Kung walang mass testing, hindi madadaig ang Covid-19

,

Mula’t sapul, itinulak ng World Health Organization (WHO) ang malaganap na pagsusuri bilang susi sa paggapi sa Covid-19. Anang mga upisyal nito, “hindi pwedeng labanan ang apoy na nakapiring ang mata.” Kailangang gamitin ang mass testing sa mabilis na paraan upang hanapin kung saan lumilitaw ang bayrus para agad na maapula ang paglaganap nito. Hanggang walang bakuna, ito ang estratehiyang mas pinapaburan ng WHO kaysa “physical distancing” o paghihiwa-hiwalay ng tao sa isa’t isa na nagbubunsod ng karagdagang problema sa ekonomya at kalusugan.

Kaya naman ang laking galit ng taumbayan nang aminin ng Malacañang na walang plano ang gubyernong Duterte na isagawa ang mass testing. Kinutya pa ng Malacañang ang mass testing na “maling termino” dahil imposible diumanong suriin ang lahat ng tao. Winasak lamang ni Duterte ang ekonomya at isinadlak ang mayorya sa gutom at hirap sa mahigit dalawang buwang lockdown, nang wala naman palang gagawing pagsisikap na palakasin ang kakayahan ng gubyerno sa malawakang pagsusuri.

Ang target noong Abril 30 na 8,000 test kada araw ay naabot nito na lamang kalagitnaan ng Mayo. Gagawin daw itong 30,000 bago magtapos ang Mayo, pero sa huling datos ng DOH nitong Mayo 17, wala pa ito sa 10,000 kada araw. Mayroon pa lamang 30 laboratoryo. Nabibilaukan ang mga ito sa dami ng kailangang suriin. Dahil sa bagal, natengga nang halos isang buwan ang mahigit 25,000 migranteng Pilipino sa Manila Bay na naghihintay ng resulta ng kanilang mga test.

Sa kabuuan, 170,072 na indibidwal pa lamang ang nasuri, o 0.15% ng populasyon ng Pilipinas (o 1,546 kada milyon) noong Mayo 17. Malayo pa ito sa rekomendasyon na maisailalim sa testing ang minimum na 2% ng populasyon. Mababa pa ito kumpara sa 2,681 test kada milyon sa Vietnam at sa 14,691 kada milyon ng South Korea.

Sa kaso ng Pilipinas, dapat umabot sa 2.2 milyong indibidwal ang masuri sa loob ng maiksing panahon. Pero kahit maabot ang target sa katapusan ng Mayo, aabutin pa rin ng mahigit 70 araw bago ito magawa. Kung ganito kabagal, hindi pa rin mahahabol ang bilis ng paglaganap ng bayrus.

Kung walang mass testing, hindi madadaig ang Covid-19