Sa bigong pagharap ni Duterte sa pandemya, sa rebolusyon bumabaling ang bayan

,

Sa harap ng mabilis na pagkalat ng Covid-19 na gumugupo sa mga ospital, nanawagan sa gubyernong Duterte ang mga manggagawang pangkalusugan ng komprehensibong pagbabago sa estratehiyang kontra sa Covid-19. Sa halip na tugunan ang mga panawagang ito, galit silang sinumbatan ni Duterte sa pagsasapubliko ng kanilang mga panawagan at tinuya silang “kung rebolusyon ang gusto niyo, gawin niyo, ngayon na.”

Hindi malayong matuluyan nga si Duterte kung puro pa rin militar at pulis ang pangharap niya sa pandemya at kung hindi niya titigilan ang paninindak sa mamamayan. Lalo lang silang napupukaw dahil sa hirap at pagdurusang hatid ng bigong pagharap ni Duterte sa pandemya. Parami nang parami ang hayagan na ang galit at pagtutol. Lalong lumilinaw sa kanila na si Duterte mismo ang pinakamalaking hadlang sa kakayahan ng Pilipinas na lagpasan ang pandemya.

Dahil sa pasistang oryentasyon at utak ni Duterte at kanyang kampon ng mga palpak na heneral na humahawak sa Inter-Agency Task Force, ang pandemyang Covid-19 ay tinatratong mas usapin ng pambansang seguridad at pampulitikang kaligtasan, kaysa isang krisis sa pampublikong kalusugan. Mas humaling silang sugpuin ang diskuntento kaysa ang bayrus. Sinamantala niya ang sitwasyon para isabatas ang Anti-Terror Law at angkinin ang karagdagang kapangyarihang lagpas sa konstitusyon. Nangangati si Duterte na gamitin ang mga kapangyarihang ito para patahimikin ang lahat at seguruhin ang kanyang poder.

Mula’t sapul, binalewala niya ang kahilingang kagyat na ipatupad ang libreng mass testing at libreng paggagamot sa mga pasyenteng may Covid-19. Wala, kulang o huli ang mga hakbang para palakasin ang mga pampublikong ospital at laboratoryo, magrekrut ng karagdagang mga nars, bigyan sila ng sapat na personal protective equipment, itaas ang kanilang sahod at bigyan ng segurong medikal.

Nasasagad na ang mga ospital at pasilidad medikal, kaya napupuwersang mag-rotation sa trabaho nang 10 araw o higit pa ang mga duktor at nars. Mas mataas ang tantos ng nahahawa at namamatay na mga manggagawang pangkalusugan. Nabibilaukan na ang mga laboratoryo at di kayang sabayan ang dami ng kailangang eksamenin. Mabagal ang pag-uulat ng datos kaya’t bahaw na ang nabubuong impormasyon hinggil sa pandemya.

Dahil dito, patuloy na dumarami ang kaso ng Covid-19 sa Pilipinas, at lalong bulnerable ang mga Pilipino sa pandemya. Sumirit ang mga kaso ng Covid-19 sa 120,000, apat na beses na mas marami kumpara sa nakaraang buwan. Dumoble sa mahigit 2,000 ang bilang ng namatay
Nakasalalay pa rin ang rehimen sa mga lockdown para di kumalat ang impeksyon. Tunog Marcos si Duterte na isinsisisi sa mga taong “walang disipina” para bigyang matwid ang mga paghihigpit at pagsupil sa mga karapatan bilang pangunahing tugon sa pandemya. Pinupwersa ang mga tao na manatili sa mga bahay na walang kita o kabuhayan at walang napapanahon at sapat na ayuda.

Sa Metro Manila, ilampung libo ang nagkukumahog na makauwi sa kanilang mga prubinsya. Walang katinuan ang mga patakaran sa pagbiyahe na nagreresulta sa pag-ipon ng libu-libo sa mga paliparan, piyer at istadyum na naghihintay ng biyahe. Daan-daan ang malamang nahawa dito at nagdala ng sakit sa mga prubinsya. Marami ay nag-ulat na ang una nilang mga impeksyong Covid-19 ay nagmula sa mga umuwing OFW at mula sa Maynila.

