Pang-aagaw ng lupa, nasa ubod ng Balik Probinsya

,

Pang-aagaw ng lupa sa kalunsuran at kanayunan ang nasa ubod ng programang Balik Probinsya ng rehimeng Duterte. Inilalako ni Rodrigo Duterte at kanyang alipures na si Christopher Go ang programa bilang solusyon sa pagsisiksikan sa Metro Manila sa panahong nananalasa ang pandemyang Covid-19. Pero hindi bago o orihinal ang programang ito.

Bawat gubyerno mula kay Marcos hanggang kay Benigno Aquino ay may kani-kanyang programang “balik prubinsya.” Ilang dekada nang tinatangka ng reaksyunaryong estado na itaboy ang maralita sa mga primera klaseng lupa sa Metro Manila para ibigay ang kanilang pwesto sa mga burgesya-kumprador at kanilang dayuhang mga kasosyo.

Sa ilalim ng Balik Probinsya ni Duterte, ang ibibigay sa mga maralita sa mga prubinsya ay mga lupang okupado na ng mga setler at katutubo. Kabilang dito ang ibibigay sa kada pamilyang magbabalik prubinsya na 15-ektaryang pampublikong lupa para tamnan ng mga puno sa ilalim ng National Greening Program. Saklaw ng programang ito ang mga sakahan ng mga setler at lupang ninuno ng pambansang minorya na tinarget sa pagpapalawak ng mga plantasyon ng komersyal na kahoy.

Imbes na Balik Probinsya, hinihingi ng mga maralitang lungsod ang mabilis na pagtatayo ng mura at disenteng pabahay para sa masa bilang solusyon sa pagsisiksikan sa Kamaynilaan at iba pang sentrong lungsod. Dapat tugunan nito ang hinaing ng mga maralita para sa trabaho, dagdag na sahod at kita, at mga serbisyong sosyal, imbes na itapon sila sa kanayunan kung saan mas mataas pa ang tantos ng kahirapan at wala rin silang mahahanap na trabaho.

Upang solusyunan ang pagdagsa ng mga tao sa mga lunsod, kailangang paunlarin ang ekonomya sa kanayunan sa pamamagitan ng libreng pamamahagi ng lupa at pagtatayo ng mga industriya sa mga prubinsya na nakaugnay sa produksyong agrikultural.

Pang-aagaw ng lupa, nasa ubod ng Balik Probinsya