Pamamayagpag ng mga dinastiyang pulitikal
Matagal nang pinaghaharian ng mga dinastikong pamilya ang pulitika ng Pilipinas sa lahat ng antas.
Sa listahan ng mga nailuklok noong eleksyong 2019, mayroong 163 pamilya na may hindi bababa sa dalawang kasapi ang nakaupo ngayon bilang senador, kongresista, o di kaya’y gubernador. Walumpu’t walo sa mga pamilyang ito ay mula sa Luzon, 29 sa Visayas, habang 44 naman ang sa Mindanao. Hindi ito nalalayo sa eleksyong 2013, kung saan 169 sa 200 mga kongresista ay nagmula sa mga pamilyang nasa pulitika mula pa sa dekada 1960.
Sa kasalukuyang Kongreso, 14 sa 24 senador at 162 sa 300 kinatawan ay mula sa mga dinastikong pamilya. Tinatayang 18 dinastiyang pulitikal ang may dalawa o higit pang kasapi ang nakaupo ngayon sa Kongreso, habang anim naman ang mag-asawa. Sa mga kinatawan ng mga distrito, 153 sa 247 o 62% at siyam na kinatawan ng mga partylist ang nagmula sa mga dinastiya.
Samantala, 60 naman sa 81 gubernador sa bansa ang mula sa mga dinastikong pamilya. Mayroon hindi bababa sa 108 kamag-anak ang mga ito na nakaupo rin sa iba’t ibang pusisyon sa lokal na gubyerno bilang mga bise gubernador, board member, alkalde, bise alkalde at konsehal.
Liban kay Rodrigo Duterte, nanggaling sa mga dinastikong pamilya ang pinakamataas na upisyal ng bansa. Sa Senado, nakaupo si Sen. Vicente Sotto, pang-apat na henerasyon ng dinastikong pamilyang Sotto mula sa Cebu. Pinamumunuan naman ang Mababang Kapulungan ni Alan Peter Cayetano na ika-2 henerasyong dinastiko mula sa Taguig. Sa gabinete, nakaupo si Mark Villar ng dinastikong pamilyang Aguilar-Villar ng Las Piñas City. Apat na myembro ng pamilyang ito ang kasalukuyang nakaupo sa pinakamatataas na pusisyon sa pamahalaang lunsod ng Las Piñas habang isa pa ang itinalaga bilang undersecretary. Sa mga prubinsya, namamayagpag ang mga dinastiyang Singson ng Ilocos Sur (14 na kapamilya ang nasa poder), Dy ng Isabela, Ortega ng La Union, at Matugas ng Surigao del Norte na may tig-siyam na myembro ng pamilya na nasa poder.
Pamana ng kolonyalistang Espanyol ang mga pamilyang dinastiya. Nakonsolida ang mga ito sa paghahari ng kolonyalistang Amerikano kung saan kinasangkapan sa pananakop ang mga lokal na pamilya sa pamamahala ng umuusbong na bansa. Ang iginawad ng mga kolonyalista na kapangyarihan at ari-arian sa mga pamilyang ito ang nagtiyak na mamamayani ang kanilang angkan sa sumunod na mga dekada. Kapalit nito, sila ang pangunahing tagapagtiyak na napapanatili ang kaayusang malakolonyal na pabor sa kanilang mga amo at ang malapyudal na sistema sa lipunang pinakikibangan nila.
Sa sumunod na siglo, ginamit ng mga pamilyang ito ang kanilang pwesto para magkamal ng pondo, lupa, negosyo at mga ari-arian, gayundin ng mga pabor at benepisyo mula sa kapwa nilang mga panginoong maylupa, burges kumprador at iba pang burukrata-kapitalista. Hindi ito nabago sa deka-dekada nang mga eleksyon, at kahit sa pagbagsak ng isang diktadura. Katunayan, umusbong ang 86 bagong mga dinastiya mula nang ibagsak ng isang People Power ang diktadurang Marcos noong 1986. Kabilang dito ang mga Binay ng Makati, Andaya ng Camarines Sur at Cua ng Palawan. Bago nito, mayroon nang 71 dinastisyang pamilya sa pulitika ng bansa.
Sa pamamagitan ng pananatili sa poder ay natitiyak ng mga dinastiko na nakapagkakamal sila ng yaman sa pamamagitan ng pandarambong at pagtanggap ng lagay at kikbak mula sa mga pampublikong kontrata. Natitiyak din nila ang interes sa negosyo ng kani-kanilang mga pamilya, kamag-anak, kaibigan at alyado, habang nakakakuha ng pabor mula sa mga katransaksyong mga kontraktor, ahensyang pinansyal, dayuhang kapitalista at bangko. Nakokonsentra sa kamay ng iilang pamilyang ito ang mga rekurso ng bansa na halos hindi na napakikinabangan ng mga mamamayan.
Sa mas atrasadong mga prubinsya, ang mga dinastiko ay kadalasang mga warlord din na nagmamantine ng malalaking pribadong hukbo. Nagpupunla sila ng katapatan sa militar at pulis para protektahan ang kanilang mga negosyo at sindikatong kriminal, at supilin ang sinumang hahamon sa kanilang paghahari.