ng apat na dekada. Sa harap ng tuluy-tuloy na pagbulusok ng nalilikhang bagong trabaho, mistulang isang kabalintunaan ang pagbaba ng tantos na ito (mula 5.7% noong 2017 tungong sa 5.3% noong 2018 at 5.2% noong Enero 2019) at ng bilang ng walang trabaho (mula sa 2.4 milyon noong 2017 tungong 2.3 milyon noong 2018 at 2.2 milyon noong Enero 2019).
Ang totoo, ang pagliit ng disempleyo ay resulta lamang ng isang maniobra sa estadistika. Para paliitin ang tantos ng disempleyo, pinalalabas na mas maliit ang kabuuang bilang ng mga manggagawa upang magmistulang mas maliit ang porsyento ng mga walang trabaho. Noon pang 2005, hindi na binibilang ang tinataguriang “discouraged workers” o yaong anim na buwan nang walang hanapbuhay at nadismaya na sa paghahanap ng trabaho. Simula 1986, naitala noong Enero ang pinakamababang tantos (60.2%) ng mga Pilipinong may trabaho o naghahanap ng trabaho kumpara sa kabuuang bilang ng populasyong may edad 15 paitaas. Samakatwid, ang ipinagmamalaking pagbaba ng tantos ng disempleyo ay hindi pa dahil marami ang nagkahanapbuhay, kundi dahil napakarami ng naubusan na ng pag-asang makahanap ng trabaho. Kung gagamitin ang lumang depinisyon ng disempleyo at idadagdag ang bilang ng mga tinanggal nito sa estadistika, umaabot sa 9.8% ang tunay na tantos ng disempleyo noong Enero. Umaabot naman sa 4.5 milyon ang bilang ng walang trabaho o halos doble ng pinalalabas ni Duterte. Hindi pa kabilang dito ang mahigit 6.7 milyong manggagawa na tinaguriang “underemployed” o kulang ang trabaho, na katunaya’y walang trabaho.
Pinakamatindi ang pinsala ng krisis ng disempleyo sa sektor ng agrikultura. Mula 10.9 milyong may trabaho noong Enero 2018, nawalan ito ng 1.7 milyong trabaho tungong 9.2 milyon noong Enero ng kasalukuyang taon. Tiyak na kikitid pa ito sa darating na mga taon bunsod ng pagpapatupad ni Duterte sa Rice Import Liberalization Law at pag-arangkada niya sa malawakang pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural na malawakang pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Samantala, binawi lamang ang pagkitid ng empleyo sa pamamagitan ng paglikha ng 490,000 bagong trabaho sa subsektor ng konstruksyon na bantog sa paglikha ng mga panandaliang kontraktwal na trabaho; at 328,000 sa subsektor ng pampublikong administrasyon na posibleng bunsod ng papalapit na eleksyong mid-term.
Sa harap ng tumitinding krisis ng disempleyo, kasabay ng pagsidhi ng krisis sa kabuhayan, wala nang iba pang mapagpipilian ang mga mamamayan kundi bagtasin ang landas ng militanteng pakikibaka. Kinakailangang ibayong labanan ang mga patakarang neoliberal pumapatay sa trabaho at nagsasadlak sa masang anakpawis sa kahirapan.