Pagkawasak sa ekonomya ang hatid ng nagtagal na mga lockdown ni Duterte. Lalong bumilis ang pagdausdos ng ekonomya na sumasadsad na bago pa ang pandemya dahil sa pandaigdigang krisis ng kapitalismo. Milyun-milyon ngayon ang nagugutom at nagiging desperado. Libu-libo ang kailangan nang mamalimos sa kalsada, lalo’t marami ang wala pang natanggap na ayudad. Walang plano ang rehimen na mamahagi ng dagdag na ayuda sa kabila ng daan-daang bilyong pisong inutang, pero may plano na kaltasan ang buwis ng dayong malalaking kapitalista.
Sa halip na mamuhunan sa mga produktibong sektor para magmanupaktura ng kinakailangang mga kagamitang medikal at iba pang kailangang mga kalakal para lumikha ng trabaho at bawasan ang pagiging palaasa sa pag-aangkat, nagkandarapa ang rehimen sa pangungutang upang pondohan ang mga batbat sa korapsyong mga proyektong pang-imprastruktura.

Sinamantala ni Duterte ang pandemya upang konsolidahin ang kanyang tiranikong rehimen at ibayong pahigpitin ang kontrol sa pasistang estado. Sa ilalim ng bagong batas sa terorismo ng rehimen, walang kaparis ang dagdag na kapangyarihan para supilin ang kanilang demokratikong mga karapatan. Sa gitna ng pandemyang Covid-19, unang prayoridad ng tirano ang kontrainsurhensya at pampulitikang panunupil.

Sumusuka si Duterte ng pinakamaruruming propaganda laban sa mga pwersang patriyotiko, progresibo at rebolusyonaryo, at pinakakalat ang pinakaatrasado, di siyentipiko at bulok na ideya sa tangkang lasunin ang isip ng mga tao at habampanahon silang panatilihing tuliro. Subalit, habang lalong dumadaluhong ang mga kasinungalingan at pagpapanggap ni Duterte, lalo niyang pinupukaw ang galit ng mamamayan at ginagatungan ang alab ng kanilang damdamin.

Habang lalong ginagamit ni Duterte ang pandemya para pahigpitin ang kapit sa poder, palakihin ang kinakamal na yaman mula sa pondong pampubliko, pagsilbihan ang pang-ekonomyang interes ng pinapaburan mga oligarko, at lalong magmanikluhod sa China at isuko ang soberanyang pang-ekonomya ng bansa kapalit ng pabor pampinansya at pampulitika, lalong nakukumbinse ang mamamayan na walang ibang dapat gawin kundi ang sama-samang isigaw ang pagpapabitiw o pagpapatalsik sa tirano. Alam ng sambayanang Pilipino na hindi pwedeng hintayin ang bakuna o ang 2022, dahil tiyak na bago nito ay isasadlak ni Duterte ang bayan sa mas malala pang kalagayan.

Patuloy na nagtatagpo ang mga ulap ng makapangyarihang unos. Lumalakas at umiipon ang diskuntento ng mga tao at naghihintay na lumiyab sa isang malaking apoy na tiyak sisindak sa tirano at hihigitan ang pinakamalala niyang bangungot. Dapat pag-ibayuhin pa ng mga tao ang pag-oorganisa at itaas ang kakayahang maramihang pakilusin ang kanilang hanay. Di maglalaon, mapangingibabawan ng sambayanang Pilipino ang terorismo ng rehimen at ang panunupil ng estado, at magagawang tipunin sa lansangan ang kapangyarihan ng bayan. Gustong maniwala ni Duterte na nadaig na niya si Marcos sa nagawa niyang pagtatatag ng diktadura na hindi nagdeklara ng batas militar. Subalit sa katapusan, makikitang wala siyang pinag-iba kay Marcos na pinalayas ng di malulupig na lakas ng nagkakaisang bayan.
Habang pinaiigting ng kinamumuhiang rehimen ang anti-demokratiko at anti-komunistang mga pagtuligsa at pag-atake, ang sambayanang Pilipino, laluna ang mga kabataan, ay lalong nagiging bukas sa rebolusyonaryong propaganda at edukasyon. Inilantad ng pandemya ang saligang mga suliranin ng malakolonyal at malapyudal na sistema na malulutas lamang sa pamamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan.

Sa pamamagitan ng walang kapagurang pagpukaw, pag-organisa at pagpakilos sa mamamayan, mabilis na napalalawak at napalalakas ng rebolusyonaryong kilusan ang kanyang hanay kapwa sa lihim na kilusang masa sa kalunsuran at sa armadong kilusan sa kanayunan. Hindi nauupos at hindi nalulupig ang pambansa-demokratikong hangarin ng sambayanang Pilipino.

Sa bigong pagharap ni Duterte sa pandemya, sa rebolusyon bumabaling ang bayan