Ika-156 kaarawan ni Andres Bonifacio, ginunita

,

NAGMARTSA ANG DAAN-DAANG aktibista mula Liwasang Bonifacio tungong Mendiola sa Maynila upang gunitain ang ika-156 kaarawan ni Andres Bonifacio. Pinangunahan ng Anakbayan at Kilusang Mayo Uno (KMU) ang protesta bitbit ang panawagang “Labanan ang mga neoliberal na atake sa mga manggagawa at mamamayan.” Mariing kinundena ng mga progresibong grupo ang pagpapataw ng US ng di-pantay na pang-ekonomyang patakaran at ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng bansa.

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, upang maging tunay na malaya ang mga manggagawang Pilipino, dapat maging malaya sila sa pagsasamantala. Aniya, marapat na ipagpatuloy ang paglaban sa kontraktwalisasyon, hindi makatwirang sahod, tumitinding kawalan ng trabaho at kahirapan sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Nangako naman ang mga kabataan na isasabuhay ang diwa ni Bonifacio sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng paglaban para sa ganap na kalayaan ng bansa.

Bago magtipon sa Liwasang Bonifacio, nagkaroon ng hiwalay na protesta ang iba’t ibang grupo sa harap ng mga embahada ng US at China.

Sa Pampanga, nagmartsa ang mga Aeta sa pangunguna ng Central Luzon Aeta Association tungong Bayanihan Park sa Angeles City. Kinundena nila ang pagpapalayas sa libu-libong mga katutubo upang bigyang daan ang konstruksyon ng New Clark City kung saan nakatakdang ganapin ang mga laro sa SEA Games. Tinuligsa rin ng grupo ang korapsyon ni Duterte at kanyang mga alipores, at ang kakarampot na suporta sa mga atletang Pilipino.
Nagkaroon din ng mga protesta sa Laguna, Negros at Davao.

Ika-156 kaarawan ni Andres Bonifacio, ginunita