Pagpatay sa hari ng kalsada
Kabilang sa mga winasak ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang mayor na linya ng pampublikong transportasyon sa bansa. Bilang pansamantalang solusyon, ilan sa mga Pilipino ang namuhunan sa pagkukumpuni ng sira-sirang mga dyip na ginamit ng mga Amerikanong sundalo.
Ang kauna-unahan at noo’y pinakamalaking nagmamanupaktura ng dyip ang kumpanyang Sarao Motors. Naitatag ito noong 1953 ng negosyanteng si Leonardo Sarao, isang mekaniko at dating drayber ng kalesa. Mula sa inisyal na puhunan na P700 lumago ang kanyang negosyo tungo sa isang kumpanya.
Binago ang disenyo ng mga lumang dyip upang makapagsakay ng mas maraming pasahero. Pinagtagping yero naman ang ginamit bilang bubong nito na pininturahan ng matitingkad na kulay at mga palamuti nito. Ginamit ang simbolong kabayo sa minamanupaktura nitong mga dyip bilang pagpupugay sa unang hari ng kalsada sa bansa, ang kalesa. Ang disenyo ng dyip ay halaw sa kulay at porma ng kalesa. Mula noon, ito ang kinilalang “hari ng kalsada.”
Dumami tungong 300 ang kanilang mga manggagawa noong dekada 1960. Umabot sa halos sampu kada araw ang nalilikha nilang dyip hanggang dekada 1970. Tumumal ang produksyon nito pagdating ng 1980, dulot nang labis na pagtaas ng kanilang gastos sa produksyon at papaunting prangkisa na inilalabas ng gubyerno. Bunsod na rin ng pandaigdigang krisis pampinansya, bumagsak ang piso kung kaya’t naging triple ang halaga ng segunda manong mga makina at pyesang inaangkat ng kumpanya mula sa Japan.
Upang bigyang daan ang pagpasok ng mga taxi na Tamaraw FX, sasakyang gawa ng multinasyunal na kumpanyang Toyota, at pagbubukas ng Light Rail Transit noong 1995, itinigil ng Land Transportation Office (LTO) ang paglalabas ng prangkisa sa mga linya ng jeep. Dagdag pang pahirap sa industriya ng transportasyon ang samutsaring mga patakarang ipinatupad ng gubyerno sa pagkuha ng rehistro. Sa panahon ding ito ipinasa ni Leonardo Sarao ang pamamahala ng kumpanya sa kanyang anak na si Edgardo.
Sa harap ng patuloy na pagtumal ng negosyo, napilitan si Edgardo na pansamantalang itigil ang produksyon ng kumpanya at tanggalin sa trabaho ang mahigit 250 manggagawa nito noong Oktubre 2000. Ilang linggo matapos nito, muling binuksan ang produksyon ng kumpanya bagamat nalimita na lamang sa 50 katao ang mga manggagawa. Sa panahong ito, dalawa hanggang tatlong dyip kada linggo na lamang ang kanilang nalilikha.
Sa gitna ng mga pakana ng rehimeng Duterte na tuluyan nang ipagbawal ang paggamit ng mga lumang dyip sa pamamasada sa tabing ng programang “modernisasyon,” natulak ang Sarao Motors na makisosyo sa Le’ Guider International (isang kumpanyang pagmamay-ari ng negosyanteng si Youssef Ahmad), para sa produksyon ng mga electronic jeepney (e-jeepney o mga dyip na pinatatakbo ng kuryente). Imbis na makina, pinatatakbo ang mga dyip na ito ng isang permanent magnetic motor na gawa sa neodymium magnet, isang mineral na dominado ng China ang pagmimina at produksyon. Noong nakaraang taon, naiulat na halos 80% ng pandaigdigang produksyon nito ay mula sa China.
Bawat yunit ng e-jeepney ay nagkakahalaga sa abereyds ng P1.4 milyon, malayong mas mahal sa presyo ng tradisyunal na dyip na P400,000. Tiyak na magreresulta ang huwad na pakanang modernisasyon sa pagkalugi at pagkabaon sa utang ng mga drayber at opereytor at sa pagtaas ng pamasahe.