Paglipat sa mga bilanggong pulitikal, kinundena
Nangangamba ang mga kaanak at tagasuporta ng mga bilanggong pulitikal sa posibleng paglilipat ng kanilang mga kaanak sa mga lokal na bilangguan.
Kabilang sa planong ilipat ang mga nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City na sina Frank Fernandez at Cleofe Lagtapon, Adelberto Silva, Oliver Rosales, Edisel Legaspi, Ireneo Atadero, Julio Lusania at Maximo Reduta.
Noong Disyembre 4, kinwestyon ng grupong Kapatid ang tangkang paglilipat ng mga bilanggong pulitikal sa malalayong bilangguan kung saan nakasampa ang kanilang mga kaso. Ayon sa mga kaanak, ang ganitong plano ay higit na magpapahirap para dalawin ang mga bilanggong pulitikal, na mula’t sapul ay iligal na ang detensyon. Dagdag pa, ilalagay nito sa mas malulupit na kundisyon ang mga bilanggo.
Sa dayalogo noong araw ding iyon, inamin ng upisyal ng Bureau of Jail Management and Penology na ang utos ay mula kay Sec. Delfin Lorenzana ng Department of National Defense sa bisa umano ng Executive Order 70.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa lahat ng bilanggong pulitikal at kanilang mga kaanak at tagasuporta sa buong bansa. Kasabay ito ng ika-14 na taon ng Pandaigdigang Araw ng Pakikiisa sa mga Bilanggong Pulitikal at Bilanggo ng Digma.
Sinaluduhan ng Partido ang mga detinido na patuloy na kumikilos at nagsusulong ng panawagan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Nanawagan din ang Partido sa lahat ng demokratikong pwersa na bigyang suporta at patibayin ang pakikibaka ng mga bilanggong pulitikal para sa kalayaan upang direktang makalahok sa pakikibaka.
Mayroon nang hindi bababa sa 629 bilanggong pulitikal sa buong bansa. Sa bilang na ito, 382 ang inaresto sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.