Editoryal

Labanan ang "kontra-insurhensyang" pakana para sa pasistang diktadura

,

Nakakambyo na ang paghahanda ng rehimeng Duterte para itatag ang isang pasistang diktadura. Batid niyang dapat umusad nang mabilis ang kanyang pakana sa loob ng humigit-kumulang isang taon bago siya maubusan ng kapangyarihan. Pwede niyang piliing iratsada ang planong baguhin ang konstitusyon o kaya’y tahasang ideklara ang batas militar. Depende ito sa isusulong ng mga pakikibakang bayan o sa ihuhugis ng ribalan ng mga pangkating pampulitika ng naghaharing uri.

Pinamumunuan ngayon ni Duterte ang kung tutuusi’y isang huntang sibil-militar sa anyo ng tinaguring National Task Force para diumano “wakasan ang komunistang armadong tunggalian.” Sa pamamagitan ng NTF, pinatatakbo ngayon ni Duterte at kanyang mga tau-tauhang militar ang buong gubyerno gamit ang “kontra-insurhensya” bilang nakapanlalambong na kapangyarihan. Naghahari sila gamit ang dahas at paninindak na di nagpapatali sa mga batas at proseso upang payukuin ang lahat sa tiraniya ni Duterte.

Sa ilalim ng NTF at sa tinaguring patakarang “buong-gubyerno,” pinasusunod ni Duterte ang mga prayoridad at plano ng lahat ng ahensya ng gubyerno sa mga layuning kontra-insurhensya ng AFP. Matapos hirangin ang mahigit 60 dating heneral at upisyal militar sa iba’t ibang antas ng burukrasya, itinali niya sa AFP ang mga departamento ng gubyerno, kabilang ang mga ahensyang sibil, at ipinailalim ang mga ito sa nakapangyayaring impluwensya ng militar. Ginagawang sandata ang mga ito ng pagsupil para magsilbi sa “pambansang seguridad” ng rehimen na walang dili’t iba kundi ang pananatili at pagpapalawig ng burukrata-kapitalista at pasistang rehimeng Duterte.

Sinisindak ng AFP ang mga lokal na upisyal ng gubyerno, mula sa mga konseho sa barangay hanggang lupon sa prubinsya, para maglabas ng mga pahayag at makipagtulungan sa mga programa ng militar, sa takot na i-“Red-tag” o tatakang komunista at gawing target ng AFP. Ang diumano’y mga programang pangkagalingan ay ipinangkukubli lamang sa brutalidad ng mga operasyon ng AFP.

Bagaman ang deklaradong layunin ng NTF ay “wakasan ang armadong tunggalian,” nakatuon ang malaking bahagi ng trabaho laban sa mga ligal na organisasyon na kumakatawan sa interes ng iba’t ibang sektor, pati na mga ahensya, institusyong panserbisyo at progresibong pampulitikang personalidad. Liban sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang batayang sektor, pinag-iinitan nang husto ni Duterte at ng kanyang mga alipures ang mga mamamahayag, abugado, guro, kawani ng pamahalaan at mga taong-simbahan, laluna yaong mga grupong bumabatikos sa laganap na abuso ng mga pwersang panseguridad ng estado.

Sa nagdaang mga buwan, puu-puong aktibista sa buong bansa ang inaresto nang walang mandamyento at ibinimbin nang walang kaso. May mga kasong ang mga dinakip ay inkomunikado, pinagkaitan ng kanilang karapatang mabisita ng abugado at pamilya upang piliting “makipagtulungan” sa militar. Upang bigyang-matwid ang iligal na hakbang, pinalalabas ng AFP na ang mga detenidong ito’y “sumurender” kahit pa sila’y bilanggo sa mga bartolinang militar.

Pinakilos ni Duterte ang “legal cluster” ng NTF para pabilisin ang kaso para pormal na turingang “terorista” ang Partido at BHB sa ilalim ng Human Security Act o “batas kontra-terorismo” upang ipataw ang mabibigat nitong parusa laban sa mga aktibista at iba pang kritiko ng pasistang rehimen.

Inutusan din niya ang NTF na itulak ang European Union (EU) at iba pang ahensyang European na itigil ang pagsuporta sa mga proyektong panlipunan sa bansa tulad ng mga paaralang Lumad na pilit na pinalalabas ni Duterte na “paaralan sa pagsasanay” ng BHB, pinadadaplisan ang EU sa “pagpondo sa terorismo.”

Para lalong patatagin ang NTF, sinisiguro ni Duterte at ng AFP na yaon lamang makikipagtulungan sa doktrinang kontra-insurhensya ng rehimen ang mananaig sa darating na eleksyon. Bagaman bawal makialam sa eleksyon, aktibong nangangampanya ang AFP laban sa mga progresibo at kandidatong anti-Duterte sa pamamagitan ng pagtatak sa kanila na “simpatisador” ng BHB o kaya’y sa pagbabanta na isama sila sa gawa-gawang “narcolist.” Ang buong Mindanao, na nasa ilalim na ng batas militar, ay idineklarang “election Red hotspot,” na nagbibigay sa AFP ng ibayong kapangyarihan.

