Lt. Gen. Noel Clement, berdugong anino ni Palparan
Karugtong ang kamakailang maramihang pagpatay sa Negros ng malagim na Oplan Sauron na naghasik ng teror sa isla mula pa Disyembre 2018. Mula nang ipatupad ito, mahigit 40 sibilyan na ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Maliban sa mga pinatay, puu-puo ring mga sibilyan ang iligal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso.
Ang pagpapatupad ng Oplan Sauron ay pinangungunahan ng Armed Forces of the Philippines Central Command (AFP Centcom) sa ilalim ni Lt. Gen. Noel Clement. Notoryus si Clement bilang isa sa mga nakabababang upisyal na sinanay noon ni Jovito Palparan sa pagsagawa ng mga krimen ng Oplan Bantay Laya 1 at 2. Saanman noon naghahasik ng lagim si Palparan, nakabuntot sa kanya si Clement bilang matapat na alagad. Tulad ng kanyang idolo, bukambibig ni Clement ang pagbabansag na komunista sa mga tumutuligsa sa reaksyunaryong gubyerno. Matapat niyang ipinatupad ang mga utos ng pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang-tao.
Nakapailalim si Clement sa 204th Brigade nang dukutin at patayin ng naturang yunit-militar ang mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao na sina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy noong 2003 sa Mindoro Oriental. Pinuno noon ng naturang brigada si Palparan.
Nang mailipat si Palparan sa 7th ID sa Central Luzon noong 2005, magkasama sila ni Clement sa paghahasik ng karahasan sa rehiyon. Noong 2006, sa loob lamang ng Enero hanggang Pebrero, 25 katao ang biktima ng pagpatay, pagdukot, pagtortyur, pambubugbog, pananakot, masaker, interogasyon at iligal na detensyon. Namuno na noon si Clement sa 56th IB, ang nangungunang abusadong yunit-militar sa rehiyon. Isa rin siya sa mga nagplano at nagpatupad sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos noong 2007.
Malawakang pinsala naman ang ibinunga ng mga operasyong pinamunuan ni Clement sa Mindanao. Bilang kumander ng 602nd Brigade noong 2015 hanggang 2016, nakilala si Clement ng mga residenteng Moro sa North Cotabato sa kanyang panganganyon sa mga komunidad.
Ilang araw lamang matapos ideklara ni Duterte ang batas militar sa Mindanao noong Mayo 2017, itinalaga ng AFP si Clement bilang pinuno ng 10th ID. Saklaw ng operasyon nito ang buong rehiyon ng Davao, at ang mga hangganan nito sa mga prubinsya ng Surigao del Sur, Agusan del Sur at Bukidnon. Nanalasa si Clement at ang kanyang mga tauhan sa lugar. Sa loob lamang ng 19 buwan, umaabot sa 50 sibilyan ang pinatay ng mga tauhan ni Clement, kabilang ang dalawang bata. Libu-libo rin ang sapilitang lumikas dahil sa mga pambobomba at panggagalugad ng mga sundalo sa mga komunidad.
Isa sa karumal-dumal na mga krimen ni Clement bilang kumander ng 10th ID ang pagmasaker sa pitong Lumad noong Disyembre 3, 2017 sa Lake Sebu, South Cotabato. Dalawang iba pa ang sugatan sa naturang insidente. Patung-patong na kaso ang isinampa laban kay Clement, at kina Lt. Col. Harold Cabunoc ng 33rd IB at Lt. Col. Benjamin Leander ng 27th IB. Mga tauhan din ni Clement ang dumukot, nagtortyur at nagtangkang sumilab sa dalawang kabataang minero noong Nobyembre 2017 sa Compostela Valley.
Pamumuno sa CENTCOM
Inalis si Clement sa 10th ID at inilipat sa Centcom noong Nobyembre 2018. Saklaw ng operasyon ng Centcom ang buong Visayas. Nasa ilalim nito ang dalawang dibisyon ng Army (8th ID sa Eastern Visayas at 3rd ID sa Central at Western Visayas), ang 2nd Tactical Operations Wing ng Air Force, at ang buong pwersang nabal sa Visayas.
Wala pang isang buwan matapos ilipat sa Centcom, agad niyang ipinatupad ang Oplan Sauron sa Negros alinsunod sa Memorandum Order No. 32 ni Rodrigo Duterte. Nakatutok ngayon sa isla ang todo-gera ng Centcom kung saan may limang batalyong pangkombat ang nakapakat, maliban pa sa mga pwersa ng PNP.
Maliban sa pananalasa sa Central Visayas, pagpaslang at pamiminsala rin sa mga komunidad sa Eastern Visayas ang mando ni Clement. Sa isla ng Samar, tumindi ang mga pagpatay sa mga sibilyan mula Marso 2019. Sa bungad ng taon, 545 barangay ang naiulat na militarisado, kung saan 250 sa mga ito ang okupado ng mga sundalo. Mahigit 300 pamilya na ang napalayas sa kanilang mga tahanan dahil sa pagsakop ng mga sundalo ng 8th ID sa kanilang mga komunidad.
Samantala, tumampok ang saywar ng Centcom sa Western Visayas. Noong Marso, sunud-sunod na nagpakalat ng mga balita ng pekeng engkwentro ang 61st IB sa Panay upang pagtakpan ang mga kaso ng iligal na pag-aresto sa mga magsasaka at katutubong Tumanduk. Liban dito, nagpalabas din ng pekeng pagsurender ng isang menor de edad na umano’y Pulang mandirigma.
Ipinailalim din ni Clement ang mga pwersa ng Centcom upang maging tau-tauhan ng militar ng US. Sa ginanap na Pacific Partnership noong Marso, dinala ng US sa Visayas ang mga papet at kaalyadong hukbo nito upang sanayin sa ilalim ng kumand ng militar ng US ang mga pwersang militar ng mga bansa sa Indo-Pacific.