Planong pagtatayo ng kampo-militar sa Marawi, kinundena
Mariing kinundena ng Suara Bangsamoro ang planong pagtatayo ng bagong kampong militar sa Marawi City. Para sa grupo, ang planong ito ay panibagong paglabag sa karapatan ng mamamayang Moro, matapos pulbusin ng rehimeng Duterte ang syudad.
Sa kanilang pahayag noong Disyembre 17, binigyan ng grupo ng diin na hindi hihilom sa dinanas ng mamamayang Maranao na pasakit ang itatayong kampo. Lalo lamang nitong patitindihin ang kanilang galit laban sa tiranikong gubyerno na pumaslang sa libu-libong sibilyan, yumurak sa kanilang relihiyon at kultura at nagpalayas sa mamamayan ng Marawi.
Sa halip na tugunan ang hinaing ng mamamayang Moro, nagpahayag pa si Sec. Delfin Lorenzana na magpadala na lamang ng mga imbestigador upang malaman ang ‘tunay’ na damdamin ng residente. Kung mapatunayan na tutol sila, maghahanap na lamang umano sila ng ibang lugar sa loob ng Marawi.
Samantala, nanawagan naman ang Sandugo Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self Determination na imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado mula nang maipatupad ang batas militar sa Mindanao. Ito ay matapos na ianunsyo ni Duterte na wala na umano itong plano na palawigin pa ang batas militar sa isla. Nakatakdong matapos ito sa Disyembre 31, 2019.
Sa tala ng mga grupo ng karapatang-tao, mula nang maipataw ang batas militar, nadagdagan ng 162 ang bilang ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 704 kaso ng gawa-gawang kaso, 284 kaso ng arbitraryong detensyon at pag-aresto, mahigit isang libong biktima ng pambobomba at sapilitang pagbakwit ng mahigit kalahating milyon katao.