Ang pagsupil sa ligal na demokratikong kilusan, na binubuo ng mga di armado o hayag na grupong sektoral, pati na mga ahensya o organisasyong pang-aktibista o may layuning panlipunan o pampulitika, ay isa sa susing bahagi ng pakana ni Duterte na magtatag ng isang pasistang diktadura. Sa taya niya, kung mapatatahimik niya ang mga grupong ito, mapatatahimik na rin niya ang lahat ng anyo ng oposisyon at mapababagsak ang buong hanay ng mga pwersang anti-pasista, at gayo’y mapapawi ang sinumang hahamon sa kanyang pakana.

Marcos na Marcos ang pakana ni Duterte. Noong 1972, idineklara ang batas militar para umano labanan ang mga banta ng “Maoistang rebelyon.” Nanatili sa poder si Marcos hanggang 1986. Ngayon, ipinananakot din ni Duterte ang multo ng komunismo (pati na rin ang multo ng terorismo) para bigyang matwid ang pagsupil sa mga demokratikong karapatan sa kanyang layuning palawigin sa poder ang sarili at kanyang pamilya at ipagpatuloy ang kanilang burukrata-kapitalistang pandarambong at pagpapayaman.

Dapat puspusang labanan ng mamamayang Pilipino ang ambisyon ni Duterte na maging diktador. Dapat tumbasan ang tindi ng paghahanda ni Duterte ng dobleng sidhi para biguin ang kanyang plano. Hindi sila dapat magpasindak sa paggamit ni Duterte at ng AFP ng pwersa at terorismo ng estado. Dapat silang magsalita at labanan ang arbitraryong pagtatatak na komunista o terorista. Dapat panagutin si Duterte at kanyang mga upisyal sa seguridad sa lahat ng paglabag sa karapatang-tao at malubhang pag-abuso sa kapangyarihan sa ilalim ng rehimeng kontrainsurhensyang NTF. Dapat paalingawngawin nila ang panawagang patalsikin ang pasistang rehimeng US-Duterte.

Dapat magpunyagi silang palakasin at palawakin ang nagkakaisang prente laban sa tiraniya ni Duterte. Habang patuloy ang huwad na gera sa droga ni Duterte, ang gera para agawin ang lupa ng mamamayang Moro at ang kanyang gera ng panunupil sa buong bansa, lalong marami ang napupukaw na manindigan laban sa pang-aabuso ng kanyang mga pwersang militar at pulis. Habang sinisikap ni Duterte na monopolyohin ang kapangyarihan, lalong umiinam ang kundisyon para itatag ang pinakamalawak na nagkakaisang prente para ihiwalay at ibagsak ang kanyang paghahari.

Sa harap ng tuwiran at di tuwirang panunupil, dapat matapang, mapangahas, matalino at mapanlikhang ipagtanggol at igiit ng sambayanang Pilipino ang kanilang demokratikong mga karapatan na ginagarantiya sa ilalim ng mga kumbensyong internasyunal, pati na sa ilalim ng konstitusyong 1987. Maaari silang maghanap ng madudulugang ligal sa mga korteng lokal o internasyunal. Kasabay nito, dapat nilang palakasin ang kanilang lihim na kilusan at gulugod na maaaring atrasan ng mga aktibistang pinagbabantaang arestuhin o patayin at gamitin para patuloy silang makalaban sakaling ipataw ang lantarang paghaharing militar.
Sa gitna ng lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko at pagwawalang-bahala at kainutilan ng rehimen na harapin ang kagalingan ng mamamayan, dapat magkaisa ang malawak na masa, maglunsad ng mga pagkilos sa mga komunidad, magtipon sa kampus, magwelga sa mga pabrika at magdemonstrasyon sa lansangan upang ipahayag ang kanilang mga hinaing at labanan ang pagpapatahimik sa kanilang protesta.

Dapat patuloy na maglunsad ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng mga taktikal na opensiba sa buong bansa upang palakasin ang loob ng mamamayan na isulong ang kanilang demokratikong pakikibaka. Dapat maglunsad ng mga reyd at pagtambang ang hukbong bayan, gayundin ang mga espesyal na operasyong partisano, na tumatarget sa pinakapusakal na umaabuso sa karapatang-tao, hindi lamang para parusahan sila sa kanilang krimen, kundi para rin itanim sa kanilang isip na di sila pwedeng magpatuloy sa pang-aabuso nang walang kabayaran.
Habang itinutulak ni Duterte ang kanyang ambisyong magdiktador, lalo niyang ipinakikita sa sambayanan ang kawastuhan at kakagyatang isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Lalong umiinam ang sitwasyon para sa mabilis na paglawak at paglakas ng BHB at mas mabilis na pagsulong ng digmang bayan.

Labanan ang "kontra-insurhensyang" pakana para sa pasistang diktadura