Krisis sa karapatang-tao

,

Pamamaslang, iligal na pag-aaresto, tortyur, Red-tagging—ilan lamang ito sa mga kaso ng matinding paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa ilalim ng batas militar sa Mindanao, walang pakundangan ang paghahasik ng teror ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga paramilitar, gayundin ang PNP at mga death squad.

Gamit ang Executive Order 70 at Memorandum Order 32, lansakang nanalasa sa mamamayan ang mga pwersa ng estado sa buong bansa, laluna sa mga rehiyon ng Mindanao, at mga bayan sa Negros, Samar at Bicol. Ginamit ng AFP at PNP ang estilong-Tokhang sa mga pinapaslang na magsasaka at lider-masa, nagpapakalat ng disimpormasyon at nakalalasong propaganda sa mga paaralan, komunidad at social media. Kamakailan, nagpahayag si Sec. Delfin Lorenzana na maaari na umanong tanggalin ang batas militar sa Mindanao kapalit ang pag-amyenda sa Human Security Act.

Ayon kay Tinay Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, sa halip na tugunan ang kanilang pagkukulang, mas abala ang rehimeng Duterte sa pamamamaslang at pagpapatahimik sa sinumang nagbibitbit ng panawagan ng mamamayan at mga isyung pambayan.

Sa datos ng Karapatan, may tinatayang 2,370 na tagapagtaguyod ng karapatang-tao ang sinampahan ng gawa-gawang kaso ng rehimen mula 2016 hanggang 2019, pinakamataas sa loob ng mahigit isang dekada. Bukod dito, may 293 nang biktima ng pampulitikang pamamaslang, dagdag sa may 20,000 nasawi sa ilalim ng “gera kontra-droga” ni Duterte. Hindi bababa sa 540 ang mga bilanggong pulitikal.

Paglaban para sa karapatang-tao

Pinangunahan ng Karapatan at mga tagapataguyod ng karapatang-tao at kapayapaan ang protesta sa Maynila noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao. Nagsimula ang martsa mula Liwasang Bonifacio tungong Mendiola, Maynila. Giit ng mga progresibong grupo, may krisis sa karapatang-tao sa bansa.

Bago magtipon sa Liwasang Bonifacio, dumalo sa isang misa sa Sta. Cruz Church, Maynila ang mga kapamilya, tagasuporta ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao, kabilang na ang mga biktima ng “gera kontra-droga” ni Duterte.

Libu-libo ang nakiisa sa protesta, panawagan nila ang hustisya at makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Kabilang sa programa sa Mendiola ang pagsunog ng effigy na kanilang tinawag na “Halimaw sa Cauldron.”

Sa Cagayan Valley, kinundena ng Karapatan ang Joint Campaign Plan Kapanatagan at EO 70 ni Duterte, anila, ang mga patakarang ito ang nagbigay laya sa rehimen at mga alipures nito na magpataw ng de facto batas militar sa bansa. Nagkaroon din ng katulad na protesta sa Baguio City.

Sa Pangasinan, nagtipon ang mga taong-simbahan sa Aglipay Central Theological Seminary sa Urdaneta City. Sa kanilang misa, binigyang diin nila ang pagtatanggol sa buhay, kabuhayan at karapatan. Samantala, pinangunahan naman ng Bayan-Camarines Sur ang paggunita sa ika-71 taon ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao. Tampok sa programa ang panawagan para tugunan ang pangangailangan ng biktima ng bagyong Tisoy at hustisya sa pagsalanta ng apat na taong tiraniya at diktadura ni Duterte sa mamamayang Bicolano. Nagkaroon din ng katulad na programa sa Sorsogon, Masbate at Legazpi.

Sa Negros, lumahok ang 2,000 sa protesta sa Bacolod Public Plaza. Sinunog dito ang isang effigy na naghahalintulad kay Duterte sa isang demonyong Santa Klaus, bitbit ang listahan ng search warrant para sa mga ligal at progresibong organisasyon na target ngayon ng crackdown ng rehimen. Naglunsad din ng koordinadong noise-barrage sa buong isla, kaisa ang mga simbahan sa Negros na nananawagan ng hustisya at pagwawakas ng pamamaslang sa isla. Nagkaroon din ng pagkilos sa Dumaguete City. Bago nito, naglunsad ng peace caravan ang Philippine Ecumenical Peace Platform-Panay patungong Bacolod City.

Sa Panay, pinangunahan ng Promotion of Church People’s Response at BAYAN-Panay ang protesta ng mahigit 2,000 katao sa Sunburst Park, Iloilo. Nagkaroon din ng hiwalay na programa sa Antique, Capiz at Aklan.

Sa kabila ng pandarahas ng pwersa ng PNP, daan-daang magsasaka at mag-aaral mula sa iba’t ibang bayan ng Northern Samar ang nagtipon sa Freedom Park, Catarman. Nagsagawa rin ng katulad na protesta sa Tacloban City.

Tinawag naman ng Karapatan-SMR na “Biyaheng Du30 Pasista Express” ang bitbit nilang effigy na simbolo ng pagsagasa ng rehimen sa karapatang-tao, partikular ng mga taga-Mindanao gamit ang kanyang mga instrumento ng pasismo at paggamit ng mga batas laban sa mamamayan. Kabilang sa tampok na kaso sa prubinsya ang pagdukot sa dating upisyal ng Karapatan na si Honey May Suazo, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pagpapasara ng mga paaralang Lumad, pamamaslang at sapilitang pagpapasurender sa mga sibilyan at lider masa. Isinagawa ang protesta sa Freedom Park, Davao City. Nagkaroon din ng katulad na protesta sa Tandag City, Surigao del Sur at Butuan City, Agusan del Norte.

Krisis sa karapatang-tao